KAMPANYA LABAN SA KATIWALIAN MAS PATITINDIHIN NG BOC SA 2020

0

(Ni JOEL O. AMONGO)

MAS magiging mahigpit na ang Bureau of Customs (BOC) sa kanilang operasyon  pagpasok ng taong 2020 upang matigil ang ‘graft and corruption’ sa Aduana.

Ito ang ginawang paniniyak ni  Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa kanyang mensahe noong Kapaskuhan kasabay nang pasasalamat sa kooperasyon at pakikiisa ng lahat sa taong 2019.

“Dahil sa pagtutulungan ng bawat isa sa kagawaran ay naipatupad ang bagong sistema at mas napadali ang pro­seso sa pagkakaroon ng ngipin sa mga hakbang para matigil ang graft and corruption,” ayon kay Guerrero.

“Nag-level up ang ating tanggapan sa usapin ng service delivery, intelligence gathering at over operations optimization,” dagdag pa ng commissioner.

Kasabay nito, inihayag ni Guerrero ang kanyang ‘10-point priority program’ sa BOC na naglalayong  mabalangkas at mabigyan ng focus ang kanilang adhikain upang maging epektibo tungo sa pagiging world-class ang serbisyo.

“Let us enjoy the rewards of our hard work by spending time with family and loved ones this season. And may our celebrations also give us more reason to face 2020 with renewed vigor and stronger drive to serve and to succeed,”  dagdag pa ni Guerrero.

Read More

PHL SPORTS 2019: MAKASAYSAYAN, MATAGUMPAY

0

(NI VT ROMANO)

MAGANDA ang naging pasok ng 2019 sa Philippine sports at lalong maganda ang naging pagtatapos nito.

PACQUIAO PANALO; DONAIRE TALO
Bumalik sa American soil si eight-division world champion Manny Pacquiao nang labanan si Adrien Broner noong Enero sa Las Vegas.

Iyon ang muling pagtapak ni Pacquiao sa Amerika matapos ang dalawang taon, kung saan sinubukan niyang lumaban sa Australia at Malaysia.

Tinalo ng Fighting Senator si Broner sa pamamagitan ng unanimous decision at napanatili ang regular WBA welterweight crown na kanyang talunin si Lucas Matthysse sa Kuala Lumpur noong Hulyo 2018.

Ito ang nagsilbing pagbabalik ng Pambansang Kamao sa US boxing scene.

Sinundan ito ng malaking panalo noong Hulyo, nang kanyang dominahin ang dating undefeated na si Keith Thurman, upang tanghaling super champion ng 140-lb division.

Sa nasabing dalawang laban ni Pacquiao sa US, sinaksihan ito ni Floyd Mayweather. Kaya muling nagkaroon ng haka-hakang magkakaroon ng rematch sa pagitan ng dalawa.

Kung matatandaan, ang kanilang 2015 showdown ay isang napakalaking blockbuster sa kasaysayan ng professional boxing.

Pero, kung si Pacquiao ay tagumpay sa kanyang dalawang naging laban, bigo naman si Nonito Donaire sa kanyang tangkang angkinin ang IBF at WBA bantamweight crowns.

Natalo si Donaire kay Japanese ‘Monster’ Naoya Inoue sa kanilang World Boxing Super Series sa Saitama, Japan.

ANCAJAS’ 8TH TITLE DEFENSE; CASIMERO CHAMP ULIT

Matagumpay namang napanatili ni Jerwin Ancajas sa ikawalong sunod na pagkakataon ang kanyang IBF super flyweight crown sa Puebla, Mexico.

Nanaig si Ancajas via 6th round TKO laban kay Miguel Gonzales.
Muli namang tinanghal na world champion si Johnriel Casimero matapos niyang ma-TKO sa 3rd round ang paboritong si Zolani Tete sa sagupaang ginanap sa Birmingham, England.
Si Casimero ay dating IBF junior at flyweight at WBO interim champion.

