SOBEJANA, OPISYAL NANG UMUPO BILANG IKA-55 AFP CHIEF OF STAFF

0

OPISYAL nang iniluklok ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang ika-55 AFP chief of staff si Philippine Army commanding general Lt. Gen. Cirilito Sobejana, kahalili ni outgoing AFP chief Gen. Gilbert Gapay na nagretiro na sa serbisyo.

Sa isinagawang Change of Command at Retirement Ceremony ngayong araw sa Camp Aguinaldo ay ginawaran ng pagbati ng Department of National Defense si LTGen. Sobejana sa kanyang panunungkulan ngayon bilang Chief of Staff at chairman of the Joint Chiefs of the Armed Forces of the Philippines.

Sa mensahe ni Defense Secretary Delfin Lorenzana: ” LTGEN Sobejana’s sterling record as a military officer has prepared him to assume this very important role as CSAFP. Having personally seen and experienced the adverse effects of armed conflicts, LTGEN Sobejana is a strong advocate for peace and development. We are confident that he will continue leading the way for the modernization of the Armed Forces.”

Pinasalamatan din at binigyang pagkilala ng Defense Department si outgoing Chief of Staff Gen. Gapay sa kanyang hindi matatawarang serbisyo sa loob ng halos 40 taon.

“As he returns to civilian life, we wish him all the best,” ani Sec Lorenzana.

Batid ng buong sandatahang lakas na maituturing na isang “buhay na bayani” o living hero si Gen. Sobejana na kabilang sa iilan na ginawaran ng pinakamataas na parangal ng militar na “medal of valor” na katumbas ng Congressional Medal of Honor ng Estados Unidos.

Si Sobejana ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Hinirang” Class of 1987 at pangalawang miyembro ng klase na na-promote bilang 4-star general, kasunod ng kanyang mistah na si PNP chief Gen. Debold Sinas.

Magugunitang Mayo 2019, si Sobejana ay ginawaran ni Pangulong Duterte ng Philippine Legion of Honor (Degree of Legionnaire), para sa kanyang natatanging paglilingkod sa pamahalaan.

Si Sobejana ay manunungkulan bilang chairman ng Joint chiefs of the Armed Forces of the Philippines sa kritikal na panahon kung saan mahalaga ang papel ng militar sa malawakang inoculation laban sa COVID-19 oras na pasimulan na ang rollout ng anti-coronavirus vaccine partikular sa mga laalwigan sa mga susunod na buwan. (JESSE KABEL)

Read More

OFW NA FINISH ­CONTRACT, IPINAKULONG PA NG KANYANG AMO

0

NITONG nakaraang Martes ay tinawagan ako ng Central Luzon Balita sa Radyo upang makausap ang ama ng isang OFW na nasa kulungan na si Larry Barrientos.

Ang kanyang anak ay si OFW Christine Joy Barrientos na nasa Riyadh Saudi Arabia na nakarating sa nasabing bansa sa pamamagitan ng Jainevill Manpower Resources.

Labis-labis ang panawagan sa paghingi ng tulong ng Tatay Larry para sa kanyang anak na si OFW Christine Joy Barientos dahil ang pananabik nito na makauwi sa Pilipinas pagkatapos ng kanyang kontrata ay napalitan ng paghihinagpis dahil imbes na ihatid sa airport ay sa kulungan ito ipinasok.

Ayon kay Tatay Larry, nakagawa ng paraan si OFW Christine Joy na matawagan ang kanyang pamilya dahil may isang pulis sa kulungan na naawa sa kanya at siya ay pinahiram ng telepono. Sabi pa nga raw ng pulis kay OFW Christine Joy ay masyadong mababaw ang dahilan ng employer para siya ay makulong.

Sa sumbong ni OFW Christine Joy ay sinabi nya na siya ay nakatapos na ng kanyang kontrata at handa na sanang makauwi sa Pilipinas. Nang kinausap na niya ang kanyang employer ay umayon naman ito at sinabi na siya ay ihahatid na sa airport.

Pero imbes na sa airport sa Riyadh, Saudi Arabia ay dinala siya sa presinto at doon ay pinapirma siya ng kasulatan na sulat-arabo na hindi naman niya mabasa at maunawaan.

Buong akala ni OFW Christine Joy na ang kanyang pinirmahan ay isa lamang proseso para siya ay makakuha ng exit visa para siya ay maka-uwi sa Pilipinas, kung kaya nabigla sya ng sabihin ng amo na siya ay makukulong.

Naipasok siya sa kulungan na wala siyang kamalay-malay sa kasong kinaharap niya na ayon lamang sa pulis ay base sa kasulatan na kanyang pinirmahan.

