SOLON: UNAHIN ANG MAHAHALAGANG PANGANGAILANGAN NG MAMAMAYAN

NANAWAGAN ang isa sa mga kaalyado ng administrasyong Duterte sa Senado na bigyan ng pamahalaan ng kaukulang pansin ang mahahalagang pangangailangan ng mamamayan ngayong malaking problema pa rin nila ang trabaho at pera sa panahong hindi pa tuluyang humuhupa ang coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Idiniin ni Senadora Nancy Binay na “Essential concerns dapat ang pagtuunan ng pansin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.”

“Medyo nakaka-frustrate na sa kabila ng tumataas na bilang ng nawalan ng trabaho, mga negosyong nagsasara at mga pamilyang hanggang ngayon ay ‘di pa naaabutan ng ayuda, makikita natin na iba ang priorities at focus ng gobyerno,” birada ni Binay.

Inilabas ng senadora ang kanyang pagkadismaya sa administrasyong Duterte makaraang malaman na tumaas sa mahigit 7.3 milyon ang bilang ng mga manggagawa na walang trabaho sa kasalukuyan at milyun-milyon ang hindi pa nakatatanggap ng ayudang pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Agriculture (DA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ang 7.3 milyong Filipino na walang trabaho ang pinakamalaki sa nakalipas na dekada.

Batay sa datos na inilabas kamakailan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, P353 bilyon na ang nailabas na pera ng administrasyong Duterte bilang pampinansiyang ayuda sa 23 milyong mahihirap na mga pamilyang Filipino, 4.3 milyong manggagawa, 250,000 overseas Filipino workers (OFWs) at marami pang iba at pondong pambili ng COVID-19 testing kits, personal protective equipment (PPE) at iba pa.

Umabot sa P78 bilyon ang sobra sa P275 bilyong pondo na itinakda ng Bayanihan to Heal as One Law ang nailabas na pera ng administrasyong Duterte, ngunit napakarami pa ring tao ang hindi nakatanggap ng ayuda.

Dismayado rin si Binay dahil hindi naipasa ng Kongreso ang panukalang Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 kung saan P140 bilyon ang pinayagan ng Senado na idagdag ni Duterte na pang-ayuda sa mga batayang sektor.

Sa bersiyon ng Kamara de Representantes, P162 bilyon ang gusto ng mga kongresista na ilabas pa ng pamahalaan para sa mga gastusin nito sa sitwasyong mayroon pang COVID-19 pa sa bansa.

“Sa panahong ito na lahat ay kapos at walang makapitan, at di natin dapat hinahayaan na magkaroon ng gap sa pagbigay ng suporta lalo na sa mga pamilyang nawalan ng hanapbuhay. ‘Di pa po tapos ang laban, pero bumitaw na ang gobyerno.

Nasa ibang orbit ba ang mga Pilipino para iwanan sa ere?” bigwas ni Binay. NELSON S. BADILLA

Read More

Gagawing automatic sa panahon ng pandemya MORATORIUM SA UTILITY BILLS – NOGRALES

TINATRABAHO na ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang magkaroon ng automatic moratorium sa pagbabayad ng utility bills sa panahon ng public health emergency.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 6960 o Utility Bills Moratorium Law na inakda ni Nograles, sinabi nitong kailangang magkaroon ng ganitong batas bilang paghahanda sa pandemya na kahalintulad ng COVID-19.

“We do not wish for another public health emergency to happen, but we must be realistic in expecting that the next epidemic is right around the corner. Right now, even as we are still grappling with the pandemic, we already have to cover the bases so we won’t be blindsided when the next public health crisis hits,” paliwanag ni Nograles.

Nais ng mambabatas na kapag nagkaroon muli ng pandemya sa hinaharap, awtomatikong magkakaroon ng moratorium sa electric, water, internet at telephone bills sa mga lugar na isasailalim ng gobyerno sa enhanced community quarantine (ECQ).

Nangangahulugan ito ng pagbabawal ang mga public utility franchise holders at lahat ng service providers na maningil at putulin ang kanilang serbisyo sa kanilang mga customers na hindi nakakabayad dahil sa quarantine.

