OBIENA ON-TRACK SA TOKYO OLYMPICS

MAY coronavirus o wala, tuloy ang paghahanda ni Filipino pole vaulter EJ Obiena para sa July 24-August 9 Tokyo Olympics.

Tiniyak ng Philippine Track and Field Association na hindi tumitigil si Obiena sa kanyang training para na rin sa iba pang sasabakang kompetisyon sa Europe at Chula Vista, California.

Sa ngayon ay puspusan ang pag-eensayo ng kauna-unahang Pinoy 2020 Olympic qualifier sa ilalim ng kanyang coach na si Vitaly Petrov ng Ukraine.

Kabilang sa mga minentor ni Petrov si Olympic champion at six-time world champion Sergey Bubka, two-time Olympic gold medalist Yelena Isinbayeva at one-time world champion at Olympic bronze medalist Giuseppe Gibilisco ng Italy.

Walang hirap na tinalon ni Obiena ang 5.80 meters upang ibulsa ang gold medal sa 30th Southeast Asian Games at pagkaraan ay bumalik sa Italy upang ipagpatuloy ang preparasyon para sa

World at Asian Indoors sa China, na gaganapin sana sa susunod na buwan ngunit kinansela ng IAAF dahil sa novel coronavirus outbreak.

Ang iba pang track and field bets ng bansa na naghahangad makakuha ng Olympic slots ay sina: Three-time 400 m hurdles SEA Games gold medalist Eric Cray, na kailangang maabot ang 48.80 seconds o kaya’y makapasok sa world’s top 50 bago sumapit ang June 29, 2020. Sa kasalukuyan ay 48.98 ang best time ang 31-anyos na Olongapo-born na si Cray, na nakatakdang mag-compete sa sa susunod na buwan hanggang June sa US;

Si US-based sprinter Kristina Knott, na tinaguriang 2019 SEAG queen ng 200-meter dash, ay nakatakda ring sumabak sa US, Japan at Italy; habang halos abot-kamay na ni Willie Morrison ang shot put grade ng 21.10 meters makaraang pumukol ng 20.21 sa kanyang native Indiana ngayong buwan; at sisikapin naman ni Natalie Rose Uy na sundan si Obiena sa Tokyo sa kanyang nakatakdang kompetisyon sa Kentucky. (VT ROMANO)

Read More

TONY LABRUSCA NATAGPUAN NA ANG ‘LOVE SCENE OF HIS DREAM’ KAY LOVI POE

MATINDI ang kissing scene at love scene nina Tony Labrusca at Lovi Poe sa pelikula ng Viva Films na ‘Hindi Tayo Puwede’ na idinirek ni Joel Lamangan at showing sa March 4, 2020.

Kaya lang, unforgettable pa rin para sa mga nakapanood ng ‘Glorious’ kung gaano katindi ang kissing scene ni Toni sa aktres na si Angel Aquino at aminado ang aktor na baka ganoon pa rin ang asahan sa kanya ng mga tao kaya nagbigay na siya ng hint na hindi raw ganoon katindi ang kanyang ginawa sa bagong movie.

Ani Toni, “Di ba, ‘yon na nga minsan ‘yung parang… since nakita nila na ganoon kagrabe ‘yung kissing scene ko sa ‘Glorious’ so  parang lagi na lang nilang ini-expect ‘yung ganoon.

“Tapos minsan, kinakabahan din talaga ako na parang, ‘Shocks, kailangang sobrang ganda ng kissing scene na ito.’ Kasi ang taas na noong expectation nila, eh, di ba? Pero wala, ‘yung ginawa namin ni Lovi parang I don’t even remember. Hindi ko nga maalala, eh.”

Ibinahagi rin ni Tony na ang ginawa nila ni Lovi sa ‘Hindi tayo Puwede’ ay maituturing niyang “love scene of his dream.”

“Kasi when I think of a sex scene I want to see two people na alam mo ‘yung kahit sex ‘yung nakikita mo, ikaw mismo pag pinapanood mo siya kinikilig ka, kasi nakikita mo ‘yung passion, ‘yung love nila para sa isa’t isa. And I love it when I see people playing with shapes, figures and shadows and glimpses, parang that leads your imagination running wild .

