CA justice nilatigo, kabarong si Leonen absuwelto? INJUSTICE SA KORTE SUPREMA

0

NELSON S. BADILLA

PINARUSAHAN ng Korte Suprema ang isang Court of Appeals (CA) justice dahil hindi nito natapos at nadesisyunan ang 160 kasong nakasalang sa kanyang sala bago sumapit ang 2011.

Sa desisyong inilabas ng en banc (buo) ng mataas na korte nitong Hunyo 23 ng taong kasalukuyan, ang parusa sa ‘krimeng’ nagawa ni Justice Marilyn B. Lagura-Yap ay hindi niya matatanggap ang kanyang isang taon sahod bilang “appellate justice” ng CA.

Sa desisyong “per curiam” (ng korte), napatunayan ng Korte Suprema na si Yap ay “guilty of Gross Efficiency” noong “presiding judge” siya ng Branch 28, Regional Trial Court ng lungsod ng Mandaue nang hindi hindi niya natapos at nabigyan ng desisyon ang 160 kaso na nakaatang sa kanyang sala sa loob ng “reglementary period”.

Hindi rin naipasa ni Yap sa Judicial and Bar Council (JBC) ang kinakailangang sertipikasyon ng caseload noong mag-apply siya ng posisyon sa CA noong 2011, banggit sa desisyon ng mataas na korte.

Pinangaralan din ng mga mahistrado si Yap na magpamalas ito ng ibayong “sipag” sa pagganap ng tungkulin at obligasyon nito bilang “dispenser of justice”, lalo na ngayong mahistrado siya ng CA.

Itinala rin ng mataas na korte na ang parusa laban kay Yap ay dapat ipatupad sa loob ng 30-araw mula nang matanggap niya ang desisyon ng korte.

Malinaw ang bagsik at tapang ng parusang iginagawad ng pinakamataas na korte sa mga opisyal ng iba’t ibang dibisyon ng hudikatura.

Ipinunto rin ng pinakamataas na korte na kahit napakatagal na ng krimeng nagawa ng opisyal ng hudikatura ay hahabulin nito at siguradong parurusahan ang nagkasala sa batas at alituntunin ng hudikatura na itinakda at ipinag-utos ng Korte Suprema.

Sa ibang salita, muling iginigiit ng Korte Suprema sa lahat ng opisyal at kasapi ng hudikatura tulad ni Justice Yap (na isang hakbang na lang ay posibleng maging justice din ng mataas na korte sa hinaharap) na trabaho, papel, tungkulin at obligasyon bilang “dispenser” ng katarungan.

Kasama si Associate Justice (AJ) Marvic Leonen sa lumahok sa en banc ng korte sa hatol na ginawa nito laban kay Yap.

Sa kasalukuyan, si Leonen ang ikatlo sa tatlong pinakamataas na AJs ng mataas na korte.

Siya ay naging kasapi ng Korte Suprema noong Nobyembre 2012.

Sumingaw sa media na hindi kuntento si Leonen na isang taong walang suweldo si Yap sa nagawa nitong pagpapabaya sa kanyang trabaho noong RTC judge pa ito.

Ang iginiit ni Leonen ay matanggal si Yap sa CA. Ngunit habang mistulang galit na galit ito sa palpak na si Yap, lumutang na umaabot sa 82 kasong hawak ni Leonen ang hindi pa nito natatapos at nabibigyan ng desisyon bilang ponente.

Batay sa isang pahinang dokumento ng Korte Suprema hinggil sa mga kasong nakabahagi sa 15 mahistrado, nangunguna si Leonen sa AJ na 82 kaso ang nakabinbin sa kanyang tanggapan.

Tinalo pa nina Chief Justice Diosdado Peralta at Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe si Leonen sa paglalabas ng ponente.

Nakasaad sa dokumento ng mataas na korte, limang kaso ang hindi pa napagpapasyahan ni Peralta, samantalang tatlo naman ang kay Bernabe.

Sina Peralta at Bernabe ay nakatakdang magretiro bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Kasama sa hindi pa nadedesisyunan ni Leonen ang protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II laban kay Bise – Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo.

Oktubre ng nakalipas na taon nakuha ni Leonen ang kaso na isinampa ni Marcos sa Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) noong Hunyo, 2016.

