MATAGAL NANG NAPAKABAGAL NG SMART

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

 

ISA sa mga isyung binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ay ang pagsasaayos ng serbisyo ng mga kumpanya sa industriya ng impormasyon at telekomuniskasyon.

Binalaan pa nga ni Duterte ang mga ito na kukunin ng pamahalaan ang kontrol nito kapag hindi nila inayos ang kanilang serbisyo bago matapos ang taong kasalukuyan.
Tama ito!

Dapat lang mawala na sa kontrol ng mga oligarko ang mga kumpanyang telekomuniskasyon, sapagkat napakapalpak talaga ng serbisyo nila.

Alam kong alam na alam n’yo ang ibig kong sabihin sa “napakapalpak” na serbisyo ng mga kumpanyang telekomunikasyon.

Ito ay ang napakabagal na takbo ng internet at napakaraming hindi makakonekta sa internet sa kanila.

Ang pamilya ko ay isa sa matagal nang kliyente ng Smart Communications na walang kaduda-dudang ­matagal na rin kaming nakararanas ng napakabagal na takbo ng internet nila.

Ilang ulit na rin kaming nawawalan ng koneksiyon (dalawa noong 2019 at isang beses ngayong 2020).

Ang masama rito, kalahating buwang hindi ­gumagana ang internet ng Smart sa amin tuwing napuputol ang koneksiyon.

Kaya, nahihirapan ako sa pagpapasa ng mga kolum ko, mga istorya at special report ko.

Madalas akong tumatawag at nagpa-follow up sa Smart, pero panay “pasensya na po,” “may problema po ang koneksyon sa erya n’yo” at “ini-report na po sa mag-aayos ng koneksyon n’yo,

pakiantay lang po” ang mga natatanggap kong mensahe sa mga nakakausap kong empleyado sa customer service center ng Smart.

Kalahating buwan, pare-pareho ang mensahe, pare-pareho ang paliwanag?!

Pokaragat na ‘yan!

Ngunit, kapag singilan, tatlong linggo bago sumapit ang due date ng bayaran ay mayroon na kaming natatanggap na bill.

Pokaragat na ‘yan!

Ayaw kong lumipat sa Globe Telecommunications dahil napakahina ng signal nito sa aming lugar hanggang ngayon.

Kaya, wasto, napa­panahon at makabuluhan ang babala ni Duterte laban sa mga kumpanyang telekomunikasyon.

Ngunit, hindi ko maintindihan kung bakit hindi nagsalita ang mga progresibo at kaliwang organisasyon tulad ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Bayan Muna at mga kasamahan nito sa

‘pakikibaka’ pabor sa sinabi ng pangulo tungkol dito.

Alam ko, matindi ang galit ng Bayan, Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis at iba pang kapanalig nila sa pakikibaka sa mga oligarko dahil matagal na nitong kontrolado ang ekonomiya ng Pilipinas.

O, mali na ako ngayon?

O, depende na ngayon sa oligarko at depende na rin sa isyu laban sa mga oligarko na kinakanti ni Duterte?

Sa isyung inilabas ni Duterte, hindi pa kasama rito ang panawagan nina Senadora Ma. Grace Poe at Senador Sherwin Gatchalian na ­magdagdag at tiyakin ang “internet connectivity” sa iba’t ibang panig ng bansa.

Napapanahon ang panawagan nina Poe at Gatchalian ngayong ­maraming uri ng negosyo na ipadadaan sa online.

Maging ang sistema ng pag-aaral mula kindergarten hanggang doctorate program ay sa online na rin isasagawa.

Kaya, nararapat lamang na kumilos ang Smart at Globe.

Habang inaasikaso ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Poe ang operasyon ng internet sa bansa, nakababahala ang datos na nakarating sa komite.

Napakalaki ng pagkakaiba ng bilang ng cellular sites ng dalawang kumpanya ng telekomunikasyon at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at National

Telecommunications Commission (NTC).