“I’m just so excited nga for all of you to see that scene para ma-judge n’yo rin, kasi sobrang beautiful, eh. As I was watching it, I was like, ‘Wow, ang ganda.’

“Nakikita mo talaga na these two people are in love. It takes away the sex part and it adds more na parang these two are madly in love with each other, parang ganoon and it’s so beautiful,” paliwanag ng aktor.

First time nakatrabaho ni Tony si Direk Joel Lamangan kaya kinumsta namin ang working experience niya sa batikang director.

“Noong first day, sinabi ko sa driver ko and sa RM ko na kailangang sobrang aga namin  sa set. So medyo OA lang kasi one hour before the call time nandoon na ako. Tapos may isang scene kami na parang kailangan kong umiyak tapos hindi ko magawa kasi akala ko tight shot na.

“Tapos pinatawag ako ni Direk doon sa kuwarto. Sabi ko, ‘Eto na, sasampalin na ako ni Direk.’ Pero sobrang bait ni Direk kasi lahat noong mga tanong ko, lahat noong mga concern ko – he was guiding me. When I was confused he was telling me, he was clarifying what the character was going through para mas maintindihan ko.

“And what I really like is ‘pag ginagawa mo ‘yung best mo or you’re trying your best to understand what Direk is saying. He is a very collaborative director. He didn’t make me feel like I was stupid, so I tell everybody this who aske me and I honestly had such an enjoyable experience working with Direk Joel,” kuwento ni Tony.

Samantala, kasama rin sa ‘Hindi Tayo Puwede’ si Marco Gumabao.

 

Read More

MPBL LAKAN SOUTH SEMIFINALS BASILAN LABAN SA BACOOR

NAKABAWI si Allyn Bulanadi sa bandang dulo, sapat para akayin ang Basilan Steel sa 70-63 win laban sa Iloilo United Royals at isaayos ang semifinals clash laban sa Bacoor sa Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season South division sa larong ginanap sa Lamitan City Gymnasium sa Basilan.

Muli namang tinalo ng Bacoor Strikers ang General Santos Warriors, 69-60.

Hirap makasabay sa simula, umiskor si Bulanadi ng lima sa homestretch para walisin ng Steel ang United Royals, 2-0 sa kanilang quarterfinal series.

Nagmintis muna si Bulanadi sa kanyang unang 10 field goal attempts, bago nakaiskor mula sa isang drive at triple, kasunod ng tres ni Iloilo’s Al Francis Tamsi na nagtabla sa iskor, 63-all.

Si Jay Collado ang nanguna sa iskoring ng Basilan Steel sa kanyang 18 points at may 10 rebounds, habang si Jerald Bautista ay nagdagdag ng 12 points, habang tumapos si Bulanadi, na miyembro rin ng Gilas pool,  na may 11 points at five boards.

Sa panig ng Iloilo, may 16 points si Tamsi at 13 mula kay Richard Escoto, na hindi tinapos ang laro nang magtamo ng right ankle sprain bago matapos ang third quarter.

Ang Bacoor, na tinalo rin ang GenSan sa series opener, 95-72, ay humugot ng 16 points mula kay Oping Sumalinog at 11 buhat kay Nick Demusis.

Nalimitahan naman si top gunner Gab Banal sa nine points at seven rebounds.

