SPORTS FEATURE Ni EDDIE ALINEA
HANDA na ang lahat. Tapos na ang mga dapat tapusin. Tahimik na ang lahat, maliban sa nagtatangol na kampeong si Muhammad “The Greatest” Ali na patuloy pa rin sa panlalait sa humahamon sa kanyang si Smokin’ Joe Frazier.
Ang lugar na pagdarausan ng pagtutuos, ang huling kabanata sa labanang Ali-Frazier na tinawag na “Thrilla in Manila,” o “Super Fight III,” o “Fight of a Life Time,” ang Araneta Coliseum, na bininyagang Philippine Coliseum, ay handa na rin.
Maghaharap ang dalawa upang pagpasiyahan kung sino sa kanila ang tunay na hari ng heavyweight sa daigdig sa ika-1 ng Oktubre, taong 1975.
Ang dalawang nilalang na namumuno sa magkabilang kampo – si Angelo Dundee, trainer ni Ali, at si Eddie Futch, trainer-manager ni Frazier, ay kapwa nagpahayag ng kasiyahan na naayos nang lahat para sa pagtutuos ng dalawa sa pinakamagagaling na heavyweight sa balat ng lupa.
Ang imported na Everlast ring ay naikabit na sa loob ng arena na pag-aari ng pamilya Araneta sa Cubao, Quezon City.
“This is a fine arena for the staging of the world heavyweight title fight,” nagkakaisang opinyon nina Futch at Dundee pagkakita sa kondisyon ng coliseum matapos nila itong inspeksyunin sa presensya ni GAB chair Luis Tabuena, na tumayong co-promoter ni international matchmaker Don King.
“All the needed improvements that we suggested during the first time we inspected the place have been followed to the letter,” dagdag nina Dundee at Futeh. “We couldn’t ask for more.”
Kapwa pinuri ng dalawa ang lahat ng nagawa ng organisador ng laban sa arena, sa sentro ng lahat ng aktibidades sa Philam Life building at sa Bayview Plaza, Manila Hilton, at sa Fok Arts Theater kung saan ang dalawang boksingero ay nagdaos ng kanilang paghahanda.
“We’ve gone to many countries before, but definitely, the arrangements here in Manila are very admirable.
You’re, indeed, way ahead of time in terms of organizing events of this size and magnitude,” anila.
Pinasalamatan din ng dalawa ang pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos sa pagsasabing: “The governmet had really left no stone unturned in its efforts to make the event a truly successful one.”
“Fantastic, very efficient,” dugtong ni Futch na inaming nasa Maynila siya ilang dekada na ang nakararaan.
“Your people are very thorough in performing their job. They do things just right like before.”
Ang Araneta Coliseum ay naitayo sa malaking lupaing pag-aari ng pamilya Araneta sa Cubao, Lungsod Quezon na bahagi ng Kalakhang Maynila.
Ang coliseum ay may kapasidad na 27,000 upuan o standing room only (SRO) na 32,000.
Ito ay inumpisahang gawin noong 1958 bilang tugon ng pamilya sa panawagan ng marami para sa isang makabagong cultural, sports at entertainment venue kung saan ay puwedeng magtanghal ng local at internasyonal na pagtatanghal sa murang halaga lamang.
Si J. Amado Araneta, isang kilalang businessman-sportsman ay isang taong may progresibong kaisipan sa kanyang pagpapagawa ng Araneta Colisum.
Pinasinayaan ang coliseum noong ika-15 ng Marso sa laban ni local boy Gabriel “Flash” Elorde at ni Harold Gomez para sa world junior-lightweight title, kung saan naaagaw ng Pilipino ang korona sa pamamagitan ng 7th round knockout.
Apat na buwan makalipas ang Ali-Frazier fight, ang Araneta Coliseum ay nagsilbing opisyal a tahanan ng Philippine Basketball Association, ang kauna-unahang liga propesyonal ng basketball sa buong Asya na ipinanganak din noong 1975.
Read More