KUKUHA NG RFID, ‘WAG NANG HINTAYIN ANG ‘LAST MINUTE’ – MALAKANYANG

0

UMAPELA ang pamahalaan sa mga motorista na huwag nang hintayin pa ang “last minute” para makakuha ng radio frequency identification (RFID) stickers at maipakabit sa kanilang sasakyan.

Bahagi ito ng paghahanda para sa cashless scheme sa major toll roads simula sa Disyembre.

Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na iniurong ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsisimula ng cashless toll collection mula sa dating Nobyembre 2 at ginawang Disyembre 1 para payagan ang mga motorista na makapag-comply sa mga requirement.

Sa halip na manual cash transactions, ang RFID system ay naglalayong payagan ang electronic payment sa mga tolls sa oras na dumaan na ang sasakyan sa pamamagitan ng toll plaza.

Maaaring i-load o i-tap ng motorista ang kanyang RFID account sa toll booths at iba pang online payment facilities.

“Paalala ko sa ating mga kababayan, iwasan natin iyong nakasanayan na kung kailan ilang araw na lang bago ang deadline ay saka tayo dudumog sa mga installation sites ,” ayon kay Sec. Roque.

“Habang maaga pa po ay magpakabit na tayo ng RFID upang maiwasan ang last minute na transaction,” dagdag na pahayag nito.

Tiniyak ni Sec. Roque na hindi na maaantala ng pamahalaan ang implementasyon ng cashless mode of payment sa expressways.

“Huling hirit na po ang extension na ito. Simula December 1 ay mahigpit na pong ipatutupad ang full cashless transactions sa ating mga toll roads,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Sa ulat, pinalawig ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ng hanggang Disyembre ang full implementation ng cashless toll collections sa toll roads sa bansa bilang tugon sa panawagan ng mga motorista, na hanggang ngayon ay wala pa ring RFID stickers sa kanilang sasakyan.

Ayon sa DOTr, ang naturang ekstensyon ay nangangahulugan na ang Department Order 2020-012 na nagmamandato ng cashless mode of payment o 100% paggamit ng electronic payment systems sa expresways, ay magsisimulang ipatupad sa Disyembre 1, mula sa dating schedule na Nobyembre 2.

“So huwag po kayong mag-panic. Binigyan po tayo nang mas mahabang panahon para magpakabit ng RFID. Ito ay upang bigyan ng konsiderasyon ang mga kababayan natin na hindi pa rin nakakapag-install ng RFID sa kanilang mga sasakyan,” ayon kay Sec. Roque.

Ayon naman kay Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Abraham Sales, pinayagan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang ekstensiyon upang mabigyan ng mas mahabang pagkakataon ang mga motorista, para makapagpakabit ng RFID, at tumalima sa department order.

Una nang ipinag-utos ng DOTr ang implementasyon ng cashless transaction sa toll roads upang maiwasan ang hawahan sa COVID-19, gayundin ang traffic congestion sa mga toll plaza.

Ang mga motorista na mabibigong sumunod sa mandato ay huhulihin at iisyuhan ng citation ticket. (CHRISTIAN DALE)

Read More

PUBLIC LIBRARY, GAMITIN SA DISTANCE LEARNING

0

IGINIIT ni Senador Sonny Angara na dapat gamitin ng gobyerno ang mga public library system para makatugon sa pangangailangan ng mga estudyante ngayong ipinatutupad ang distance o blended learning.

Sinabi ni Angara na marami sa mga guro at estudyante ang hirap ngayon ang access sa distance learning tools tulad ng computers, smartphones o tablets at internet connectivity.

Dahil dito, dapat simulan ng gobyerno ang paghahanap ng mga opsyon upang matulungan ang mga guro at estudyante partikular sa public school system at lahat ng resources para makatugon sa mga pangangailangan sa new normal.

Inirekomenda ni Angara na gamitin ang mga public library at barangay reading centers bilang distance learning resources sa mga estudyante.

“I don’t think we are fully utilizing our public libraries. This could be because of the lack of useful resources that students need these days. Now everything is shifting towards digital and libraries should do the same if they want to remain relevant and useful to the public,” saad ni Angara.

Una nang inihain ni Angara ang Senate Bill 1879 upang palakasin ang Philippine public library system sa pamamagitan ng pag-upgrade sa mga pasilidad kabilang na ang paglalagay ng latest computer at electronic library technology.

Sa paghahain ng Senate Bill 1879, nais ni Angara na amyendahan ang Republic Act 7743 o ang batas kaugnay sa pagtatayo ng congresssional, city at municipal libraries gayundin ng Barangay reading centers sa buong bansa.

