MOBILE CAR PINAGTRIPAN, 2 SALESMAN ARESTADO

KINUWELYUHAN ng mga tauhan ng Manila Police District ang dalawang salesman na umano’y pinagtripan ang isang mobile car ng nagpapatrulyang mga pulis sa panulukan ng Taft Avenue at Dagonoy St., sa Malate, Manila nitong Biyernes ng gabi.

Sinampahan ng kasong unjust vexation ang dalawang suspek na sina Aldy Delos Verjes y Roflo, 18, residente ng B13, L33, Mabuhay Homes 2000, Dasmariñas, Cavite, at Joshua Calderon y Cariño, 20, residente ng #520 Libis St., Orcana, Caloocan City, kapwa salesman.

Batay sa ulat nina P/Cpl. Larry John Lumacad at P/Cpl. Wilson Luis Lopez, ng MPD-Adriatico Police Community Precinct, sakop ng PS-9, bandang alas-11:00 ng gabi nang makita nila na nasa harapan ng mobile car si Verjes at nagpakuha ng larawan kay Calderon gamit ang cellphone, habang naka-sign ng “fuck you” ang dalawang kamay.

Nang makita ang ginawa ng dalawa ay binitbit sila ng mga pulis habang kinukunan pa ng larawan ni Calderon sa cellphone ang ginawang pag-fuck you ni Verjes sa harap ng mobile car 177. (RENE CRISOSTOMO)

 

Read More

DRUG PUSHER NA DRIVER, NAKORNER

TIMBOG ang isang lalaking habal-habal driver na supplier din umano ng ilegal na droga sa mga lungsod ng Pasig, Taguig at Makati, sa ikinasang follow-up buy-bust operation ng mga pulis noong Biyernes ng madaling araw sa Barangay Comembo, Makati City.

Nauna rito, isang drug suspect na hinuli sa Pasig City ng EPD, ang nagturo kung saan makikita ang suspek na si Quilben Jakiri Pacheco, residente ng Hungary St., Lower Bicutan, Taguig City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na front lang ni Jakiri ang pagiging habal-habal driver sa pagtutulak ng ilegal na droga.

Mas mabilis at madali umano ang transaksyon ng ilegal na droga kaysa pagbibiyahe ng habal-habal dahil maaaring magkita sa labas at mag-abutan ng mga item habang umaandar ang motor.

Ngunit dahil sa Unimec Bldg. sa Sampaguita St., Brgy. Comembo, Makati City isinagawa ni Jakiri ang bentahan ng 25 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P170,000, ay madaling nasakote ang suspek sa ilegal na gawain.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong drug selling at possession sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (DAVE MEDINA)

 

Read More

2 SANGKOT SA KFR NALAMBAT 

NADAKIP ang dalawang lalaki na umano’y sangkot sa kasong kidnapping for ransom, sa magkahiwalay na isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Las Piñas City Police, noong Biyernes ng hapon sa lungsod.

Kasalukuyang nakakulong na sa detention cell ng nasabing himpilan ng pulisya ang mga nadakip na sina Lolito Angelis, 41, jobless at nakatira sa #424 San Roque, Nueva Ecija, at Marvin Villas, 39, residente ng #628 San Antonio ng naturang lalawigan.

Batay sa isinumiteng report ni Police Col. Segundo Lagundi Jr., hepe ng Las Piñas City Police, dakong alas-2:30 ng hapon nang unang madakip si Angelis ng mga awtoridad.

Sinabi ni Lagundi, si Angelis ay naaresto sa Barangay Pamplona 3 ng nasabing lungsod dahil sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Las Piñas City Regional Trial Court Judge Elizabeth Yu-Guray ng Branch 202.

Samantala, si Villas ay nadakip naman dakong alas-4:00 ng hapon sa Verdant Acres Avenue ng nabanggit na barangay, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu rin ni Judge Guray.

Ayon kay Lagundi, ang dalawa ay nahaharap sa kasong kidnapping for ransom at walang inirekomendang piyansa ang korte para sa mga ito.

Hindi naman idinatalye sa report ng pulisya kung sino ang naging mga biktima nina Angelis at Villas. (ROSE PULGAR)

 

Read More

Iniwan ng nobya AYAW MAG-ISA SA VALENTINES, BINATA NAGBIGTI

HINDI maatim ng isang 19-anyos na binata na sasapit ang Valentine’s Day na hindi niya kapiling ang nobyang nakipagkalas sa kanya kaya’t nagbigti ito, sa bisperas ng Valentine’s Day sa Navotas City.

Nakabitin nang matagpuan ng kanyang nakababatang kapatid na si Anselmo, 14, ang biktimang si John Leo Lising sa loob ng kanilang bahay sa #325-A, Dumugo St., North Bay Blvd., Brgy. Tangos dakong alas-4:00 ng hapon noong Pebrero 13.