Nagkaroon ng pagkakataon si OFW Christine Joy na makapag-paskil sa Facebook ng kanyang panawagan na kung saan ay walang tigil ang kanyang pag-iyak na isinasalaysay ang kanyang sinapit.

Agad kong ipinadala kay OWWA Welfare Officer Racquel Kunting ang detalye at sumbong ni OFW Christine Joy upang mabigyan ng agarang tulong na siya ay makuha agad sa kulungan at kung kinakailagan ay mabigyan ng abogado para malinis ang kanyang pangalan at nang siya ay makauwi na sa Pilipinas.

Habang sinusulat ko ang kolum ko na ito ay nakausap ko ang kapatid ni OFW Christine Joy at ibinalita niya sa akin na ang kanyang kapatid ay nasa pangangalaga na ng kanyang ahensya sa Riyadh, Saudi Arabia.

Gayunpaman ay aking hiniling kay Welfare Officer Racquel Kunting na siguruhin na si OFW Christine Joy ay kanyang personal na makita upang masiguro na totoo ang report na ipinarating ng ahensya sa kaniyang pamilya.

Sisiguruhin din natin na makakauwi sa lalong madaling panahon si OFW Christine Joy sa pamamagitan ng tulong ng ating embahada sa pamumuno ni Ambassador Adnan Alonto.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.

Read More

HINDI PARA SA EKONOMIYA ANG NATIONAL ID

0

KAMAKAILAN, pumunta sa amin ang isang kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) upang isama kami sa ilalatag na National ID System ng bansa.

Nagpalista ako, ang aking may-bahay at mga anak dahil naniniwala kaming malaki ang maitutulong nito sa pakikipagtransaksiyon namin sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Mapabibilis ang transaksyon sa pamahalaan dahil iisang ID na lang ang ipapakita, sa halip na napa­karaming identification cards mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

At pihadong mapapabilang kami sa listahan ng mamamayang Filipino dahil PSA ang nag-aasikaso nito.

Ngunit, hindi ako naniniwalang instrumento ang pambansang ID upang sumulong at umunlad ang ekonomiya.

At kahit kailan ay hindi nito mapapabilis ang pagsigla at pagbangon ng ekonomiya.

Kaya, nagtataka ako sa inilabas na pahayag ni Senador Panfilo Lacson nitong Enero 30 sa kanyang kalatas na: “A full implementation of the Philippine Identification System (National ID) Act will speed up the country’s economic recovery following a 9.5-percent contraction in 2020 due to the COVID-19 pandemic”.

Pokaragat na ‘yan!

Kahit matapos ang implementasyon ng ID ay hindi babangon ang negatibong 9.5 porsiyentong gross domestic product (GDP) ng bansa nitong 2020.

Pinakamababa ang negatibong 9.5% mula nang pasimulan ang GDP sa Pilipinas noong 1946.

Matagal nang isinusulong ang national ID.

Alkalde pa lang sa Lungsod ng Davao si Rodrigo Duterte at opisyal ng Philippine National Police (PNP) si Lacson ay paulit-ulit na iwinawasiwas sa publiko ng mga naniniwala sa ‘kawastuhan’ at ‘kahalagahan’ ng pagkakaroon ng iisang national ID ang Pilipinas upang maging positibo ang pampublikong opinyon ukol dito.

Ngunit, nitong 2018 lamang nagkaroon ng batas para sa iisang pambansang ID.

Nang maging batas ang pambansang ID noong 2018 ay hindi bumagal ang inflation rate sa nasabing panahon.

Hindi rin umangat ang ­halaga ng stocks ng mga kumpanya sa Philippine Stocks Exchange (PSE) sa nasabing panahon.

Ngayong nagsisimula nang ipatupad ang pambansang ID ay hindi nito napahupa ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kaya, walang kaugnayan ang national ID sa ekonomiya.

Ito ang hindi maganda sa ilang senador at kongresista sa panahong ito.

Halos lahat ng isyu, kundi man lahat, ay pilit na idinidikit sa pagpapabilis sa takbo at pagbangon ng ekonomiya.

Kahit nga ang kapapasa ng Kongreso na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises, CREATE Act, ay pampasigla at pagpapabilis sa pagbangon ng ekonomiya.

Totoong mayroong kaugnayan sa ekonomiya ang CREATE Act, ngunit hindi pa rin nito mabilis na ­maibabangon ang lugmok na lugmok na ekonomiya ng bansa.

Ang lantad na magagawa ng naturang batas ay papababain nito ang corporate tax ng mga negosyante upang napakaraming pumasok na mga dayuhang kapitalista sa bansa sa loob ng sampung taon.

