Pinasusuko ng AFP ARREST WARRANT INILABAS VS 9 JOLO COPS

0

NAGLABAS na ang Jolo, Sulu Regional Trial Court (RTC) ng arrest warrant at Hold Departure Order (HDO) laban sa siyam na nadismis na miyembro ng Philippine National Police na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo.

Kaugnay nito, nakahanda ang Armed Forces of the Philippines na tumulong sa pag-aresto kasabay ng panawagan na sumuko na lamang ang mga pugante at huwag nang hintaying maaresto.

Sinasabing kahit na medyo atrasado ay ikinatuwa na rin ng pamunuan ng AFP ang desisyon ng Jolo RTC Branch 3 na maglabas ng warrant laban sa siyam na pulis.

“We urge the respondent police personnel to surrender—else the AFP, the PNP, and other agencies of government will vigorously search, find, and deliver them to court without delay to face trial for multiple murder,” ani Marine Major General Edgard Arevalo, AFP Spokesman and Spokesperson of Peace, Law Enforcement, Development, and Security (PLEDS) Cluster.

Nitong nakalipas lamang na araw ay pinalaya ng PNP ang mga pulis sa kabila ng kahilingan ng DOJ na i-hold muna ang mga ito hangga’t walang arrest warrant matapos ihayag ni PNP chief Gen. Debold Sinas na sinibak na sila sa serbisyo.

Ayon kay Mgen Arevalo, “The arrest and subsequent detention of the suspects is without bail indicating that the court considers that the evidence of their guilt is strong”.

Kinumpirma ni Atty. Honey Delgado, spokesperson ng Office of the Prosecutor General na inilabas nuong Huwebes ang kautusan ng korte sa pagpapaaresto kina: PSenior Master Sgt. Abdelzhimar Padjiri, Police Master Sgt. Hanie Baddiri, Police Senior Sgts. Iskandar Susulan, Ernisar Sappal at Admudzrin Hadjaruddin, Police Cpl. Sulki Andaki at Patrolmen Moh Nur Pasani, Alkajal Mandangan at Rajiv Putalan.

Matatandaang napatay sina Army officers Maj. Marvin Indammog, Cpt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco at Cpl. Abdal Asula habang nasa operasyon laban sa dalawang suicide bombers na mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Sulu.

Nahaharap ang siyam na pulis sa kasong four counts of murder at isang count “of planting of evidence.” (JESSE KABEL)

Read More

‘Di makahanap ng ebidensya sa DPWH anomalies PACC ‘SINIPA’ NG TFAC

0

(NELSON S. BADILLA)

TASK Force Against Corruption (TFAC) na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ) na ang mag-iimbestiga laban sa siyam na kongresista at labing-apat na inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot umano sa garapalang korapsyon.

Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, mag-iimbestiga nang malaliman ang TFAC upang makakuha ng sapat, matibay at malakas na mga ebidensiya laban sa mga kongresista at DPWH district engineers na nabigong gawin ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Kailangang magsagawa ng “case build-up” ang TFAC na siyang isasampa sa Office of the Ombudsman, banggit ni Guevarra.

Nangangahulugang palpak ang PACC na pinangangasiwaan nina Dante Jimenez at Greco Belgica.

Kung walang sapat, matibay at malakas na ebidensiya ay hindi maghahain ng kaso laban sa kanila, susog ng kalihim.

Nilinaw ni Guevarra na tutulong ang PACC sa imbestigasyon bilang kasapi ng TFAC.

Ang siyam na mga kongresista at labing-apat na inhinyero ay kabilang sa ulat ng PACC na kumita umano sa mga proyekto ng DPWH.

Ilang araw na ang nakalipas ay isinapubliko ni Pangulong Duterte ang kanilang mga pangalan, ngunit tinumbok niya na walang ebidensiyang magdidin sa mga kongresista sa korapsyon.

Sila ay sina Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez Sato, Quezon City Rep. Alfred Vargas, Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal, Isabela Rep. Alyssa Sheena Tan, Northern Samar Rep. Paul Daza, Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, Bataan Rep. Geraldine Roman at dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Jr.

Itinanggi nila ang akusasyon, lalo na si Quezon Rep. Tan na ilang ulit sinabing galing sa kanyang kalaban sa pulitika ang pinagmulan ng impormasyong siya ay korap.

Si Tan ay napabalitang tatakbong gobernador ng Quezon sa eleksiyong 2022.

