Carbon Market ng Megawide FUTURE DESIGN LANDMARK

0

MATAPOS ang kanilang matagumpay na pagbuo at pagpapatakbo ng Mactan Cebu International Airport na nagwagi ng maraming pandaigdigang parangal, nagwagi rin kamakailan ang Megawide sa muling pag-develop ng Carbon Market sa Cebu.

Ang Carbon Market ang pinakaluma at pinakamalaking merkado ng magsasaka sa lungsod ng Cebu.

Kamakailan ay nagwagi ang Megawide ng panukalang P5.5 bilyong muling pagpapaganda upang ibahin ang Carbon Market sa isang bagong palatandaan ng hinaharap na disenyo.

Kapatid ni Gov. Gwen Garcia

Tulad ng ipinag-uutos sa ilalim ng batas, mayroong Swiss Challenge na sinubukan ng kapatid ni Cebu Governor Gwen Garcia, ang Cebu CFI Community Cooperative ni Winston Garcia na hamunin sa pamamagitan ng pagsumite ng kanilang 50,000 deposito subalit hindi pagtupad upang isumite ang lahat ng iba pang kinakailangang dokumento, ayon kay City Administrator Floro Casas Jr., na nakaupo rin bilang chairman ng Joint Venture Selection Committee (JVSC).

Matapos matalo sa kabiguang isumite ang mga kinakailangan, ang Cebu CFI Community Cooperative ni Winston Garcia ay sinusubukan na harangan ang proyekto at nagbabantang magsampa ng mga legal na kaso upang ihinto ang Megawide mula sa pagsisimula ng konstruksyon at muling pagpapaunlad na mahalaga dahil magbibigay ito ng libu-libong agarang trabaho lalo na ngayong mataas ang kawalan ng trabaho sanhi ng pandemya.

Mga vendor kinonsulta ng Megawide

Sa paglagda sa kasunduan sa pagitan ng Cebu City at Megawide, inihayag na kinonsulta ng Megawide ang mga vendor sa kanilang pinaplanong rehabilitasyon. Tiniyak pa nila ang mga sumusunod:

1) Walang pag-aalis ng mga vendor.

2) Walang Pagtaas sa mga rate para sa isang tiyak na panahon.

3) Ang merkado ay makokontrol pa rin ng lungsod.

4) Disenyo at pasilidad sa klase ng buong mundo na ipinagdiriwang ang pamana ng Cebuano

Agarang pagsisimula

Batay sa kontrata, ang rehabilitasyon ay magsisimula sa Marso nang hindi maaabala ang kasalukuyang mga vendor. Sasamantalahin nito ang pagbawas ng mga turista pati na rin paghahanda para sa pagdagsa sa sandaling ang bansa ay muling buksan ang buong turismo.

“Ang tiyempo ng proyektong ito ay magandang pagkakataon lalo’t libu-libong OFW ang naibalik sa Pilipinas dahil sa pandaigdigang pandemya na nagpataas sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho. Ang mga malalaking proyekto sa imprastraktura tulad nito ay nagpapasigla sa industriya ng konstruksyon at nagbibigay ng kinakailangang trabaho sa ating mga kapwa Pilipino,” pahayag ni Ram Base, pangulo ng OFW Movement.

Read More

Ikakasa sa Kamara para sa ‘unusual side effect’ COMPENSATION SA ‘MADADALE’ SA BAKUNA

0

(BERNARD TAGUINOD)

PINAG-AARALAN na ng House committee on health na gumawa ng batas para bigyan ng kompensasyon ang mga Pilipinong magkakaroon ng negatibong epekto o madadale sa ituturok na bakuna laban sa COVID-19.

Ito ang nabatid kay Bataan Rep. Jose Enrique Garcia, vice chairman ng nasabing komite sa lingguhang Ugnayan sa Batasan forum kahapon kaugnay ng inihahandang mass vaccination ng gobyerno.

“Isang nabanggit during the hearing is baka kinakailangang i-legislate yung compensation fund just in case there will be…yung mga mababakunahan ay magkaroon ng unusual side effect,” ani Garcia.

Hindi lingid sa marami na may mga nabakunahan sa ibang bansa na nagkaroon ng mga side effect katulad sa Norway na sinasabing ikinasawi ng 29 matatanda.

Ayon kay Garcia, plano ng mga ito na maglagay ng pondo para bigyan ng ayuda ang mga mababakunahan na magkakaroon ng malalang side effect subalit hindi nito binanggit kung magkano ang inisyal na pondo.

DETALYE ILANTAD

Kinatigan din ni Garcia kasama si Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin ang mga senador sa kanilang pagpupursige na isapubliko ng gobyerno ang detalye sa mga bibilhing bakuna dahil may karapatan ang mga tao na malaman ito.