 1ST OLYMPIC TICKET KAY OBIENA

Naging unang Filipino athlete si EJ Obiena na nakakuha ng tiket para makasabak sa 2020 Tokyo Olympics.
Humablot si Obiena ng gold medal sa isang tournament sa Chiara, Italy makaraang magtala ng 5.81-meter leap.
Ang 6’1” pole vaulter ay nilampasan ang Olympic qualifying standard na 5.80-meter.
Ang reigning Asian campion ay ni-reset din ang kanyang personal best at national record na 5.76 meters.
Kasunod nito, ipinamalas ni Obiena ang husay nang angkinin ang gold medal at magtala ng bagong SEA Games record na 5.45 meters sa katatapos na biennial meet.

YULO, GYMNAST WORLD CHAMP AT OLYMPIC QUALIFIER

Sa unang pagkakataon ay narinig ang Philippine national anthem sa world gymnastics stage, nang ipagkaloob ni Carloe Edriel Yulo ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa world championship sa Stuttgart, Germany.
Wagi ang 19-anyos na si Yulo sa paborito niyang event na men’s floor exercise sa World Artistic Gymnastics Championship.
Bukod dito, naging ikalawang Filipino athlete si Yulo na nakasungkit ng tiket para makasabak sa Olympic Games sa Tokyo.
Hindi rin nagpahuli si Yulo sa SEA Games. Katunayan, siya ang most bemedalled athlete sa hinakot na dalawang ginto at limang silver medals. Siya rin ang may pinakamalaking naibulsang insentibo.

 6TH AT 96TH NG NU LADY BULLDOGS

Hindi nagpaawat ang National U Lady Bulldogs ni coach Patrick Aquino, nang angkinin ang ikaanim na sunod na UAAP women’s basketball title at ika-96 sunod na panalo, na nagsimula noon pang 2014.
Tinalo ng Lady Bulldogs ang UST Tigresses, 66-54 sa Game 2 ng best-of-three series.

ARRIBA LETRAN @ NCAA SEASON 95

Masasabing pinakamalaking upset na nangyari sa Philippine sports ang pagkaka-dethrone ng Letran Knights sa 4-peat seeking San Beda Red Lions, para angkinin ang Season 95 ng NCAA men’s basketball championship.
Tinalo ng Knights sa dikitang 81-79 do-or-die Game 3 ang Red Lions sa MOA Arena, na tumapos ang three-year reign ng San Beda.
Ito rin ang unang titulo ng Letran sapul nang magkampeon noong 2015, kung saan ang noo’y five-year run ng San Beda ang pinutol ng Knights.

BLUE EAGLES, KAMPEON PA

Sa simula pa lamang ng UAAP Season 82, ang defending champion Ateneo Blue Eagles na ang inasahang muling magkakampeon.

At iyon nga ang nangyari.

Winalis ng Blue Eagles ang first at second round ng elimination, upang dumeretso sa finals at nag-abang na lang ng makakasagupa.

Walang naging oposisyon ang tropa ni coach Tab Baldwin, na nagtala ng perpektong 16-0 record.

Hindi pinaporma ng Ateneo ang UST, 86-79 sa Game 2 ng Finals.

Binuhat ni Thirdy Ravena at ng Nieto twins, Matt at Mike ang Ateneo sa 3-peat, bagay na nabigong gawin ni Kiefer noong panahon niya bilang king Blue Eagle.

GILAS PILIPINAS DEBACLE @ WC

Kung mayroong pinakamalaking kabiguang natamo ang Pilipinas sa 2019, ito ay ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup sa China.

Bokya ang tropa ni coach Yeng Guiao matapos matalo sa kamay ng Italy (108-62), Angola (84-81), Iran (95-75), Serbia (126-67) at Tunisia (86-67).

Ang national team ay binuo nina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Game Norwood, Paul Lee, Andray Blatche, Raymond Almazan, Roger Pogoy, CJ Perez, Kiefer Ravena, Troy Rosario, Mark Barroca at Robert Bolick.

Pagbalik sa Pilipinas, agad nagbitiw si Guiao bilang head coach ng national team at inako ang responsibilidad sa bigong kampanya sa China.

Bunga nito, hindi rin nakakuha ng slot ang Pilipinas para sa 2020 Tokyo Olympics.

SEA GAMES OVERALL CHAMPION

Pinakamagandang regalong natanggap ng Pilipinas bago magsara ang 2019 – – ang overall championship sa SEA Games.

Humakot ng 149 gold medals ang mga atletang Pinoy sa 30th edition ng biennial meet, upang angkinin sa ikalawang pagkakataon ang kampeonato, na unang nakamit noong 2005 na ang Pilipinas din ang host.