Sabi ni Poe sa kanyang kalatas: “Sinasabi ng Globe, meron silang 9,535 cell sites. Ang sabi ng NTC (National Telecommunications Commission) ay 17,292 ang kanilang cell sites. Ang Smart,

24,600 ang stations, ang sabi ng NTC, meron daw silang 23,000. Ang sinasabi na total ng mga telco, meron silang 34,000 na mga cell site, pero ang sinasabi naman ng NTC, 40,000 daw ang

meron. At ang sinasabi naman ng DICT, 18,000 ang mga cell tower. So, ano ba talaga ang totoo?”

Ang nabanggit na magkakasalungat na impor­masyon ay ulat ng Smart, Globe, DICT at NTC sa komite ni Poe.

Idiniin ni Poe na kailangang maisayos at ma­ipirmes ang totoong bilang ng mga cellular site “in order to have a clear basis for ramping up efforts to boost connectivity in the country.”

Idiniin din ni Poe na napakahalaga ang eksakto at tamang bilang nito, sapagkat, aniya: “having an accurate data on the number of cellular towers and where they are situated will give regulators

(DICT and NTC) a thorough picture if the telcos have been complying with their commitment toward digitization and what government can do to speed up the rollout of crucial infrastructure.”

Napakahalagang tumulong ang mamamayang Filipino na bantayan ang DICT at NTC sa gawain, tungkulin at obligasyon nito, hindi lamang sa mga kumpanya ng telekomunikasyon, kundi sa

buong industriya ng impormasyon at telekomunikasyon, sa bansa upang seryosong sumulong, umunlad at u­mangat ito, sapagkat magsisilbi ito sa interes at kagalingan ng mamamayang Filipino.

Mainam ding tulungan ang pamahalaan, partikular si Pangulong Duterte, na maganap ang kagustuhan niyang mapabilis ang serbisyo ng mga kumpanya ng telekomunikasyon.

Read More

BAWAT PINOY MAY UTANG NA 83K

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

 

SUMARGO na sa P8.89 trillion ang utang ng Pilipinas sa loob at labas ng bansa kaya kung paghahatian ito ng 108 million Filipino, ang utang ng bawat isa sa atin ay P83,238.35.

Inaasahan na palaki pa ng palaki ang utang na ito dahil patuloy na nangungutang ang gobyerno para tustusan ang pangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya kaya lolobo din ang utang ng bawat isa sa atin.

Dahil din sa covid-19 na ito, umaabot sa P1.1 Trillion ang nautang ng ating gobyerno sa nakararaang 5 buwan mula Mayo ng taong ito na ginamit daw para makontrol ang pandemya na hindi naman nakokontrol.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang kasalukuyang administrasyon ang siyang pinakamalakas na nangutang dahil umaabot sa P63 Million ang inuutang nito buwan-buwan kumpara sa P21 Billion noong panahon ni Gloria Macapagal Arroyo at P19 Billion ni Benigno Aquino III.

Sinasabi ng mga eksperto, kung magbabayad ang bawat isa sa atin ng utang na ito, uunlad ang ating bansa dahil mabubura na ang utang ng ating gobyerno pero eto ang utang na hindi nahawakan at napakinabangan.

Pero hindi magbabayad ang mga Filipino sa utang na ito dahil mayorya sa atin ay walang kakayahang magbayad dahil sa aba nilang kakayahan. Wala na nga silang makain magbabayad pa ba sila ng utang na hindi naman nila nahawakan at napakinabangan?

                                                                                                                                                                                    *******
Speaking of utang, marami sa mga oligarch ang baon sa utang pero hindi sila problemado kapag hindi sila nakakabayad dahil ginarantiyahan ng gobyerno ang kanilang inutang.

Halos lahat ng mga oligarch ay may utang sa mga bangko, hindi lamang sa loob ng ating bansa kundi sa ibang bansa at bago sila nakautang, nagbigay ng guarantee ang ating ­gobyerno. Ibig sabihin kapag hindi nakapagbayad ang mga oligarch na ito, ang gobyerno natin ang magbabayad.

Ibig sabihin, kukunin sa ating buwis ang ibabayad sa utang ng mga oligarch na ito. Parang walang hustisya dahil nabubuhay ang mga ito ng marangya sa utang nila na tayo ang magbabayad kapag hindi sila makabayad.

Tulad na lamang itong kaso ng pamilyang Lopez na noong 2006 ay pinatawad ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang kanilang utang na umaabot sa mahigit P1.6 Billion.