Sisimulan ng second seed Bacoor at third seed Basilan ang kanilang best-of-three semis series sa Marso 2. (VT ROMANO)

Read More

‘HANGA AKO SA CONCERN NI ROBIN SA MALILIIT NA SHOWBIZ WORKERS’

SABI ko nga sa isang post ko sa aking Instagram account, huling post ko na ‘yung tungkol sa isyu ni Robin Padilla sa mga taga-ABS-CBN 2.
Nilinaw ko namang hindi ako galit sa kanya, at hinahangaan ko ‘yung concern niya sa mga maliliit na tao.
Sinabi ko namang walang isyu roon kung gusto mong ipagtanggol at ikaw ang magsasalita para sa mga maliliit na taong nagtatrabaho sa showbiz.
Ang ipinupunto ko lang naman ay bakit kailangang idamay pa sina Coco Martin, at nabanggit pa sina Angel Locsin at Dingdong Dantes sa ipinaglalaban niya.
Ang isyu rito ay ang renewal ng franchise ng ABS-CBN 2, pero sinalihan niya ng labor issues at pati ang working habits ng ibang artista sa oras ng taping o shooting.
Sinagot naman ito ni Robin at sinabi nga niyang hindi na niya ako sasagutin, dahil nanay naman daw talaga ang turing niya sa akin. Pero hindi ibig sabihin daw ay susunod na siya sa mga sinabi
ko.
Eh, siguro tapos na ‘yung isyu.
Anyway, sinimulan na yata noong Lunes, February 24 ang hearing ng franchise renewal sa Senado. Hintayin na lang natin kung ano ang susunod na magaganap, dahil may ibang pahayag naman dito ang speaker of the House na si Cong. Allan Peter Cayetano.
Basta, patas lang sana ang pag-handle sa kasong ito at ang mahalaga ay hindi maapektuhan ang maliliit na trabahador sa naturang network.

‘POST KO SA SARAH-MATTEO WEDDING PINATULAN NG BLOGGERS

Mainit pa ring pinag-uusapan ang kasalang Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo.

Naloka nga akong pati ang post ko tungkol sa kanila, pati kay Mommy Divine ay pinatulan ng ilang bloggers.

Pero in fairness, maganda ang pahayag ng ina ni Judy Ann Santos na si Mommy Carol Santos nang na-interview ito sa radio program ni Noel Ferrer noong nakaraang Sabado.

Sabi niya; “At the end of the day ang isipin mo ay ang kaligayahan ng anak mo, hindi ‘yung kaligayahan mo.

“Kasi ikaw, paalis ka na sa mundo, itong mga anak mo paumpisa pa lang, so you always wish them the best na mangyayari sa buhay nila. At matuwa ka na nandyan ka pa, nakita mong masaya na ang anak mo, right?

“Dapat talaga may support ka sa anak mo. Kahit nga ayaw mo ang mapapangasawa ng anak mo – the mere fact na gusto ng anak mo ‘yun, wala kang magagawa kasi ikaw ba ang pakikisamahan ng mapapangasawa? Pabayaan mo ang anak mo. Sila naman ang magiging maligaya.

“At the end of the day, kung magkakagulo-gulo, anak mo ang masisisi at hindi ikaw. “

Alam naman natin kung gaano rin ka-protective na nanay si Mommy Carol kay Judy Ann at sa iba niyang anak. Pero sabi nga niya, kailangan niyang suportahan ang desisyon ng mga anak niya.

Siguro mas mabuting hintayin na lang natin kung ano ang pahayag ni Mommy Divine, at kung ano naman ang masasabi ng bagong kasal na sina Matteo at Sarah.

Basta ako, masaya ako para sa kanilang dalawa!

 

Read More

2020 RONDA PILIPINAS: AQUINO STAGE 3 AT OVERALL LEADER NA

NAGA CITY—Doble-panalo si Jerry Aquino Jr matapos nitong pagbidahan ang 119km Stage 3 at makuha ang overall leadership sa pagpapatuloy ng ika-10 taong selebrasyon ng 2020 LBC Ronda Pilipinas kahapon na nagsimula sa Albay at natapos sa Camarines Sur.

Pinangunahan ng second generation rider na si Aquino Jr. ang 68 na riders na nakatawid sa finish line sa oras na 2:47:12 tiyempo para sa unang pagkakataon ay maisuot nito ang simbolikong red jersey at maging lap winner din.