Naghain naman ang bagitong kongresistang si Yap ng resolusyon upang malaman ang katotohanan ng imbestigasyong isinagawa ng PACC.

Iba naman ang sinapit na ‘kapalaran’ ng DPWH district engineers dahil ipinatanggal sila ni Duterte kay Secretary Mark Villar sa kani-kanilang puwesto.

Inatasan din ni Duterte si Villar na sampahan ng mga kasong kriminal ang labing-apat.

Read More

CHA-CHA AYAW SAYAWIN SA SENADO

0

MALABONG umusad sa Senado ang isinusulong na amyendahan ang Saligang Batas sa mga probisyon nito sa ekonomiya dahil “malamig” ang tugon ng maraming mambabatas sa panukala, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

Sa pahayag, sinabi ni Sotto na nakipag-usap na siya sa ilang kasamahan sa Senado hinggil sa resolusyon nina Sens. (Ronald) Dela Rosa at (Francis) Tolentino, ngunit wala siyang nakikitang matibay na tugon.

“I made some calls even about two weeks ago, when the resolution was brought up… I talked to other members…I did discuss it with [Senate Minority Leader Franklin] Drilon and we talked about the procedures, the possibilities if ever we do so,” ayon kay Sotto.

“We need three-fourths votes to approve any amendment to that effect and we will insist on voting separately, we will insist that nothing is taken up outside the economic provisions. But that was it, it was just plain talk,” dagdag niya.

Kaya inihayag ni Sotto na hindi pa siya kumbinsido na kailangan ang Charter Change sa gitna ng mga pagkilos sa dalawang kapulungan ng Kongreso kamakailan upang amyendahan ang Saligang Batas.

Sinabi ni Sotto na kapag sinabing charter change, hindi lamang aamyendahan, kundi babaguhin nang buo ang Saligang Batas.

“I have yet to be convinced that we need a Charter Change, ayon kay Sotto.

“Right now, I am not convinced that we need a Cha-Cha, perhaps we need ‘cha-cha:’ character change. That’s what the country needs. So C-H-A C-H-A ‘din yon. But different pronunciation,” dagdag niya.

Kamakailan, inihain nina Dela Rosa at Tolentino ang isang resolusyon na nanawagan na pulungin ang Kongreso bilang constituent assembly upang maghain ng “limitadong amendments” sa Saligang Batas.

Naghain din ng katulad na resolusyon sa mababang kapulungan si Speaker Lord Allan Velasco na sumasakop lamang sa ilang probisyon sa ekonomiya.

“Charter amendments would probably be acceptable, particularly on economic provisions, but then again, ‘pag lumawak masyado, ibang usapan,” giit pa ni Sotto.

Inihayag pa ng lider ng Senado na sumasang-ayon siya sa suhestiyon ni Senador Francis Pangilinan na magkaroon ng caucus ang lahat ng senador hinggil dito.

“Perhaps I will [call for a caucus] after the House acts on it. If they do approve it in plenary and they declare themselves into a constituent assembly properly, then we will discuss the matter as a whole, as the Senate,” ayon kay Sotto.

BILIHIN UNAHIN

Kaugnay nito, kung mayroon umanong dapat asikasuhin ang Kongreso ay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at hindi ang Cha-Cha na lalong maghahati sa sambayanang Pilipino.

Ito ang panawagan ng Makabayan bloc sa liderato ni House Speaker Velasco. Sa halip anila ay isalba ang mamamayan sa lalo pang pagkagutom dahil hindi na maabot ng mga karaniwang mamamayan ang presyo ng mga bilihin.

“Maraming tao ang takot na pumunta ngayon sa palengke hindi dahil may multo sa palengke kundi sa mataas na presyo ng mga bilihin. Pagtaas ng presyo ng mga bilihin, yan ang dapat inaasikaso ng gobyerno hindi ang Charter Change,” ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite.

Bukod sa mga presyo ng gulay ay patuloy rin ang pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo subalit imbes na ito umano ang unahin ng gobyerno ay ang pagbabago sa Saligang Batas ang kanilang inuuna.

Sinabi ng mambabatas, kailangang ubusin umano ng Kamara ang kanilang enerhiya sa mga sikmura ng mamamayan at hindi sa Cha-Cha na nagiging dahilan lang ng pagkawatak-watak ng mamamayang Pilipino.

“Very divisive ito (Cha-Cha). Noong 2018, lumabas sa survey na 2 out of 3 Filipinos ayaw nila ng Cha-Cha. Very sour ang usaping ito kaya dapat itigil nila ito,” ayon pa sa mambabatas sa kanilang virtual press conference.

