TRIKE BALIK-PASADA NA SA MAYNILA

PUWEDE nang bumiyahe ang mga tricycle driver sa mga lansangan sa lungsod ng Maynila.

Mismong si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang nag-utos sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na hayaan nang makabiyahe ang mga tricycle driver.

Gayunman kailangan din sundin ang mga patakaran ng bawat driver matapos iutos ng alkalde kay MTPB Chief Dennis Viaje na babantayan ang posibleng over pricing ng pasahe at i-impound ang tricycle kapag napatunayang lumabag dito.

Maari lamang sumingil ang mga trike driver ng P20 kada unang kilometro at karagdagang P5 sa susunod na kalahating kilometro.

Magpapatupad rin umano ng surprise inspection sa mga tricycle na bumibiyahe para matitak kung sumusunod sila sa umiiral na guidelines.

Gayundin, isa lamang ang dapat nilang bisakay, dapat may harang na plastic sa pagitan ng driver at pasahero, dapat na mayroong alchohol sa loob ng tricycle at nakasuot ng facemask ang driver at pasahero.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang backriders at dapat tinitingnan ang temperatura sa loading at unloading area ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA). (RENE CRISOSTOMO)

Read More

OPISYAL NG MANILA POLICE DISTRICT, KINASUHAN NG RAPE, ABORTION

rape

BUKOD sa kasong kriminal, nahaharap din sa kasong administratibo ang isang opisyal ng Manila Police District (MPD) matapos akusahan na gumasa ng isang babaeng police trainee at pinilit na ipalaglag ipinagbubuntis noong Marso.

Kasabay nito, iniutos ni MPD Director P/BGen. Rolando Miranda ang pagsibak sa puwesto sa suspek na si P/Cpt. Heherson Zambale, hepe ng Barbosa Police Community Precinct ng Sta. Cruz Police Station.

Nangyari umano ang pangagahas noong Marso 7 ng suspek sa biktima na isang Criminology student at nag-aplay para sa ‘on-the-job training’ sa naturang istasyon.

Nalaman na pinainom umano ang biktima ng alak hanggang sa hindi na nakapalag nang sipingan siya ng suspek.

Ayon sa biktima, sa simula ay tinanggap niya ang nangyari ngunit kinalaunan ay nagdesisyong magsampa ng kaso nang sa halip na suportahan siya nang malaman na buntis ay pinilit umano siya ng suspek na ipalaglag ang kanyang ipinagbubuntis.

Ayon sa biktima, pinainom muna siya ng suspek ng mga gamot na pampalaglag at nang hindi tumalab ay dinala siya sa isang abortionist sa Sampaloc kung saan tinanggal ang kanyang dinadala sa sinapupunan.

Noong Hunyo 1 ay sinampahan sa Manila City Prosecutor’s Office ng kasong paglabag sa RA 8353 (Rape) at Induced Abortion si Zambale at ang kanyang misis na si Aliah Zambale bilang co-conspirator at dalawa pang hindi nakikilalang babae na sumama umano sa pagpapalaglag sa dinadala ng biktima.

Ayon sa ulat, dinisarmahan na si Zambale at sinibak sa kanyang puwesto habang isinasailalim ang imbestigasyon. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

30 KAWANI NG BRGY. SOUTH TRIANGLE, QC, POSITIBO SA COVID-19

PANASAMANTALANG sinuspinde ng Barangay South Triangle sa Quezon City ang kanilang operasyon kasunod ng resulta ng isinagawa nilang rapid test na 30 sa kanilang mga empleyado ay positibo sa COVID-19.

Ayon sa post sa Facebook page ng barangay, tatlong araw na isususpinde ang kanilang operasyon para sa isasagawang disinfection sa kanilang tanggapan.

Kasalukuyang naka-quarantine ang mga empleyado ng barangay habang nakatakda rin silang isailalim sa polymerase chain reaction test.