Gayunpaman, papayagan umano na magbayad ang mga customer ng kanilang bills sa panahon ng quarantine ngunit ang walang pambayad ay hindi dapat putulan ng serbisyo at ang kanilang bayarin ay gagawing installment sa loob ng tatlong buwan nang walang interest na ipapataw.

“This bill is in response to the challenges encountered by our fellow Filipinos during the ECQ. Due to a confluence of factors such as limited mobility and disrupted cash flows, many people have been unable to pay their bills,” Ani Nograles.

“Marami ang dumaing na hindi makatarungan na maputulan sila ng kritikal na serbisyo dahil sa bagay na wala sa kontrol nila,” dagdag pa ng mambabatas subalit tiniyak nito sa public utility providers na hindi papabayaan ang interes ng mga ito at tutulungan sila ng gobyerno kung kinakailangan.

Nakasaad sa Section 7 ng nasabing panukala ni Nograles na: “in cases of state of calamity involving public health emergency with implemented enhanced community quarantine that exceed a period of three (3) months, the government shall provide subsidy to service providers as determined by the relevant regulatory agencies”. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

HEALTHY SENIORS DAPAT PAYAGANG MAGTRABAHO AT LUMABAS NG BAHAY

NANAWAGAN si Senior Citizen Party-list Rep. Francisco Datol. Jr. sa Inter-Agency Task Force na payagang lumabas ang mga senior citizen na wala namang “underlying medical conditions” na nagpapataas ng panganib na mahawahan ng kumakalat na coronavirus disease.

“Hindi naman kasi lahat ng seniors ay mahina ang kalusugan o mayroong sakit sa puso, diabetes, or immunocompromised.

Maraming senior ang very healthy naman. Payagan naman sana silang lumabas sa mga kasalukuyang quarantine level,” pakiusap ni Datol, chair ng House committee on senior citizens, sa IATF.

“Pag hindi na natin pinalabas yung senior citizens ay di man sila mamatay sa COVID-19 ay mamamatay naman sila dahil hindi sila nakapaghahanapbuhay o dahil sa kalungkutan sa kanilang mga tahanan,” pahayag nito.

Naghain pa ng dalawang resolusyon ang mambabatas tungkol sa COVID-19 pandemic nitong mga nakaraang araw. Ang unang HR 931 ay patungkol sa pagpayag sa healthy seniors na lumabas ng bahay at naglalayong imbestigahan ng angkop na komite ng Kamara ang pagpapatupad ng quarantine measures.

Ang ikalawang resolusyon- HR 950, na inihain ni Datol ay tungkol naman sa pag-postpone ng pagbubukas ng klase hanggang wala pang aprubadong bakuna laban sa COVID-19 sa Pilipinas. CESAR BARQUILLA

Read More

PAGPASADA NG JEEP, BUS, HIRIT SA SENADO

HINILING ni Senador Risa Hontiveros sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagan nang pumasada ang lahat ng jeep at bus dahil lubha nang apektado ang mga drayber na walang kinikita, mag-aapat na buwan na.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na sakaling payagang pumasada ang mga jeep at bus, dapat mahigpit na ipatupad ng mga drayber ang health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.

“Hindi lang dapat para sa mga may sasakyan ang kalsada natin. Kung may social distancing naman, bakit hindi payagan na ang mga jeep at bus?,” ayon kay Hontiveros.

Kamakailan, may anim na drayber na pawang miyembro ng PISTON ang dinakip dahil sa pagsasagawa ng protesta laban sa jeepney phase out kabilang ang walong drayber sa Cebu na nagsagawa ng katulad na pagkilos.

“It is in the best interest of the commuting public and the transport sector alike if jeeps and buses soon resume operations provided they follow social distancing and other health guidelines,” hirit ni Hontiveros.

Isinagawa ni Hontiveros ang apela matapos ipahayag ng Palasyo na papayagan lamang pumasada ang limitadong bilang ng bus sa kani-kanilang ruta, pero hindi pa rin pinapayagan ang pagpasada naman ng jeep dahil pinag-aaralan pa kung paano nito ipatutupad ang social distancing.

Ayon kay Hontiveros, patuloy na nawawalan ng kita ang mga drayber at operator at tumataas din ang banta sa kalusugan ng commuters na naglalakad o nakikisalamuha sa matataong lugar upang makarating lamang sa kanilang destinasyon.

