Bagong mukha ng palengke sa Binangonan “I-CHAT MO, DADALIN KO”

SA umiiral na patakarang nagtatakda ng limitadong galaw ng tao, lumikha ang bayan ng Binangonan ng bagong mukha ng kanilang pamilihang bayan — “i-chat mo, dadalin ko.”

Sa unang araw ng proyektong bunga ng pinagsamang sikap ng lokal na pamahalaan at mga volunteer group sa likod ng Binangonan Action Center, hindi na kailangang lumabas ng kani-kanilang tahanan ang mga nagnanais tumungo sa pamilihang bayan upang mamalengke, saad ng mensahe ni Russel Callanta Ynares na siyang utak ng programang tinawag na “ePalengke.”

Gamit ang isang mobile app, icha-chat na lang aniya ang mga dapat bilhin, kalakip ang pangalan at address ng nagpapabili, Sa loob lamang ng isang oras, darating ang mga bilihing itinala. Maaari rin i-chat sa Facebook page na Binangonan Action Center ang “order ni misis,” dagdag pa ni Ynares na siya ring tumatayong municipal administrator ng nasabing bayan.

“Sa mga gustong mamalengke online, magpadala lang ng messsage dito sa Binangonan E-Palengke at tutulungan kayo ng aming chat support team. May post din kami para sa mga available products dito sa ePalengke natin. Gulay? Prutas? Isda? Baboy? Baka? Manok? Meron kami niyan,” ani Ynares sa kanyang facebook account.

Matatagpuan din sa kanilang FB page ang presyo ng mga bilihin sa palengke, na siya rin presyong para sa mga tatangkilik.

Samantala, kahit pa nasa general community quarantine na ang Binangonan, patuloy ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng relief food packs na naglalaman ng bigas, delata at “danggit na ayungin”, mula sa mga lokal na mangingisda. (FERNAN ANGELES)

Read More

PORTABLE SATELLITE, ITINUTULAK NA SOLUSYON SA MABAGAL NA INTERNET SERVICE

HINIMOK ng dalawang mambabatas ang IATF EID (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) at iba pang ahensiya ng ehekutibo na mag-deploy ng satellite communications equipment para bumilis at lumakas ang internet signal sa bansa.

Mga VSAT at BGAN ang nais nina Iligan City Rep. Frederick W. Siao at Bohol 3rd District Rep. Alexie Tutor na ipakalat sa mga lugar kung saan nararanasan ang internet signal congestion at mga lugar na mahina ang signal dahil liblib at malayo sa kabihasnan gaya ng mga kabundukan at isla.

BGAN ang acronym para sa Broadband Global Area Network (BGAN) habang ang VSAT ay Very Small Aperture Terminal.

Hindi na bago ang mga BGAN at VSAT equipment dahil nagamit na ang mga ito ng Comelec at DepEd sa mga nakaraang eleksyon bilang back-up kapag hindi naka-connect ang SIM card ng vote counting machines sa servers ng Comelec para mapadala ang resulta ng botohan sa mga presinto.

Portable ang BGAN transmission dahil malaki lang ito nang kaunti sa laptop at pwedeng ikabit sa laptop, smartphone, o desktop computer para sa transmission ng voice calls at data files.

Naiiba ang VSAT sa BGAN dahil kaya nitong magpadala ng mas malalaking bulto ng data na aabot sa 25 Mbps hanggang 50 Mbps, na sapat para sa video conferencing at online meetings.

“I suggest we deploy these equipment and accompanying devices again but this time, to make online learning work for over 32 million students (from kindergarten to college) and the 900,000-strong Department of Education,” ani Rep. Siao, Vice-Chair ng House Committee on Information and Communications Technology.

“In a targeted way, BGANs can boost signals in areas where and when signals are weak, where there are blind spots, and where the cell towers are overwhelmed by high traffic volume. VSATs can be deployed to islands, foothills, mountain slopes, and other remote areas,” dagdag ni Siao.