Sa pinakahuling tala ng Department of Health, nasa 2,294 na ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod. (KIKO CUETO)

Read More

20 PASYENTE SA DAVAO GUMALING SA COVID

DAVAO CITY – Inanunsyo ng Davao Oriental Task Force on COVID-19, ayon sa report ng Department of Health (DOH)-Davao Region at Southern Philippine Medical Center (SPMC), na nakarekober na ang 12 positibo sa nasabing sakit.

Ikinatuwa ng mga residente sa bayan ng Banay-Banay at San Isidro na negatibo na sa “repeat swab test” noong Mayo 30 ang 12 na nagpositibo, kabilang ang walong overseas Filipino workers (OFWs) at apat na may travel history sa Maguindanao province.

Ngunit ayon kay Provincial Task Force on COVID-19 action officer Dr. Reden Bersaldo, sasailalim pa rin sa 14-day home quarantine ang 12 labindalawang indibidwal at muling i-swab test upang masiguro na tuluyan na itong gumaling sa COVID-19 disease.

Inabiso rin ng Task Force na nagnegatibo rin sa COVID-19 ang lahat ng may may direct at nagka-close contact sa 12 pasyente. (DONDON DINOY)

Read More

8 ARESTADO SA ILLEGAL QUARRYING

INARESTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division (NBI-EnCD) ang walong indibidwal na sangkot sa illegal quarrying sa Tarlac City.

Ayon kay NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric B. Distor, ang mga arestado ay kinilalang sina Rene Santiago, Joseph Acuña, Norman Ibasco, Jeovy Mojello, Raul Laxamana, Ernesto Torres, Reynaldo Balajadia at Ryan Santos.

Inaresto ang mga suspek matapos makatanggap ng impormasyon ang NBI na may nangyayaring quarry operation at processing ng mga mineral sa Brgy. Telabanca, Concepcion, Tarlac.

Ang mga suspek ay inaresto dahil wala umanong maipakitang permit mula sa Provincial Mining Regulatory Board ng lalawigan ng Tarlac at sa Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau Region III (DENR-MGB Region III). (RENE CRISOSTOMO)

Read More

1 SA ‘MORONG 43’ NAPATAY SA SAGUPAAN

ORIENTAL Mindoro – Patay ang isang babaeng umano’y health worker na miyembro umano ng NPA, at isang batang lalaking sibilyan naman ang nasugatan, sa pakikisagupa sa militar sa Brgy. Mangangan Uno, bayan ng Baco sa lalawigang ito noong Huwebes.

Kinilala ni Col. Jose Augusto Villareal, Commander ng 203rd Infantry Brigade ang napatay na si Lorelyn Saligumba alyas Fara, isang political instructor ng KLG ICM Platoon Dos, at miyembro umano ng tinaguriang “Morong 43”na nagpanggap na grupo ng health workers na konektado sa NPA.

Nangyari ang sagupaan ng mga sundalo at 10 miyembro ng NPA dahi sa sumbong ng mga residente sa umano’y pangingikil ng pagkain dahil sa sobrang gutom ng mga rebelde sa kabundukan .

Napatay si alyas Fara habang tumatakas at tinamaan naman ng ligaw na bala sa kanyang kaliwang hita ang 12-anyos na batang lalaki. (CYRILL QUILO)

Read More

ONLINE SELLER DEDBOL KAY UTOL

LAGUNA – Patay ang isang 21-anyos na dalaga makaraang saksakin ng kanyang nakababatang kapatid nang sermunan ng una sa Sta. Rosa City sa lalawigang ito noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Lyka Caserez de Guzman, online seller, residente ng Brgy. Market Area, Sta. Rosa City.

Batay sa report ng Sta. Rosa City police, sinaksak ng kanyang kapatid na si Jaylord Caserez Magsumbol, 18, ang biktima makaraan ang mainitan nilang pagtatalo sa kanilang apartment.

Magkapatid lamang sa ina ang dalawa ngunit magkasamang naninirahan sa isang bahay.

Umuwi umanong lasing ang suspek kaya nagalit ang biktima at sinermunan ang suspek na ikinagalit ng huli.

