OLIGARKIYA NOON AT NGAYON PUNA

PUNA

SILA-SILA ang namamayagpag noon at ngayon. Ang ibig kong sabihin o ang tinutukoy ko ay ang mga oligarko o ­mayayamang tao at negosyante sa Pilipinas na bagaman iilan-ilan ay nagagawang kontrolin ang halos karamihan ng mga negosyo at kapangyarihan sa bansa.

Ang sila-silang tinutukoy natin ay ang mga pamilyang Ayala, Lopez, Pangilinan, at mga katulad nila.

Ang mga negosyanteng ito ay namamayagpag sa kanya-kanyang panahon o sa madaling salita ay may oras na kinakampihan sila ng nakaupo sa adminsitrasyon.

Noon, hindi natinag ang mga Ayala ng ­administrasyon nina dating Pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo at Benigno Aquino III.

Sa panahon ng ­mag-inang Aquino, namayagpag at naging makapangyarihan ang mga Lopez. Noong simula pa lang nang panunungkulan ni Cory ay nabawi na ang mga kumpanyang dating sinequester ng pamahalaan.

Mula sa pagkabawi, hindi lang nakabangon ang mga Lopez subalit pinasok ng mga ito ang ilang mga kontratang hindi pumapabor sa pamahalaan subalit para lang sa kanilang mga kapakinabangan dahil batid nilang hindi sila tutumba sapagkat nasa likod nila ang mga namumuno sa pamahalaan lalo na ang noon na nasa Malacañang.

Subalit sa panahon ­ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte, madalas ay binabatikos ng pangulo ang isa sa mga pag-aaring ­kumpanya ng Lopez – ang ABS-CBN.

Noon pa man kahit panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, namamayagpag na ang pangalan ni Manny Pangilinan na may-ari ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT). Ang mga Ayala ay kilalang-kilala rin bilang mahuhusay na negosyante kung kaya’t marami silang mga ari-arian lalo na lupa at gusali.

Ngayon, kabilang pa rin sila sa mga prominenteng tao at negosyante sa bansa subalit dahil nabatid ng pangulo ang ilan sa mga kontratang pinasok nila ay nilamangan masyado ang gobyerno, hindi na iyon ­pinalampas ni Presidente Duterte kung kaya’t hinahamon ng ­pangulo ang mga negosyanteng ito na sagutin nila ang mga akusasyon laban sa kanila.

Kailangang patunayan ng mga oligarkong ito na wala silang ginagawang masama at hindi nila nilalamangan ang kanilang kapwa.

Kaso, masyadong ­malinaw pa ang mata at isip ng pangulo kung kaya’t batid nitong may mga kalokohang ginawa ang mga oligarkong ito bukod pa sa masyadong ginulangan ang pamahalaan.

Kaya naman hindi niya pinalampas ang mga ginawa ng mga ito sa kontrata sa pamahalaan, ipinabusising mabuti at saka ibinuking ang kalokohan ng mga bugok na negosyante na nais rin ­yatang pahirapan na mabuti ang mga mamamayan.

Pero kung mahusay ang serbisyo ng mga kumpanyang binabanatan ni Pangulong Duterte malamang ang mamamayan ay kakampi sa mga kumpanyang ito.

Kaya lang, tulad ni Pangulong Duterte, ang mamamayan ay hindi nasisiyahan at hindi masaya sa mga serbisyong kanilang ipinagkakaloob sa bayan.

Lamang, parang ang nais namang paboran ni Presidente Duterte ay kaibigan din niya na tulad ng ilang kumpanyang kanyang binabanatan ay hindi rin naman maganda ang serbisyong ­ibinibigay sa lugar na kanilang napagtayuan ng negosyo.

Yun nga lang sa pinakahuling survey, nangunguna na sa pinakamayamang tao sa Pilipinas si dating ­Senador Manny Villar at pumangalawa na lamang ang may-ari ng SM na si Henry Sy.

At para sa kaalaman ng nakararami, nakalulua po ang kanilang mga yaman.

-oOo-

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com.

