ILLEGAL GAMBLING SA QC, KONTROLADO NI ‘PERYONG’

0

KAHIT kailan, hindi nawawala ang illegal gambling sa Quezon City.

Ito ang pagtitiyak ng mga residente at mga reporter na nakabase sa lungsod.

Ayon sa mapagkakatiwalaang sources ng Saksi Ngayon, isang alyas “Peryong” ang siyang may kontrol ng ilegal na mga sugal sa Quezon City ngayong ang alkalde ng lungsod ay si Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte.

Hindi raw “basta-basta pwedeng magpasok” ng kahit anong sugal sa lungsod kung hindi aprubado ni alyas Peryong.

Kahit video karera machine na maramihan ang puwesto tulad ng negosyo ng isang alyas “Recto” ay kailangang dumaan kay alyas Peryong.

Si alyas Recto ay beterano na sa negosyo ng VK kung saan ang kanyang matatawag na ‘kaharian’ ay ang buong North Metro Manila, o CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela).

Noong panahong si Mayor Herbert Bautista ang alkalde, okey ang operasyon ni alyas Recto sa lungsod.

Namamayagpag din ang mga jueteng lord tulad ni alyas “Don Ramon.”

Kaya ganito, hindi ito kontrolado ng isang tulad ni alyas Peryong, ayon sa sources.

Sa panahon ni Bautista, walang problema basta pumayag ang Quezon City Police District (QCPD) at matiyak ang lingguhang tara, birada ng sources.

Ngayong panahon ni Belmonte, hindi nakaporma si alyas Don Ramon, ayon sa sources, dahil ayaw pumayag ni alyas Peryong.

Sa kasalukuyan, tigil ang jueteng sa lungsod dahil walang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dulot ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ngunit, kahit makabalik na ang STL ay siguradong hindi mailalarga ang jueteng operations gamit ang STL bilang prente ni alyas Don Ramon at iba pa dahil tutol si alyas Peryong.

Ngayong malaki ang problema ng administrasyon ni Mayor Joy Belmonte sa COVID-19, nagsimula umano ng operasyon ng “Peryang Bayan” sa lungsod.

Ayon sa sources, si alyas Peryong ang nasa likod ng illegal gambling sa peryang bayan na ito.

Nakapasok na rin umano ang “online sabong” ni alyas “Ato” sa Quezon City.

Ayon sa sources, imposibleng walang basbas ito ni alyas Peryong dahil ang mamang ito nga ang nasusunod pagdating sa mga operasyon ng ilegal na sugal.

Ang online sabong ni alyas Ato ay nakabase sa Maynila.

Ayon sa sources, nakipagkasundo umano si alyas Peryong sa taong hindi lang bahagi ng administrasyong Belmonte kundi masasabing ‘susing tao’ sa city hall sa larangan ng ilegalidad upang
matiyak na kontrolado, o kopo, ni alyas Peryong ang illegal gambling sa lungsod.

Ang “lakas” at “otoridad” ni alyas Peryong sa administrasyon ni Belmonte ay hindi basta-basta mawawala dahil ‘namuhunan’ ito sa kandidatura ni Belmonte sa pagkaalkalde.
Hindi lang solido ang suporta ni alyas Peryong sa kandidatura ni Belmonte laban kay dating Quezon City First District Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo, kundi si alyas Peryong ang isa sa mga humaharap at kumakausap kapag nagkaproblema si Belmonte sa media at iba pang sektor noong panahon ng kampanya.

Naniniwala ang sources ng Saksi Ngayon na sa ganitong kaayusan ngayon sa lungsod, malabong makaporma ang isang alyas “Jess” kay Peryong upang takdaan ng lingguhang tara ang huli.

Si alyas Jess ang ‘pumutok’ na pangalan ng bagman/kolektor ng isang opisyal sa Quezon City Police District (QCPD).

Pumutok ang pangalan ni alyas Jess nang maipasara nito ang illegal gambling sa Cubao dahil umangal ang operator nito sa ‘napakalaking lingguhang tara’ ng naturang bagman.