Ayon sa pulisya, agad tinawag ng kapatid ng biktima ang kanilang ama at pinutol ang kurtinang nakapulupot sa leeg ng anak at isinugod sa Navotas City Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Ayon sa pahayag sa pulisya ng mga miyembro ng pamilya, hiniwalayan ang biktima ng kanyang kasintahan at mula noon ay maraming ulit na itong nagtangkang magpatiwakal.

Walang nakitang sugat ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nagsagawa ng cursory examination sa katawan ng biktima, maliban sa ligature marks sa leeg. (ALAIN AJERO)

 

Read More

24 sex workers nasagip 2 BUGAW, MAINTAINER NG SEX DEN ARESTADO

NASAGIP ng mga tauhan ng Makati City Police ang 24 sex workers habang arestado naman ang dalawang bugaw at isang maintainer ng hinihinalang casa o prostitution den sa Morse St., Brgy. San Isidro sa nabanggit na lungsod dakong 12:15 ng madaling araw nitong Sabado.

Kinilala ang mga arestado na sina Rafael Rosales, 42, maintainer; Rodolfo Robles, 38, at Josua Rivera, 29, umano’y mga bugaw, sa ikinasang operasyon sa 2425 Edison Cafe sa nabanggit na lugar, ng mga awtoridad sa pangunguna ni P/Maj. Gideon T. Ines, Jr. at ng  Women and Children Protection Section na pinamunuan ni P/Lt. Mylene.

Ikinasa ang rescue operation sa 24 sex workers makaraang magtagumpay ang police asset na si Rodolfo Robles, na nagsilbing customer, na maipatanggap ang P3,000 sa suspek na si Robles kapalit ng babaeng makikipag-sex sa kanya.

Nakumpiska sa sex den ang iba’t ibang sex pharaphernalia kagaya ng mga condom.

Himas-rehas naman ngayon ang tatlong suspek sa custodial facility ng Makati PNP habang ang 24 na biktima ng pagbebenta ng laman ay nasa pangangalaga na ng WCPS Desk. (DAVE MEDINA)

 

Read More

TULAK TUMBA, 16 HULI SA BULACAN DRUG WAR

drugs

BULACAN – Patay ang hinihinalang drug pusher na kabilang sa drug watchlist nang kumasa sa mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) sa bayan ng Norzagayan, habang 16 iba pang sangkot sa ilegal na droga ang nadakip sa inilatag na drug war sa lalawigang ito.

Base sa report kay P/Col. Lawrence B. Cajipe, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, kinilala ang napatay na suspek na si Eric Domingo y Castillo, nasa hustong gulang, nasa drug watchlist ng Norzagaray Municipal Police Station.

Ayon kay P/Major Avelino Protacio, Norzagaray police chief, pasado ala-1:00 ng madaling araw nang kumagat sa buy-bust operation ang suspek na si Domingo sa Poblacion, Norzagaray ngunit nakatunog na undercover agent ang kanyang katransaksyon kaya bumunot  ng baril at nanlaban kaya napatay sa palitan ng putok.

Nakuha sa suspek ang isang caliber .38 revolver, isang medium size ng pakete ng shabu, buy-bust money, iba’t ibang uri ng ID at isang puting Mitsubishi Montero na may plakang WQN-551.

Samantala, 16 pang sangkot sa ilegal na droga ang nadakip ng DEU operatives sa serye ng buy-bust operation sa bayan ng Guiginto, Plaridel, Balagtas, San Miguel at San Jose del Monte City.

Umabot sa kabuuang 65 pakete ng shabu at shabu paraphernalia ang nakumpiska sa mga suspek. (GINA BORLONGAN)

 

Read More

Daan-daang minero nagpapasaklolo kay PDu30 GUTOM SA MINAHAN

DAVAO de Oro – Umiiyak na sa gutom ang daan-daang manggagawa sa minahan matapos matigil ang kanilang pangkabuhayan nang ipinag-utos ng Provincial Task Force Naboc River (PTFNR) ang pagsarado ng minahan bitbit ang cease and desist order mula sa sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa Purok 1-A, Barangay Mt. Diwata, dito sa nasabing bayan.

Kahit malakas ang ulan, nagtipon-tipon ang mga manggagawa noong Huwebes, Pebrero 13, upang manawagan sa administrasyong Duterte na tulungan sila at payagang makabalik sa minahan na ipinasara noong Lunes, Pebrero 10.

Ang biyuda na si Rose Matilac, 50, umiiyak na nagsabing wala na siyang pambili ng bigas matapos isarado ang minahan na siya nilang ikinabubuhay.

Dagdag sa problema ng ginang ang kanyang apat na mga anak na pawang nag-aaral pa at wala nang pambayad sa matrikula at pabaon.

Nawalan din ng trabaho ang mga minero matapos magsarado ang pagawaan ng ginto.

Apektado rin ang Imam ng relihiyong Islam na si Amer Hasan Dimangkay na kabilang din  sa mga namumuhay sa lugar sa pamamagitan ng pagbebenta ng iba’t ibang gamit dahil wala nang bumibili sa kanyang negosyo.

Bukid dito, marami rin sa mga manggagawa ang nagkautang sa kanya ngunit wala nang makuhanan ng pambayad.

