WALANG HINTONG PAGTUTULUNGAN HANGGANG SA PAGTATAPOS NG 2020

0
SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

ILANG lingo na lang ang nalalabi bago tayo ­tuluyang magpaalam sa taong 2020.

Ang taong 2020 na siguro ang maituturing na pinakamahirap na taon sa buhay nating lahat dahil sa tindi ng mga hamon na dala nito hindi lamang para sa ating bansa, kundi pati sa buong mundo.

Bukod sa epekto ng pandemyang COVID-19 ay hinarap din ng mga Pilipino ang epekto ng mga kalamidad ngayong taon gaya ng pagputok ng bulkan, ­paglindol, at pananalanta ng malalakas na bagyo.

Sa kabila ng mga ­pinagdaanan ng bansa, nananatiling matatag ang mga Pilipino. Nananatiling buo ang ating pag-asa na pasasaan pa at matatapos din ang unos na ito. Balang araw ay maaaninag din natin ang liwanag sa dulo ng lagusan.

Matapos ang siyam na buwan ay sa wakas, malapit nang pumasok sa bansa ang ating pinakahihintay na bakuna laban sa COVID-19. Ito na sana ang hudyat sa muling pagbabalik sa normal ng takbo ng buhay ­nating lahat.

Ang magandang balitang ito ay maituturing na magandang regalo ngayong Kapaskuhan sa ating mga mamamayan.

Bunsod ng nalalapit na Kapaskuhan ay muling nagpalabas ng mga paalala ang pamahalaan ukol sa pagsusuot ng face mask at face shield sa mga ­pampublikong lugar.

Inaasahang marami ang lalabas ng mga kabahayan upang mamili ng mga regalo o magdiwang kasama ang mga kaibigan at iba pang mahal sa buhay.

Bukod sa balita ng bakuna, isang magandang balita rin ang hatid ng Meralco para sa mga konsyumer sa pagtatapos ng taong 2020.

Muli itong nag-anunsyo ng bawas singil para sa buwan ng Disyembre 2020. Ang patuloy na pagbaba ng presyo ng kuryente ay malaking tulong para sa mga konsyumer ngayong panahon ng pandemya.

Ginagawa ng Meralco ang makakaya nito upang mas mapababa pa ang presyo ng koryente para sa mga customer nito, lalo na ngayong pandemya.

Gaya ng anunsyo ng Meralco kamakailan, umabot na sa P1.3870 kada kilowatthour (kWh) ang bawas-singil na naibigay sa mga konsyumer sa buong taon ng 2020. Ito ay nangangahulugan na may

P277 na bawas sa singil sa mga tipikal na customer na kumokonsumo ng 200kWh, mula January 2020. Sa patuloy na pagbaba ng presyo ng koryente ng Meralco, ang presyo sa buwan na ito ay naitalang ikalawa sa pinakamababang singil mula Setyembre 2017.

Ang pagtulong ng Meralco ay hindi nagtatapos sa pagpapababa ng presyo ng koryente at sa pamamahagi ng koryente sa mga customer nito. Nakibahagi rin ang Meralco at ang sangay nitong

nangangasiwa sa pagtulong sa komunidad, ang One Meralco Foundation (OMF), sa Power Restoration Rapid Deployment (PRRD) Task Force Kapatid 2020. Kaisa at kasama nila ang buong industriya ng kuryente sa pagsasaayos ng mga pasilidad na nasira ng bagyong Rolly, kahit na ang mga nasabing lugar ay hindi na nasasakupan ng serbisyo ng Meralco.Ito ay ipinagpatuloy ng Meralco sa kabila ng tindi ng pananalanta ng bagyong Ulysses sa sariling pasilidad nito.