Dahil hindi makaporma si alyas Jess, ang ‘regular na nakukuhaan’ nito noong wala pang COVID-19 ay ang mga operator ng sugal-lupa tulad ng drop ball, color games at iba pa, ratsada ng sources ng Saksi Ngayon.

Nasisingil din ni alyas Jess ng lingguhang ‘tara’ ang mga beerhouse, KTV Bar, o bahay-aliwan noong wala pang COVID-19, pero hindi kasali ang mga club na nakaugnay kay alyas Peryong. (NELSON BADILLA)

Read More

MADE IN CHINA PPE, ‘WAG IBENTA SA PINAS

0

NANAWAGAN si Senador Ana Theresia Hontiveros sa administrasyong Duterte na huwag bilhin ang “made in China” na personal protective equipment (PPE) dahil mahina ang kalidad nito.

Idiniin ni Hontiveros na bilhin at ipasuot lamang sa health workers ang mga PPE na ginawa ng mga Filipino dahil sa ganito ay natutulungan pa ang lokal na industriya ng PPE.

Ang pahayag ng mambabatas ay reaksyon niya sa ulat na 10 milyong PPE lamang ang nabili ng pamahalaan mula sa 57.6 milyong PPE na nagagawa kada buwan ng Confederation of Philippine
Manufacturers of PPEs (CPMP).

An Hontiveros: “Our COVID-19 response budget can afford to supply more frontliners with more medical-grade equipment if we procure locally. We have the supply, we have the quality, and we have the funds — bakit patuloy pa ang mass importation natin?.”

“Bakit natin pipiliin ang imported PPEs na may kwestiyonableng kalidad kung kaya naman nating mag-produce ng dekalidad sa halos kaparehong presyo? Hindi praktikal ang mag-import pa, habang padami ng padami ang health workers na nagkakasakit,” patuloy ng senadora.

Ang panawagan ni Hontiveros ay nakaugnay sa patakaran ng Department of Trade Industry (DTI) na “buy local product.”

Ngunit, ang problema sa DTI ay hindi nito tinatanggal ang patakarang importasyon ng mga produktong dayuhan, dahilan upang patuloy na pumapasok sa bansa ang mga produktong PPE na galing China. (NELSON S. BADILLA)

Read More

AFP NAKAKUHA NG HIGHEST APPROVAL RATING

0

NAGPASALAMAT ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines sa sambayanang Filipino ngayong National Heroes Day sa kanilang tiwala matapos makuha ng AFP ang pinakamataas na approval at trust rating.

Ayon sa pag-aaral ng Publicus Asia, Inc., nakakuha ng pinakamataas na approval at trust ratings ang Armed Forces of the Philippines na umaabot sa 68.07 percent. Habang may pinakamababang approval at trust ratings naman ang naitala ng House of Representatives.

Napag-alamang pakay ng pinakabagong survey ng Publicus Asia, Inc. ang 15 institusyon ng gobyerno.

Dahil dito, nagpahatid ng pasasalamat sina AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay at Maj. General   Ernesto Torres Jr., pinuno ng AFP-Civil Relation Service.

“Maraming salamat sa inyong pagtitiwala sa inyong Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ang inyong pagtitiwala ay nagsisilbing inspirasyon sa AFP upang ipagpatuloy nito ang pagsasagawa ng kanyang mandatong paglingkuran ang ating mga kababayan at pangalagaan ang seguridad ng ating bansa,” ayon naman kay CRSAFP chief Mgen Jun Torres.

Magugunitang sa SWS Survey ay nakakuha ang AFP ng 77 percent trust rating habang 71 percent naman ang nakuhang approval rating ng Philippine Army. (JESSE KABEL)

Read More

KONTRIBUSYON NG SENADOR SA AGRI TRANSFORMATION NG ALBAY KINILALA

0

Pinapurihan ni Albay Governor Al Francis Bichara ang mahalagang kontribusyon ni Sen. Cynthia Villar sa agricultural development ng  lalawigan sa isang simpleng seremonya na ginanap nitong Lunes.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Bichara na malaking bahagi ang ginampanan ni Villar sa agricultural transformation ng Albay na nagpaganda sa pamumuhay ng magsasaka at mangingisda sa lugar.