Ang kaso ni Marcos ay kasama sa tinatawag na “non-aging” dahil bago matapos ang Setyembre ay naglabas ng desisyon si Leonen na nag-utos sa Commission on Elections (Comelec) at Office of the Solicitor General (OSG) na maglabas ang dalawang ito ng kani-kanilang “memoranda”, o komentaryo, hinggil sa memoranda nina Marcos at Robredo sa desisyon ng PET noong Oktubre 2019 na ituloy ang “third cause” na hiniling ni Marcos.

Ang third cause ay tungkol sa reklamong malaganap na dayaan sa eleksyong naganap sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Read More

Hamon ni Defensor inisnab BELGICA PURO DAKDAK

0

DISMAYADO si House committee on public account chairman Mike Defensor kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica dahil sa pagtanggi nito na pangalanan ang mga kongresista na sangkot sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Defensor, bagama’t kaisa siya ni Belgica sa kampanya laban sa katiwalian at handang makipagtulungan sa nasabing opisyal para makagawa ng batas laban sa anomalya sa mga proyekto ng gobyerno, ay dapat pangalanan nito ang mga kongresista na aniya’y sangkot sa katiwalian.

“In this particular case of representatives involve in graft it is best if the particular districts are identified,” ani Defensor para magkaroon ng ideya ang mga ito kung anong batas ang dapat gawin.

Unang hinamon ni Defensor si Belgica na pangalanan ang mga mambabatas na sinasabi nitong sangkot sa katiwalian sa DPWH na pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, tumanggi si Belgica na ikinadismaya rin sa mataas na kapulungan dahil mahigit 300 ang miyembro ng Kamara kung saan 250 ang district congressmen.

“While the institution is not being attacked, the net effect is that everyone is a suspect in the scheme which Comm Belgica stated. It would be unfair to the individual reps not involved and the collective institution of Congress,” ayon pa kay Defensor.

Kawawa aniya ang lahat ng mambabatas na pinagdududahan kahit walang ginagawang mali dahil sa tila ‘sweeping statement” ni Belgica kaya dapat aniyang pangalanan ng opisyal kung sino-sino ang mga tinutukoy niyang sangkot sa katiwalian.

 

P1.331-B naglaho

Kaugnay nito, iniulat ng Commission on Audit (COA) na nawalan ang DPWH ng P1.331 billion government funds dahil sa kabiguan nito na mabawi ang advance payments para sa “completed, rescinded or terminated projects.”

Ipinalabas ng COA ang audit report matapos sabihin ni Belgica na may mga mambabatas ang nakipagsabwatan sa ilang opisyal ng DPWH at project contractors para gumawa ng katiwalian.

Sinabi ni Beligica na ginagamit ng mga mambabatas ang kanilang impluwensiya sa pagpapatupad ng mga lokal na proyekto maging sa galawan ng district engineers ng DPWH.

“You know there are 250 districts, so each one talks to a congressman. It’s not centralized, so there are problems in monitoring,” ang pahayag ni Belgica sa isang panayam.

Hindi naman niya tinukoy kung sino ang mga mambabatas na ito.

Una nang kinondena ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nagpapatuloy na katiwalian sa DPWH. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

Read More

Maaring pagkunan ng budget para sa healthcare – solons MALAMPAYA, IBA PANG PPPs MILYON PA ANG PONDO

0

BILANG tugon sa panawagan ng Kongreso na maghanap ng karagdagang pondo upang maiangat ang kalidad ng public healthcare sa bansa, naghain ang ilang kongresista kamakailan ng panukalang gamitin ang bahagi ng Malampaya funds para sa pondong pangkalusugan.

Inihain nina Reps. Eric Pineda, Mikee Romero at Virgilio Lacson, na mga miyembro rin ng House health committee, ang House Bill (HB) No. 7800, na nirerekomenda ang pag-amyenda ng Presidential Decree (PD) No. 910 upang payagan ang Kongreso na ilaan ang bahagi ng Malampaya funds at ng iba pang oil exploration projects para sa upgrading ng healthcare system sa bansa, lalo sa panahong ito ng pandemya.

Sa ilalim ng 10-point socioeconomic agenda ng pamahalaang Duterte, ang PPP (public-private partnerships) ay isang mahalagang paraan upang mapabilis ang infrastructure development.