Upang mapanatili ang diwa ng Pasko sa kabila ng pananalanta ng mga bagyo at epekto ng ­pandemya, ang MVP Group of Companies at ang OMF ay namahagi ng Noche Buena package sa higit sa

200 na mangingisda na nawalan ng hanapbuhay dahil sa bagyong Quinta at 200 na mga relief package naman para sa mga empleyado ng mga resort na napilitang huminto sa operasyon.

Sa pakikipag­tulungan sa Thomasian Alumni ­Leaders Association, 200 na Jeepney Driver at 50 na tricycle driver na bumabiyahe sa kahabaan ng Dapitan at University Belt ang nakakuha ng Noche Buena package.

Bukod sa serbisyo sa publiko ay makakaaasa rin ang mga konsyumer na patuloy na tutulong ang Meralco sa mga ito upang maibsan ang epekto ng pandemyang COVID-19. Ngayong panahon ng krisis at pandemya mas lalong kailangan ang bayahihan at pagkakaisa. Kaisa ng pamahalaan at ng mga mamamayan ang Meralco at ang buong industriya ng kuryente sa bansa.

Read More

PBA PH Cup bubble tagumpay – Kume Marcial

0
SALA SA INIT, SALA SA LAMIG
Ni EDDIE ALINEA

HINDI lamang tagumpay ang inani ng kauna-unahang PBA Philippine Cup bubble na ginanap dito sa bansa, nagbigay din ito ng hudyat na ang sports dito ay umusad na sa dalawang buwan at
kalahating kompetisyon, na nakatulong din para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng panuntunang ipinatupad ng pamahalan.

Lahat ng mga manlalaro, opisyal at iba pang kasama sa PBA bubble ay isinailalim sa regular na pagsusuri, sumunod sa social distancing, pagsusuot ng mask at iba pang health and safety protocols.

“We had a perfect zero negative tests in our entire stay at Clark for two and-a-half months,” ulat ni PBA Commissioner Willie Marcial sa panayam ng SAKSI ­NGAYON ilang araw matapos ibaba ng host Clark Development Corp. ang telon ng bubble.

“Some of our PBA ­staffers had small calendar each in their pockets recording results of every tests. Pati ­ilang player. And I’m happy to report, no positive cases. If that’s not a success, I don’t know what is,” may halong pagyayabang na wika ni ­Marcial.

“Walang nag-positive among the more or less 500 members of the entourage, ­including team members, game officials and members of print and television media,” aniya.

“Salamat sa Clark ­Development Corp. (CDC), Bases Conversion and ­Development Authority (BCDA) and all their personnel for their efforts and support throughout the duration of the PBA Philippine Cup bubble,” dagdag niya.

Pinasalamatan din ni Kume ang Quest Hotel, ang naging tahanan ng lahat ng kasama sa bubble, at Angeles University Foundation Sports and Cultural Center sa Pampanga kung saan idinaos ang lahat ng laro.

Iniulat din ni Marcial ang kapasidad ng CDC para ­maging punong-abala sa mga darating pang bubble events sa bansa.

“Even FIBA has also noticed the ideal Clark facilities, as well as that of AUF which they now plan to use during our hosting of the third window of the on-going Asia Cup qualifying tournaments,” pagtatapat ng PBA top man.

“Clark is perfect choice for future international sporting events the country is committed to host,” paniniguro niya.

Sinamantala ng Barangay Ginebra ang kakulangan ng tao ng TNT Tropang Giga para angkinin ang kanilang unang All-Filipino crown sa loob ng nakalipas na 13 taon.

At matapos na mabuhay muli ang liga na may mga nag-akalang baka mamatay na bunga ng malawakang lockdown na ipinatupad ng pamahalaan, ang susunod na hakbang, ayon sa commissioner, paghandaan ang pagdiriwang ng ika-46 anibersaryo ng liga sa Abril 2021.

“All our efforts now will be directed at hopefully ­returning to where we ­started 45 years ago in April and hold, not only one, but the usual ­three-conference format,” sabi pa ni Marcial sa ­kolumnistang ito.