Ayon naman kay Rep. Carlos Zarate, nagtatago lang umano ang mga nagsusulong ng Cha-Cha sa usapin ng mga economic provision sa tunay na nilang agenda na amyendahan ang mga political provision upang magpatuloy ang mga ito sa pamumuno.

Sinabi ng mambabatas na mismong ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang matagal nang nagsusulong ng political amendments kaya mahirap umanong paniwalaan na pawang economic provisions lang ang aamyendahan sa Konstitusyon. (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)

Read More

Sinovac ‘BFF’ price – Roque OPOSISYON IDINIIN SA PANINIRA SA CHINA BRAND VAX

0

PARA sa Malakanyang, produkto lamang ng paninira ng oposisyon ang lumalabas na mga impormasyong pinakamahal ang Sinovac sa anim na brand ng COVID-19 vaccine.

Ito ang tinuran ni Presidential spokesperson Harry Roque sa harap ng sinisimulan nang pag-order ng bansa ng bakuna pangontra sa COVID-19 kung saan ay inaasahang unang darating ang China-made na Sinovac.

Aniya, nasa gitna o mid-range lang ang presyo ng Sinovac na iba sa nais palabasin ng oposisyon na bukod sa mataas ang presyo ay mababa rin ang efficacy rate.

Giit ni Sec. Roque na walang katuturan ang nginangawa ng mga kritiko dahil napatunayan na rin sa ibang bansa gaya ng Turkey matapos ang clinical trial doon na nasa 91.25 ang efficacy rate ng Sinovac gayundin sa Indonesia.

Sinabi pa ni Sec. Roque na mismong si Indonesian President Joko Widodo ay nagpaturok ng bakuna ng Sinovac gayundin ang Health Minister ng Turkey.

Mayroon kasing mga kumakalat sa social media na naghahambing ng presyo ng mga bakuna at mayroon ding balita mula sa Jakarta na nabili ng Indonesia ang Sinovac worth 200,000 Rupiah or 683 pesos per dose.

“I can say, sa lahat po ng oorderin natin, hindi po pinakamahal ang Sinovac. Alam ninyo kasi ang Tsina, hindi po iyan kapitalistang bansa, komunista iyan. So their prices are not driven by market forces, pupuwede silang unilaterally mag-fix ng price, at I can assure you, nabigyan po tayo ng presyo na ukol lamang sa kanilang BFF. Hindi po pinakamahal ang Sinovac, paninira lang po ng oposisyon iyan. In fact, hindi rin po siyang pangalawang pinakamahal na bakuna na aangkatin natin. Kung hindi po ako nagkakamali, pangatlong pinakamahal lang po siya out of six brands – so, it is in the mid-range. So, wala pong katuturan iyang mga nginangawa ng mga kritiko na nakapamahal daw ng Sinovac,” lahad ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)

Read More

GURO GAGAMITIN DIN SA VACCINATION PROGRAM

0

INIHAYAG ni Health Secretary Francisco Duque III na kasama sa bubuuing vaccination team ng gobyerno ang mga public school teacher.

Gayunman, sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno, nilinaw ni Duque na magiging boluntaryo ang pagsisilbi ng mga guro sa vaccination teams.

Sa pagtatanong ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ipinaliwanag ni Duque na kasama sa magiging papel ng mga guro ang health education o pagpapaliwanag sa mga babakunahan sa magiging epekto ng bakuna, kasama na ang maaaring side effects nito at ang mga dapat gawin kung may mga hindi magandang epekto.

“This is not mandatory for teachers. Tama po kayo at madagdag ko lang pinakamaganda o angkop na kanilang gagampanan ay sa health education para mabantayan ang mga mababakunahan sa possible side effects at reporting,” paliwanag ni Duque sa pagdinig.

Idinagdag pa ni Duque na dahil boluntaryo ang pagseserbisyo ng mga guro ay wala pa silang napag-uusapan na posibleng dagdag na sahod sa mga ito.

“Dahil voluntary, wala sila matatanggap pero titignan namin kung pwedeng magbigay,” diin pa ni Duque. (DANG SAMSON-GARCIA)

Read More

PAGBABALIK NG FACE-TO-FACE CLASSES HINDI PA TIYAK

0

CLUELESS ang Malakanyang kung kailan puwedeng ibalik ang face-to-face classses sa bansa.

