Kahit 20-taon na sa kumpanya 400 MANGGAGAWA SA VICTORY BUS, SINIBAK

INAASAHANG maraming manggagawa sa mga bus company ang mawawalan ng trabaho tulad ng 400 empleyado ng Victory Liner Inc. (VLI) na tinanggal sa kabila ng paninilbihan sa loob ng 20 taon dahil 50 porsiyento ang mababawas sa kita sa bawat byahe ng bus.

Siguradong dagdag ito sa 7.3 milyong Filipino na nawalan ng trabaho hanggang nitong Abril.

Matatandaang isinapubliko ng Philippine Statistics Authority (PSA) ilang linggo na ang nakalipas na 17.7% ang itinaas sa unemployment rate ng bansa nitong Abril.

Sa datos na ‘yan, ang tatlong nangunguna sa kawalan ng trabaho ay ang Bangsamoro Administrative Region in Muslim Mindanao (BARMM) na 29.8% sa mga residente ang walang trabaho, Central Luzon (CL) na 27.3% at Cordillera Administrative Region (CAR) na 25.3%.

Ang pagtanggal sa 300 drayber at konduktor at 100 mga empleyado mismo sa mga opisina ng VLI ay resulta ng kawalan ng kita ng kumpanya simula nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Luzon hanggang ngayong naging general community quarantine (GCQ), pahayag ng VLI.

Ang ECQ at GCQ ang ipinanlaban ng administrasyong Duterte sa coronavirus disease-1029 (COVID-19) upang mapigilan ang pagdami ng mga tinatamaan ng sakit.

Ayon sa VLI, inaasahang madadagdagan pa ang mawawalan ng trabaho sa VLI kahit pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na simulan ang ilan sa operasyon nila dahil sa pinaiiral na social distancing sa loob ng bus.

Ang isang metrong layo ng bawat pasahero sa bus at iba pang pampublikong sasakyan ay isa lamang sa mga alintuntuning ipinagagawa ng LTFRB sa mga pampublikong transportasyon upang masigurong ligtas at protektado ang mga drayber, konduktor at pasahero mula sa coronavirus disease-2019.

Sa kaayusang ito ay wala na ang ‘sardinas’ na diskarte ng mga bus, dyip, UV Express at iba pa dahil 50 porsiyento ng kapasidad ng mga sasakyang ito ang pinahintulutan ng LTFRB nang hindi itataas ang pamasahe.

Samakatuwid, 50 porsiyento rin ang mababawas sa kita ng VLI at iba pang pampublikong sasakyan kada byahe.

Ang VLI ay isa lamang sa libu-libong bus na patungong lalawigan ang byahe.

Ayaw ng mga senador tulad ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na magpatuloy ang pagdami ng mga Filipino na walang hanapbuhay.

“Sa akin, iisa lang ang dapat tutukan ng stimulus package at ito yung job preservation. Kung itong pandemyang ito ay tatagal, mahalaga na mapanatili ng milyun-milyong manggagawa ang kanilang trabaho. Kung ang isang kumpanya ay wala namang kinikita, dito ngayon papasok ang ating gobyerno. Ang gobyerno ang tutulong sa mga kumpanya upang mapanatili ang kanilang mga empleyado,” pahayag ni Gatchalian.

“[Ang] importante [ay] makatawid tayo hanggang maging normal ang ating sitwasyon. Importante ngayon na ang mga empleyado ay manatili sa kanilang pinagtatrabahuhan,” susog ng mambabatas mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC).

Read More

MORATORIUM SA PAG-UWI NG LSIs, APRUB SA IATF

INAPRUBAHAN ng Inter-Agency Task Force ang moratorium sa pagpapauwi ng locally stranded individuals (LSIs) sa ilang lugar lamang.

Ani Presidential spokesperson Harry Roque, ang mga lugar na ito ay ang buong Region VI, buong Cebu Island kasama na ang Mactan, Region VIII at ang Caraga.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Sec. Roque na maglalayag na ang isang bapor na unang nabalita na pupunta sa Dumaguete at Zamboanga na naantala ang pag-alis dahil wala raw PCR results.

Hindi na aniya nire-require ang PCR.

“Ang ating protocol pa rin po ngayon: Health certificate, dito po kung manggagaling sa Manila; at pagdating po sa probinsiya, bigyan ng PCR kung mayroon, kung wala ay i-quarantine ng 14 days,” ayon kay Sec. Roque.