Maaari ring i-deploy ang VSATs sa mga lungsod at bayan kung saan mahina ang internet signal dahil sa dami ng taong sabay-sabay naka-online.

Samantala, kabilang ang mga BGAN at VSAT sa mga hakbang na inilista ni Rep. Tutor sa House Resolution 946 na naglalatag ng mga posibleng solusyon sa mabagal na implementasyon ng common tower policy ng Department of Information and Communications Technology.

Sa common tower policy, maaari nang mag-share sa isang telecom tower ang mga telecommunication company at internet service provider.

Pinuna ni Rep. Tutor na halos kulelat ang ranking ng Pilipinas sa kalidad ng internet sa buong mundo. CESAR BARQUILLA

Read More

100 CHINESE ARESTADO SA ILLEGAL RAPID TESTING

DINAMPOT ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isandaang Chinese national at isang Pinoy dahil umano sa pamamahala sa pagsasagawa ng ilegal na rapid testing sa Las Piñas City.

Sa ulat, alas-4:30 ng hapon nang salakayin ng mga operatiba ng NBI ang China Food City na matatagpuan sa 501 Alabang- Zapote Road, Almanza, Las Pinas City.

Bago ito, nakatanggap ng ulat ang NBI hinggil sa pagkakaroon umano ng rapid testing ng COVID-19 sa nasabing lugar kung saan mga Chinese ang nagpapasuri at pinamamahalaan ng isang Dr. Tony Ching Shitian, 35.

Lumitaw sa inisyal na ulat na mga trabahador sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang mga inarestong Chinese at ang pagsasailalim sa rapid testing ay bahagi ng requirement sa kanilang pagbabalik sa trabaho. DAVE MEDINA

Read More

Jeepney phase out namumuro AYUDA SA PUJ DRIVERS, OPERATORS TINIYAK NG PALASYO

TINIYAK ng Malakanyang na hahanapan ng paraan ng pamahalaan na matulungan ang mga drayber at operator ng old jeepneys sakaling matuloy ang pinangangambahang phase out sa kanilang hanay.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, gagawin ng pamahalaan ang lahat ng magagawa nito upang mabigyan sila ng tulong kapag natuloy ang pag-phase out sa mga lumang Jeep dahil sa modernization program ng gobyerno.

Ito aniya ay upang makapagpatuloy sila ng pamamasada o paghahanapbuhay sa pamamagitan ng mga modernong Jeepney.

Sa kabilang dako, una nang sinabi ng Malakanyang na pinag-aaralan na ng gobyerno ang pagbibigay ngayong buwan ng tulong pinansyal sa lahat ng driver ng pampublikong sasakyan na hindi pa rin nakakapamasada dahil sa COVID-19.

Ngayong linggo, inilutang ng pamahalaan ang posibleng pagkuha sa mga jeepney driver bilang contact tracers.

“We are actually considering alternative livelihoods for them. There’s a suggestion that they be employed as contact tracers because we do need about 120,000 of them and its only about 30,000 employed so far,” ayon kay Sec. Roque.

Nangangailangan ang Pilipinas ng mahigit 95,000 contact tracers para sa COVID-19 response.

Sa kabilang dako, sinabi ng health department na ang bansa ay may 38,000 contact tracers sa kasalukuyan.

Malayo sa bilang na 126,000 benchmark para ma-meet ang standard ng World Health Organization para sa Pilipinas na magkaroon ng isang contact tracer sa kada 800 katao.

Nauna rito, sinabi ng Transport group na PISTON na may 500,000 jeepney drivers at 200,000 small jeepney operators ang apektado ng lockdown. CHRISTIAN DALE

Read More

Sa e-Learning ng mga estudyante SAPAT NA KURYENTE PINATITIYAK SA DOE

HINILING ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na tiyakin na may sapat at tuloy-tuloy na serbisyo ng elektrisidad sa bawat tahanan na magagamit ng bawat estudyante sa alternative learning modalities habang naghahanda ang mga paaralan sa “new normal” na sistema ng edukasyon.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na bukod sa online learning, lilipat din sa blended learning na hindi kailangan ng estudyante na magkaroon ng internet connectivity o magkaroon ng sariling gadgets upang ma-access ang educational content.