Hindi ko maintindihan kung bakit pinatawad o hindi na pinagbayad ng DBP ang pamilyang Lopez sa pagkakautang nilang ito gayung ang assets ng pamilyang ito noong 2018 ay mahigit P800 Billion.

Kahit mawala ang ABS-CBN sa pamilyang Lopez, ay nakapalaki pera pa rin ang hawak nila at noong namamayagpag pa sila ay kumikita na sila ng P2.6 Billion taon-taon sa Big Dipper operation pa lamang

Hindi pa kasama dyan ang kita ng kanilang network na noong 2017 ay nagdeklara sila ng P3.4 Billion na income ng kanilang network. Hindi pa kasama dyan ang kita ng kanilang power generation companies pero bakit pinatawad ang utang nilang ito?

Hindi ko maintindihan… kung ordinaryong mamamayan ang nangutang sa bangko at hindi nakabayad, tiyak hihilahin ang sasakyan mo, kukunin ang bahay at lupa mo pero dito sa ­pamilyang Lopez, pinatawad lang? Saan ang hustisya dyan?

Read More

PHILHEALTH MAFIA, TATALUPAN NG SENADO

TINIYAK ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na tatalupan nila sa pagdinig sa Senado ang mga nasa likod ng mafia o sindikato sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na patuloy sa
pamamayagpag.

Sinabi ni Lacson na sisimulan na nila sa Martes ng umaga ang pagdinig kung saan haharap ang ilang testigo at isisiwalat ang mga nasa likod ng mga iregularidad.

“At the outset, I can say that this new Senate investigation will reveal the same cast of characters, or at least a number of them, that we already exposed in a Senate inquiry in August last year after
my “PhilHealth and the Department of Wealth” privilege speech on July 29, 2019,” saad ni Lacson.

Sa paniniwala ng senador, nagbalik ang sindikato at may paghihiganti itong kasama o maaaring sadyang hindi nawala ang core group ng mafia.

“It is revolting to see the PhilHealth mafia very much active and still in control of the already depleted resources of agency,” diin pa ni Lacson.

Ang pinakamatindi pa anya rito ay ang manipulasyon sa financial statements at ang mistulang pag-master na nila sa art of influence peddling kaya’t nagpapatuloy ang kanilang access sa
kapangyarihan. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

Mga datos, dinodoktor? DOH, NILOLOKO ANG PUBLIKO

MULING nairita ang mga senador sa bagong sistemang ipinatutupad ng Department of Health (DOH) sa pagre-report ng mga datos hinggil sa COVID-19.

Sinabi ni Senador Joel Villanueva na sa nangyayari, lumalabas na mas kapani-paniwala pa ang mga palabas sa perya kumpara sa ibinibigay na report ng DOH.

“Yung reporting style ng DOH, mas malala pa sa pagbago-bago ng panahon #DOHunreliable #WeAreBeingFooled,” saad ni Villanueva.

“38k recoveries in 1 day only shows there’s a problem with data interpretation. Worse, it’s giving people a false sense of security. Imbes na mass testing, naging mass recovery,” dagdag pa nito.

Binuhay naman ni Senador Kiko Pangilinan ang panawagan para sibakin si Health Secretary Francisco Duque III.

“May himala ba? May madyik? Ang mga doktor, dapat nagpapagaling sa pasyente, hindi nangdudoktor ng numero at impormasyon,” saad ni Pangilinan.

Nagbabala si Pangilinan na ang bagong interpretasyon ng DOH ay magdudulot ng panganib dahil nagbibigay ito ng “false sense of security” sa mga pasyente na magaling na sila kahit hindi
sumalang muli sa test.

“Makakapanghawa at mas maraming magkakasakit pag ang maysakit ay tinawag na ‘recovered’ kung hindi naman ito na-test. Patayin ba ang taumbayan ang gustong mangyari ng gobyerno?” diin
nito.

Nagpahayag naman ng pagdududa si Senador Risa Hontiveros sa bagong data interpretation ng DOH kasabay ng pagsasabing dapat anyang ayusin ng DOH ang kanilang komunikasyon sa publiko.