Ipinaliwanag ni Sec. Roque na kaya naman nagkaroon ng moratorium ang mga nasabing rehiyon ay dahil wala na ang mga itong lugar para mag-quarantine lalung-lalo na sa Caraga; ang Cebu Island at Mactan naman ay nasa ECQ. (CHRISTIAN DALE)

Read More

980 UV Express, pumapasada na sa MM

uv express12

NAGSIMULA nang umarangkada ang 980 utility vehicles o UV express sa Metro Manila nitong Lunes.

Ang UV Express na ito, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque ay bibiyahe sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya tulad ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna; at sa apatnapu’t pitong rutang walang tumatakbong modern jeepney o city buses.

” So it will augment po iyong ating transportation needs,” ayon kay Sec. Roque.

Ipinakita ni Roque qng infographics ng mga ruta, bilang ng available units pati na rin ang pamasahe.

Ayon aniya sa LTFRB, wala pang dagdag sa pamasahe o fare adjustment ang mga UV Express.

Susundin pa rin aniya ang dalawang piso bawat kilometrong pamasahe. Depende sa rami ng pasahero, kung kukulangin ang operasyon ng 980 UV Express.

Sinabi aniya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaari nilang payagan ang mas marami pang modern jeepneys at traditional jeepneys na roadworthy.

Bukod aniya sa MRT 3 at bus augmentation, nagkakaroon pa rin ng mga sumusunod na mini loops sa EDSA, ” buses to run on the curbside in the interim, iyon po iyong mini loops.”

Mayroon aniyang mini loops sa Monumento hanggang Quezon Avenue simula nitong Lunes, June 29; mayroon din mula PITX hanggang Ayala; at Timog hanggang Santolan simula sa Miyerkoles, July 3. (CHRISTIAN DALE)

Read More

DOH SUBSTANCE ABUSE HELPLINE 155 SUPORTADO SA SENADO

doh12

NANGAKO si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na tutulungan ang Department of Health sa inilunsad nitong Substance Abuse Helpline 155 nitong Biyernes upang isalba ang mga nabiktima ng illegal drugs at iba pang kemikal sa gitna ng pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and illegal drugs na patuloy niyang susuportahan ang kampanya ng pamahalaan laban sa pagkalat ng droga.

Isa si Dela Rosa sa mga speaker sa ginanap na Online Grand Launch of the “Substance Abuse Helpline 1550” ng Department of Health (DoH) nitong Biyernes.

“Amidst the pandemic, we certainly have not relegated the war on drugs on the side. This remains a major concern of government that deserves all the support and attention we can give From our end at the Senate, let me assure our countrymen that the Committee on Public Order and Dangerous Drugs is leaving no stones unturned in seeking better and stronger ways to fight the illegal drug menace,” Dela ayon kay Rosa.

Sinabi ng senador, nanguna sa paglulunsad ng giyera laban sa droga bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), na sa ganitong pagkilos, hindi lamang tutugisin ang mga drug peddler kundi ililigtas ang buhay ng kanilang biktima.

Iginiit ng bagong senador na mahalaga ang DoH Substance Abuse Helpline 155 sa pagsugpo ng droga.

“Under the ‘new normal’, we have shifted largely to the use of telecommunications in our daily lives. And with this added helpline facility that the DOH has established, we hope to send the message to our countrymen that they can seek help at anytime, anywhere and be assured that the government is there for them, ready to lend a hand at all times. This is to assure every Filipino that help is easily accessible, fast and reliable. We want to save and help rebuild lives,” aniya.

Sa kanyang speech, pinahalagahan din ni Dela Rosa ang angkin resiliency ng mga Filipino sa gitna ng bawat krisis at hamon sa buhay. (ESTONG REYES)

Read More

PAGKAMATAY NG 4 SUNDALO SA JOLO, UNFORTUNATE INCIDENT – LORENZANA

ITINUTURING ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na “unfortunate incident”ang nangyaring pagkasawi ng 4 na sundalo sa Jolo makaraan silang mabaril ng mga pulis.

Sa Laging Handa public briefing ay sinabi ni Sec. Lorenzana na nakalulungkot ang ganitong pangyayari.

Hindi naman na nagbigay ng karagdagang komento si Sec. Lorenzana habang gumugulong ang imbestigasyon sa nangyaring pamamaril ng mga pulis sa 2 opisyal at 2 enlisted personnel ng Army.

Aniya, nagsasagawa na ng inquiry ang National Bureau of Investigation sa Zamboanga.