Read More

Hindi tinablan ng hiya, deputy speakers pumalo na sa 32 VELASCO MAHINANG SPEAKER

0

(BERNARD TAGUINOD)

LARAWAN ng kahinaan ng kanyang pamumuno sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagtatalaga ni House Speaker Lord Allan Velasco ng 32 deputy speakers.

Lubhang nababahala si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na guguho ang tiwala ng publiko sa Kapulungan dahil mula sa dating 22 ay pinalobo ni Velasco sa 32 ang deputy speakers sa kabila ng mga pagtutol ukol dito.

“It is important that we as the House of Representatives protect the Filipino people’s trust in us as their elected officials. However, Speaker Velasco’s leadership is causing distrust of the Congress among Filipinos. His recent move of naming 32 deputy speakers has been criticized,” ani Defensor.

Naibalik ang tiwala ng publiko sa Kamara noong panahon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano dahil sa mataas na trust rating na nakuha ng mga ito mula noong 14th Congress.

Gayunpaman, duda si Defensor na lulubog muli ang tiwala ng publiko sa Kamara dahil 10% sa 302 congressmen ay ginawang deputy speaker kahit binabatikos ito ng publiko.

Ang mga deputy speaker ay katuwang ng Speaker sa pagmamando sa mga mambabatas at dahil sa dami ng mga ito ay mistulang indikasyon ito na hindi kayang pamunuan ni Velasco ang 302 mambabatas.

“He also mishandled changing the chairmanship of the Public Accounts Committee by not even giving me proper notice, even when he had the opportunity to tell me while we were at a meeting together discussing investigations and bills lined up before the Committee,” ani Defensor.

Handa naman umano si Defensor na bitawan ang nasabing komite kung sinabihan siya ni Velasco na papalitan na ito subalit hindi ito ginawa ng House leader kahit nakapag-usap sila.

“I intimated this to Cong. (Bonito) Singson and many colleagues who all share my surprise at the Speaker’s actions. These actions show arrogance and unprofessionalism from Speaker Velasco and cause citizens to doubt his ability to lead the House at a time when we need unity,” ayon pa kay Defensor.

Pinasalamatan din ni Defensor si Singson na ipinalit sa kanya sa nasabing komite dahil sa papuri na tinanggap nito sa nasabing mambabatas.

Read More

Ilang lalawigan nilubog sa baha BAGYONG VICKY NAG-IWAN NG 9 PATAY

0

BINAHA na naman ang malaking bahagi ng bansa sa pananalasa ng Bagyong Vicky na nag-iwan ng siyam na patay.

Magdamag na nakaalerto ang mga tauhan ng Office of Civil Defense-Cagayan at National Disaster Risk Reduction Management Council sa pangambang maulit ang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela dahil sa patuloy na pag-ulan bunsod ng tatlong weather system na umiiral sa bansa kasabay ng muling pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.

Sa ulat ng provincial OCD at PDRRMO, tuloy-tuloy ang naranasang pag-ulan sa kanilang lalawigan kaya’t nakatutok pa rin sila sa posibleng epekto nito sa mga ilog partikular ang Magat at Cagayan River na tumataas ang level ng tubig kaya nagpalabas ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ng Dam Discharge Warning No. 3 (Rapid Increase on Dam Discharge) kamakalawa ng hapon.

Nabatid na hanggang kahapon ng umaga ay patuloy na nagpapakawala ng tubig ang Magat Dam.

Una nang inihayag ng NIA-MARIIS Dam and Reservoir Division – Flood Forecasting and Warning System for Dam Operations (FFWSDO) na nagbukas sila ng anim na Magat Spillway Gates na may 12 meters total openings at approximate discharge of 2,360 cubic meters per second (cms) hanggang alas-5:30 kamakalawa ng hapon.

Nagdulot din ang TD Vicky ng malawakang pagbaha at mga landslide sa Mindanao at Visayas region.

