129,117 ‘di pa na-swab COVID POSITIVE SA PNP, UMAKYAT SA 9,757

0

MULA sa 219,467 strong Philippine National Police, umaabot na sa 9,757 ang bilang ng mga pulis na nagpositibo sa coronavirus disease, kabilang ang 16 tauhan ng PNP Police Regional Office 7 na kinumpirma nitong Sabado na positibo rin sa COVID-19.

Samantala, sa datos na ibinahagi ni Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, Deputy Chief for Administration at kasalukuyang Administrative Support for COVID-19 Task Force (ASCOTF) commander, may 42 bagong kaso ang naitala sa hanay ng PNP nooong Biyernes.

Subalit nasa 9,244 naman ang gumaling habang nanatili sa 28 ang bilang ng nasawing pulis ng dahil sa COVID-19.

Nabatid na 58.83 porsyento o 129,117 kasapi ng PNP ang hindi pa sumasailalim sa swab testing o walang RT-PCR TEST (real-time reverse transcription polymerase chain reaction test).

Umaabot naman sa 41.17 percent o total na 90,350 PNP personnel ang sumailalim na sa pagsusuri.

Nitong Sabado, kinumpirma ni PNP-PRO7 Director Gen. Ronnie Montejo, 16 pulis mula sa iba’t ibang parte ng Rehiyon 7 ang nagpositibo sa virus, halos apat na buwan ang nakalipas magmula nang wala nang naitalang aktibong kaso.

Isinailalim na sa isolation at contact tracing ang mga nagpositibong pulis.

Mula sa 16 naitala, 14 nito ang aktibo habang nakarekober na ang dalawa sa mga ito.

Nagmula ang mga nagpositibo sa lungsod ng Cebu at dalawa naman ay mula sa Bohol.

Kamakailan lang, inanunsiyo ng Cebu City Police Office (CCPO) na nagpositibo ang isa sa mga tauhan nitong idineploy sa Basilica del Sto. Niño kasabay ng Fiesta Señor.

Samantala, patuloy namang pinaalalahanan ng opisyal ang mga nasasakupan nito na sundin pa rin ang health protocols kahit pa man nakauwi na ang mga ito galing sa trabaho. (JESSE KABEL)

Read More

Sagot sa online sexual exploitation — solon SIM CARD REGISTRATION GAWING MANDATORY

0

NANINIWALA si Senador Win Gatchalian na ang mandatory registration ng mga prepaid SIM card ang paraan para sugpuin ang online sexual exploitation of children (OSEC).

Paliwanag ni Gatchalian, ang kawalan ng batas sa SIM card registration ang isa sa mga hadlang sa mga otoridad sa pagtugis sa mga child cybersex offenders na ginagamit ang teknolohiya upang hindi sila mahuli.

Aniya, sa isang pag-aaral ng United Nations Office on Drug and Crime noong 2014, ginagamit ng mga child cybersex offender ang mga disposable na prepaid SIM cards upang hindi sila matunton.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 176 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act, ang mga gumagamit ng mga prepaid SIM cards ay kailangan nang magsumite ng valid ID at larawan at lumagda sa isang control-numbered registration form mula sa service provider ng SIM card.

Magbibigay rin ng kopya ng naturang registration form sa National Telecommunications Commission (NTC). Unang inihain ni Gatchalian ang panukala noong Hunyo 2016 at muling inihain noong Hulyo 2019.

Una nang nagbabala si Gatchalian sa mga ulat ng mga mag-aaral na nagbebenta ng malalaswang lawaran at mga video upang makalikom ng panustos sa distance learning.

Ayon sa The Philippine Online Student Tambayan (POST), isang news portal sa sektor ng mga mag-aaral, mga online payment platforms ang ginagamit para sa mga transaksyong ito.

Ayon sa non-government organization na International Justice Mission, ang Pilipinas ang pinagmumulan ng pinakamaraming mga kasong may kinalaman sa OSEC. Paliwanag ng grupo, mas mataas nang halos walong beses ang mga ulat na natatanggap ng Pilipinas sa referral ng mga kaso kung ihahambing sa ibang bansa.

Ngunit pinalala ng pandemya ng COVID-19 ang suliranin ng bansa sa OSEC.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, mahigit apatnapu’t pitong libo (47,937) ang naiulat na mga transaksyong may kinalaman sa OSEC. Mas mataas ito sa labing-siyam na libong (19,000) naitala noong 2019. Dagdag ng opisyal, ang median age ng mga biktima ay labing-isang (11) taong gulang.

“Sa ating pagsugpo sa child pornography, kailangan nating isulong ang lahat ng paraan upang mapabilis ang pagtugis sa mga kriminal sa likod ng mga karahasang ito. Kung magiging batas ang pagpaparehistro sa mga prepaid SIM card, mas mahirap nang makapagtago at makatakas ang mga traffickers na umaabuso sa ating mga kabataan,” ani Gatchalian. (NOEL ABUEL)

Read More

Sa nakaraang isa’t kalahating taon P92.8-B INVESTMENT IBINIDA NG MANILA LGU

0

IBINIDA ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na may P92.8 bilyong halaga ng investments ang naisagawa sa lungsod sa loob lamang ng isa’t kalahatiing taon, siya ring haba ng kanyang panunungkulan bilang alkalde, simula noong Hunyo 2019.