Ayon sa utos ng PTFNR, kailangang maprotektahan ang kalikasan lalo na ang Naboc River, kung kaya’t inabisohan ang mga may-ari ng planta at minahan na ililipat ang kanilang operasyon sa Sitio Mibatas, Barangay Upper Ulip ngunit hindi ito sinunod ng mga nasa minahan dahil bukod sa malayo, malaki rin ang kanilang gagastusin sa panibagong lugar.

Nilabag din ng mga minero ang kautusan dahil wala na umanong matitirang ginto kung ililipat sa lugar ang mga pagawaan.

Nangangamba rin sila na tumutol ang mga tribu sa lugar na kanilang paglilipatan dahil isa itong ancestral domain.

Ayon sa isang may-ari ng minahan na si Khernie Bahan, wala siyang pagtutol sa layunin ng gobyerno ngunit kailangan umanong bigyan pa sila ng panahon at ‘di agad-agad na pinapaalis sa lugar.

Kahit pa man mayroong ipinamigay na food assistance para sa mga apektadong indibidwal, sinabi ni Barangay Kagawad Trisilyn Lasaga, hindi ito makasusustento sa darating pang mga araw.

Nagbabala ang mga apektadong residente na kung hindi sila pakikinggan ng gobyerno ay mapipilitan silang sirain ang mga kandado sa kanilang pagawaan upang hindi magutom.

Sa ngayon, wala pang ipinalabas na pahayag si Davao de Oro Governor Jayvee Tyron Uy, kung ano ang balak nito sa mga apektadong residente. (DONDON DINOY)

 

Read More

ESTUDYANTE PATAY SA INANTOK NA DRIVER

CAVITE – Imbes na preno, accelerator ang naapakan ng isang inantok na driver na nagresulta sa pagkakabangga sa dalawang estudyante na ikinamatay ng isa sa mga ito habang tumatawid sa kalsada sa Dasmariñas City sa lalawigang ito.

Namatay habang ginagamot sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang biktimang si Elise May de Guzman ng #038 Jose Abad Santos St., Salitran 1, Dasmariñas City habang patuloy na inoobserbahan ang kasama nitong si Yumilka Shin Calahati, 19, isa ring estudyante, ng B14, L24, Phase B, Woodlane Subd., Brgy. Malagasang 1-A, Imus City.

Kinasuhan naman ang driver ng isang Mitsubishi L300 na may conduction sticker na NR 8114, na si Jeffrey Balidoy, 26, ng National Road, Pintung Gubat Paliparan III, Dasmariñas City.

Sa ulat ni Pat. Norman Guerra ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-10:40 nitong Sabado ng umaga nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sakop ng Brgy. Zone 1-A, Dasmariñas City.

Minamaneho ng supek ang kanyang Mitsubishi L300 habang binabagtas ang nasabing lugar patungo sa north bound direction.

Ngunit habang binabagtas ang lugar ay nakaramdam siya ng antok at manaka-nakang inaapakan ang brake ng sasakyan hanggang sa umano’y tuluyang nakatulog kaya imbes na preno ay ang accelerator ang kanyang naapakan.

Bunsod nito, dumiretso ang takbo ng sasakyan hanggang sa lumihis pakanan at nabangga ang mga biktima na noon ay tumatawid sa kalsada.

Isinugod ang dalawang estudyante sa ospital ngunit namatay habang ginagamot si De Guzman. (SIGFRED ADSUARA)

 

Read More

Iniwan sa amang praning 6-ANYOS NA ANAK TINADTAD NG SAKSAK

CAGAYAN – Mistulang mabangis na hayop ang isang lalaki na walang-awang pinagsasaksak ng screwdriver ng kanyang 6-anyos na anak na babae, iniulat ng pulisya nitong Sabado sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Princess Lamusao, habang nadakip ang suspek at ama nitong si Noel Lamusao, 45, kapwa residente ng Iguig, Cagayan.

Batay sa report ng Iguig Police Station, bandang alas-9:00 ng umaga nang madiskubre ang duguang bangkay ng biktima sa isang silid ng kanilang bahay.

Kuwento ng lola ng biktima, nagtungo siya sa bahay ng kanyang anak para sana ihatid sa paaralan ang apo ngunit bigla siyang nabuwal nang makita ang nakahandusay na duguang bata.

Kaagad dinala sa ospital ang bata ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng mga saksak sa tiyan at leeg.

Nadakip naman ng nagrespondeng mga pulis ang suspek na sinampahan ng kasong parricide.

Sa himpilan ng pulisya, walang kagatol-galot na inamin ng suspek ang pagpatay nito sa kanyang anak.

Napag-alaman, naiwan ang mag-ama sa bahay nang magtungo ang ina sa bayan ng Santa Ana para bumili ng kanyang mga panindang bagoong at isda.

Inaalam ng pulisya kung lulong sa ilegal na droga ang suspek para maisakatuparan ang pagpatay sa anak. (ANNIE PINEDA)

 

Read More