Habang sinusulat ang balitang ito, kinukumpirma pa ng NDRRMC ang mga ulat hinggil sa umano’y siyam na nasawi sa pananalasa ng Bagyong Vicky sa Visayas at Mindanao.

Sa isang panayam kay Agusan del Sur Governor Santiago Cane binanggit nito na mayroon silang karagdagang tatlong patay at isa ang nawawala na pinaniniwalaang mga nalunod nang tumawid sa ilog. (JESSE KABEL)

Read More

Ayudang P165.5-B sa Bayanihan 2 wa epek MSMEs BANGKAROTE PA RIN

0

UMABOT na sa P105.8 bilyon ang nailabas mula sa P165.5 bilyong pondong nakalaan sa ikalawang batas hinggil sa Bayanihan, ngunit mistulang bangkarote pa rin ang kalagayan ng maliliit na negosyante at mga manggagawa.

Nakasaad sa website ng Department of Budget and Management (DBM) na P105.8 bilyon na ang naipamahagi mula sa P165.5 bilyon ng Bayanihan to Recover as One Act.

Layunin ng pondo ay ayuda sa mga negosyanteng nakapaloob sa hanay ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs), milyun-milyong manggagawa, pinakamahirap na mga pamilya at gastusin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan laban sa COVID – 19.

Nitong Disyembre 19 ang huling araw ng buhay ng Bayanihan Act 2, kaya bawal na itong ilabas ng DBM upang magamit ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Nasa P59.7 bilyon na lang ang natitirang pondo para sa Bayanihan Act 2, ngunit hindi pa nakababawi ang mga negosyanteng bahagi ng MSMEs.

At ayon sa NAGKAISA Labor Coalition, milyun-milyong pamilya ng mga manggagawa ang ‘bagsak’ ang buhay dahil napakarami sa kanila ang hindi pa nagkakaroon ng trabaho.

Ang ibang manggagawa na mayroong trabaho ay ‘ipinako’ na sa suweldong napakalayo sa minimum na siyang itinakda ng Minimum Wage Law.

Idiniin ni DBM Secretary Wendel Avisado na walang dapat ipangamba ang publiko sa balanse ng Bayanihan Act 2 dahil ang panukalang batas na nagpapalawig sa bisa nito hanggang Hunyo 21, 2021 ay lalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bago magbakasyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso nitong Disyembre 19, ipinasa nila ang nasabing panukalang batas upang magamit pa ang P58.7 bilyong natira sa Bayanihan Act 2 at hindi maibalik sa Bureau of Treasury  (BTr). (NELSON S. BADILLA)

Read More

Publiko pinakalma ni Lorenzana BALIK-MECQ SA METRO MANILA, FAKE NEWS

0

MARIING pinabulaanan kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kumakalat na balitang muling isasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila.

“I would like to inform the public that the current situation in Metro Manila is stable and manageable and does not warrant a shift back to MECQ,” ayon kay DND Secretary Delfin Lorenzana.

Nilinaw rin ng kalihim na walang katotohan na nanggaling sa PNP ang memo na kumakalat sa social media na nagsasabing ibabalik sa mas mahigpit na community quarantine ang National Capital Region.

Pero sinabi ng kalihim, gaya ng naunang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, mananatili ang Metro Manila sa general community quarantine hanggang sa katapusan ng taon.

“As the President had earlier announced, Metro Manila shall remain under general community quarantine until the end of the year. Neither the IATF nor the mayors of Metro Manila recommended any shift in the quarantine status in this period,” paliwanag sa taumbayan ni Sec. Lorenzana.

Itinanggi rin ni Joint Task Force COVID Shield commander PLt. Gen. Cesar Hawthorne Binag ang mga kumakalat na impormasyon.

Nilinaw ni Binag na tanging ang Inter-Agency Task Force ang maaaring maglabas ng risk classification.

Iginiit naman ni Lorenzana na stable ang sitwasyon kaya hindi na kailangan pang ibalik sa MECQ ang Kalakhang Maynila.