“Wala pa ngang mass testing, may mass recovery na! Nakakalito at nakakaduda ang papalit-palit na reporting system sa COVID-19. Dahil sa kabagalan ng pag-collate at pag-report ng data, at ngayon pati sa recovered cases, nalilito na ang publiko,” diin ni Hontiveros. (DANG SAMSON GARCIA)

Read More

TRAINING COMPONENT IPINASASAMA SA ‘PLANT, PLANT, PLANT’ PROGRAM

HINIKAYAT ni Senadora Cynthia Villar ang Department of Agriculture (DA) na tiyaking magkakaroon ng training component upang matiyak na magiging matagumpay ang ‘Plant, Plant, Plant’ program ng gobyerno.

Sa pahayag, sinabi ni Villar, chairperson ng Committee on Agriculture and Food na kanyang isinusulong ang home gardening at urban agriculture bilang food security strategy upang matiyak
na may pagkukunan ng pagkain ang mamamayan sa panahon ng kalamidad o health emergency tulad ng COVID-19 pandemic.

“For this program to be effective, we cannot just distribute seeds and let the people plant on their own. We should also have a program that will teach them the know-how of planting,” sabi ni Villar.

“The strategy is to let people see that growing food is a joyful undertaking by helping them make their planting projects thrive,” dagdag pa nito.

Ayon kay Villar, dapat gamitin ng DA ang mahigit 20,000 farm schools sa bansa para sanayin ang mga tao sa tamang paraan ng pagtatanim.

Sabi nito, ang training program tulad ng Agri-crops production, na ginagawa ng Villar SIPAG Farm School tatlong beses kada taon sa pakikipagtulungan ng East West Seeds Foundation, ay
makatutulong para magkaroon ng panimulang kaalaman ang mga tao sa pagtatanim ng gulay.

Bago ang pandemya, mahigit 200 katao ang nakilahok sa programa. Ang mga sumali ay mga estudyante, senior citizen, young professionals, miyembro ng religious at civic grpups, community
leaders at maraming pang iba.

Ang mga lumahok ay sumailalim sa libreng pagsasanay sa pagtatanim sa loob ng tatlong buwan na may 12 sesyon at nagkaroon din ng graduation o pagtatapos at harvest activity o pag-aani.

Dahil sa pandemya, nilimitahan ngayon sa 20 ang mga sumali at hindi isinama sa programa ang mga kabataan, mga may edad na at iyong may mga isyu sa kanilang kalusugan.

“We can also do online training in order to cover more ground. We also encourage our agri-crops graduates to start giving online tutorials to family and friends on the basic instructions on home
gardening,” sabi ni Villar.

Sa training program sa urban agriculture, ayon kay Villar, tuturuan din ang mga tao ng pagtatanim sa maliliit na espasyo o container at kung papaano sisimulan ang vertical garden.

Sa State of the Nation Address noong nagdaang Lunes, binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P66 bilyong stimulus package na magpopondo sa Plant, Plant, Plant program. Layunin ng proyekto na magbigay ng sapat at murang pagkain sa bawat Filipino. (ESTONG REYES)

Read More

Hindi lang mga drug lord BIGTIME SCAMMERS BITAYIN DIN – SOLON

SUPORTADO kahit ng bishop na si House minority leader Bienvenido Abante na ibalik ang parusang kamatayans sa bansa.

Gayunpaman, hindi lamang ang mga drug lord ang nais ipabitay ni Abante, bishop ng Metropolitan Bible Baptist Church and Ministries, kundi maging ang ibang heinous crime kasama na ang mga bigtime scammer na bumibiktima sa mga ordinaryong mamamayan.

Lahat aniya ng scammers, kagagawan man ng religious leaders at iba pang sindikato ay nais niyang mabitay.

Ayon kay Abante, naniniwala ito na ang parusang kamatayan ang tanging paraan upang tumigil na ang mga tao sa paggawa ng iba’t ibang krimen tulad ng pagtutulak ng ilegal na droga.
Kung hindi umano bitayin ang mga gumawa ng karumal-dumal na krimen at bigyan ng pagkakataon ay parang binigyan din ito ng panibagong pagkakataon na gumawa muli ng krimen.