Kaya isinusulong ng senador na gamitin ang telebisyon at radio-based instructions dahil malawak ang nahahatiran nila ng impormasyon. Pero, masasayang lamang ang continuity plan ng pamahalaan kung walang sapat na kuryente ang bawat tahanan sa bansa.

Base sa data ng DOE na noong 2019, umabot sa 1,885,507 tahanan ang walang kuryente 0 7.71% ng kabuuang bilang ng kabayahan sa buong bansa. Karamihan dito ay matatagpuan sa Mindanao (1,187,769) habang sa Luzon at Visayas ang natitirang kalahati, 364,409 at 333,329, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Nauna nang ipinangako ng DOE ang 100% elektrisidad sa buong bansa pagsapit ng 2020. Naglaan ito ng P500 milyon sa 2020 budget ng ahensiya na umabot sa P2.3 bilyon para sa Total Electrification Program (TEP).

“Many underprivileged students living in remote areas have no electricity and they will be left behind in their studies by more socially advantaged students as well as those from private schools. The DOE should make true on its commitment of 100% electrification within the year,” ayon kay Gatchalian.

Inatasan ng chairman ng Senate Committee on Energy ang DOE na magsagawa ng estratehiya at maglatag ng plano kung paano mabibigyan ng sapat na electric service ang lahat ng tahanan sa buong bansa.

Iminungkahi niya ang paggamit ng bagong teknolohiya tulad ng microgrid systems, na magbibigay ng sapat na electric services sa bawat tahanan at palakasin ang total electrification sa lugar na walang kuryente, walang distribution system, walang home power system o walang koneksiyon sa bawat tahanan sa anomang micro-grid system.

“Pagkatapos ng aming hearing ukol sa total electrification, ang DOE ay nag-isyu ng isang circular para sa paggamit ng microgrids upang tugunan ang kawalan ng kuryente sa remote areas. Kailangan talaga nating gumamit ng makabagong teknolohiya upang maabot natin ang lahat ng estudyante at households na nasa bundok at mga isla,” ayon kay Gatchalian.

“Admittedly, it is challenging to reach the households and students in the last mile. We will now use new technology to reach them. The technology is there but we don’t have sufficient funds. We are now looking for ways to fund this new technology so that we can provide electricity to every student and household,” giit pa ng mambabatas. ESTONG REYES

Read More

Magpapabilis sa pamamahagi ng ayuda NATIONAL ID, INAAPURA

PINABIBILISAN ng National Task Force COVID-19 ang implementasyon ng national ID system sa layuning makapagkaloob ng agarang serbisyo sa mga panahon ng krisis gaya ng nararanasang COVID-19 pandemic sa buong mundo.

Sinasabing ang Philippine Identification System (PhilSys) ay tutulong sa gobyerno para awtomatikong makapagpalabas ng ayuda sa mahihirap na lubhang apektado ng krisis, kalamidad at mga panahon ng emergencies, ayon kay Cabinet Secretary and Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-IED) co-chair Karlo Nograles.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Identification System na mas kilala bilang Philippine System Identification Act noong August, 2018 na nag-aatas sa pamahalaan na lumikha ng isang official identification card para sa lahat ng mamamayan maging ng mga foreign resident na magsisilbing de facto national identification number.

Sa ilalim ng nasabing batas, nakapaloob sa nasabing ID ang Philippine Identification System number ng tao o ID holder, full name, gender, blood type, date of birth, place of birth, marital status, address at front facing photo.

Nabatid na bago nilagdaan ang PhilSys Act, ang Pilipinas ay kabilang sa iilang bansa sa buong mundo na walang national ID system.