Ito’y dahil hindi kasama sa mga babakunahan ang mga menor-de-edad o 18 pababa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kung mawawala naman ang transmission o hawahan sa adult population dahil mababakunahan na sila, mababawasan din ang risk o panganib na makuha ng kabataan ang virus.

Magkagayunman, nilinaw ni Roque na wala siya sa posisyon para magbigay ng tiyak na sagot sa usaping ito dahil nakadepende ang sitwasyon sa mga darating na datos.

Aniya, magsisimula pa lamang kasi ang vaccination program at pag-aaralan pa ang magiging epekto ng bakuna sa mga target population.

Magugunitang nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong nakalipas na taon na kanselahin ang inilatag na pilot testing sa face-to-face classes sa ilang piling lugar sa bansa na isasagawa sana ngayong Enero dahil na rin sa lumutang na bagong UK variant ng COVID-19, para matiyak na mapoprotektahan ang mga kabataan laban sa virus. (CHRISTIAN DALE)

Read More

TRAVEL RESTRICTIONS SA 30 BANSA, EXTENDED

0

EXTENDED ang travel restrictions sa mahigit 30 bansa hanggang Enero 31, 2021

Ito’y matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon na palawigin ng hanggang sa nabanggit na petsa ang entry travel restrictions at rules na naaangkop sa lahat ng byahero na mula o manggagaling mula sa mga bansang: The United Kingdom, Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, The Netherlands, The People’s Republic of China, kabilang na ang Hong Kong Special Administrative Region, Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada, Spain, United States of America, Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, Brazil, Austria, Pakistan, Jamaica, Luxembourg, at Oman.

Sinabi ni Sec. Roque na hindi kasama sa listahan ang United Arab Emirates dahil mismong ang pangulo ang maga-anunsyo kung dapat itong isama sa listahan o hindi.

“List is for extension of restrictions and not for new,” giit ni Sec. Roque.

Kaugnay nito, inatasan din ng IATF ang Department of Transportation na mahigpit na magpatupad ng issuances sa mga airline na magsasakay ng mga pasahero mula sa pinagbabawalang makapasok sa Pilipinas, ayon sa travel restrictions ng Office of the President at ng IATF.

Sa kabilang banda, palalakasin ang contact tracing protocols kung saan isasama ang third generation contacts para sa new variant cases. Lahat ng matutukoy na close contacts ay kailangang sumailalim sa mahigpit na facility-based 14-day quarantine samantalang ang natirang contacts mula sa flight manifest ay papayuhan sumunod sa appropriate quarantine protocols.

Inatasan naman ng Department of the Inetrior and Local Government (DILG) na maglabas ng advisories sa local government units para paghandaan at palakasin ang maintenance ng kanilang quarantine facilities. (CHRISTIAN DALE)

Read More

‘ASIAN FACTOR’ SA PAGBILI NG BAKUNA PINAKUKONSIDERA

0

HINIKAYAT ni Senador Imee Marcos ang pamahalaan na bigyan din ng timbang ang mga COVID-19 vaccine na ang pag-testing ay sinalihan ng mas maraming taga-Asya.

Sa pahayag, tinukoy ni Marcos na mas mababa sa 5% ang lumahok na mga taga-Asya sa mga tinatawag na efficacy trials o pag-testing sa bisa ng tatlong nangungunang kandidatong bakuna na inaprubahan na sa Western countries.

“Bukod sa presyo at kadalian ng pag-imbak at paggamit, hindi rin natin dapat balewalain ang Asian factor sa pagpili ng pinakaligtas na bakuna para sa mga Pilipino,” ayon kay Marcos.

Sa report ng U.S. Food and Drug Administration, tanging 4.7% ang mga taga-Asya na lumahok sa Moderna vaccine trials, habang sa lathala naman ng medical journal na The Lancet nasa 4.4% lang ang mga Asian na lumahok sa vaccine trials para sa AstraZeneca.

Bagamat nangunguna ang Pfizer sa pinaka epektibong bakuna na may 95% na bisa matapos ang pag-testing nito, 4.3% lang ang kabilang na Asyano sa mga lumahok sa testing, at ang bisa ng bakuna partikular sa mga hindi puti ay mas mababa na nasa 74.4%.

Sinabi rin ni Marcos na ang kawalan ng malinaw na listahan ng mga lahing Asyanong kalahok sa vaccine trials ang nag-udyok sa mga health expert sa India para manawagan na dapat mas marami ang pangkat-etniko na kasali sa testing bago aprubahan ang mga Western-made na bakuna.