Gaya ng dapat asahan, nagdeliber ang mga atletang tulad nina gymnast Carlos Yulo, pole vaulter EJ Obiena at iba pang tracksters, weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal, national boxers sa pangunguna ni Eumir Marcial, ang mga pambato sa sepak takraw, dancesports, billiards, arnis at iba pa mula sa combat sports.

Bumawi ang Gilas Pilipinas men’s team, nang walisin ang 5×5 event.

Na-sweep ng Pilipinas ang basketball event, nang magwagi rin ang men at women’s 3×3 teams.

Habang ang women’s 5×5 team ay tinanghal na kampeon ng rehiyon sa unang pagkakataon.

Sa kabuuan, halos puro positibo ang naganap sa Philippine sports.

Babaunin ng mga magandang pangyayaring ito sa pagpasok at pakikibaka muli ng mga atleta sa 2020.

 

 

Read More

GABAY SA ‘REX SYSTEM’ IPINALABAS

REX SYSTEM
0

KAMAKAILAN, naglabas ng panuntunan at gabay ang Bureau of Customs kaugnay sa implementasyon ng Registered Exporters (REX) System na magpapatunay sa pinanggalingan ng kalakal.

Ang sistema ay ipinakilala ng European Union (EU) base sa kanilang kagustuhang pamamaraan sa negosyo o kalakalan.

Batay sa Customs Memorandum Order 50-2019 na ni­lagdaan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero noong Nobyembre 26, sakop ng guidelines ang pagpapatupad ng REX kung saan kasama ang Rules of Origin.

Ang batayan ay inilatag sa EU Delegated Regulation No. 2015/2446 at EU Commission Implementing Regulation 2015/2447 ng Union Customs Code (EU Regulation No. 952/2013 gayunman, tanging ang BOC ang pwedeng magpatupad ng bagong sistema.

Kaugnay sa nasabing sistema, pinapayagan ang registered exporters na mag self-certify ng kagustuhang pinagmulan ng kalakal na tuparin ang Statement of Origin sa ilalim ng Generalized System of Preferences sa invoice o iba pang commercial document na tumutukoy sa exported products.

Ang registered expor­t­ers ay hindi na kailangan pa na mag-apply para is­yuhan ng certificate of origin sa bawat export.

Ang exporters ng Pilipinas ay maaaring magparehistro sa REX system hanggang Hunyo 30, 2020.

Inaasahang magi­ging malaking tulong sa kalakalan sa Pilipinas ang sistema kapag naipatupad ito.    (Joel O. Amongo)

Read More

BOC NAMAHAGI NG BIYAYA

relief goods-7
0

NAGSANIB puwersa ang dalawang tanggapan ng Bureau of Customs (BoC) sa pagbibigay ng relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol sa Barangay Maraga-a, Kiblawan, Davao Del Sur bago ang Kapaskuhan.

Nangalap ng ‘Noche Buena’ packages ang mga opisyales at tauhan ng Port of Manila at Port of Davao para may magamit sa araw ng Pasko ang biktima ng lindol na pansamantalang tumitigil sa ilang evacuation centers.

Nais ng POM at POD na sa pamamagitan ng kanilang tulong ay pansamantalang maibsan ang dinadalang bigat sa dibdib ng mga residenteng nawalan ng tirahan dahil sa lindol.

Samantala, ang Port of Clark ay namigay ng pagkain at mga regalo sa mga batang Aeta sa Sitio Target Integrated School sa Barangay Sapangbato, Ange­les City bilang bahagi ng kanilang anniversary celebration at annual Christmas Charity Activity.

Pinangunahan ni Port of Clark District Collector Atty. Ruby Alameda ang kanyang mga tauhan sa pamimigay ng regalo sa mga batang Aeta.

Maging ang Port of Cebu ay nagkaroon ng ‘Annual Thanksgiving Party’ na dinaluhan naman ng mga empleyado nito na pinangunahan ni Acting District Collector Atty. Charlito Martin Mendoza.