“Marami na tayong halimbawa sa iba’t ibang siyudad kung paano ang dapat na social distancing sa loob ng jeep at bus.

Mas walang social distancing at health protections sa iilang truck at utility van ng pamahalaan na nagpapasakay sa mga tao ngayon,” aniya.

Iginiit pa ng senador na dapat nang pabilisin ang pagpapalabas ng kumprehensibong health guidelines na mahigpit na ipatutupad ng mga drayber at operator ng jeep at bus na ipasusunod sa mga pasahero.

“Sinayang ng Department of Transportation ang mahigit dalawang buwang quarantine. Dapat may guidelines na ngayon,” aniya.

Binatikos din ni Hontiveros ang panukalang sanayin ang mga jeepney driver bilang contact tracer para sa kaso ng coronavirus 2019 (COVID-19) dahil simpleng counterproductive ito: “Imbes na gumastos ang pamahalaan para i-train ang mga driver sa mga gawain na hindi nila gamay, bakit hindi na lang gamitin ang pera na yan para siguraduhin ang social distancing at protective measures sa mga jeep at bus para makabiyahe na sila ulit?”

Hiniling din ng senador sa pamahalaan na kumalap ng service contracting sa transport sector upang matiyak na may sapat na kita ang mga drayber at operator.

“Hindi tamang ang nakakabiyahe lang ngayon ay ang mga naka-aircon na sasakyan. DoTr should stop being anti-poor,” pagtatapos ng mambabatas. ESTONG REYES

Read More

CONTINGENT AT INTEL FUND NG PANGULO, ILAAN SA HEALTH WORKERS

IMINUNGKAHI ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na gamitin ng gobyerno ang P13 bilyon na contingent fund at P4.5 bilyon na intelligence fund ng Office of the President upang maibigay ang cash aid sa mga healthworker na nasawi at tinamaan ng COVID-19.

Sa gitna ito ng pagtatapos ng bisa ng Bayanihan to Heal as One Act kung saan nakapaloob ang probisyon para sa paggawa ng tulong sa mga public at private health worker.

Iginiit ni Drilon na maraming paraan upang mapondohan ang pangangailangang kompensasyon.

Sa ilalim anya ng 2020 General Appropriations Act, P4.5 bilyon ang confidential at intelligence fund at P13 billion ang contingent fund sa ilalim ng Office of the President.

Binigyang-diin ni Drilon na sa ilalim ng konstitusyon, may kapangyarihan ang Pangulo na mag-realign ng pondo na nakapaloob sa 2020 GAA.

Dapat din anyang ituloy ng gobyerno ang relief at assistance programs sa mahihirap at sa mga naapektuhan ang trabaho maging sa maliliit na negosyo.

Nanawagan din ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na agad ilabas ang ikalawang bahagi ng Social Amelioration Program o SAP.(SANG SAMSON-GARCIA)

Read More

Kung walang ayuda sa gobyerno MGA PRIBADONG PAARALAN, MAGSASARA

NAGBABALA si Senador Win Gatchalian na posibleng magsara ang mga pribadong paaralan kung hindi mabibigyan ng ayuda ng gobyerno sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Iminungkahi ni Gatchalian na gawing bahagi ang mga guro at kawani ng mga pribadong paaralan sa Small Business Wage Subsidy o SBWS na programa ng Department of Finance o DOF.

Sa ilalim ng programa, bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 ang mga empleyado ng maliliit na negosyong apektado ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Isinusulong din ni Gatchalian ang pagpapalawig sa programang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education o GASTPE na nabuo sa pamamagitan ng Republic Act 6728 o GASTPE Act.

Layunin naman nito na bigyan ng tulong pinansyal ang mga mag-aaral at guro upang maiwasan ang pagsikip sa mga pampublikong paaralan sa sandaling lumipat dito ang mga batang hindi na mae-enroll ng magulang sa private school.

Ipinaliwanag pa ni Gatchalian na kapos ang kakayahang pinansyal ng mga pribadong paaralan upang mapanatili ang kanilang operasyon, pati na rin ang patuloy na pagpapasahod sa mga guro at kawani.