“I think it’s important that we are transparent about it,” ani Garcia dahil pera aniya ng taumbayan ang gagamitin sa pagbili ng mga bakunang ito at kalusugan nila ang nakataya rito.

Sinabi naman ni Garbin na hindi uubra ang Non-Disclosure Agreement (NDA) sa pagitan ng gobyerno at pharmaceutical companies dahil hindi umano ito national security.

Read More

Bilang bagong vaccinators NON-MEDICAL PRACTITIONERS SASANAYIN

0

SASANAYIN ang iba pang medical professionals bilang vaccinators sakaling maisabatas ang panukalang inihain ni Senador Richard Gordon para sa implementasyon ng pambansang programa sa immunization sa panahon ng epidemya, pandemya at national health emergencies tulad ng COVID-19 pandemic.

Sa pahayag, sinabi ni Gordon na may limitadong bilang lamang tayo ng doktor, nars at midwife na puwedeng tumulong sa pagbabakuna kaya inihain ang naturang panukala.

“We filed a bill to expand the pool of vaccinators of the DOH by training other professionals such as dentists, veterinarians, medical technologists and even those without medical background to be vaccinators,” ayon kay Gordon.

Nakatakda sa Section 1 ng Senate Bill No. 1987 na nagsasabing “that non-medical practitioners that will be part of the training will be allowed provided that they will be given the appropriate training, certification and authority by the Department of Health (DOH), and that they will perform their duties under the supervision of a duly registered physician and for a limited period only contingent upon the existence of the national health emergency for which it is called.”

Ayon sa DOH, aabot lamang sa 617,239 ang bilang ng health care workers, mula sa pribado at pampublikong health institutions na makatutulong upang magbakuna ng COVID-19 vaccines.

“If we expand the manpower for the vaccination program, the government’s target of inoculating 50 to 70 million Filipinos to be able to achieve herd immunity or population immunity can be attained. Our proposed bill also aims to improve our Expanded Program on Immunization and achieve the government’s target of vaccinating 95% of the country’s total child population,”  ayon kay Gordon.

“SB 1987 gives the Secretary of Health the authority to order for the training and certification of additional vaccinators in times of epidemic, pandemic and national health emergencies or when the government is in danger of not meeting its target in its yearly immunization due to lack of vaccinators,” giit pa ni Gordon. (ESTONG REYES)

Read More

Pagpatay sa DND-UP accord LABAG SA KONSTITUSYON -CHR

0

KINAMPIHAN ng Commission on Human Rights (CHR) ang University of the Philippines (UP) kaysa sa Department of National Defense (DND) sa pagsasabing labag sa Konstitusyon ang aksiyon ni Secretary Delfin Lorezana laban sa Pamantasan.

Ayon sa CHR, nakabatay sa Artikulo XIV, Seksiyon 5 ng Konstitusyon ang “akademikong kalayaan” ng mga mag-aaral sa mga unibersidad at kolehiyo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Idiniin din ng CHR na ang nasabing kasunduan ay espesipikong pagbibigay ng proteksyon sa mga mag-aaral ng UP mula sa anomang uri ng sorpresang operasyon ng AFP.

Kaya, ilegal ang ginawa ni Lorenzana dahil ang kasunduan ng DND-UP noong 1989 na nagsasabing bawal maglunsad ng operasyon at manghuli ang mga tauhan ng AFP ay nakaugnay sa Konstitusyon, punto ng CHR.

Kinatigan naman ni Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Domingo Cayosa ang posisyon ng pangulo ng UP na si Danilo Concepcion na dapat nag-usap muna ang pamunuan ng UP at DND bago umaksyon si Lorenzana.

Matatandaang sabi ni Concepcion na kung nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng unibersidad at kagawaran ay siguradong natukoy ang mga problemang maaaring nabigyan ng positibong solusyon.

Ngayong winakasan ni Lorenzana ang kasunduan, idiniin ni Cayosa na hindi nangangahulugang lubos na malaya ang mga militar, o kahit mga pulis, na pumasok sa UP nang walang dalang search warrant, o warrant of arrest, na inisyu ng korte.

Kung mayroong ganitong dokumento ay legal ang aksyon ng awtoridad. (NELSON S. BADILLA)

Read More

Duterte pinakikilos sa mahal na pagkain GUTOM ‘WAG DEDMAHIN

0

KAILANGAN na ang personal na aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtaas ng presyo ng mga gulay, karne at iba pang pagkain dahil sikmura na ng mamamayang Pilipino ang nakataya lalo na ang mahihirap.