“Today, many people have labelled the last three years 2017-2019 the start of the agricultural transformation of Albay. This is partly because of Villar’s strong passion and determination whichrevolutionized agricultural development and improved the farmers and fisherfolks’ way of life,” ayon kay Bichara.

Sinabi ni Bichara na noong 2017, isinama ni Villar ang iba pang government officials at inikot nila ang pinakamagaling at pinakabago at state-of-the-art agricultural farm technologies sa Israel.

Ani Bichara, ang paglalakbay na ito ang naging inspirasyon niya upang mag-innovate at mag-adapt at para mag-isip na maging global subalit lokal pa rin.

Ipinahayag ni Bichara na isinunod ang Albay Farmers’ Bounty Village Farm Schools and Assessment Center sa Israeli ingenuity subalit Pinoy ang disenyo nito.

Matatagpuan sa Camalig, Albay, nakatutulong ito upang mapabuti ang buhay ng Albayano food producers sa pamamagitan ng entrepreneurship at farm enterprise capacity-building.

Dahil sa proyektong ito, napanalunan ni Bichara at lalawigan ng Albay ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) National Kabalikat Award. Ang Kabalikat Award ang
pinakamataas na government award na ibinibigay sa mga institusyon at natatanging indibidwal na nag-invest at nakipag-partner sa TESDA para sa human capital development.

Pinasalamatan ni Villar si Bichara sa pagkilala sa kanyang naiambag sa agricultural development ng Albay.

“Rest assured, I will continue my work to improve the lives of our kababayans in the farming and fishing sectors with the cooperation of local government units,” ani Villar.

Sinabi ng chairperson ng Senate Committee of Agriculture and Food na bilang ‘national goal,” higit na makakamit ang agricultural development sa pamamagitan ng LGUs.

Inihain niya ang Senate Bill 1138 o ang Local Government Agriculture Development Act na naglalayong maging institutionalize ang 10 percent na budgetary allocation mula LGU’s internal revenue allotment para sa pagpapatupad ng mga programa sa agrikultura at pangingisda.

“We need to strengthen local government participation in agriculture development by making sure programs for agriculture will be funded and consistently implemented whoever gets elected– advocate man ng agriculture ang mayor or governor o hindi,” sabi pa ni Villar.

“Just like how LGUs were required to allot a budget for Gender and Development Program, we want local agriculture development programs to be funded also,” dagdag pa niya.

Noong January 2017, inimbitahan ni Israeli Ambassador Effie Ben Matitayu si Villar para sa isang working visit sa Israel upang ipakita ang mga developmental project at mga ideya sa sektor ng
agrikultura.

Bukod kay Bichara, kasama rin sa official delegation ang local government officials mula sa Misamis Oriental, La Union, Tarlac, South Cotabato, Leyte, Nueva Vizcaya at Bataan.

Kabilang sa itinerary ng 4-day official visit ang Israel Ministry of Agriculture, MASHAV (Israel’s agency for international development and cooperation) Agricultural Traning Center sa Shefayim at tour sa propesyunal at makabagong agricultural farms ng bansa. Nakipagkita rin ang delegasyon sa Filipino on-the-job training students ng agrostudies. (ESTONG REYES)

Read More

P20-B TAX TARGET SA E-CIGARETTES

0

HINDI ipagbabawal ngunit papatawan ng mataas na buwis ng hanggang P20 bilyon kada taon.

Ito ang inaprubahan ng House committee on trade and industry para sa vape o e-cigarettes sa bansa.

Base sa inaprubahang panukala ng komite na pinamumunuan ni Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, magkakaroon na ng regulasyon sa paggawa, pagbebenta sa vapes, e-cigarettes, at iba pang electronic nicotine and non-nicotine delivery systems (ENDS/ENNDS).

Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagutan nito, tuluyan nang mabubuwag ang mga mga ilegal na pagawaan at pagbebenta ng mga END, ENNDs lalo na sa mga menor de edad.