Tuluyang nagdilim ang isip ng suspek kaya tinadtad ng saksak ang biktima hanggang sa mapatay.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek at nakakulong na sa custodial facility at sinampahan ng kasong homicide. (NILOU DEL CARMEN)

Read More

Isa pang underground med facility sa Clark nadiskubre 3 TSINO ARESTADO SA P20-M GAMOT, COSMETICS

ANGELES City – Aabot sa halagang P20-milyon ng unregistered Chinese medicines, food and cosmetics ang kinumpiska ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Food and Drug Administration (FDA) sa nadiskubreng ikalawang undergound medical facility sa Clark Freeport Zone sa lungsod na ito noong Huwebes.

Kinilala ang arestadong mga Chinese national na sina Zidong Guo, 53; Chen Weiming, 31, at Hong Qiao Lling, 28, na inabutan sa loob ng naturang ilegal na pasilidad.

Base sa imbestigasyon, ang nasabing operasyon ay follow-up operation ng NBI at FDA North Luzon Cluster, sa pangunguna ni Officer in-Charge Mr. Gomel Gabuna, na isinagawa sa Super Market No Nineth na matatagpuan sa panulukan ng J. Abad Santos Avenue at E. Aguinaldo St., Clark Freeport Zone sa Pampanga at nasamsam ditto ang P20-milyong halaga ng Chinese medicines, food at cosmetic products na mayroong Chinese character labels.

Napag-alaman din kay Atty. De Jemil, ito umano ang supplier sa naunang dalawang medical facilities na ni-raid kamakailan.

Magugunitang unang ni-raid ng nasabing mga awtoridad ang underground medical facility sa #628 Florida St., Fontana Leisure Park kung saan ang isang villa ay nilagyan ng 7-bed capacity clinic para sa mga pasyenteng Chinese na may COVID-19 at naaresto mula rito ang dalawang Chinese nationals ngunit pinakawalan.

Kasunod namang nadiskubre ang underground medical facility sa labas ng Clark Freeport Zone na isang rented house malapit sa Korean Town sa Angeles City at dalawa ring Chinese nationals ang naaresto. (ELOISA SILVERIO)

Read More

ILOG SA CALAMBA, POSITIBO SA POLIOVIRUS 3

CALAMBA CITY- Nagpositibo sa poliovirus 3 ang tubig na dumadaloy sa San Juan River at Ligasong Creek na nasa pagitan ng Brgy. Bucal at Brgy. Halang sa lungsod ng Calamba patungong Laguna de Bay mula sa.

Ito ang lumitaw sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM ngayong buwan.

Matapos makapagtala ng kaso ng polio sa ilang bata sa Brgy. Lingga noong nakaraang Setyembre, 2019, inirekomenda ng RITM at Department of Health ang buwanang pagsusuri sa nasabing mga ilog na sinimulan noong buwan ng Oktubre.

Kaugnay nito, naglabas ng opisyal na pahayag ang pinuno ng Calamba City Health Office na si Dr. Adelino Labro.

“Hindi naman para mag-alala o matakot ang mga tao lalong-lalo na sa ating iniinom na tubig kasi ito ay hindi naman kontaminado lalong-lalo na iyong galing sa Calamba Water District,” ani Labro.

Ayon naman sa CWD, wala pa umano silang natatanggap na official report na nagsasabing may poliovirus na natuklasan sa tubig Ilat ng Ligasong base sa pagsusuri ng City Environment and Natural Resources o CENRO ng Calamba.

Pinabulaanan din nito ang naunang inilathala sa FB Page ng Brgy. Bucal na nagpapaalala hinggil sa kontaminado umanong tubig ng CWD na ginagamit sa buong syudad.

Naging dahilan ito ng pagkatakot at pangamba sa mga residente ng buong lungsod kaya’t agarang pinasiyasat ni Calamba City Mayor Justin Marc Chipeco kay Public Order and Safety Officer Jeffrey Rodriguez ang nasabing lugar.

Dito nabatid na ang tubo ng CWD o ang kanilang main water source ay malayo sa Ilat ng Ligasong (creek).

Kasabay nito, pinaalalahanan ng local government ang mga residente na huwag magtapon ng basura sa ilog tulad ng mga ginamit na diaper ng bata. CYRILL QUILO

Read More