Binanggit sa HB 7800 bilang halimbawa ang Malampaya na maaaring pagkunan ng pondo para sa pagpapalakas ng public health care system. Ang Malampaya ay isa sa mga maituturing na matagumpay na PPP project sa bansa.

Ayon kay 1Pacman party-list Rep. Pineda, chairman din ng House committee on labor and employment: “Napakayaman ng Pilipinas sa natural resources. Sa katunayan, tayo ang may pinakamalaking supply ng natural gas sa mundo. Nariyan ang Ligwasan Marsh sa Mindanao, at marami rin tayong natural gas sa Sulu.”

“Kaya napakahalaga ng mga proyekto tulad ng Malampaya, habang natigil ang ibang developments dahil sa pandemya,” dagdag ni Pineda. “Kailangan muna nating sagipin ang ating mga kababayan at magtayo ng sapat na healthcare facilities para sa mga nagkasakit [ng COVID-19]. Makakatulong dito ang paghanap ng iba pang sources ng natural gas.”

Sa kasalukuyan, hanggang 30 porsiyento ng energy requirements ng buong Luzon ang galing sa Malampaya. Marami ring ibang tulong ang proyektong ito sa bansa, tulad ng pagpapababa ng oil imports, paghatid ng walang patid na supply ng malinis na kuryente, at pag-akyat ng pondo mula $800 milyon hanggang $1.1 bilyon bawat taon.

Ang license to operate ng Malampaya ay hanggang 2023 na lamang. Ayon kay Pineda, “Mayroon pa tayong hindi nakukuha na P23 milyong pondo galing sa Malampaya.

Kailangan nating amiyendahan agad ang PD 910 dahil may dalawang taon na lang tayo upang magamit ang Malampaya fund.”

Naging lalong mahalaga ang pagkalap ng pondo para sa health budget ng bansa dahil sa mga hamong kinakaharap nito.

“Dahil sa pandemya, naging malinaw na wala tayong dapat sayanging oras upang ayusin ang ating public health infrastructure,” ani 1Pacman party-list Rep. Mikee Romero.

“Sa kasalukuyan, ang utang ng gobyerno dahil sa COVID-19 ay halos P9 trilyon na noong Hunyo. Mas mahihirapang bumangon ang ekonomiya kung lagi tayong aasa sa pangungutang.”

Dagdag pa niya: “Ang PD 910 ay ginawa upang magamit ang energy exploration at development para sa kapakanan ng bansa. Iyan mismo ang kailangan natin sa panahong ito ng pandemya, at isa ring solusyong pangmatagalan.”

Kasunod ng tagumpay ng Malampaya sa kanilang proyekto, iginiit ng Kongreso na kailangang dagdagan pa ito ng iba pang exploration projects.

Ani Manila Teachers party-list Rep. Lacson, na chairman din ng House committee on micro, small, and medium enterprise development, “Patuloy ang exploration ng Philippine National Oil Company (PNOC) sa West Philippine Sea. Ito ay katunayan na may sapat tayong oil resources na magagamit, hindi lamang para sa ating power needs, kundi upang pondohan ang kinabukasan ng bansa.”

Ayon sa World Health Organization, malamang na magpapatuloy ang kasalukuyang global health crisis sa mga darating na taon. Dahil dito, kailangan ng mga bansa na palakasin pa ang kanilang sistema ng healthcare upang matugunan ang krisis ng COVID-19 nang matagalan.

Para sa Pilipinas, ang sariling oil at natural gas resources nito ay ang maaring susi upang magampanan ito.

“Ang teknolohiya sa exploration ay gumanda na sa mga nakaraang taon,” ani Lacson. “Maaring pahabain pa ang Malampaya, depende sa desisyon ng Department of Energy (DOE).”

“Nasa DOE na rin ang pagsuporta ng karagdagang exploration efforts,” dagdag niya. “Magiging malaking tulong ito sa ating laban sa pandemya at sa pagbuo ng magandang healthcare system.”

Read More

PAGTATALAGA NG DISTRICT ENGINEERS UGAT NG KORAPSYON SA DPWH – LACSON

0

NANINIWALA si Senador Panfilo Lacson na nagsisimula ang korapsiyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagtatalaga ng district engineer sa impluwensiya ng district representative sa mababang kapulungan.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na may full authority ang DPWH sa pagtatalaga ng tauhan sa kanyang departamento kabilang ang district engineers maliban na lamang kung ibinigay niya ito sa regional director o hinarang ng Palasyo ang assignment sa ilang okasyon.