Binigyang-diin ng senador na kabilang sa dapat na serbisyong ilalagay sa mga public library at reading centers ang free wifi, affordable rentals ng ICT equipment tulad ng smartphones, tablets, laptops, desktop computers at mobile wifi hotspots.

Maaari ring isama ang webinars at online training modules para sa reskilling at upskilling.

Alinsunod din sa panukala, ang pondo para naman sa National Library ay itataas sa P500 milyon kada taon para sa electronic library system. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

Marcos may payo sa mga negosyante ‘DI NABENTANG BULAKLAK MAARI PANG PAKINABANGAN

0

MAY panukala si Senador Imee Marcos sa mga negosyante ng bulaklak sa Dangwa flower market upang huwag mawalan ng pag-asa ang mga ito kung hindi maibebenta ang kanilang produkto dahil sa pagbabawal sa pagpunta sa mga sementeryo ngayong Undas.

Ayon sa senadora, huwag munang ilibing ang truck-truck na di mabentang mga bulaklak dahil maari naman itong pagkakitaan pa para sa panibagong negosyo.

Suhestyon ito ni Marcos dahil wala nang kinikita ang mga negosyante ay nabubulok pa ang mga bulaklak na ibinabagsak sa kanila mula sa Baguio City at maging sa Cebu.

“ImeeSolusyon natin diyan ay gamitin sa paggawa ng essential oils o kaya patuyuin para gawing potpourri o gawing sangkap sa binebentang kandila at sabon,” sinabi ni Marcos.

Makatutulong aniya rito ang Department of Science and Technology (DOST) sa paggawa ng mga nasabing produkto at ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapautang sa negosyo sa ilalim ng Small Business Corporation o SBC.

“Sa pamamagitan nito, makakaahon sa epekto ng pandemya at pagsasara ng mga sementeryo ang ating mga nagtatanim at nagbebenta ng mga bulaklak,” dagdag ni Marcos.

Nakarating kay Marcos ang reklamo ng mga tindero at tindera ng bulaklak sa malaking pagkalugi ngayong Undas dahil pinagbawalan ng Inter-Agency Task Force o IATF ang pagbisita sa mga sementeryo para maiwasan ang impeksyon o hawaan ng virus sa mga tao.

“Apektado talaga ang mga negosyante ng bulaklak sa pagsasara ng mga sementeryo dahil walang bibili ng kanilang paninda. Nagbabayad pa sila ng trucking at pwesto nila,” pahayag ni Marcos.

Nalugi rin umano ang mga negosyante ng bulaklak sa loob ng walong buwan na pag-iral ng quarantine dahil sa COVID-19 pandemic sa bansa.

Sa monitoring ng opisina ni Marcos, bagsak-presyo na ang mga bulaklak ngayon sa Dangwa kung ikukumpara noong 2019 na walang pandemya.

“Halos ipamigay na nga ng mga tindera ang mga bulaklak sa Dangwa at sa Baguio dahil walang bumibili ngayong Undas. Yung iba naman, magtitirik na lang kandila sa kanilang mga bahay sa halip na gumastos pa sa bulaklak,” ani Marcos.

Umaasa si Marcos na makababawi rin ng kita ang maliliit na negosyante ng bulaklak sa pagbubukas ng mga sementeryo sa November 4 dahil sa inaasahang pagbisita ng mga tao sa puntod ng mga mahal nila sa buhay. (NOEL ABUEL)

Read More

INFORMATION LITERACY SAGOT SA COVID-19 ‘INFODEMIC’

0

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga pribado at pampublikong paaralan na paigtingin ang kanilang mga programa laban sa pagkalat ng mga maling impormasyon o minsinformation, lalo na ang mga bagay na may kinalaman sa COVID-19.

Aniya, ang mahigit 25 milyong mag-aaral sa bansa ay mataas ang exposure sa iba’t ibang anyo ng media dahil sa distance learning.

Babala pa ni Gatchalian, mas nanganganib ang mga estudyante na makatanggap ng mga maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan.

Sabi ng mambabatas dahil ang media and information literacy ay saklaw ng K to 12 curriculum, mahalaga ang papel ng mga paaralan upang masugpo ang lantarang pagkalat ng mga maling impormasyon o ang tinatawag ng World Health Organization (WHO) na ‘infodemic crisis’ hinggil sa COVID-19.

Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), ilan sa mga tema ng infodemic ay ang pinagmulan at kung papaano kumakalat ang sakit, mapanlinlang na mga datos, at mapanganib na impormasyong may kinalaman sa lunas at paggamot ng naturang sakit.