Dahil dito, sinuportahan ng mambabatas ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik na ang parusang kamatayan.

DRUG LORD LANG

Samantala, susuportahan din ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang pagbabalik ng death penalty kung naka-pokus lamang ito sa bigtime drug lords at traffickers na ugat ng pagkakalat ng
droga sa buong bansa.

Sa panayam, sinabi ni Gatchalian na naghain siya ng panukala sa pagbabalik ng death penalty pero eksklusibo lamang sa drug lords.

“My reasons for that is during my time as mayor of Valenzuela, I have encountered a lot of cases wherein the drug lords are funding to protect drug syndicates, drug peddlers,” aniya.

Sa kanyang pananaw, sinabi ni Gatchalian na pinaka-ugat ng problema sa droga ay nanggagaling sa drug lord.

Pero, inamin ni Gatchalian na mahihirapan makalusot ang death penalty sa kasalukuyang sitwasyon dahil bukod sa napakahabang deliberasyon ang inaasahan, may iba pang problema ang bansa tulad ng pananalasa ng corona virus 2019 (COVID-19). (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)

Read More

Ospital na hindi accredited, tiba-tiba sa P30-B IRM ANOMALY SA PHILHEALTH LUMALALIM

LUMALALIM ang mga nahuhukay na anomalya umano sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kabilang ang Interim

Reimbursement Mechanism (IRM) fund dahil kahit ang mga pagamutan na hindi accredited ay binigyan umano ng napakalaking pondo.

Sa House Resolution (HR) 1074 na inakda ng Makabayan bloc sa Kamara, naglabas umano ang PhilHealth ng P30 bilyon noong Marso 18, 2020 para tulungan ang mga ‘accredited hospital” sa paglaban sa COVID-19.

Gayunpaman, nalaman ng Makabayan bloc na noong Abril 15, 2020, nagbigay ang PhilHealth ng P9, 617, 412 sa Catarman Doctor’s Hospital sa Northern Samar at P11,728,961 sa St. Benedict Hospital sa Davao del Sur noong Mayo 5, 2020.

Ayon sa nasabing grupo ng mga mambabatas, hindi PhilHealth accredited ang mga nabanggit na pagamutan taliwas sa kanilang statement noong Mayo 18, na tanging ang mga PhilHealth accredited Health Care Institutions (HCIs) ang bibigyan ng pondo para magamit ng mga ito sa COVID-19 patients.

Saka lang naglabas ang ahensya ng Circular No. 2020-0013 noong Abril 15 na nagsasabi na bigyan ng provisional accreditation ang mga HCI upang makakuha ang mga ito ng nasabing pondo subalit muling binago ang patakaran noong Abril 22, na tanging ang mga accredited HCI, pribado man o pampubliko ang puwedeng makinabang sa nasabing pondo.

Noong Mayo 27, 2020, kinumpirma anila ng PhilHealth na umaabot na sa P13.8 bilyon ang kabuuang halaga na kanilang na-release sa may 599 HCIs sa buong bansa kung saan P7.3 bilyon umano rito ay ibinigay sa mga private institution o hospitals.

Dahil dito, kailangan anilang imbestigahan ito dahil nakakaamoy ng anomalya ang mga mambabatas dahil maging ang mga pagamutan na hindi accredited sa PhilHealth ay nabigyan ng pondo. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

FOOD PACKS IPINAMAHAGI SA ISLA PUTING BATO PARA SA FEAST OF SACRIFICE

AABOT sa 100 katao mula sa kapatirang Muslim ang nabigyan ng food packs sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila, Biyernes ng umaga.

Pinangunahan ni Princess Zaira Mandiya, Muslim Advisory council, P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., station commander ng Manila Police District at ilan nitong mga tauhan, gayundin ang punong
barangay na si Mondejar at mga barangay kagawad ng Brgy. 20 ang pamimigay ng food packs bilang bahagi ng pagdiriwang ng Eid’l Adha.

Ayon kay P/Lt. Col. Gallora, alas-9:00 ng umaga nang simulan nila ang aktibidad kasabay ng selebrasyon ng Eid’l Adha o feast of sacrifice. (RENE CRISOSTOMO)

Read More