 

 

Read More

MAGAGANDANG PROYEKTO SA LUNGSOD NG MAYNILA

OKAY O OKRAY

OKAY ang mga ginagawang suporta ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga Manileño lalo na sa mga mahihirap na mamamayan nito bagaman may mangilan-ngilan na hindi masaya sa kanyang ginagawa at iniisip na anti-poor ang mga ­proyekto ng alkalde. ­Subalit para sa mga totoong Manileño at nagmamahal kay Mayor Isko Moreno, totoong tao ang opisyal na kanilang iniluklok sa pwesto na ang iniisip ay para sa kapakanan ng mga mahihirap na mamamayan.

Isa sa mga Okay na okay na proyekto ni Mayor Isko ay ang pagpapaganda at pagsasaayos ng Andres Bonifacio Shrine na ­naging pasyalan ng maraming mamamayan maging taga-labas man ng Maynila dahil para na itong parke bukod pa sa mayroong libreng wi-fi.

Maging ang ginawang pagpapaganda at pagpapailaw sa Jones Bridge ay super Okay na talaga namang hinangaan ng marami hindi lang ng mga taga-Maynila subalit maging ng mga taga ibang lugar at dayuhan na kapag nagtungo sa Maynila ay hindi puwedeng hindi magpapakuha ng larawan sa nasabing tulay.

Pinaka Okay ay ang pagbubukas ng pinakabagong atraksyon sa lungsod na walang iba kung hindi ang “dancing fountain” sa Andres Bonifacio Shrine na pinasinayaan kamakalawa ng gabi upang maisabay sa pagdiriwang ng mga Filipino sa “araw ng mga puso” ngayong Biyernes na naglalayon na maging pasyalan na walang babayaran. Tama nga naman si Mayor Moreno na hindi kailangang gumastos ng malaki ang magsing-irog dahil puwedeng gawing pasyalan o “dating place” ang lugar.

Samantala, okray kapag hindi ito pinagyaman ng mga Manileño at dapat ay nabantayan ng ilan sa mga nangangalaga nito na ­pinasusuweldo ng Manila City Hall. Hindi dapat maging burara ang mga magtutungo sa lugar na magtatapon ng basura kung saan-saan.

Okray na okray kapag hindi pinahalagahan ng mga magtutungo sa lugar at sa halip ay gagawin nilang lugar kung saan puwedeng pasyalan ng kanilang mga alagang aso na puwedeng umihi at dumumi kung saan-saan.

Pinaka-okray ay kapag binanatan pa si Mayor Isko Moreno sa lahat ng kanyang ginagawang pagsasaayos ng Maynila at ­pagsasakripisyo para sa ikagaganda ng lugar at ikatatagumpay ng nasabing lungsod. LEA BOTONES

Read More

JOHN ARCILLA GAGANAP NA FR. FERNANDO SUAREZ SA ‘SUAREZ: THE HEALING PRIEST’

AYON sa kuwento ni Direk Joven Tan, ilang araw bago binawian ng buhay ang kilalang healing priest na si Fr. Fernando Suarez noong February 6, 2020 ay masaya pa nitong pinanood ang 90 percent ng kanyang bio flick na pinamagatang Suarez: The Healing Priest.

Si John Arcilla ang napili ni Fr. Suarez na gumanap ng kanyang katauhan sa pelikula. Maraming film producers ang nag-attempt na isapelikula ang buhay niya pero sa Sarangola Media Productions niya ito ipinagkatiwala.

Naging kontrobersyal noon ang sikat na healing priest at aminado si John na isa ‘yon sa naging dahilan kung bakit pinag-isipan niyang mabuti kung tatanggapin ba o hindi ang pelikula.

Ani John, “Actually, ang mas naging problema ko noon ay ‘yung controversy. Sabi ko, ayokong gawin ang pelikula para maging taga-pag-promote lang ako ng mga bagay na hindi totoo. So, kailangan kong alamin.