Upang mapaigting ang mga programa sa media and information literacy, ipinapanukala rin ni Gatchalian na palawigin ng DepEd ang pakikipag-ugnayan nito sa mga batikang mamamahayag na una nang nakapagbigay ng pagsasanay o training para sa mga tinaguriang teacher-broadcasters.

Maaari rin aniyang makipagtulungan sa mga lokal na istasyon ng radyo at telebisyon sa iba’t ibang probinsiya para sa distance learning.

Giit nito, mahalaga rin ang papel ng media literacy para sa pagpapaigting ng edukasyon sa kalusugan.

“Ang pagkalat ng fake news o anomang maling impormasyon sa kalagitnaan ng isang pandemya ay kasing lala o mas malala pa sa isang delikadong sakit na kailangan ding sugpuin. Mahalaga ang papel ng edukasyon sa pagbabahagi ng tamang impormasyon upang mas magabayan natin ang ating mga kababayan sa gitna ng kinakaharap nating krisis,” ayon sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (NOEL ABUEL)

Read More

MALABON COVID DEATHS PUMALO NA SA 211

0

BINAWIAN ng buhay ang isang pasyente mula sa Barangay Baritan nitong Oktubre 30, nabatid mula sa Malabon City Health Department kaya’t sumampa na sa 211 ang COVID-19 death toll ng lungsod.

Samantala, 18 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 5,589 na ang positive cases, 142 dito ang active cases.

Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Baritan (1), Concepcion (2), Dampalit (1), Flores (2), Longos (2), Maysilo (1), Niugan (1), Panghulo (2), Tinajeros (3) at Tonsuya (3).

Nabawasan ng tatlo ang datos ng mga kumpirmadong kaso sa Barangay Potrero dahil base sa validation, may dalawang pasyenteng hindi residente, at isa ay taga-ibang barangay. Mula 632 ay magiging 629 ang bilang nito.

Samantala, 49 ang nadagdag sa mga pasyenteng gumaling. Sila ay mula sa Barangays Baritan (3), Catmon (1), Dampalit (2), Flores (2), Hulong Duhat (7), Ibaba (2), Maysilo (1), Niugan (7), Panghulo (3), Potrero (4), San Agustin (4), Santulan (8), Tinajeros (4), at Tonsuya (1) at sa kabuuan ay 5,236 na ang recovered patients sa lungsod. (ALAIN AJERO)

Read More

SEA TRIPS SUSPENDIDO KAY ‘ROLLY’

0

SUSPENDIDO ang lahat ng biyahe ng sasakyang pandagat sa lahat ng lugar na maaapektuhan ng Bagyong “Rolly” na patuloy ang paglakas habang patungo sa Luzon.

Ito ang kinumpirma ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Armand Balilo,

Ayon kay Balilo, ayaw na nilang maulit ang nangyari noong Bagyong Quinta na maraming sasakyan pandagat ang nagkaproblema lalo na sa Bauan, Batangas.

Dahil dito, maaga pa lamang ay inabisuhan na nila ang mga tripulante na maghanap ng mapagtataguan at i-secure nang mabuti ang mga barko.

Sinabi ni Balilo, sinuspinde nila ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat sa buong Bicol at Northern Samar bandang alas-11:00 ng gabi pa lamang noong Biyernes.

Sinundan ito ng pagsuspinde sa sea trips alas-5:00 ng umaga nitong Sabado sa Southern Tagalog, kasama ang Mindoro, Batangas, Port of Lucena at gayundin ang Port of Manila.

“Lahat ng pagsususpinde ay dahil po sa ating pag-iingat sa bagyong darating,” ani pa Balilo.

Ayon sa ulat, ang Bagyong Rolly, itinuturing na pinakamalakas na bagyo ngayong taon, ay palapit na sa Bicol.

Samantala, bunsod ng pagsuspinde sa biyahe ng mga barko, 102 katao ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan partikular na sa Batangas.

“Sa Batangas may pinababa na tayo kanina sa dalawang barkong inabutan ng ating suspension, mga 58 po ‘yung mga taong nasa Batangas ngayon,” dagdag pa ni Balilo.

Nalaman na ang Bagyong Rolly ay may lakas na hangin na aabot sa 215 kilometro kada oras malapit sa gitna na aabot sa 265 kph hanggang alas-4:00 ng madaling araw nitong Sabado. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

22 NAVOTEÑO TUMANGGAP NG BIKE AT CP MULA SA DOLE

0

TUMANGGAP ang 22 Navoteño mula sa informal work sector ng libreng bisikleta at android mobile phones mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ito ay proyekto sa ilalim ng Integrated Livelihood and Emergency Emergency Program o FreeBis (Bisikletang Pangnapbuhay) ng DOLE.

Pinangunahan ang turnover ng mga bisikleta at cellphone nina Navotas Congressman John Rey Tiangco at DOLE CAMANAVA Director Rowella Grande.