“We also know that district representatives almost always use their influence in having their “favorite” district engineers assigned to their districts for a very obvious purpose: to have full control in the implementation of their “pet projects” funded by their insertions in the annual General Appropriations Act (GAA),” ayon kay Lacson.

Pero ang tanong ni Lacson: “Can the DPWH Secretary stand up to the pressure exerted on him by the congressmen?”

“As we already know, the answer is obviously no. And no matter how the secretary denies it, nobody is ready to believe him. We also know that it is the root cause of corruption,” anang mambabatas.

Sinabi ni Lacson na anomang bagay na hinaluan ng pulitika sa ating bansa, nanganganak ng korapsiyon.

Ayon kay Lacson, kailangan lang maglakbay sa buong bansa at makikita at mararanasan araw-araw ang lahat ng uri ng sira-sira at substandard na kalsada, tulay at iba pang imprastraktura.

“The national budget is the most violated, if not the most abused law of the land. The abominable part is, the violators are lawmakers and those tasked to implement the GAA,” anang mambabatas.

“That is why we are so screwed up as a country for as long as we remember politicians,” dagdag ni Lacson. (ESTONG REYES)

Read More

Gordon kinastigo sa Kamara GOBYERNO BINA-BLACKMAIL NG RED CROSS

0

KINASTIGO sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Philippine National Red Cross (PNRC) na pinamumunuan ni Sen. Richard “Dick” Gordon dahil sa pamba-blackmail umano ng mga ito sa gobyerno.

Ginawa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pahayag matapos magbanta ang PNRC na ititigil nito ang pagte-test sa COVID-19 kapag hindi binayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang utang nito na mahigit P1 billion.

“I seriously counsel the management of the Philippine National Red Cross to stop blackmailing the government. Please remember that every centavo in the coffers of the government comes from every Filipino taxpayer. It is very lamentable that due to the government’s alleged failure to pay its obligation on time, it has been accused of a lot of things,” ani Barbers.

Ayon sa mambabatas, kailangang maberipika muna ang claims ng PNRC bago ito bayaran tulad ng ginagawa ng ibang grupo na mayroong sinisingil sa PhilHealth kaya made-delay ito.

Kung hindi aniya mag-iingat ang gobyerno sa pagbabayad ng claims ay walang ibang maaapektuhan kundi ang mamamayan lalo na ang mga miyembro ng PhilHealth.

“Also, it has to review the legality of the agreement made by and between PNRC and PhilHealth. But this should not be taken against the government and blackmail it by stopping a supposedly public and noble duty of the Red Cross, Philippine or International,” dagdag pa ni Barbers.

Sinabi pa ng mambabatas na walang karapatan ang PNRC na mag-demand ng kabayaran dahil wala umanong ‘valid contract” ang mga ito sa PhilHealth para magsagawa ng mass testing.

Ilegal din umano ang P100 million na advance payment ng PhilHealth sa PNRC dahil sa pagpapatupad umano sa Bayanihan 1 kaya walang karapatan ang mga ito na gipitin ang gobyerno.

Sinabi pa ng mambabatas na kung atraso o utang din lang ang pag-uusapan ay hindi nagpapahuli ang PNRC dahil matagal na umano itong hindi nagbabayad sa University of the Philippines (UP) sa paggamit ng pasilidad ng nasabing eskuwelahan sa matagal na panahon. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

10K pamilya walang relokasyon P656-M NORTHRAIL PROJECT ‘NASAYANG’

0

UMABOT sa P656.35 milyong pondo ng pamahalaan ang ‘nawala’ at ‘ nasayang dulot ng maanomalyang proyektong “Northrail” na inaprubahan noong panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino Cojuangco III.

Ang proyekto ay patungkol sa tren na manggagaling sa lungsod ng Caloocan patungong Bulacan.

Ang proyektong ito ng North Luzon Railways Corporation (Northrail) ay isa sa sinasabing “big ticket projects” ni Aquino.

Pabibilisin ng naturang proyekto ang byahe ng mga Pilipinong naghahanapbuhay sa National Capital Region (NCR) na nakatira sa Bulacan.