“Hindi ko ito sinabi kay Father noon, so sabi ko, I really have to meet him para makausap ko siya kasi may controversy nga, eh. Nung makausap ko si Father, nakita ko ‘yung sincerity. Naramdaman ko na ‘yung allegation ay allegation lang talaga, so ‘yon ‘yung nagbigay sa akin ng desisyon para tanggapin ito.

“So hindi ako magiging parang tagapagsalita lang niya kungdi ako ay gagawa ng isang kuwento na makatotohanan at talagang makabuluhan at hindi pantakip sa kung anuman, kasi kung ganun hindi ko tatanggapin.”

Nanghihinayang si John na hindI siya nabigyan ng mahabang panahon para makilala si Fr. Suarez.

“Actually, napakaigsi (ng pagkakilala ko sa kanya), kasi hindi ko naman talaga siya kaibigan, eh. Kakilala siya ng mga sister ko  kasi nag-a-attend sila ng healing mass sa kanya, pero hindi sila personal friends. Naririnig ko siya sa mga ate ko, sa mga kaibigan kong uma-attend, tapos talagang na-meet ko lang siya personally noong story conference naming dalawa.

“Nagkwentuhan kami tungkol sa buhay niya kasi gusto kong makita kung  ano yung delimma, ano ‘yung crisis para maging cinematic ‘yung acting. So, sa maikling panahon na ‘yon, sa pagganap ko ng role niya – kasi galing sa kanya mismo ‘yung ibang mga lines, eh, kung ano ‘yung sinasabi ko.

“Yung mahabang-mahabang interbyu na ‘yon, lalo ko siyang nakilala. Sabi nga niya, ‘Itong healing na ito, regalo sa akin ito ng Diyos, pero kahit na wala ito,’ sabi niya patuloy ang biyaya ng Diyos. ‘Ipagpapatuloy ko ‘yung pagtulong sa mga nangangailangan kahit mawala na ‘yung regalo sa akin ng Diyos na panggagamot,’” lahad pa ni John.

Naibahagi rin ng aktor ang ayon sa kanya ay isang “healing experience” sa yumaong pari.

“Sa right time ko dapat sasabihin sa kanya kung ano yung nangyari sa akin. Kasi bago kami matapos (mag-usap), sabi ko, ‘Father heal me.’ Yumuko ako tapos hinawakan niya yung batok ko.

“Ang nakita ko – alam mo yung image ni Christ na kulay blue lang siya, ‘yung shadow lang ha, ‘yung face lang ha. Tapos tumingin ako sa kanya, nag-smile lang ako.

“Gusto ko lang siyang i-feel at ayoko muna siyang ikuwento kasi baka naman sabihing, ‘Si john, porke sinabing healing priest may pa ganun-ganun na siya,’ pero totoo… totoo. Tapos sabi ko nga sasabihin ko sa kanya sa right time pero hindi ko na masasabi sa kanya,” kuwento niya sa amin.

Eh, ano sa palagay niya ang na-heal sa kanya ni Fr. Suarez?

Sagot ni John, “Actually, hindi ko alam kung anong na-heal sa akin kasi wala naman akong ailment, wala akong sakit, pero the fact na nakita ako ng image, whatever is that, hindi naman ako basta pumikit lang na nakita ko ‘yung image kasi ginanun (hinawakan) niya ‘yung batok ko, so whatever is that,  kahit wala akong nararamdamang sakit nung araw na yon, I’m sure psychologically or emotionally something happened to me.”

Kasama rin sa Suarez: The Healing priest si Dante Rivero, Troy Montero at iba pang seasoned actors.

 

Read More

NGAYONG WALA NANG VFA EDCA IBABASURA RIN NI DIGONG

MALAKI ang posibilidad na bawiin din ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Estados Unidos.

“The way his body language says, mukhang ayaw niya na rin niyan. Kasi considering na sinasabi niya na it’s about time to stand on our own, strengthen our resources, our capabilities of defending our country,” ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo.

Ang pahayag na ito ni Sec. Panelo ay matapos na pormal na ipaalam ng Pilipinas sa gobyerno ng Estados Unidos ang intensyon ni Pangulong Duterte na tapusin na ang Visiting Forces Agreement (VFA), na nagsisilbing gabay ng mga bumibisitang US personnel na makapagdaos ng military exercises sa Pilipinas.