Ipinaabot ni Mendoza sa mga empleyado at lahat ng stakeholders ang kanyang taos pusong pasasalamat sa kanilang malaking kontribusyon na naging dahilan kaya naabot nila ang kanilang  target collection. (Boy Anacta)

Read More

BIGYAN NATIN NG DANGAL AT SAYSAY ANG ALAALA NI RIZAL

FORWARD NOW
0

Ginugunita ng buong bansa ang pagkamatay ng martir nating bayani, ang Filipino na itinuturing natin hanggang sa ngayon bilang pinakada¬kilang tao na siyang nagsabuhay ng tunay na patriyotismo at pagmamahal sa bayan.

Minsan na itong napag-usapan ng mga eksperto sa kasaysayan, maging mga itinuturing na pantas sa buhay at pagkatao ng Pambansang Bayani: kung si Gat. Jose Rizal ay buhay at nakakasalamuha natin ngayon, papaano kaya niya isinasabuhay ang kanyang mga turo sa gitna ng mga katotohanan ng kasalukuyang panahon?

Batay sa aking pagkakaalala sa aking mga napag-aralan at pagbabasa, ang bayani na kilala sa kanyang maraming abilidad at pagkadalubhasa sa kasaysayan, medisina, literatura at mga sining, kanya pa ring isusulong ang kritikal na pag-iisip sa mga bagay na bumabagabag sa pambansang kamalayan.

Kanya pa ring isusulong ang edukasyon at pagmamahal sa wika bilang pambansang prayoridad, kaiba sa pokus ng edukasyon sa kasalukuyan na nakatuon sa pagkakakitaan pagkatapos ng mahabang panahon sa elementarya, hayskul at pamantasan.

Bagama’t hindi nito kakaligtaan ang mga math, mga siyensya at ang mga sining, itutulak nito ang pagpapakadalubhasa at pagpapalaganap sa mga larangang ito gamit at tangan ang Filipino at ang wikang tinubuan.

Dahil sa kanyang mahabang karanasan sa pagpalag laban sa imperialismo ng mga naghaharing uri, itataguyod nito ang paglaganap ng kasarinlan ng mga lalawigan at nayon sa labas ng Kalakhang Maynila kung saan naroon ang sentro ng kapangyarihan.

Sa harap ng lumalawak na banta at usapin ng pananakop at neokolonyalismo, magtuturo pa rin sa kabataan si Jose Rizal at isisiksik sa kamalayan ng nakababatang Filipino na nasa kanila ang kapangyarihang itakda ang direksyon ng bansa.

Sa usapin ng makabagong teknolohiya at social media, mangunguna ito sa pagpapalaganap ng disiplina at pananaliksik upang tuklasin at gawing buhay ang katotohanan sa harap ng malawakang banta ng kapalaluan, maling balita at kasinungalingan.

At hindi ito mangingiming tumuklas ng naiiba at makabagong kaparaanan, sa polisiya at mga batas, upang tugunan ang pamamayagpag ng kamangmangan, pagsuko at pagbabagong dikta ng mga impluwensyang Kanluranin at dayuhan.

Sa mga kabataan ng Rizal at Pilipinas, huwag tayong tumigil sa pag-aaral at mga  kaalamang ito. Isabuhay natin ang mga leksyon halaw sa buhay ng ating pambansang bayani. Sa pamamagitan ng ating indibidwal na buhay, bigyan natin ng dangal at saysay ang kasaysayan. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

Read More

POSITIBONG PANANAW PARA SA 2020

Sa Ganang Akin
0

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na ang pagpapalit ng taon ay nagbibigay sa bawat isa ng pag-asa na ang bagong taon na papasok ay magiging mas maganda para sa bawat isa. Ang paniniwalang ito ay naaangkop din para sa ating bansa.

Bunsod ng naging magandang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2019, napakalaki ng pag-asa na magiging mas maganda at maunlad ito sa taong 2020.

Ayon din kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno, epektibo ang “catch up” plan ng gobyerno dahil sa naging magandang takbo ng ekonomiya natin sa ikatlong bahagi ng 2019. Ang naging magandang takbo ng ekonomiya ng bansa ay maituturing na isa sa pinakamabilis kumpara sa mga malalaking ekonomiya. Sa kabila ng bu-magal na ekonomiya ng buong mundo, naging maganda pa rin ang takbo ng sa Pilipinas.