Malaki rin ang papel nito sa komersyo at kalakalan sa pagitan ng mga negosyante ng NCR at ng Bulacan.

Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA) na inilabas nitong nakalipas na linggo, mula sa P505.35 milyong pondong inilaan sa pagbili ng lupa bilang “additional right-of-way” ay P423.46 milyon ang napatunayang mayroong iregularidad.

Nadiskubre rin ng COA auditors na nasayang ang P232.89 milyong pera para sa relokasyon ng mga apektadong residente, o “informal settlers” dahil walang naganap na relokasyon sa Bulacan.

Sa kabuuan, P656.35 milyon lahat ang produkto ng anomalya sa proyekto ng Northrail na nadiskubre ng COA.

Sa dulo, talo na naman ang mamamayang Filipino sa naturang proyekto dahil “public funds” ang P656.35 milyon.

Batay sa rekord, nasa 10,000 pamilya ang inilipat sana sa lupang nabili sa Bulacan makaraang bayaran ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.

“Northrail spent around P232.89 million for the relocation program in a joint undertaking with the Provincial Government of Bulacan (PGB) and Alto Project Asia Inc. (APAI) without actual relocation undertaken,” paliwanag sa ulat ng COA.

Ayon sa COA, P10 milyon ang naibayad sa PGB para sa 50 ektaryang lupain sa Norzagaray, Bulacan.

Kaso, “While the PGB committed to complete the relocation on June 30, 2011, there was no actual relocation undertaken by PGB,” tumbok ng COA.

Sa nasabing petsa ay umabot na sa P232.89 milyon ang nagastos ng Northrail para sa “purported relocation program without relocating a single family,” patuloy ng COA.

Binanggit din sa parehong ulat ng COA na ang paglilipatang lugar ng mga pinakamahihirap na pamilya ay “vulnerable to natural hazards, hence, not considered appropriate as residential area” batay sa pag-aaral ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), ahensiyang pinangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ang Northrail ay “pre-operating subsidiary” ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ngunit isa ito sa mga ahensiya ng Department of Transportation (DOTr). (NELSON S. BADILLA)

Read More

MISS UNIVERSE PHILIPPINES 2020 CROWN, NASUNGKIT NI MS. ILOILO

0

AND THE WINNER IS … Ms Iloilo!

Bagama’t ramdam pa rin sa paligid ang kakaibang lungkot dulot ng COVID-19, matagumpay na naidaos ang coronation night ng prestihiyosong beauty pageant sa Baguio City na inere sa telebisyon ngayong umaga.

Kinoronahan at bitbit ang tagumpay bilang Miss Universe-Philippines 2020 ang Ilongga beauty na si Rabiya Mateo.

Sa katatapos na patimpalak, nangibabaw ang ganda at talino ni Mateo sa 47 pang kandidata.

 

Hindi naman nagpatalbog ang iba pang kandidata sa pagrampa kasabay ng pagpapakita ng kanilang husay at galing sa question and answer portion, bukod pa sa magagandang katawan na rumampa sa entablado.

Simple lamang ang mga gown o kasuotan ng mga kandidata.

Iginawad ang first runner-up sa Miss Parañaque, at second runner-up ang isa sa early favorites na si Michelle Gumabao mula Quezon City.

Sumunod ang Miss Bohol, habang fourth runner-up ang Cavite.

 

Nagpakita rin ng kanyang galing sa pag-host ang matipuno at guwapong mestizo na si KC Montero.

Naging hurado ang mga dating Miss Universe runner-ups na sina Janine Tugonon at Ariella Arida, gayundin ang ilang government officials na sina Presidential spokesperson Harry Roque, ACT-

CIS Party-list Rep. Eric Yap, at Arlene Magalong na asawa ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

 

Tatangkain ng Ilongga beauty na masungkit ang pang-limang Miss Universe crown sa Pilipinas.

Noong nakaraang taon, bigo ang Fil-Palestinian na si Gazini Ganados na maibigay ang back-to-back win kasunod ni Catriona Magnayon Gray matapos siyang mag-landing sa Top 20 sa Miss Universe. (JULIET Q. PACOT)

Read More

SINDIKATO NG COVID TEST SA AIRPORT, IBINUKO

0

IBINULGAR ni Senador Richard Gordon ang umano’y sindikato ng COVID-19 test sa airport na posibleng isa sa layunin ng ilang tiwali sa PhilHealth kaya’t dine-delay ang pagbabayad ng utang sa Philippine Red Cross na umaabot na sa P1.1 bilyon.