Sa virtual press conference kahapon, sinabi ni ACT party-list Rep. France Castro na dinedma at halos walang ginagawa umano ang mga ahensya ng gobyerno para pigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gulay at mga karne kaya dapat bigyan na ito ng pansin ng pangulo.

“Mukhang hindi na pinapansin ng ating gobyerno yung patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalong-lalo na ‘yung mga food consumption at mga basic na pangangailangan ng mamamayan,” ani Castro.

Halos araw-araw aniya ay tumataas ang presyo ng gulay at sa pinakahuling report na kanilang natanggap ay umaabot na sa P420 ang bawat kilo ng karne ng baboy.

Tila wala umanong magawa ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) para pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Sa halip na atupagin ni Pangulong Duterte etong mga walang kuwenta na red-tagging, etong pagpuputol ng accord ng DND at UP eh sana pagtuunan din ng pansin ng ating Pangulong Duterte yung pagkontrol sa mga pangunahing bilihin,” ani Castro.

Nasa gitna aniya ng pandemya ang bansa at hindi pa nakababangon ang mamamayang Pilipino kaya lalong nahihirapan ang mga ito dahil sinasabayan ito ng walang habas na pagtaas ng presyo ng pagkain.

“Dagdag na hagupit sa ating mamamayan itong patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain,” ani Castro kaya dapat na aniyang umaksyon dito ang pangulo bago pa man lumala ang gutom sa bansa.

Kamakalawa ay binalaan ng DA ang mga mapagsamantalang negosyante subalit sinabi ng mambabatas na hindi nakukuha sa pagbabanta ang sitwasyong ito kundi ang agarang aksyon. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

PRESERVATION NG BAKUNA TUTUTUKAN

0

MASUSI nang nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa iba’t ibang vaccine companies para mabigyan ng tamang gabay sa pag-preserba ng COVID-19 vaccines na aangkatin ng Pilipinas.

Layunin nito na maiwasan ang pagkasira ng bibilhing bakuna.

Ito’y sa kabila na wala namang natanggap na impormasyon ang gobyerno na may mga nasirang COVID-19 vaccine na inangkat ng ilang bansa dahil sa nagkaroon ng mga pagbabago sa storage temperture nito.

Sinabi ni testing czar Sec. Vince Dizon na closely coordinated din si vaccine czar Carlito galvez at ang vaccine cluster ng bansa sa mga pribadong kumpanya o private sectors na may kaalaman sa pagha-handle ng mga sensitibong gamot gaya ng bakuna laban sa COVID-19.

Aniya pa, mahigit 30 private companies na ang kinakausap ng pamahalaan para magsilbing imbakan ng aangkating bakuna dahil sa pagkakaroon ng mga ito ng pharma-grade capacity storage.  (CHRISTIAN DALE)

Read More

BAYAD SA SINOVAC HINDI MARKET PRICE

0

SINABI ng Malakanyang na hindi bibilhin ng Pilipinas sa halaga ng market price ng China ang bakunang Sinovac.

Tugon ito ni Presidential spokesperson Harry Roque sa naging pahayag ni Senador Panfilo Lacson na posibleng may korapsiyon sa malaking pagkakaiba ng Sinovac vaccine sa Pilipinas at iba pang bansa.

“With all due respect at talagang malapit po ang aming relasyon ni Senator Lacson, kung maalala po ninyo noong siya ay nagtatago, ako talaga iyong dumidepensa sa kaniya ano. But with all due respect kay Senator Lacson, hindi po nagbago ang posisyon ng gobyerno. Sa mula’t mula wala naman pong katuturan iyong sinasabi nila na pinakamahal ang Sinovac,” anito.

Ani Sec. Roque, iba ang halagang ibabayad ng pamahalaan sa Sinovac bunsod na rin ng set up na government to government negotiation.

Kaya sa simula’t simula aniya ay batid na nila ang presyo ng market price sa Tsina na aniya’y mataas kung ikukumpara sa G-to-G price. (CHRISTIAN DALE)

Read More

PINAS LAGLAG NA SA TOP 20 Sa mga bansang may mataas na covid cases

0

HINDI na mapigilan ang paglayo ng ranking ng Pilipinas sa listahan ng mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming kaso ng COVID-19.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque na mula sa dating pagkakasama sa top 20 countries with the most number of corona virus cases ay nasa ika-32 na lang aniya tayo ngayon.

“Ang posisyon po natin worldwide ay tayo po ay nasa 32nd place. Kung maaalala ninyo po noong October 1, 2020 nasa 20th place tayo at panay po ang pambabatikos, lalung-lalo na ng media sa atin bakit nasa 20th place tayo,” ani Sec. Roque.