“[W]e appeal for the public’s cooperation in observing the health protocols we have in place, such as wearing of masks and face shields in public, washing of hands and practicing social distancing,” anang kalihim.

“Let us avoid going to crowded places and holding social gatherings in the meantime to help prevent a possible surge in cases during this holiday season,” dagdag nito.

“Fake news ito,” ganito rin ang inilabas na pahayag ni PNP Spokesperson Col. Ysmael Yu.

Sa heading pa lang aniya ng kumakalat na memo ay kitang hindi ito mula sa opisina ng NCRPO.

Hindi rin aniya maglalabas ng kautusan na agad-agad ang implementasyon, habang ang signatory na si P/Lt. Col. Hansel Marantan ay hindi rin umano awtorisadong maglabas at pumirma ng ganoong klaseng memo. JESSE KABEL

Read More

Abogado, huwes, isa-isang tinutumba LAW ENFORCERS MAGTRABAHO KAYO – NOGRALES

0

KINASTIGO ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles ang mga law enforcer dahil sa kabiguang pigilan ang kriminalidad sa bansa kasunod ng pamamaslang sa isa na namang law worker sa Cebu noong isang linggo.

Si Atty. Baby Marie Concepcion Landero-Ole ay inambush at napatay sa Danao City Highway noong Disyembre 17, at ikalawang abogado na namatay sa Cebu sa loob ng isang buwan.
“At this point we have to ask what the authorities are doing about the spate of killings of law workers. We are not asking for special protection—rather, we wish to remind our authorities to do their jobs,” ani Nograles.

Ayon sa mambabatas, patuloy na tumataas ang bilang ng mga abogado, prosecutors at judges na pinatay mula noong 2016 at ika-54 si Landero-Ole kaya dapat maging aktibo aniya ang mga law enforcement agency sa pagpigil sa mga ganitong uri ng krimen.

“Failure to protect law workers isn’t just a failure to protect a special branch, but the whole populace,” ani Nograles na isang Harward trained-lawyer.

Halos lahat ng mga biktima ay pinatay kahit maliwanag pa na isang indikasyon na may pagkukulang ang mga law enforcer sa pagpapatupad ng kanilang trabaho na protektahan ang mamamayan laban sa anomang kriminalidad.

“May ginagawa ba tayo para usigin ang mga gun-for-hire syndicate at para maresolba ang mga nakaraang kaso at ano na lang ang nangyari sa police visibility na nagagawa ng mga kriminal na pumaslang sa kasagsagan ng araw? Kahit makadakip ng suspek parang hindi na natin nagagawa,” dismayadong pahayag pa ng mambabatas.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa mga law enforcement agency na magsalita ukol sa mga ganitong kriminalidad upang tiyakin sa mamamayang Pilipino na ginagawa nila ang kanilang trabaho para masiguro ang kaligtasan ng lahat.

“Ano ba ang plano? Can we rely on our police to protect us, or must we take steps to defend ourselves? We need to hear from our law enforcement agencies what they mean to do, and we need to see concrete action soon,” ayon pa kay Nograles. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

PROSESO SA PAGBILI NG COVID VACCINES DAPAT LIWANAGIN

0

PINAGPAPALIWANAG ni Senador Christopher Bong Go ang mga health official sa pangunguna ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa taumbayan hinggil sa proseso ng pagbili ng bakuna kontra COVID-19.

Kasunod ito ng paninisi kay Duque dahil sa naantalang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Pfizer pharmaceutical company na sinasabing magsu-supply sana ng milyun-milyong doses ng bakuna.

Nanawagan si Go na sana iwasan na ang turuan at sisihan dahil hindi maganda na ang mga magkakasama sa gabinete ng pangulo mismo ang nagbabangayan dahil hindi ito nakatutulong sa problemang kinakaharap ng bansa.