“We can’t be relying forever. We cannot be a parasite to every country na gusto natin tumulong sa atin,” ayon kay Sec. Panelo.

Nilagdaan ang EDCA noong 2014 na naglalayong pahintulutan ang US “to build structures; store as well as preposition weapons, defense supplies and material; and station troops, civilian personnel and defense contractors, transit and station vehicles, vessels, and aircraft for a period of 10 years.”

Ang EDCA ay resulta ng strategic pivot sa Asia ni dating US President Barack Obama na nagbibigay pahintulot sa deployment o pagpapadala ng mayorya ng US warships sa world’s most dynamic economic region.

Para naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kapag na-terminate ang VFA ay magiging “practically useless” ang EDCA at ang Mutual Defense Treaty ay magiging “hollow agreement.”

Samantala, wala namang balak si Pangulong Duterte na i-renegotiate ang VFA. “Hindi siya open. Hindi nga siya open na tayo ay pumasok sa mga military agreement sa ibang bansa eh,” ayon kay Sec. Panelo. CHRISTIAN DALE

Read More

242 PATAY SA MAGDAMAG SA COVID-19 HUWAG MAG-PANIC. -PDUTERTE

UMAPELA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa publiko na manatiling mahinahon sa harap ng nananatili pa ring banta ng COVID-19.

Sa taped video message na inilabas ng Radio Television Malacañang, hinimok ng Punong Ehekutibo ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa pamahalaan.

Ayon sa Pangulo, patuloy ang ginagawang pagtutulungan ng gobyerno, World Health Organization gayundin ng mga nasa pribadong sektor na sama-samang naghahanda sa anomang maaaring mangyari.

Tiniyak din ng Chief Executive na hindi magpapabaya ang pamahalaan at nakahanda nitong iuwi ang mga Filipino na nananatili sa ilang lugar sa China na kasalukuyan pa ring naka-lockdown.

Pinayuhan din ni Pangulong Duterte ang publiko na huwag patulan ang mga haka-haka na ang layunin ay maghasik lamang ng takot at sa halip, makinig lamang sa mga impormasyong inilalabas ng gobyerno at WHO.

Ayon sa huling ulat kahapon, nakapagtala ng 242 panibagong bilang ng nasawi sa Hubei Province habang sampu naman ang nasawi sa iba pang bahagi ng China na apektado ng COVID-2019.

Dahil sa malaking bilang ng naitalang nasawi sa Hubei ay umabot na sa 1,367 ang global death toll ng nasabing virus, 1,365 dito ay sa China.

Umakyat na sa 60,287 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 kasunod ng naitalang 14,480 panibagong kaso ng sakit sa Hubei Province sa loob lamang ng magdamag. CHRISTIAN DALE, DAHLIA S. ANIN

 

Read More

TRAVEL BAN ‘DI BABAWIIN MALAKANYANG DEDMA SA ‘GANTI’ NG TAIWAN

DEDMA lang ang Malakanyang sa banta ng Taiwan na babawiin nito ang visa free entry sa mga Pinoy dahil sa travel ban na ipinataw ng gobyerno.

Ang katwiran ni Presidential spokesperson Salvador Panelo ay ordinaryo lamang ang visa at madali lang naman kumuha nito.

Ang prayoridad aniya kasi ng Pangulo sa ngayon ay ang kapakanan ng kalusugan at kaligtasan ng mga Filipino.

“Alam mo, ang sabi ni Presidente, maselan ang problema ng kalusugan ng ating mga kababayan, iyon ang kanyang primary consideration – iyong safety, kaya nagkaroon ng travel ban. Sinasabi niya, bigyan ninyo ako ng panahon to ponder over it kung ili-lift natin. Pero sa ngayon, iyong kalusugan ng mga kababayan natin ang nasa isipniya.

Unang-una, alam ninyo iyong sa visa, ordinaryo naman iyon eh; madali lang naman kumuha ng visa eh,” ani Sec. Panelo.