Ayon kay Cong. JRT, maaaring gamitin ang mga ito ng mga benepisyaryo para makatulong sa kanilang online o loading business.

Ang FreeBis bikes ay kumpleto na sa mga gamit kasama ang helmet, kapote, tsaleko, water bottle, at thermal bag.

Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng android mobile phone na may P5,000 load.

Kaugnay nito, sampung frontliners naman na naglilingkod sa Navotas City Hospital at City Health Office ang napaghandugan ng bisikleta ni Navotas Mayor Toby Tiangco.

“Ito ay bilang pagbibigay-pugay sa kanilang pagsasakripisyo at pagsisilbi sa atin sa kabila ng panganib at hirap na dulot ng COVID-19. Lubos po tayong nagpapasalamat sa kanila at dasal natin na parati silang ligtas sa anumang sakuna,” pahayag ni Mayor Tiangco. (ALAIN AJERO)

Read More

TRIKE DRIVER, DYOWA TIKLO SA P.3-M DROGA

0

ARESTADO ang isang tricycle driver at ang sinasabing dyowa nito nang makumpiskahan ng halos P.3 milyong halaga ng shabu at marijuana sa buy-bust operation sa Malabon City.

Ibinalibag sa magkahiwalay na selda sina Anthony Morales, 39, ng Caloocan City, at Maria Kristina de Vega, 28, ng Gen. Luna St., Brgy. Ibaba.

Bandang alas-5:45 ng umaga nang isagawa ang operasyon laban kay Morales sa Pureza St., Brgy. Tugatog.

Nang tanggapin ni Morales ang P500 marked money mula sa isang undercover cop, kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, agad siyang dinamba at kasamang dinampot si De Vega.

Nakuha sa pag-iingat ng dalawa ang aabot sa 35.41 gramo ng shabu na tinatayang P240,788 ang halaga, 271 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na umaabot sa P32,520 ang halaga at buy-bust money. (ALAIN AJERO)

Read More

KALIGTASAN NG MGA TAUHAN PINATITIYAK SA PNP COMMANDERS

0

SA pakikipag-ugnayan kina Secretary of the Interior and Local Government Eduardo Año at Philippine National Police chief, General Camilo Pancratius Cascolan, pinayuhan ng Joint Task Force COVID Shield ang lahat ng police commanders sa mga lugar na sinasabing posibleng tamaan ni Typhoon Rolly, na tiyakin ang kaligtasan ng kani-kanilang mga tauhan at ayudahan ang Local Government Units (LGUs) sa kanilang disaster preparedness plans.

Sinabi ni Police Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, commander ng JTF COVID Shield, ipauubaya niya sa police commanders na gumawa ng kanilang mga stratehiya upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan at pamilya at mga taong nasa kanilang nasasakupan na maaaring masapol din ng hagupit ng bagyo .

“In the meantime, the checking of passing motorists should also be taken as an opportunity to advise and warn the public about the danger of this typhoon and for them to follow the instructions of the LGUs and weather and disaster management officers,” ani P/Lt. Gen. Eleazar.

“Those who are conducting community level patrol should also actively play a key role in advising and assisting the residents, especially those living in coastal areas and danger zones, to evacuate and move to safe places,” dagdag pa ni Eleazar.

Inalerto ni Gen. Eleazar ang kanyang mga tauhan bunsod nang inilabas na abiso ng state weather bureau na maaaring maging isang ganap na super typhoon si Rolly na may International name na “Goni ” at maaring pagsimulan ng storm surge na aabot sa tatlong metro ang taas.

Una nang pinayuhan ni SILG Año ang LGUs na maghanda para sa isang worst case scenarios, kabilang na ang forced evacuation ng mga residente lalo na roon sa mga naninirahan sa mabababang mga lugar at malapit sa mga dalampasigan at mga lugar na laging binabaha.

Maging si PNP Chief General Cascolan, ay nag-atas na mag-deploy ng karagdagang puwersa sa mga lugar na tatamaan ng bagyo at tulungan ang affected LGUs sa kanilang disaster management preparations.

“As warned by the experts, this will be a strong typhoon so we also have to ensure the safety of our personnel in the areas that would be directly hit by typhoon ‘Rolly’, not only policemen and soldiers manning the checkpoints, but also Coast Guard personnel and Bureau of Fire Protection who were assigned to various quarantine rules-related duties,” ani P/Lt. Gen. Eleazar.

“We also have to deploy them to assignments where they are needed the most. In this case, forced evacuation and other disaster preparedness plans are important in areas that would be affected,” dagdag pa nito. (JESSE KABEL)

Read More