Tinataya ng komite na mula nang mauso ang vape o e-cigarettes ay bilyon-bilyong piso ang nawawalang buwis sa may 800
unregistered backyards store ng mga produktong ito sa bansa.

“We would like to emphasize that this bill will serve to regulate, and not ban, the sale of these products,” paglilinaw ni  Gatchalian at dahil ang mga produktong ito ay mula sa electronic devices ay ire-regulate na ito ng Department of Trade and Industry (DTI) para maproteksyunan ang mga consumer.

Hindi sinabi ni Gatchalian kung ilang porsiyento ang ipapataw na buwis sa bisyong ito subalit kapag tuluyang naging batas ang panukala ay makalilikom umano ang gobyerno ng P20 billion sa unang taong implementasyon nito at aabot sa P108.9 billion sa loob ng limang taon. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

PAGTATAYO NG 3 PLANTA NG KARBON PINAKAKANSELA

0

UMAPELA sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan at mga negosyante ang Diocese of Lucena nitong Lunes para kanselahin ang tatlong coal-fired power plant na balak itayo sa Quezon, na makadadagdag umano sa pagkasira ng kalikasan.

Ang pahayag na ito, na nakasaad sa isang manifesto na pinirmahan ng higit 100 pari kasama si Lucena Bishop Mel Rey Uy, ay ipinadala sa SMC, A1E, at mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.

“Nananawagan kami sa mga korporasyong ito at sa mga subsidiariya nila na pakinggan ang tinig ng kalikasan at kanselahin ang planong ipatayo ang mga planta ng mahal, marumi, at nakamamatay na enerhiya mula sa coal.

Nananawagan din kami sa ating lokal at pambansang pamahalaan na pakinggan ang mamamayan at huwag hayaang makapasok pa ang anomang dagdag na coal sa minamahal nating probinsiya,” sabi ng mga pari sa kanilang pahayag.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 1,644 MW na coal sa mga munisipalidad sa ilalim ng Diocese of Lucena. Kung maitatayo ang tatlong bagong planta, madadagdagan ito ng 3,330 MW pa.

“Ngayon pa lamang, nagdurusa na ang mamamayan ng Quezon sa mga problemang pangkalusugan dahil sa lason na ibinubuga ng mga planta ng coal. Ninakawan din sila ng karapatang magamit ang lupa at kalayaang makapaghanapbuhay nang masagana, pinahirapan ng polusyon, nakaranas ng agresyon, at naisantabi sa mga proseso ng pagpapasya,” sabi sa pahayag.

Ginawa ang panawagang ito sa pagsisimula rin ng “Season of Creation”, ang taunang selebrasyon na binubuo ng mga aksyon at panalanging pangkalikasan, lalo na sa usapin ng krisis sa klima.

“Tinututulan namin ang mga coal-fired power plant dahil taliwas ang mga ito sa pangangalagang kailangan ng daigdig, ang nag-iisa nating tahanan. Ang kanselasyon ng mga ito ay makatutulong makapigil sa mga greenhouse gas emission, at magsisilbing pahayag ng pagtanggi sa anomang uri ng hindi sustenable at maruming mga gawain sa Quezon at sa buong bansa,” anila pa.

Kasalukuyang bumababa ang pandaigdigang paggamit ng coal dahil sa krisis sa klima, masasamang epekto nito sa kalikasan, at mga peligro ng pamumuhunan sa mga coal project.

Samantala, ang Pilipinas na madalas naaapektuhan ng mga kalamidad dala ng pag-init ng daigdig, ay patuloy pa rin sa pagpaparami ng mga planta ng coal sa bansa.

“Nakikiisa ang Power for People Coalition sa mga komunidad ng Quezon sa kagustuhan nilang iwanan na ang coal, at maasahan nilang patuloy ang pagsuporta namin sa panawagang ito. Hindi dapat maging hadlang ang anomang bagong coal plant sa pagkakaroon ng malinis at murang kuryente para sa mga Pilipino,” sabi ni Gerry Arances, Convenor ng P4P.