Iginiit ng senador na ang kailangan ngayon ng taumbayan ay ang mabilis, ligtas at epektibong bakuna kontra COVID-19 upang makabalik na sa normal na pamumuhay ang lahat ng Pilipino.

Nilinaw naman ni Go na hindi lang pagbili ng bakuna ang kailangan ikonsidera at sa halip ay dapat ding isaalang-lang kung paanong makararating sa bansa ang mga bakuna, storage at saan kukunin ang pambili at paano ito maituturok sa taumbayan nang hindi nag-aalinlangan.

Ipinaliwanag din ng senador na base sa napagkasunduan ay si vaccine czar Carlito Galvez lang ang mamamahala sa mga negosasyon sa mga vaccine supplier hanggang sa maiparating ito sa taumbayan at siya lamang din ang mananagot sa pangulo kapag nagkaroon ng mga kapalpakan.

Sa huli, umapela si Go sa publiko na suportahan ang DOH lalo pa at hindi biro ang pinagdaraanan ng mga itong responsibilidad para malutas na ang problema sa virus. (NOEL ABUEL)

Read More

COVID-19 vaccines walang sapat na pondo KALIGTASAN NG PINOY NASA KAMAY NG FOREIGN LENDERS – DEFENSOR

0

NAKASALALAY sa awa ng mga foreign lender o mga dayuhang organisasyon na nagpapautang o inuutangan ng Pilipinas ang kaligtasan ng sambayanang Pilipino sa COVID-19.
Ito ang pahayag ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor dahil walang kasiguraduhan na makabibili ng sapat na COVID-19 vaccines ang bansa matapos hindi ito pondohan ng gobyerno sa 2021 national budget.

“While our officials are quarreling on whether we missed the bus or dropped the ball on the Pfizer vaccine, funding for our procurement remains uncertain,”ayon sa mambabatas.

“Thanks to Congress, which, ironically, opted to prefer loans mostly from foreign sources, instead of the taxes we pay to the government, to fund the purchase of vaccines against the highly infectious new coronavirus,” dagdag pa nito.

Ayon sa mambabatas, P2.5 billion lamang ang inirekomenda ng Malacanang na ipambibili ng COVID-19 vaccine na kabilang sa  inaprubahan naman sa Bicameral conference committee.

“Assuming we can get the injections at $10 (P500) per dose, which would probably be the lowest price, and two doses are needed for complete immunization, P2.5 billion is good for 2.5 million Filipinos at an average of P1,000, or just 10 percent of the government’s initial vaccination target of 25 million to 30 million of our population,” ani Defensor.

“Its the only vaccine procurement allocation that is sure of tax revenue support, meaning it will be funded out of people’s taxes as it is part of programmed appropriations in the proposed budget for next year,” pahayag pa nito.

Unang sinabi ng dalawang Kapulungan ng Kongreso na P72.5 billion ang inilaang pondo sa pambili ng COVID-19 vaccines subalit P70 billion dito ay naka-unprogram o wala pang kasiguraduhan kung saan kukunin ang pondo.

“An un-programmed appropriation is available only if there is excess tax collections, there is a new tax source or there are loans. Since it is unlikely that there would be excess collections or a new tax because of the pandemic, borrowings will be the funding source for vaccine procurement,” dagdag pa ni Defensor.

Tiniyak umano ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa Bicam members na mayroong magpapautang sa Pilipinas para makabili ng sapat na bakuna para sa mga Pilipino.

“Nonetheless, the preference for borrowings over sure tax revenues to get our weary people out of this pandemic speaks volume of our sense of priorities,” ani Defensor.

Nabatid sa mambabatas na umaabot sa P182.8 billion ang na-realign na budget subalit kahit singko ay hindi ito inilaan para pambili ng bakuna na mahalaga umano para mailigtas ang buhay ng mga Pilipino sa COVID-19 at makabangon ang ekonomiya ng bansa. (BERNARD TAGUINOD)

Read More