Sa pagpasok ng 2020, ang buhul-buhol na trapiko ang pinakamabigat na problema ng bansa lalo na sa Metro Manila. Ayon sa datos, tinatayang umaabot sa bilang na 380,000 hanggang 400,000 ang dami ng sasakyang dumadaan sa EDSA kada araw.

Hindi naman tumitigil ang gobyerno sa paghanap ng solusyon sa problemang ito. Sa katunayan, sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na inaasahang makararanas ng kaginhawaan sa pagbiyahe ang mga moto-rista at mga komyuter ngayong 2020 sa pagtatapos ng Sky Way Stage 3.

Isa ring problema na patuloy ding kahaharapin ng bansa ay ang problema ng numinipis na supply ng kuryente sa bansa lalo na sa panahon ng tag-init kung saan likas ang pagtaas ng demand sa kuryente bunsod ng mataas na temperatura na dala ng tag-init.

Ang Meralco ay handang harapin ang anumang isyu sa supply ng kuryente na maaa-ring kaharapin ng bansa sa taong 2020.  Mayroong mga programang nakalatag ang Meralco na siyang pangontra sa kakulangan ng supply ng kuryente sa bansa.

Una, hinihikayat ng Me-ralco ang mga customer nito na gawing bahagi ng buhay ang pamamaraan ng Energy Saving and Efficiency upang makatulong sa pangangasiwa ng demand sa kuryente lalo na sa panahon ng tag-init.

Ikalawa, ang Interruptible Load Program o ILP na isinasagawa sa pakikipagtulungan ng mga commercial at industrial na customer ng Meralco. Kapag kinakailangan, gumagamit sila ng sariling genset upang mas malaking bahagi ng maaaring magamit na supply ay mapunta sa mga residential na customer.

Ikatlo, ang mga pansamantalang Power Supply Agreement. Ito ay nagsisilbing suporta sa mga kontrata ng supply na aprubado ng Energy Regulatory Commission.

Pagdating sa solusyong pangmatagalan, patuloy ang pakikiisa ng Meralco sa buong industriya ng kuryente. Patuloy itong sasailalim sa Competitive Selection Process upang masigurong makukuha ng mga konsyumer ang sapat at maaasahang supply ng kuryente sa abot-kayang halaga.

Isang masaya at masaganang bagong Taon sa inyong lahat! (Sa Ganang Akin /  Joe Zaldarriaga)

Read More

FEDERALISMO

FOR THE FLAG
0

Federalismo ang susi sa pag-asenso sa bansa at masolusyunan ang pumapalawig na pagkakalayo ng kita ng iilan kumpara sa mga ordinaryong mamamayan.

Ito na ang sagot upang mapahina ang kontrol ng oligarkiya sa pamahalaan at mapaigting ang kapangyarihan ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-eestablisa ng mga estado na magkakaroon ng kanya-kanyang Konstitusyon at mga representante at mga senador.

Sa federalism ay magkakaroon ng mas malaking pondo ang mga rehiyon at hindi na makokopo ng isang naghaharing pamahalaan. Maliit na porsyento na lamang kasi ang mapupunta sa kita ng mga lalawigan papunta sa national federal government at ang mas malaking slice ay maiiwan na sa lokal na estado o federal state.

Demokrasya pa rin naman ang bansa sa ilalim ng federalismo, mabubuwag nga lamang ang centralized o unitary form of government na halos 100 taon nang nagpapahirap sa mga mamamayan at lalong nagpapayaman sa mga mayayaman.

Alam ba ninyo mga kamasa na ang kita ng 25 indibidwal sa Pilipinas na pawang mga bilyonaryo ay katumbas ng pinagsama-samang kita ng 25 milyong mga Filipino?

Dapat magbago na ito, dahil hindi lamang ito bansa ng 25 Filipino kundi ng 100 milyong mga Filipino.

Ang federalismo ay hindi agarang solusyon sa mga suliranin ng bansa ngunit simula ito ng tunay na pagbabago sa Pilipinas na magpapatuloy hanggang mga susunod na henerasyon ng mga Filipino.

Nararapat na magsimulang maghanap at umapuhap ng impormasyon ang bawat Filipino ukol sa federalismo dahil ito ang susi sa masaganang pagbabago.

Ang pagsugpo sa epidemya sa droga ay unang hakbang lamang para masiguro na maganda ang kinabukasan ng bansa, ang magsisiguro nito ay isang sistema ng pamamahala na lalansag sa pang-mamanipula sa masa.