Ang grupong P4P, kasama ng mga kinatawan ng simbahan at komunidad sa Quezon, ay nanguna noong Nobyembre 2019 sa pagpepetisyon sa Kagawaran ng Kalikasan at Likas na Yaman (DENR) laban sa proyekto ng A1E dahil sa paglabag sa mga patakarang pangkalikasan at pang-edukasyon ng mamamayan. Sumusuporta rin ang P4P sa iba’t ibang gawain laban sa mga
proyektong coal ng SMC. (TJ DELOS REYES)

Read More

Bahagi ng pagbabagong nais ng Palasyo LEGAL DEPT NG PHILHEALTH KADA REHIYON

0

KUMBINSIDO si Presidential spokesperson Harry Roque na dapat magkaroon ng pagbabago sa set up ng legal department ng PhilHealth na sinasabing isa sa mga pinagmumulan ng matinding anomalya sa ahensiya.

Ito’y sa gitna ng ulat na sa legal division lahat dumadaan ang mga maaanomalyang claims at nasa diskresyon din aniya nito para palusutin o hindi ang mga iregularidad.

Aniya, mas nararapat gawing regional basis ang legal department ng PhilHealth dahil nakatutok ang lahat dito lamang sa main office.

Dapat din aniya na itulak ang automation sa gitna ng daan-daang milyong piso na hindi napupunta sa account ng PhilHealth at ito ay nasa hurisdiksyon ng IT ng ahensiya na isa rin sa sentro ng imbestigasyon.

Pati reimbursement, ani Roque ay dapat matutukan lalo na ngayong panahon ng COVID-19 na kung saan ay napakaraming cash advances na nailabas.

TASK FORCE SUPORTAHAN

Samantala, umapela si Senate Committee on Health chairman at Senador Christopher Bong Go sa Committee of the Whole na suportahan ang Task Force na binuo ng Executive branch para imbestigahan ang mga anomalya sa PhilHealth gayundin ang ginagawa nitong fact finding at pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa katiwalian sa ahensiya.

Tinawag ni Go ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na tulungan ang IT system ng PhilHealth para maayos na ang data.
Pinarerebisa rin ni Go ang posibleng legislative amendments ng PhilHealth policy tulad ng regular rotation para maiwasan ang masyadong “familiarity” at ang pagbuo ng hiwalay na opisina na tulad ng NLRC na siyang mag-iimbestiga para maiwasan ang sabwatan.

Kaugnay nito, wala aniyang pagsisisi si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatalaga nito kay resigned PhilHealth president and CEO Ricardo Morales sa ahensiya.

Sinabi ni Go na kumbinsido itong nalusutan lang si Morales ng mga nasa baba niya sa PhilHealth dahil sistematiko na ang korapsyon bago pa man ito maitalaga sa ahensiya.

NAKAUWI NA

Inihayag naman ng isang mambabatas na nakauwi na ang opisyal ng PhilHealth na nakulong sa Batasan Pambansa matapos ma-contempt nang hindi makakuha ang mga mambabatas ng malinaw na sagot sa kanya sa iniimbestigahang katiwalian sa nasabing ahensya.

Ito ang kinumpirma ni House committee on public accounts chairman Rep. Mike Defensor ukol kay PhilHealth senior manager for the internal legal dept Rogelio Pocallan Jr.

“Atty Pocallan left the House of Represenatives premises at 8:06 this morning,” ani Defensor.

Magugunita na nakulong sa Batasan Pambansa si Pocallan matapos magmosyon si Dasmarinas City Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., dahil sa paligoy-ligoy na sagot ng opisyal sa hindi ipinatupad na desisyon ng Court of Appeals (CA) na suspendehin ang Philhealth accreditation ng Perpetual Succor. (CHRISTIAN DALE/NOEL ABUEL/BERNARD TAGUINOD)

Read More

FRONTLINERS BIDA SA ARAW NG MGA BAYANI

0

BINIGYANG-PUGAY ni Pangulong Rodrigo Duterte at National Task Force Against COVID-19 ang mga bagong bayani ng bansa laluna ang mga medical frontliner na patuloy na nangunguna sa pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic sa bansa at maging sa abroad.