Sa kabilang dako, ipinag-utos naman ni Interior Secretary Eduardo Año na imbestigahan ang insidente.

Sinabi naman ni Lt. Gen Carlito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command, na marami ng bersyon ng insidente ang lumalabas ngunit nakatitiyak siya na walang palitan ng putok ang nangyari.

Anya, napatay ang mga sundalo sa loob ng kanilang sports utility vehicle nang hindi lumalaban. CHRISTIAN DALE

Read More

PATAS NA IMBESTIGASYON HIRIT SA MINDORO SEA MISHAP

KAILANGAN magkaroon ng malaliman at walang kinikilingang imbestigasyon ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisda sa Mindoro noong Linggo ng madaling araw kung saan 14 ang iniulat na nawawala.

“We demand an immediate and impartial probe on this latest incident as we fervently hope that our missing fishermen are far from danger,” ani  Gabriela party-list Rep. Arlenes Brosas.
Base sa mga report, habang nasa laot ang mga mangingisda sakay ng fishing boat na Liberty Cinco sa karagatan ng Mindoro ay binangga sila ng MV Vienna Wood, isang Hong Kong registered vessel.

Matinding pinsala umano ang inabot ng fishing boat ng mga Pinoy at hindi umano sila tinulungan ng Chinese vessel nang mabangga nila ang mga ito dakong ala-una ng madaling araw noong Linggo.

“It is unfortunate that this latest hit-and-run mishap at sea yet again calls for a review of how our maritime safety authorities are actually protecting our fisherfolk from foreign vessels,” ayon sa mambabatas.

Umapela rin ang mambabatas sa Philippine Coast Guard (PCG) na gamitin ang lahat ng kanilang assets para hanapin ang mga nawawalang mangingisda.

Hindi ito ang unang insidente na tinakasan ng Chinese vessel ang mga binanggang mangingisdang Pinoy dahil noong Hunyo 9, 2019 ay binangga at pinalubog naman ng barko ng China ang MV Gem-Ver sa Recto Bank sa West Philippines Sea. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

POGO NA MAY P50-B UTANG BAWIAN NG LISENSIYA

HINILING ni Senador Risa Hontiveros sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na kaagad bawiin ang lisensiya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na bigong magbayad ng utang sa buwis na umabot sa P50 bilyon nitong 2019.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros, kailangan nang kumilos ang PAGCOR laban sa mga tax-delinquent POGO dahil kung walang parusa, at walang multa, hindi sila magbabayad ng utang sa buwis.
“Kanselahin na ang lisensiya kung hindi pa rin maka-comply sa pagbabayad ng buwis,” ani Hontiveros.

“PAGCOR should exercise its regulatory powers and come down hard on tax-evading POGOs. Dahil kung wala namang parusa, wala namang multa, bakit pa nga ba sila magbabayad?,” dagdag ng senador.

May ulat mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na naantala ang muling pagbubukas ng POGO dahil hindi nakabayad sa unpaid taxes at hindi nakapagsumite ang mga ito ng notarized commitment na babayaran ang utang.

Base sa Offshore Gaming Regulatory Manual ng PAGCOR na ipinalabas n oong July 2018, anomang pagkakautang ay hudyat upang hindi i-renew ang lisensiya.

“Bureau of Internal Revenue (BIR) na mismo ang nagkumpirma na walang POGO ang nakapagbayad ng utang na P50B sa franchise tax at withholding tax para sa muling pagbubukas ngayong may community quarantine,” ayon sa senador.

Inihayag ng BIR na umabot sa 50 offshore online casinos ang hindi nakapagbayad ng franchise tax dahil sa isyu ng jurisdiction. Katuwiran ng POGO na hindi sila nag-ooperate sa bansa, hindi sakop ng Pilipinas ang kanilang operasyon.

Pero, sinabi ni Hontiveros na isang Ad Hoc Licensing Committee  ang binuo ng PAGCOR upang pangasiwaan, iproseso at magbigay ng pinal na rekomendasyon sa pagbibigay ng lisensiya sa POGO.

Dahil dito, hiniling ni Hontiveros sa awtoridad na habulin ang “mas malalaking isda” at tugisin ang big-time tax evaders tulad ng POGOs. (ESTONG REYES)

Read More

‘Wag gamitin ang Doctors to the Barrios DOH PINAGHA-HIRE NG DOKTOR SA CEBU

NAKAKUHA ng kakampi ang Doctors to the Barrios (DTTBs) na pumalag sa utos sa kanila na lumipat sa mga private hospital sa Cebu City upang tumulong sa pagsugpo sa coronavirus disease-2019.