Pare-parehas ang isinumiteng oras ng Top 10 na sina Ronnel Hualda ng Go 4 Gold, Dominic Perez ng Bicycology Shop Army, Aidan James Mendoza ng 7-11, Jan Paul Morales ng Standard Insurance-Navy, Elmer Navarro ng SIT, Mark Julius Bordeos ng BSA, El Joshua Carino ng Navy, Christian Timbang ng Team Nueva Ecija at Arya Kaul ng Bike Extreme.

Napunta muli ang sprint classification kay 2-time champion Morales (9 puntos) habang nahulog sa ikalawa si Arjay Peralta (8 puntos), ikatlo ang Under 23 na si Mendoza.

Napanatili naman ni Mark John Galedo ng 7-11 ang King of the Mountain, habang pumangalawa sa kanya si Roel Quitoy ng Celeste Cycles at ikatlo si John Mark Camingao ng Navy.

Nakuha ni Aquino Jr, na ang ama ay dating miyembro ng pambansang koponan at ang tiyuhin na si Juan Aquino ay beterano ng Tour ng Pilipinas, ang overall leadership matapos na pumangalawa sa Stage 1 at maging Stage 3 winner para sa kabuuang 9:43:39 oras.

Nahulog sa ikalawa si Stage 1 winner Bordeos na napag-iwananan ng pitong segundo, ikatlo si George Oconer ng Navy na naghahabol ng 13 segundo.

Inokupahan naman ng 7-11 ang Ikaapat hanggang ikawalong puwesto: Rustom Lim (-13), Mark John Galedo (-20), Aidan James Mendoza (-26), Marcelo Felipe (-29), Mervin Corpuz (-29); Ikasiyam si Alvin Benosa ng Celeste Cycles (-30) at ika-10 si Jester Neli Mendoza ng Bicycology Shop Army (-34).

Napanatili din ng 7-11 CliqqAir 21 ang pagkapit sa Team General Classification sa kabuuang  36:08:59 oras. ANN ENCARNACION

Read More

3×3 BASKETBALL TOURNEY SASABAY SA PBA OPENING

UPANG mapataas ang ranking ng Pilipinas sa 3×3 basketball, pasisimulan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang 3×3 tournament sa pagbubukas ng 45th season ng liga sa March 8.

Sinabi ni PBA Board Vice Chair at Columbian Dyip Governor Demosthenes Rosales, maliban sa kasalukuyang 12 PBA teams, magkakaroon din ang Mighty Bond at Dunkin Donuts ng kani-kanilang team para sa nasabing tournament.

Nagpasalamat naman si Samahang Basketbol ng Pilipinas President at Meralco Governor Al Panlilio sa PBA sa pagsuporta nito sa 3×3 program.

“If we want to be serious with 3×3, we make it a stand-alone tournament,” sabi ni Panlilio.

Naniniwala ang SBP prexy na ang 3×3 ay isang sport kung saan maaaring makapasok ang mga Filipino sa Olympics.

“If not in 2020, maybe in the next one (2024) in Paris,” dagdag niya.

Ang hakbangin ng PBA ay makatutulong umano upang masundan ang tagumpay ng bansa sa 3×3 kasunod ng gold medal finish ng men at women’s teams noong  2019 Southeast Asian Games.

Bagamat walang magaganap na draft para sa 3×3 players, bibigyan ng karapatan ang lahat ng kasaling teams na mamili kung sino-sino ang paglalaruin nila sa torneo.

Gayunpaman ay nilinaw ni PBA Commissioner Willie Marcial na hindi awtomatikong makapapasok sa professional ranks ang mga 3×3 player.

Ang 3×3 games ay gaganapin kasabay ng regular PBA play dates sa Metro Manila. (EBG)

Read More

LOOK WHO’S TALKING?!!!

PRO HAC VICE

GANITO kasi ‘yon mga ka-SAKSI at mga kabalat ko. Hi­nimok ng mga taga-oposisyon ang mga Filipino na magsama-sama raw para labanan ang lawfare o paggamit ng pamahalaang Duterte sa mga batas bilang sandata para gipitin at patahimikin ang mga kritiko nito.