Ginawa ni Pangulong Duterte kasama ang NTF Against COVID-19 sa pangunguna ng Department of National Defense at Department of Interior and Local Government ang pahayag kasabay ng paggunita ng bansa sa National Heroes’ Day.

“I join the entire nation as we celebrate this year’s National Heroes’ Day. Today we honor not only the valor of our forebears who fought for the motherland’s freedom but also the heroism of those who risk their lives fighting a different kind of enemy,” pahayag ni Pangulong Duterte.

“Present day challenges posed by the current public health crisis have given rise to modern-day heroes, the country’s Filipino frontliners, here and abroad who are battling the COVID-19 pandemic.

As we commemorate National Heroes’ Day, the National Task Force Against COVID-19 honors our modern-day heroes — our medical frontliners — who have made every conceivable sacrifice to ensure the health and safety of the Filipino people,” pahayag naman ng NTF sa pangunguna ni Chief Implementor at OPAP Secretary Carlito Galvez Jr.

Lumagda sa nasabing pahayag sina Defense Secretary Delfin N. Lorenzana, NTF Chair; DILG Secretary Eduardo Manahan Año, NTF Vice-Chair; Presidential Peace Adviser Carlito G. Galvez Jr., Chief Implementer of the Philippines’ Declared National Policy Against COVID-19 at Bases and Conversion Development Authority President and CEO Vivencio “Vince” Dizon.
Bukod sa mga ito, nakiisa rin ang iba pang miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte sa pagdiriwang.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar na marapat lamang na alalahanin ang kasaysayan  at ang  katapangan at determinasyon ng mga bayani na nakipaglaban para sa kalayaan at demokrasya laban sa kolonyal at sakit ng lipunan.

“In honor of the spirits of bravery and valor that our heroic ancestors have exuded and handed down to us as inspirations to succeed as a nation, our strong belief and united actions towards our collective development are therefore warranted,” ayon kay Sec. Andanar.

Samantala, nagbigay pagkilala rin sa pamamagitan ng isang kilos protesta ang mga tinaguriang Workers’ rights advocates sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City kahapon.

Binigyang pugay nila ang may 38 fallen medical frontliners at hiniling ang pagkakaroon ng regular free testing, quarantine leaves at hazard pay para sa mga health worker na nasa private sector.

Sa hanay naman ng ng AFP, pinangunahan ni Ltgen Gilbert Gapay, AFP chief of staff ang pag-alala sa mga bayani kasama ang mga frontliner na nagpapakita ngayon ng kanilang kabayanihan.
Sa Kongreso, sinaluduhan ni Deputy Speaker Loren Legarda ang mga bayani ng bansa.

“I salute our country’s frontliners for their sacrifices and unparalleled contribution in our fight against COVID-19,” ayon sa kinatawan ng Antique.

Bukod sa mga health worker, frontliners din ang mga pulis, sundalo, utility staff, supermarket staff, food and cargo delivery drivers, mangingisda, magsasaka, market vendors, journalists, at government employees na patuloy na naglilingkod kahit nasa panganib ang kanilang buhay.

Napakalaki aniya ng tulong ng mga ito sa survival ng mamamayang Filipino habang nasa gitna ng pandemya ang bansa dahil sa COVID-19 kaya dapat lamang silang saluduhan.

Inayunan naman ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas subalit iginiit nito na bayani rin ang kababaihan na nagbuwis ng buhay para sa pagtatanggol sa karapatang pantao. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

Read More

Good governance sa QC peke QCPD NGANGA KAY ‘PERYONG’

0

(NELSON S. BADILLA)

MAITUTURING na peke ang pinaiiral na “good governance” ni Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte sa Quezon City kung namamayagpag dito ang illegal gambling na kontrolado umano isang alyas “Peryong.”

Madalas igiit ni Belmonte na simula nang maging alkalde siya ng lungsod noong Hunyo 2019 ay good governance ang kanyang pinaiiral sa pamamahala ng pamahalaang lokal.

Dahil dito, inaasahan ng mga residente ng lungsod na walang umiiral at namamayagpag na kahit anong klaseng ilegal na sugal.