Bunsod nito, nagpahayag siya ng pasasalamat sa private sector, partikular sa mga developer, sa pagpapakita ng bagong tiwala sa lokal na pamahalaan.

“May pandemya pa n’yan ha…thank you to the private sector, the developers who are now building developments, thus producing income for the city and jobs for the people and later on, new taxes which we can use for our programs,” ayon sa alkalde.

Idinagdag pa nito: “We are grateful to the private companies for trusting again in the city of Manila. We will not fail you and the trust you’ve bestowed on us. Pagbubutihan pa naming lalo ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan”.

Ayon pa sa alkalde, ang lahat ng negosyo ay welcome sa Maynila, at tiniyak din nito na mayroon nang katiyakan at katatagan ang pamahalaang lungsod pagdating sa usapin ng mga polisiya.

Binanggit pa ng alkalde, ayon sa ulat ni Business Permits and Licensing Office chief Levi Facundo, mayroong kabuuang 538 na bagong negosyo na nagparehistro mula Enero 1 hanggang 20, 2021.

“Thank you… alam ko mahirap magnegosyo ngayon pero nilalakasan n’yo ang loob n’yo,” dagdag pa nito.

Ayon naman kay Facundo, 3,555 na ang naproseso sa pamamagitan ng ‘online system of payment’ na ginawa ni Electronic Data Processing chief Fortune Palileo at ito ay ang www.gomanila.com na maaaring i-download sa IOS at android.

Sa pamamagitan ng online payment system, sinabi ng alkalde na hindi na mai-expose ang sinuman at mababawasan ang posibilidad na magkaroon ng COVID-19, dahil hindi na kailangan pang pumila at maghintay nang matagal. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

15 NADAGDAG SA COVID CASES SA MALABON

0

ISA na naman ang namatay dahil sa COVID-19 sa Barangay Panghulo, Malabon City noong Enero 22.

Bukod dito, ayon sa City Health Department, 15 ang nadagdag na confirmed cases at 6,226 na ang positive cases sa lungsod, 61 dito ang active cases.

Ang mga bagong kaso ay mula sa Barangays Baritan (1), Catmon (1), Maysilo (3), Panghulo (1), Potrero (8), at San Agustin (1).

Sa kabilang banda, 15 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangays Catmon (1), Dampalit (1), Hulong Duhat (1), Ibaba (2), Panghulo (2), Potrero (6), at Tugatog (2).

Sa kabuuan ay 5,926 ang recovered patients sa Malabon.

Samantala, 47 ang gumaling ngunit 37 naman ang nagpositibo sa Valenzuela City kaya’t 264 pa rin ang active COVID cases sa siyudad. (ALAIN AJERO)

 

Read More

NAVOTAS, VALENZUELA KASADO NA SA BAKUNA

0

NAGHAHANDA na ang lokal na pamahalaan ng mga lungsod ng Navotas at Valenzuela sa paglalagyan nila ng kanilang mga bakuna sa COVID-19 bago ang pagdating nito sa bansa.

Ayon kay Navotas Mayor Toby Tiangco, bumili ang pamahalaang lungsod ng bio refrigerator, single insulation transport cooler, at ng dalawang ultra-low temperature freezer na may temperaturang hanggang -86℃.

Aniya, ang refrigerator ay maglalaman ng mga diluent o panghalo sa bakuna, at isa sa dalawang freezer ay na-deliver na. Ang bawat freezer ay maaaring maglaman ng 23,400 hanggang 35,100 vials ng bakuna.

“Tatlong brand po ang pinaplano nating bilhin: 50,000 Astrazeneca, 20,000 Pfizer, at 5,000 Moderna. Ito po ang top 3 choices base sa ating isinagawang survey. Ang iba pong bakuna ay magmumula sa ating pamahalaang nasyonal”, ani Tiangco.

Sa Valenzuela, ininspeksyon na ni Mayor Rex Gatchalian at ng kanilang team #VCVax ang Estrella Cold Storage sa Lawang Bato bilang paghahanda sa paglulunsad ng VCVAX.

“The COVID-19 vaccines need to be stored in a cold chain equipment and maintaining the cold chain is important to ensure the potency of the vaccine”, sabi ni Mayor Rex.

“We haven’t signed a deal with them kasi nag-site inspection pa lang ako pero mayroon na kaming usapan na they will allocate space for us,” dagdag niya.

Magsisimula na rin aniya sa Sabado ang pagpaparehistro para sa vaccination programa sa lungsod. (ALAIN AJERO)

Read More

BIYUDA, 8 PA TIMBOG SA’SHABU PICNIC’

0

SWAK sa karsel humantong ang isang biyuda at anim na mangingisda nang animo mga turistang nagtipon-tipon sa isang bangka na parang magpi-picnic ngunit mabulagang nagsusugal nakumpiskahan ng umano’y shabu sa Navotas City.