Sinabi ni Gordon na sinamantala ng ilang sindikato ang kawalan ng pwesto ng PRC sa paliparan at agad na sinasalubong ang mga OFW at dadalhin sa linya kung saan mas mahal ang singil sa test.

“Sa Airport ang test dun P3500, wala [kaming] pwesto dun, hanggang 4 days ago naglagay na ako [ng] pwesto. Umaangal na mga OFW at pasahero dahil dinadala sila sa linya na naniningil ng P10K or P7K, gusto mo mabilis P10K, kung gusto mo pinakamabilis P20K,” saad ni Gordon.

“‘Yan ang titignan natin, talagang may nagsasamantala,” diin pa ng senador.

Isa pa anyang naging kita ng mga sindikato ay ang paghihintay sa resulta ng test kung saan dinadala nila sa hotel ang OFW o pasahero kaya may komisyon sila sa mga ito.

Samantala, nangako si Gordon na sa sandaling magbayad ang PhilHealth ng utang sa kanila ay agad na muling aarangkada ang pagsusuri ng PRC subalit dapat sumunod na anya sa kontrata.

“Papayagan namin kung P930 million ang babayaran nila tapos within 3 days bayaran ang balance at mula ngayon pairalin ang kontrata, every three days bayad. Natatakot ako baka mabangkarote ang PRC. This is the 2nd time, dati may utang sila P750 million, pinatigil ko, nagbayad sila,” paliwanag ni Gordon. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

Para maiwasan ang child marriages AGE OF SEXUAL CONSENT, ITATAAS

0

IGINIIT ni Senador Win Gatchalian na dapat nang itaas ang age of sexual consent sa bansa na 12 taong gulang bilang bahagi ng pagsugpo sa isang maituturing na paglabag sa karapatang pantao matapos magbabala ang mga eksperto na maaaring umakyat ang bilang ng child marriages sa gitna ng pandemya.

Ang pagpapakasal ng isang menor de edad ay maituturing na child marriage at bagama’t saklaw nito ang parehong lalaki at babae, mas apektado ang mga batang babae.

Batay sa ulat ng Save the Children, maaaring umabot sa 2.5 milyong mga batang babae ang nanganganib na mapilitang magpakasal dahil sa mga naging epekto ng pandemya, kabilang ang pagkaantala ng edukasyon at ang pagbagsak ng ekonomiya.

Noong nakaraang Abril, nagbabala ang United Nations Population Fund o UNFPA na maaaring magdulot ng karagdagang 13 milyong child marriages sa susunod na dekada dahil sa mga naging pinsala ng pandemya.

Ayon naman sa United Nations Children’s Fund o UNICEF, ang Pilipinas ang pang labindalawa sa may pinakamataas na bilang ng mga child bride sa mundo.

Samantala, ang age of sexual consent sa Pilipinas na labindalawang taong gulang ay ang pinakamababa sa Asya at pangalawang pinakamababa sa mundo.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang pag-angat sa age of consent ay makatutulong sa pagsugpo sa mga pang-aabuso at karahasang sekswal na dulot ng child marriages. Sa kanyang Senate Bill No. 739, ipinanukala ni Gatchalian ang 18 years old bilang age of consent.

Una nang inaprubahan ng Kamara at Senado ang panukalang iakyat sa 16 taong gulang ang age of consent.

“Ang mga kabataan ay dapat nag-aaral upang magkaroon sila ng mas magandang kinabukasan. Hindi dapat napuputol ang kanilang mga pangarap dahil napipilitan silang magpakasal at magkaroon ng responsibilidad sa pamilya nang maaga,” saad ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Dahil mas maraming mga panganib ang kinakaharap ng ating mga kabataan sa gitna ng pandemya, lalo nating dapat paigtingin ang mga hakbang laban sa anomang uri ng karahasan at pang-aabuso,” dagdag ng senador.

Ayon pa kay Gatchalian, mahalaga ang pagpapatuloy ng mga programang nagbibigay proteksyon sa mga kabataan, kabilang ang mga reproductive health service. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More