Napapanahon na ipagpatuloy pa ng mamamayang Filipino ang pagbabantay at pag-eeduka sa kani-kanilang sarili sa pamamagitan ng palitan ng impormasyon at kaalaman para naman makamtan na ng bawat isa ang inaasam na kaginhawaan. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

Read More

MANDATORY EVACUATION CENTER SA BAWAT LUNGSOD, IGINIIT 

0

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

ISINUSULONG ni Senador Bong Go ang paglalagay ng evacuation center sa lahat ng lungsod, lalawigan at munisipalidad sa buong bansa.

Sa kanyang Senate Bill 1228, iginiit din ni Go ang paglalaan ng pondo para sa pagtatayo ng mga evacuation center.

Ipinaliwanag ni Go sa kanyang panukala na alinsunod sa Konstitusyon, mandato ng gobyerno na protektahan ang buhay, ari-arian at kapakanan ng sambayanan kasabay ng pagpapanatili ng peace and order.

Binigyang-diin ng senador na madalas na tinatamaan ng kalamidad ang bansa dahil sa lokasyon nito sa “Pacific Ring of Fire”.

Sa panahon anya ng kalamidad tulad ng bagyo at lindol, kadalasang nabibiktima ang mga mahihirap na nawawalan ng mga tahanan.

Dahil dito, napapanahon na anyang tiyakin na may mapupuntahan ang publiko na evacuation centers sa panahon ng kalamidad.

Alinsunod sa panukala, ang bawat evacuation center ay dapat na mayroong Sleeping quarters sa evacuees; magkahiwalay na shower at toilet facilities sa babae at lalaki; mayroong emergency/exit doors; ang Food preparation areas ay dapat na may sapat na hangin; mayroong Trash and waste segregation at collection areas; dapat ding mayroong isolation and/or quarantine area para sa infectious persons;gayundin ang rainwater harvesting and collection facilities.

 

Read More

LIZ-QUEN, MAGTATAYO NG BAGONG NEGOSYO

0

(NI BOY ABUNDA)

KAMAKAILAN ay nagbukas na ang ikalawang sangay ng Hope Wellness Spa na pag-aari ni Liza Soberano.

Ayon sa kasintahan ng aktres na si Enrique Gil ay balak na rin nilang magsosyo ngayong 2020 para sa isang bagong negosyo.

“We’re really planning on opening up our own wellness resort spa. I love the ocean kasi and we actually enjoy getting massages, and all things natural. My mom is a big health freak, she really became strict with her diet. She went vegan for a time and ang dami niyang alternative medicines. I really got it I think from my mom growing up to be very health conscious. We don’t really use a lot of chemicals or unnatural stuff in the house. My mom really makes sure that she gets things from places na all natural. And Hope (palayaw ni Liza) to be doing a business like this, it would be just a perfect match if we could bring her Hope Wellness Resort Spa,” pagbabahagi ni Enrique.

Magsisimula na sa Enero ang teleseryeng Make It With You na pinagbibidahan ng tambalang Liz-Quen. Ayon sa aktor ay plano nilang simulan ni Liza ang bagong negosyo kapag nagtapos na ang naturang serye. “Soon, we’re really busy with work kasi but ‘yon ang dream namin ni Hope sa future, to open a resort spa,” giit ng binata.

Naisipan umano nina Enrique at Liza ang tungkol sa itatayong negosyo noong pumunta at naranasan ang serbisyong ibinibigay sa The Farm at San Benito sa Lipa, Batangas. “We just fell in love with the place. I didn’t know na may gano’n pala, ‘yung parang resort na wellness resort spa. Pumupunta pala do’n people who are sick with cancer. When they go there they eat food that’s freshly harvested from their farm. Women who are pregnant, they stay there for the whole pregnancy period just to be very healthy and it’s very calming there.

From all this showbiz things and busy lifestyle and work, to have a little retreat like this. You don’t have to go so far so it’s really amazing. When we saw The Farm, sabi ko, ‘We can open something like this.’ Ako pa naman ang dream ko is build my own resort and I would really love to build wellness resort spa pero gusto namin by the beach,” paglalahad ng aktor. With reports from J.C.C.  

 

Read More