“Maaaring ipasadya ang bakuna sa mga darating na taon,” dagdag ni Marcos, sabay banggit sa nailathala noong Disyembre ng Massachusetts Institute of Technology (MIT).

Gamit ang artificial intelligence at bakunang kahalintulad ng sa Pfizer at Moderna, natukoy ng MIT researchers na mas malabong tumalab sa mga Asyano ang ineksperimentong bakuna kumpara sa mga puti. (ESTONG REYES)

Read More

Solon sa planong covid vax distribution POLISIYA NG IATF ‘KABALIWAN’

0

(DANG SAMSON-GARCIA)

“THIS is crazy”.

Ito ang nabitiwang linya ni Senador Cynthia Villar sa polisiya ng Inter-Agency Task Force sa pagbili ng mga pribadong sektor ng bakuna laban sa COVID-19.

Sa ikalawang pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa COVID-19 vaccination program, naguluhan pa ang ilang senador sa polisiya ng IATF pagdating sa distribusyon ng pribadong sektor ng kanilang bakunang bibilhin.

Lumalabas sa polisiya na kinakailangan pa ring sundin ng pribadong sektor ang guidelines ng IATF sa prayoridad sa mga bibigyan ng bakuna para sa nalalabi nilang 50 percent ng bibilhing bakuna.

Ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, kailangang unahin pa rin ng pribadong sektor ang frontliners at mahihirap sa dapat na turukan ng 50% pa ng kanilang bakuna.

Ang 50 porsyento ng bibilhing bakuna ay ido-donate ng pribadong sektor sa gobyerno.

Iginiit ni Villar na hindi praktikal ang guidelines o patakaran.

Ipinaliwanag ni Villar na kaya bumili ng bakuna at tumulong ang pribadong korporasyon sa gobyerno para makabawas sa gastusin para sila na ang sasagot sa bakuna ng kanilang mga empleyado at pamilya ng mga ito.

“When a company buys, it buys for everybody. There is a priority list but it has a supply for everybody. Because in a company, you cannot choose which ones to vaccinate. Your employees will get angry. Those in the frontlines will go first but everybody will be vaccinated. They should be allowed to do that because the company bought enough for everybody,” diin ni Villar.

Sa huli, nilinaw naman ni Galvez na hindi rin nila pipigilan ang pribadong sektor na bakunahan ang matataas na opisyal ng kanilang kumpanya at nais lamang nila ay unahin ng mga ito ang mga frontliner at empleyado at mahihirap.

REPUTASYON
IMPORTANTE

Kaugnay nito, mahalaga ang reputasyon ng isang vaccine developer para sa kumpiyansa ng publiko sa vaccination program ng pamahalaan.

Ito ang binigyang-diin ni Deputy Speaker Bernadeth Herrera sa gitna ng agam-agam ng marami na magpabakuna laban sa COVID-19 lalo na’t mas prayoridad ng gobyerno na bumili ng bakuna na gawa sa China.

Kaya mahalaga aniya na binigyan na ng Food and Drug Administration (FDA) ng go signal ang bakuna ng Pfizer at ang Phase 3 clinical trials ng bakuna ng Janssen Pharmaceuticals ng Johnson & Johnson.

PINOY ‘DI MASISISI

Samantala, hindi naman masisisi nina ACT party-list Rep. France Castro at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang taumbayan na walang tiwala sa bakuna na gustong bilhin ng gobyerno sa China dahil sa mga datos na lumalabas ukol sa efficacy nito.

Sa virtual press conference, sinabi ni Castro umaabot lamang sa 50.4 ang efficacy rate ng Sinovac at mahal pa umano ito kumpara sa ibang bakuna kaya marami ang ayaw magtiwala rito.

“Ayaw naming magtono ng racist or maging colonial mentality sa pagpili ng bakuna. Ang usapin kasi dito ay ang tiwala ng mamamayan sa kanyang gobyerno kasi alam naman ng mamamayan na sa study at pag-aaral ng mga health professional, ang Sinovac ay mayroon lang 50% efficacy at napakamahal pa,” ani Castro.

Sinabi naman ni Broas na dapat maging transparent ang gobyerno sa lahat ng datos ukol sa bakunang bibilhin sa nasabing bansa dahil hangga’t hindi nila ito ginagawa ay lalong mawawalan ng tiwala ang publiko sa vaccination program sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)

Read More