Sa kabilang dako, pinabulaanan ni Sec. Panelo ang bintang ng Taiwan na may kinalaman ito sa political issue at hindi health issue.

“Hindi totoo iyon dahil hindi naman tayo gumagalaw nang ganoon, palaging health issue tayo,” anito.

Kaugnay nito, wala namang nakikitang dahilan si sec. Panelo para magkaroon pa ng official communication ang Executive Department sa gobyerno ng Taiwan hinggil sa usaping ito. CHRISTIAN DALE

Read More

MGA PINOY HINDI KUNTENTO SA K-12; MGA REPORMA SA EDUKASYON ISINUSULONG NI GATCHALIAN

Maraming mga Filipino ang hindi kuntento sa pagpapatupad ng programang K-12. Ito ang lumabas sa isang Pulse Asia survey para suriin ang pananaw ng taumbayan sa naturang programa.

Ayon sa mahigit isang libong (1,200) respondents ng isinagawang survey, 47 porsyento ng mga Filipino ang hindi kuntento sa K-12. Tatlumpu’t walong porsyento naman ang nagsasabing kuntento sila, at 13 porsyento naman ang hindi sigurado kung kuntento nga ba sila o hindi.

Sa mga nagsabing hindi sila kuntento sa programa, 78 porsyento ang nagsasabing dagdag gastos ang karagdagang dalawang taon sa high school. Apatnapung porsyento naman ang nagsasabing hindi sapat ang high school diploma upang magkaroon ng sapat na trabaho, at 31 porsyento naman ang nagsasabing mas nais nilang makatanggap ng dekalidad na edukasyon imbes na karagdagang taon ng pag-aaral.

Apatnapung porsyento rin ang nangangambang tataas ang drop-out rate dahil sa K-12, at 39 porsyento rin ang nagsasabing nangangailangan pa ang mga paaralan ng karagdagang silid-paaralan at guro.

Noong isinabatas ang K-12 taong 2013, ipinangako ng programa na madaling magkakaroon ng trabaho ang mga makakatapos ng senior high school. Ngunit ayon sa isang survey na isinagawa ng JobStreet noong 2018 sa 500 kompanya, wala pang 24 porsyento ang handang tumanggap sa mga nagtapos ng K-12.

“Kung susuriin natin ang opinyong ito ng taumbayan, makikita natin na hindi natutupad ng K-12 ang pangako nito. Ngunit hindi ang mismong programa ng K-12 ang may problema kundi ang pagpapatupad nito, kaya naman mahalagang mabigyan natin ng pansin ang mga repormang kinakailangan upang maiangat natin ang kalidad ng ating edukasyon,” pahayag ni Senator Win Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Ayon kay Gatchalian, ang pagreporma sa curriculum ang pinakamabilis na hakbang upang ayusin ang programang K-12. Dahil sa dami ng kailangang pag-aralan sa ilalim ng curriculum, kulang na ang panahon ng mga guro at mag-aaral upang lubos na maunawaan ang kanilang mga aralin.

Dagdag ni Gatchalian, kailangan ding tutukan ang kakayahan ng mga guro. Ibinahagi ni Gatchalian ang naging karanasan ng mga guro, kung saan hindi sila nabibigyan ng sapat na training para sa K-12. Ani Gatchalian, isa pang isyu na kailangang tutukan ang pagkakaroon ng mga dekalidad at napapanahong mga kagamitan tulad na lamang ng mga textbook.

Kamakailan ay naghain si Gatchalian ng isang resolusyong magpapatawag ng isang pagdinig hinggil sa pagpapatupad ng programang K-12. Anumang resultang makukuha sa pagdinig ay inaasahang gagabay sa anumang polisiya sa sektor ng edukasyon para siguruhing natutupad ang layuning mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral.

 

Read More

TERORISTA, 3 PA NAHARANG SA NAIA

HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) officers na makapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Swedish national na hinihinalang terorista, at kanyang tatlong kasama.