Ang mga nanawagan ay ang napatalsik na dating punong mahistrado ng Korte Suprema na si Atty. Maria Lourdes Sereno, pangalawa si dating senador na balik simpleng mamayan na ngayon na si Antonio Trillanes IV at Atty. Jose Manuel Diokno.

Sinabi ni Sereno, panahon na para magbuklod-buklod ang lahat ng Pinoy at lumaban para sa kabutihan ng bansa upang matigil na ang walang katuturang panggigipit ng administrasyon.

Ayon pa sa dating punong mahistrado, “inaatake na ng pangulo ang reason, science at ang Diyos” kaya’t kailangang magkaisa ang mga mamamayan na siyang may tunay na kapasidad upang magdesisyon para sa kinabukasan ng bayan.

Banat naman ni dating senador Antonio Trillanes IV sa mga pinoy na kailangan daw labanan ang pambabastos ng pamahalaang Duterte sa batas at demokrasya na bagama’t nangyari na raw nang mga nakalipas na administrasyon ay mas lumala raw ito sa panahon ng panunungkulan ni Duterte.

Umupak naman si Atty. ­Diokno na “walang basehan ang kaso ng pamahalaan laban sa mga kritiko nito at iginiit na dapat nang matigil ang paglapastangan sa batas para tumahimik ang mga nasa kabilang bakod.

Mga ka-SAKSI, hindi ba’t nakakaawa naman ang tatlong personalidad na ito dahil sa halip na punasan nila ang mga putik sa kanilang mga mukha ay pinuna nila ang putik sa mukha ng iba.

Hindi ba’t kaya nasibak bilang punong mahistrado si Se­reno ay dahil niloko niya ang mismong institusyong tumangkilik sa kanya sa hindi pagsusumite ng tamang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Ilang coup d’etat ba ang ginawa ni Trillanes upang mapabagsak ang Arroyo administration?

At si Atty. Diokno, di ba napagalitan ng SC dahil sa pagsasama ng mga pangalan ng mga umanoy mangingisda bilang mga petitioner sa inihaing niyang writ of kalikasan petition laban sa pamahalaan pero multo naman pala dahil hindi maipresinta sa hukuman ang mga mangingisda?

Ang lakas naman ng loob manawagan na magbuklod- buklod ang Filipino para ipaglaban ang ating kalayaan at ang Saligang Batas na sila mismo ay isa rin sa mga lumalabag nito.

Huwag ninyong gamitin ang ating mga kababayan para sa inyong sariling interes. Mahiya kayo!!! BERT MOZO

Read More

TALAMAK ANG KORAPSYON SA BI PERO SI MORENTE PA RIN ANG HEPE

Badilla Ngayon

HINDI ko talaga maintindihan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga desisyon laban sa katiwalian at korapsyon.

Madalas niyang iligtas ang mga opisyal na ‘malapit’ sa kanyang puso at ‘malakas’ sa kanya tulad nina Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña na parehong nadikit sa kaliwa’t kanang katiwalian at ­korapsyon sa mga ahensiyang ­pinangasiwaan nila sa nakaraan.

Maliban kina Faeldon at Lapeña, ang isa pang malapit sa puso at malakas kay Duterte ay si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente.
Katunayan, inamin ni Duterte na “labs” niya si Morente, sapagkat “mabait” daw ang retiradong heneral na ito.

Hindi tinanggal ng pangulo si Morente, samantalang P20 milyon ang halaga ng perang pinag-uusapan sa “pastillas operation” ng mga opisyal at kawani ng BI na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Senadora Ana Theresia “Riza” Hontiveros, P10,000 ang hinihingi ng mga korap sa BI sa bawat Intsik na dumadaan sa BI sa NAIA.

Sabi ni Immigration Officer 1 Allison Chiong, nasa 2,000 ang dumarating na mga Intsik sa bansa.

Kaya, kung kukuwentuhan ay aabot sa P20 milyon kada araw ang nakukolekta ng mga korap sa BI.

Napakalaking halaga na ang napunta sa mga korap sa BI kung 2017 pa nagsimula ang P10,000 padulas ng 2,000 Intsik na dumadaan araw-araw sa mga teritoryo ng BI sa NAIA.