Ayon kay Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, hindi dapat alisin sa mga barrio ang mga doktor, sa halip ay dapat kumuha ang Department of Health (DOH) ng mga bagong doktor at iba pang medical personnels.

“Instead of ordering the transfer of DTTBs, DOH must step up its massive emergency hiring of health personnel with proper compensation, protection, and security of tenure to encourage our healthworkers to apply, and to effectively combat COVID-19 and ensure health for all,” ani Elago.

Sa kasalukuyan ay nakatutok ang atensyon ng national government sa Cebu dahil dumarami ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Base sa mga datos na hawak ng Kamara, 72,470 permanent position sa DOH subalit 59,472 posisyon ang nilagyan ng ahensya ng tao na kulang pa ng 13,058 medical professionals.

May pondo na umano sa 72,470 kaya nararapat lamang na lagyan ng tao ang mga bakanteng posisyon upang dumami pa ang puwersa na tutugon sa problema sa pandemya. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

NTC ipasasara na rin ang Channel 43 ABS-CBN KUMITA NANG ILEGAL

ULUYANG mawawala sa ere ang mga programa ng ABS-CBN dahil ipasasara na rin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Channel 43 na pinaglipatan ng kanilang mga dating programa matapos mapaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 5, 2020.

Sa ika-8 pagdinig ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability nitong Lunes, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na maglalabas na ang mga ito ng alias Cease and Desist Order laban sa Channel 43.

Naungkat din sa pagdinig ang mistulang pagkita ng ABS-CBN sa ilegal na paraan dahil patuloy itong nag-o-operate nang walang prangkisa.
Bago ito, sa personal and collective privilege speech ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kinuwestiyon nito ang patuloy na pag-ere ng Channel 43 gayung kasama ito sa CDO na inisyu ng NTC noong Mayo 5.

“Malinaw sa akin, it’s a violation of the powers of Congress. It is a violation of our constitutional mandate na tayo lang ang magbibigay ng prangkisa. This in itself is usurpation and infringement on the powers of Congress, Mr Chairman,” ani Defensor dahil pinayagan ng NTC na umere ang Channel 43 gamit ang TV plus ng ABS-CBN.

Inamin ni Cordoba kay Defensor na kasama ang Channel 43 sa original na CDO dahil ang prangkisa na ginamit para sa digital broadcasting na ito ng ABS-CBN ay napaso na noong Mayo 4.
“Ngayon po nung  aming nalaman na umeere pa rin sila sa Channel 43 kahit paso na ang kanilang franchise at kasama ito sa CDO na inisyu namin nung May 5, 2020 ay sumulat kami sa Office of [the] Solicitor General,” ani Cordoba dahil nasa Korte Suprema na umano ang usapin.

Subalit ayon kay Defensor, hindi na kailangan ang alias CDO sa halip, ipatupad ng NTC ang kanilang unang CDO na nilalabag umano ng ABS-CBN sa patuloy nitong pag-ere sa Channel 43.

VIOLATION

Mula noong magsara ang ABS-CBN, walong linggo na ang nakararaan ay inilipat lahat ang kanilang programa sa Channel 43 tulad ng TV patrol, teleradyo at mga entertainment program.

“Ginawa ng ABS-CBN nitong walong linggo na lumalabas sila, alam nila na may kamalian ang kanilang ginawa at may violation sa inyong nilabas na order?,” tanong ni Defensor na inayunan ni Cordoba.

Sa interpelasyon naman ni House deputy majority Jesus Crispin “Boying” Remulla, sinabi  nito na kumikita ng limpak-limpak na salapi ang ABS-CBN sa ilegal na paraan.

“Tiningnan ko po Mr. chairman ang palabas sa TV plus, ang nakakagulat lang po ang daming advertisement. Kumikita sila ng pera, gumaganansya sila nang napakalaki pero wala silang prangkisa,” ani Remulla.

“At ito po ay tinolerate ng NTC. Eight weeks na po yan, hindi tumitigil ang ABS-CBN sa pag-o-operate ng TV plus,” dagdag pa ni Remulla, kaya plano ng mga ito na kasuhan si Cordoba sa Office of the Ombudsman dahil wala umano itong ginawa gayung hindi naman naglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) sa petisyon ng nasabing network laban sa CDO ng komisyon noong Mayo 5, 2020. (BERNARD TAGUINOD)

Read More