Ibinalibag sa selda at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sina Marilyn Blance, 55, biyuda; Norlito Faustino, 47; Angelito Lee, 43; at kapatid nito na si Manuel Lee, 51, pawang mangingisda.

Nahaharap naman sa kasong illegal gambling ang tatlong pang mangingisdang sina Elmer Laurente, 56; Artemio Linehan, 45; at Celso Cahilig, 48.

Ayon sa ulat, may nagnguso sa pulisya ukol sa umano’y mga bumabatak sa isang bangkang pangisda na FBCa JUNJUN na nakadaong sa breakwater ng Navotas.

Naabutan pa ng mga parak na parang giniginaw na mga kuting na nagsisiksikan sa naturang bangka ang mga suspek at naaktuhan ang tatlo sa kanila na naglalaro ng pusoy habang nakumpiskahan naman ang apat ng hinihinalang shabu kaya’t binitbit sila sa presinto.

Nasamsam sa mga suspek ang isang deck ng baraha, P500 taya sa sugal at pitong plastic sachets ng shabu na P4,900 ang halaga. (ALAIN AJERO)

Read More

MOST WANTED SA MAYNILA, NALAMBAT

0

NABAWASAN na naman ang talaan ng most wanted sa batas makaaang malambat ang isang 39-anyos na jobless sa kasong robbery matapos mamataan ng mga tauhan ng Manila Police District sa panulukan ng Pilapil at Prudencia streets sakop ng Brgy. 51, Zone 4, Dagupan, Tondo, Manila, iniulat ng pulisya nitong Sabado.

Kinilala ang suspek na si Renan Urayenza y Nadua, may live-in partner, naninirahan sa #807 Coral St., Dagupan, Tondo.

Si Urayensa ay top 4 most wanted person sa area ng Tondo.

Ayon sa ulat ni P/Major Cicero Pura, hepe ng District Special Operation Unit ng MPD, bandang alas-1:00 ng hapon noong Enero 21 nang arestuhin si Urayenza sa nasabing lugar sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Jaime Santiago, presiding judge ng Manila Regional Trial Court Branch 3.

Ang suspek ay inaresto ng magkasanib na puwersa ng mga tauhan ng MPD-Station 7, mga tauhan ng DSOU ng MPD, sa pangunguna ni P/Capt. Jervies Soriano, deputy chief ni Major Pura. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

MAINTENANCE PERSONNEL PATAY SA SUNOG

0

NAMATAY ang isang 42-anyos na maintenance personnel ng SVD Catholic Trade nang ma-trap sa nasusunog gusali sa isang compound sa Oroquieta St., Sta. Cruz, Manila noong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ni Arson investigator SFO3 Edilberto Cruz ng San Lazaro Fire Station, ang biktimang si Sonny Globio, binata, stay-in sa #1916 Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila.

Base sa pagsisiyasat ng Arson Division, bandang alas-2:48 ng madaling araw nang magsimula ang sunog na idineklarang 1st alarm dakong alas-2:50 ng madaling araw at alas-3:06 ng madaling araw nang ideklrang fire-out.

Hindi umano nakalabas ang biktima sa kanyang kuwarto dahilan para siya ay ma-suffocate.

“Hindi naman siya charred, nasunog din ang katawan pero aalamin din kung na-suffocate o ano ang ikinamatay,” ayon kay Cruz.

Sinabi ni Cruz na hinihintay pa nila na ma-autopsy ang bangkay ng biktima upang makatulong sa imbestigasyon.

Inaalam din ang sanhi ng sunog sa nasabing compound na maswerteng agad na narespondehan ng mga bombero kaya hindi nadamay ang iba pang kabahayan sa compound na pag-aari ng nasabing catholic group.

Sinabi ng isang barangay tanod, inakalang nagsasaing umano ang lalaki hanggang sa makitang lumaki na ang apoy na kaagad itinawag sa kalapit na fire station. (RENE CRISOSTOMO)

 

Read More

Pang-6 sa loob ng 1 linggo 2 PANG BANGKAY, ITINAPON SA BANGIN SA LAGUNA

0

Dalawa na namang hindi pa nakikilalang bangkay ng lalaki ang nadiskubreng itinapon sa bangin sa Cavinti, Laguna Sabado ng umaga.

Hinala ng pulisya, mga biktima summary execution ang dalawa na nadiskubreng nasa ilalim ng bangin sa gilid ng highway sa Barangay Anglas alas-10:00 ng umaga.

Ayon sa Cavinti police, may mga tama ng bala ang dalawa at narekober din sa lugar ang mga basyo ng kalibre 45 baril.

Batay sa tala ng Laguna PNP, ito na ang pangatlong pares ng mga natatagpuang bangkay na lahat ay hinihinalang biktima ng salvage na umaabot na sa anim sa loob lang ng linggong ito.

Unang natagpuan ng 2 salvage victim sa bayan ng Kalayaan na napag-alamang parehong dinukot ng mga armadong kalalakihan sa San Pedro City noong Lunes.

Huwebes naman nang matagpuan ang bangkay ng dalawang hindi pa rin nakikilalang biktima na itinapon sa palayan sa bayan ng Pila. (NILOU DEL CARMEN)

Read More