Ipagpalagay na isanlibo lang sa 2,000 Intsik ang ­naghahatag ng P10,000 sa mga korap sa BI, P10 milyon pa rin ang pumapasok sa kanila kada araw.

Ngunit, hindi ipinatanggal at hindi pinakasuhan ni Duterte si Morente.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi ko sinasabing na napakalaki ng parte o mayroong parte si Morente sa multi­milyong arawang padulas.

Ngunit, hindi naman makatarungang manatili pa si Jaime Morente sa BI, gayong hindi matapus-tapos ang napakatinding korapsyon sa BI sa ilalim ng kanyang liderato.

Nang maging pangulo si Duterte, ipinuwesto niya si Morente sa tuktok ng BI.

Noong Disyembre 2016, pumutok ang balitang pa­ngingikil nina BI Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles ng P50 milyon mula sa kampo ni Jack Lam, beteranong operator ng online gambling sa bansa.

Uulitin ko, noong 2017, nagsimula ang multimilyong operasyong pastillas ng mga opisyal ng BI.

Noong Abril 2019, labinglimang South Koreans ang nagpadala ng reklamo kay Duterte at sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa pangingikil sa kanila ng 18 ahente ng BI ng P20 milyon upang hindi sila kasuhan at pabalikin sa South Korea.

Matapos itong P20 ­milyong iskandalo hinggil sa “pastillas” scheme, ano pa ang susunod na kasamaang sasambulat sa mamamayan mula sa BI sa mga susunod na buwan habang si Morente pa rin ang hepe? NELSON BADILLA

 

 

Read More

CARLO: ‘HINDI KO MA-IMAGINE NA WALANG ABS-CBN!’

MAINIT na pinag-uusapan sa buong bansa ngayon ang tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN. Mapapaso na kasi ito sa susunod na buwan kaya posibleng mapatigil na diumano ang operasyon ng Kapamilya network.
Para kay Carlo Aquino ay hindi niya halos maisip kung paano ang magiging sitwasyon sa Pilipinas kapag tumigil sa paglilingkod sa mamamayan ang naturang TV network. “Hindi ko ma-imagine na walang ABS-CBN. Ito na ‘yung kinalakihan ko. Dito talaga ako tumanda. Grabe, nagsimula ako nine years old. Ngayon I am thirty four (years old). Dito ako natuto umarte, dito ako natuto kumanta. Sila ang nag-hone ng skills ko. ‘Yon ang gagawin nila sa mga susunod na generations,” nakangiting pahayag ni Carlo.
Hinihikayat ng dating child star ang lahat ng Kapamilyang Pilipino, saan man sa mundo, na magbigay ng opinyon tungkol sa tulong o serbisyo na naibibigay ng ABS-CBN sa pamayanan. “Siyempre sila ang makakatulong sa atin. ‘Yung mga naniniwala na ang laki ng naitulong ng ABS-CBN sa kanila. Siyempre ‘yung mga OFW (overseas filipino workers) natin, ‘yung mga TFC (The Filipino Channel) subscribers. Kasi para sa akin, with or without franchise, ABS-CBN will continue to serve the Filipino. ‘Yon ang ginagawa nila for over sixty years. Pero naniniwala pa rin ako at pinagdadasal ko na hindi mangyayari (na mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN),” giit ng aktor.
Samantala, malaki ang pasasalamat ni Carlo sa pamunuan ng ABS-CBN dahil sa patuloy na pagtitiwala sa kanyang kakayahan. Kamakailan ay muling pumirma ng kontrata ang aktor para sa mga bagong proyekto na nakatakda  niyang gawin sa Kapamilya network. “Hindi naman nila binibigay ‘yung ganyang contract basta-basta. Sobrang ‘yung thankfulness ko, talagang over the top. Paghuhusayan ko pa,” pagtatapos ng binata. Ngayon ay napapanood si Carlo tuwing gabi sa teleseryeng ‘A Soldier’s Heart’
Read More