Sa kasalukuyan, walang jueteng sa Quezon City dahil walang operasyon ang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa labis na pananalasa ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ang STL ay siyang ginagamit na prente ng jueteng ng jueteng lords tulad nina alyas “Don Ramon” at “Tee Pang.”

Ngunit, ayon sa mapagkakatiwalaang sources ng Saksi Ngayon, hindi pa man nagkakaroon ng COVID-19 na nagpatigil sa operasyon ng STL sa Quezon City at sa napakaraming panig ng bansa ay huminto na ang jueteng operation nina alyas Don Ramon at Tee Pang gamit ang STL dahil ‘hinarang’ umano ito ni alyas Peryong.

Si alyas Peryong ang nagpapasya ngayon sa Quezon City sa larangan ng illegal gambling, ayon sa sources.

Bago maging alkalde si Belmonte, namamayagpag ang jueteng business sa Quezon City ni alyas Don Ramon gamit ang STL bilang prente dahil madaling kausap ang mga dapat bigyan ng lingguhang tara sa Quezon City Police District (QCPD), diin ng sources.

Namamayagpag din ang operasyon niya sa Maynila at Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), patuloy ng sources.

Hindi rin pahuhuli ang STL operation bilang prente ng jueteng ni alyas Tee Pang sa Cubao Area.

Ang pa-jueteng ni alyas Tee Pang ay binobola sa Nepa Q-Mart.

Ngunit, simula nang maging alkalde si Belmonte ay literal na nahinto ang ilegal na negosyo nina alyas Don Ramon at alyas Tee Pang.

Pinaalis din umano ni alyas Peryong ang video karera operation ni alyas “Recto,” pagsasambulat pa rin ng sources ng Saksi Ngayon.
Kaya, nanatiling sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzulea ang VK ni alyas Recto.

Ngayong matindi ang suliranin ng administrasyon ni Belmonte hinggil sa pandemyang COVID-19 ay “Peryang Bayan” at “online sabong” ang pasok at namamayagpag sa Quezon City, paniniyak ng sources.

Si alyas Peryong ang may hawak ng Peryang Bayan, samantalang ang online sabong ay hawak ng isang alyas “Ato.”

Malaki ang paniwala ng sources na mayroong ‘basbas’ si alyas Peryong sa online sabong ni alyas Ato.

Syempre, inaasahang mayroong ‘substansiyal’ na kita si alyas Peryong sa online sabong, bulalas ng sources.

Ito’y dahil hindi naman kokontrolin ni alyas Peryong ang operasyon ng illegal gambling kung wala siyang pakinabang dito.

Dahil sa pamamayagpag ng peryang bayan at online sabong na nakatimbre kay alyas Peryong, nganga ang QCPD sa ilalim ng liderato ni Brig. Gen. Ronnie Montejo.

Inulit at idiniin ng sources na namuhunan si alyas Peryong upang masiguradong makontrol niya ang illegal gambling ng Quezon City.

Sa ngalan ng good governance, naglunsad ng anti-illegal operation si Mayor Belmonte noong Enero ng taong kasalukuyan.

Dahil sa direktiba ni Belmonte at utos mismo ni General Archie Francisco Gamboa bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) kay QCPD Director Ronnie Montejo na linisin ang Quezon City mula sa lahat ng porma ng ilegal na sugal, ‘napilitang tumigil’ sina alyas Don Ramon, alyas Tee Pang, alyas Recto at iba pa.

Mula sa serye ng operasyon ng QCPD, iniulat ni Montejo ang mga taong nahuli sa operasyon laban sa VK at cara y cruz.

Ang mga nahuli ng mga tauhan ng QCPD ay pawang mananaya at bantay lamang.

Ngunit, ayon sa sources, ang nasabing operasyon ay ibinatay sa “payo” at “kahilingan” ni alyas Peryong.

Ito umano ang ‘mapagpasyang hakbang’ ni alyas Peryong upang iparating sa gamblong lords na siya ang ‘hari ngayon’ sa larangan ng illegal gambling sa Quezon City.

Read More