Kung magsara ang mga paaralang ito dahil sa patuloy na pagkawala ng kita, mawawalan o maghahanap ng ibang trabaho ang mga guro at kawani.

Maaaring magdulot ito ng kakulangan ng guro sa bansa at mapipilitan naman ang mga mag-aaral na lumipat sa mga pampublikong eskwelahan, kung saan suliranin ang ‘di sapat na bilang ng mga silid-aralan. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

ENCODER TIMBOG SA SEXTORTION

CAVITE – Arestado ang isang 28-anyos na encoder makaraang pagbantaan ang isang dalagang estudyante na ilalabas sa social media ang mga hubad na larawan nito kung tatangging makipag-sex sa suspek sa bayan ng Ternate sa lalawigang ito.

Nahaharap sa kasong grave Coercion, grave threat at paglabag sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) ang suspek na si Edner Linezo, binata, ng Apogan St., Caingin, Maragondon, Cavite dahil sa reklamo ng biktimang si Mylene, 18, ng Ternate, Cavite.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ernesto Gayyed Jr. ng Ternate Municipal Police Station, dakong alas-6:30 noong Sabado ng gabi nang isagawa ang entrapment operation laban sa suspek matapos na nagkunwaring makikipagkita sa huli ang biktima.

Nauna rito, nagkakilala ang biktima at suspek sa pamamagitan ng social media at sa kalaunan ay hinikayat ng huli angdalaga na gagawin siyang modelo sa isang magazine.

Hiningi umano ng suspek ang ilang hubad na larawan ng biktima at kalaunan ay nagbantang ilalabas sa social media ang mga ito kung hindi makikipag-sex sa kanya ang dalaga.

Ngunit agad nakipag-ugnayan ang biktma sa himpilan ng pulisya na mabilis na nagkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. (SIGFRED ADSUARA)

Read More

TULONG SA OFWs NA UMUWI SA DAVAO REGION, UMABOT NA SA P31-M

DAVAO City – Aabot sa P31 milyong halaga ng tulong ang naipagkaloob sa mahigit 1,000 overseas Filipino workers na nakauwi sa Davao Region, ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE-XI).

Sinabi ni DOLE-XI Mediation Arbitration and Legal Services Unit chief, Atty. Connie Torralba, simula nang tumama sa buong mundo ang coronavirus disease, kabilang sa mga lubhang apektado ang OFWs dahil karamihan sa pinaglilingkuran nilang mga establisiyemento ay nagsarado.

Ayon kay Torralba, ito ang dahilan kung bakit gumawa ng inisyatibo ang DOLE upang makatulong sa mga OFW sa pamamagitan ng cash assistance.

Aniya, nakapaglabas na ang DOLE ng P31,140,000 halaga at naipamahagi na umuwing OFWs.

Layunin ng programa na maibsan ang nararanasang krisis ng mga OFW dulot ng COVID-19 pandemic.

Dagdag ng opisyal, hanggang ngayon ay patuloy ang pamimigay nila ng tulong sa mga OFW na inindorso rin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-XI. (DONDON DINOY)

Read More

SUMALPOK SA CENTER ISLAND, RIDER PATAY

CAVITE – Hindi na naisalba ang buhay ng isang 27-anyos na lalaki nang sumampa sa center island ang minamanehong motorsiklo sa Dasmarinas City sa lalawigang ito.

Namatay habang ginagamot sa Pagamutan ng Dasmarinas City ang biktimang si Jonathan Ron Panaligan, ng Block 4, Lot 1, Phase 2, San Jose Town Homes, Pasong Camachile, Gen. Trias City.

Ayon sa ulat ni Patrolman Norman Guerra ng Dasmarinas City Police Station, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo binabagats ang kahabaan ng Governor’s Drive dakong alas-3:45 ng madalaing araw nang pagsapit sa harapan ng St. Francis of Assisi Academy sa Brgy. Langkaan 1 ng naturang lungsod nang pumihit ito pakaliwa ngunit dumirteso ito at sumampa ang sa center island na nagresulta sa kanyang pagbagsak.

Sinaklolohan ang biktima ng nagrespondeng rescue team ng Dasmarinas City at isinugod sa ospital ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)

Read More