Magugunitang tinangka ng nakalipas na administrasyon na magkaroon ng national ID subalit sinalubong ito ng matinding pagsalungat sa gitna ng pangamba ng mga nasa oposisyon hinggil sa data privacy na kinatatakutang malabag.

Nitong Abril ay itinakda ng Philippine Statistics Authority ang pagpaparehistro para sa national ID system subalit inilipat ito sa buwan ng Oktubre mula sa orihinal na July schedule dahil sa coronavirus pandemic. JESSE KABEL

Read More

DILG NAGMATIGAS LABAN SA PEDICAB

IGINIIT ng Department of Interior and Local Government (DILG) na huhulihin ang mga tricycle na babagtas sa mga national highway.

Sa Laging Handa public briefing, muling binigyang diin ni DILG usec Jonathan Malaya na maraming disgrasya o aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga tricycle at pedicab.

Sinabi ni Usec. Malaya na sadyang hindi angkop ang ganitong uri ng transportasyon sa malalaking kalsada at talong-talo ang mga ito sa naglalakihang trak, bus, at iba pang uri ng pribadong sasakyan kapag nasangkot sa aksidente.

Dahil dito, sinabi ni Usec. Malaya na bawal talaga ang tricycle at pedicab sa national highways.

Gayunpaman, pwede aniya ang mga ito sa mga secondary road at barangay roads.

Samantala, ang pag-angkas sa motorsiklo ay bawal din sa panahong ito ng pandemya dahil ang konsiderasyon naman dito ay ang kalusugan ng publiko.

Hindi aniya pwedeng hayaan ng pamahalaan na magkaroon na naman ng mabilis na pagkalat ng COVID-19 bunsod ng mga pag- angkas sa motorsiklo at mahawahan ang ibang makakasalamuha nila sa pupuntahang lugar. CHRISTIAN DALE

Read More

Dapat may sapat na testing at quarantine facilities BALIK PROBINSYA ‘DI IPIPILIT SA LGUs

bus66

SINIGURO ng National Housing Authority (NHA) na siyang pangunahing ahensiyang nangangasiwa sa Balik Probinsiya Bagong Pag-asa program, na hindi sila magpapauwi ng mga indibidwal kung walang kapasidad ang lokal na pamahalaan para sa testing at quarantine.

Pahayag ito ni NHA gen. manager at Balik Probinsiya Bagong Pag-asa executive director Marcelino Escalada makaraang magpositibo sa COVID-19 ang dalawa sa unang batch ng mga pinauwi sa visayas region nitong nakalipas na Mayo a bente.

Ani Escalada, dalawang bagay lamang naman talaga ang kalalabasan ng test, ito ay ang pagiging negatibo o positibo.

Subalit ang importante aniya, may kakayahan ang mga probinsyang inuuwian para sa pagsasagawa ng testing at quarantine.

Kung wala naman aniyang kapasidad o kakayahan ang LGU ay hindi sila magpapauwi ng mga galing sa Metro Manila.

May ilang mga sector at LGUs ang una nang naghayag kamakailan ng kanilang pangamba sa timing umano ng programang ito, dahil baka dumagdag lamang sa kanilang pasanin sa panahong ipit sila sa sitwasyon dahil wala pang pagkakakitaan sa ilang lalawigan at wala pa rin namang bakuna laban sa COVID-19.

Subalit, nanindigan si Escalada na hindi ito debatable.

Sa halip aniyang magreklamo ay dapat simulan na ng LGUs ang paghahanda para sa adhikaing ito dahil kailangan ding ikonsidera ang lagay ng pamumuhay ng mga Pinoy sa Metro Manila na nakikipagsiksikan sa espasyo, walang pagkain, walang bahay at hirap sa pakikipagsapalaran, kumpara kung uuwi sila sa probinsiya at doon na mamumuhay nang matagal at maghahapbuhay kasama ang kanilang pamilya. CHRISTIAN DALE

Read More

SAPAT NA ELEKTRISIDAD SA E-LEARNING, PINATITIYAK NG SENADOR