Ayon kay BI Port Operations Division chief Grifton Medina, ang mga pasahero na hindi binanggit ang mga pangalan, ay dumating sa NAIA Terminal 1 noong Pebrero 5 mula sa Singapore.

“The passenger was immediately excluded after the immigration officer saw that his name registered a positive hit as a suspected international terrorist,” ani Medina.

Idinagdag niyang ang tatlo pang foreign nationals na kasama na nagbiyahe ng hinahinalang terorista, ay agad pinabalik sa kanilang pinagmulang mga bansa.

Sinabi pa ni Medina, base sa kanilang database na naka-link sa Interpol database, na naglalaman ng impormasyon ng kaugnay sa foreign nationals, nasasangkot umano sa  mga aktibidades bilang terorista ang nasabing dayuhan.

Ipinaliwanag pa niya, sa ilalim ng Immigration Act, ang BI ay maaaring tanggihan na makapasok sa bansa ang sinumang dayuhan na pinaghihinalaang may kaugnayan sa teroristang grupo.

“He is just one of thousands of international terrorists whose names were included in the shared database containing information supplied by the various law enforcement and intelligence agencies here and abroad,” dagdag pa ni Medina.

Napag-alaman din na ang pinaghihinalang terorista at tatlong kasama ay pawang Iraqi descent at mula sa Iraq’s Kurdistan region na kung saan ay matagal nang may giyera para sa independent Kurdish state. (JOEL AMONGO)

 

Read More

AFP PINAKAMAHINA SA SOUTHEAST ASIA; SOLONS DEPENSA NG PINAS ‘DI NAPALAKAS NG US

WALANG napala ang mga Filipino sa isang siglong pakikipag-alyansa sa Amerika dahil imbes na lumakas ang ating depensang militar ay lalo lang itong humina.

Ito ang pahayag nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Zarate at Eufemia Cullamat bilang suporta sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Amerika.

Ayon kay Zarate, pinakamahina ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa rehiyon ng Southeast Asia gayung nakasandal tayo sa pinakamalakas na puwersa sa buong mundo.“More than a century of over-dependence by our security sector with the US only made it still among the weakest in the region that cannot even put up a respectable and credible defense posture against the aggressiveness of China,” ayon sa mambabatas.

Napakarami aniyang military agreement ang dalawang bansa na kinabibilangan ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT), Mutual Logistics and Support Agreement (MLSA),  Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at VFA subalit walang napala rito ang mga Filipino lalo na ang national security forces.

Kung talaga aniyang kaibigan ang turing ng Amerika sa Pilipinas, hindi nila pinabayaan ang AFP na maipagtanggol ang sariling soberenya at posibleng hindi naglakas ng loob ang China na agawin ang teritoryo natin sa West Philippine Sea.

“The Philippines is percieved as a long-time neocolonial client of the US, yet, the presence of these agreements did not deter China from converting our waters and shoals into its military garrisonand outposts in the West Philippine Sea (WPS),” ayon pa kay Zarate.

Ipinagtanggol naman ni Cullamat si Duterte sa kanyang desisyon na ibasura na nang tuluyan ang VFA dahil hindi naman umano talaga kailangan ito ng mga Filipino, sa halip ay ginagawang launching pad lamang ng Amerika kapag may pinapasukang giyera ang mga ito.

“Hindi naging mali ang direksyon sa termination ng VFA. Hindi natin ito kailangan dahil ito’y para sa interes lang ng US. Ang pangunahing problema natin sa bansa ay ang kahirapan at kagutuman ng mamamayang Filipino at hindi ito matutugunan ng VFA o anomang mga tratado sa US dahil walang programa na tunay na magpapaunlad sa mga local producer na tulad ng mga magsasaka at magtatayo ng pambansang industriya,”ayon pa kay Cullamat.

Gayunpaman, nagbabala ang dalawang mambabatas kay Duterte na huwag subukang palitan ng VFA sa China at Russia ang VFA sa Amerika dahil hindi makatatayo sa sariling paa ang AFP para ipagtanggol ang teritoryo ng bansa. BERNARD TAGUINOD

 

Read More