“Ngayon po, binabalita ko nasa 32nd place tayo. Hindi po tayo nagyayabang pero patunay lang po ito na ang mga Pilipino eh natanggap po ang mensahe ng ating presidente. Kinakailangan pag-ingatan ang buhay para tayo po ay makapaghanapbuhay.

Sa kabilang dako’y sinabi ni Roque na hindi naman dapat ikapangamba kung umabot na sa 500,000 mark ang kaso ng covid sa bansa.

Mula aniya kasi sa nasabing datos ay nasa higit 26 na libo ang nasa kategoryang active cases.
(CHRISTIAN DALE)

Read More

Lorenzana sa UP STUDENT DEATHS IPALIWANAG

0

HINIHINGAN ng paliwanag ni Defense Secreetary Delfin Lorenzana ang University of the Philippines hinggil sa pagkamatay ng kanilang mga estudyante sa ilang military operations laban sa communist New People’s Army bago nila talakaying muli ang ginawang pagbasura sa kanilang kasunduan.

“I’m willing to talk to him (Concepcion) pero sagutin muna nila kung bakit namatay itong mga taong ito kasama ng NPA. This is a list of students of UP from all UP campuses na namatay during encounters with the Armed Forces.

“Explain to me, bakit nangyari ito sa kanila? Why did they fail to protect these young kids in joining this organization? As a parent, I really feel sad for these kids. If they can explain that, we’ll talk.

If not, then forget it,” pahayag pa ng kalihim kasabay ng paglalabas ng talaan ng mga UP student umano na nasawi o nahuli sa mga inilunsad na military operation ng AFP.

Una rito, hiniling ni UP President Danilo Concepcion sa Department of Defense na [i-]”reconsider and revoke” ang desisyon ng kagawaran na winawakasan ang “No cops, No troops on campus” accord.

Ayon kay Concepcion, ang nasabing hakbang ng kalihim ay nagdudulot ng chilling effect sa academic freedom sa pamantasan.

“We have sworn our oath, that we are going to support and defend the Constitution, any people who will violate that ay kalaban namin,” pahayag naman ni Lorenzana.

Target umano ng kalihim na tapusin na rin ang mga kasunduan sa ibang mga pamantasan at paaralan.

PUP ISUNOD
SA UP

Kaugnay nito, iginiit ni Duterte Youth party-list Rep. Ducielle Marie Cardema kay Secretary Lorenzana na bawiin na rin nito ang kasunduan sa Polytechnic of the Philippines (PUP).

“As Vice-Chairperson of the House Committee on National Defense & Security, I call on the DND to also cancel its similar PUP-DND accord because it creates inequality among the more than 400 campuses of the different State Universities & Colleges (SUCs) across the nation, for it gives special treatment to only two SUCs,” ani Cardema.

Naabuso umano ng mga makakaliwa ang kasunduan sa DND sa dalawang unibersidad na ito dahil ginagamit ito para makapag-recruit ng mga estudyante para maging miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democractic Front (CCP-NPA-NDF).

Ayon sa bagitong mambabatas, hindi umano pangre-red tag sa dalawang nabanggit na unibersidad subalit noong estudyante umano sila sa UP ng asawang si Ronald Cardema ay kapwa sila miyembro ng League of Filipino Students (LFS) at mayroon silang schoolmate na napatay bilang NPA fighter.

“Itong UP-DND Accord & PUP-DND Accord ay klarong-klaro na special treatment na inabuso na, sa tagal ng panahon. Kung sa 400 plus campuses ng iba’t ibang SUCs ng bansa wala namang ganyang accord pero peaceful naman, tama lamang tanggalin na ang special treatment na yan na naaabuso rin naman,” pahayag pa ni Cardema.

Hindi naman ikinagulat ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago ang mungkahi ni Cardema subalit kanila umano itong lalabanan at ididepensa ang mga paaralang ito sa planong militarisasyon sa mga campus.

PAIIMBESTIGAHAN

Dalawang resolusyon naman ang inihain sa Kamara kahapon para imbestigahan ang unilateral abrogation ng DND sa kanilang kasunduan sa UP noong 1989.

Bukod sa resolusyon ng Makabayan bloc o ang House Resolution (HR) 1491 ay ihahain ng grupo ni Albay Rep. Edcel Lagman ang House Resolution (HR) 1490 para magsagawa ng imbestigasyon dahil nalalagay ngayon sa panganib ang academic freedom at ilegal umano ang ginawa ni Lorenzana.

“The unilateral termination of the subject agreement by the DND without prior consultation with and conformity of UP officials is illegal and void ab initio because the accord was entered into bilaterally and mutually, and could not be extinguished by one party alone,” ani Lagman. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

Read More