Dahil diyan, mahigit P300 bilyon ang mababawas sa buwis na ibabayad ng mga korporasyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ayon sa Ibon Foundation.

Ibig sabihin, ­napakalaking pera ang mawawala sa pamahalaan.

Ibig sabihin, higit na malaki ang kikitain ng mga koraporasyon.

Ang kapalit nito ay ­dadagsa ang mga dayuhang kapitalista sa Pilipinas dahil inaasahan silang mamumuhunan sa ating bansa sa mga susunod na taon.

Ang teorya ng mga senador at kongresista na nagsulong ng CREATE Act ay siguradong mamumuhunan ang mga dayuhang kapitalista sa Pilipinas dahil mababa ang corporate tax.

Pokaragat na ‘yan!

At kapag napakarami nang nagnenegosyong dayuhan sa Pilipinas ay lalong sisigla, susulong, uunlad at aangat daw ang ekonomiya ng ating bansa.

Kumbinsido rin ang mga mambabatas na mahigit isang milyon lang ang maibibigay na trabaho ng CREATE Act sa loob ng sampung taon.

Uulitin ko po, walang ­dudang mayroong kinalaman sa ekonomiya ang CREATE Act.

Ngunit, mahirap paniwalaan ang teorya ng mga senador at kongresista na sisigla, susulong at aangat ang ekonomiya ng Pilipinas nang dahil sa substansiyal na pagbabawas ng buwis ng mga malalaking kapitalista.

At siyempre, lalong hindi kapani-paniwala ang pananaw ni Lacson na pabibilisin ng pambansang ID ang bagsak na bagsak na ekonomiya ng ating bansa.

Isang napakalaking kalokohan ang ideya ng senador.

Higit na wasto ang ­paninindigan at panawagan ng mga organisadong manggagawa na ang dagdag na P100 kada araw sa sahod ng lahat ng mga manggagawa sa lahat ng rehiyon ng bansa, ayudang P10,000 sa bawat manggagawang nawalan ng trabaho at pagkakaron ng mga trabaho ng mga manggagawang tinanggal sa kani-kanilang kumpanya ang siyang mga magpapasigla at magsusulong ng ekonomiya.

Hindi sila ekonomista, ngunit alam na alam nila ang simpleng ideya na kapag nadagdagan ang pera ng mga manggagawa, na kapag nagkaroon ng pera ang mga walang trabaho at kung bibigyan ng hanap-buhay ang mga tinanggal sa ­kumpanya upang magkasahod ay gagalaw, sisigla at susulong ang ekonomiya, sapagkat magkakaroon sila ng perang ipambibili ng kanilang mga pangangailangan araw-araw.

Ang pera ang gagamitin nila upang makabili ng mga produktong kailangan nila sa kanilang bahay araw-araw.

Tapos, ang perang mapupunta sa mga negosyante ay siya muling magsisilbing puhunan, o kapital, upang makabili, o makagawa, ng panibagong produktong bibilhin uli ng mga manggagawa.

Ganyan ang pangkalahatang takbo ng ekonomiya ng kapitalistang sistema: Pera para ipambili ng produkto para magkaroon ng pera.

Upang magkaroon ng pera, kailangang magkaroon ng trabaho ang mga manggagawa, o kaya ay magkaroon sila ng sarili nilang negosyo.

Kung maraming pera, o kung mataas ang sahod, ng mga manggagawa ay siguradong higit na marami silang mabibiling mga produktong kailangan nila sa kani-kanilang pamilya araw-araw.

Magreresulta ito sa mas malaking kita ng mga ­negosyante kung saan magkakaroon din sila ng pera – katunayan higit na malaking puhunan, o kapital.

Nagkakaintindihan ba tayo?

Read More

Mga walang alam na opisyal sa palakasan

0

ILANG buwan na ang nakalilipas, ang SAKSI NGAYON ay naglabas ng istorya sa posibilidad na makapagpadala ang Pilipinas ng pinakamalaking delegasyon sa XXXII Games of the Olympiad sa Tokyo, na ipinagpaliban noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic at sa halip ay isasagawa na lang sa Hulyo.

Ang artikulo ay base sa magkahiwalay na panayam ng kolumnistang ito kay pangulo ng Philippinje Olympic Committee, Cong. Abraham “Bambol” Tolentino at POC Secretary General Edwin Gastanes.

Kapuwa ipinahayag noon nina Cong. Bambol at Atty Edwin na bukod sa apat na Pilipinong pasok na sa Tokyo Summer Games, 80 pang atleta ang magtatangkang bumiyahe patungo sa primerang siyudad ng Japan para makipagtagisan ng lakas, bilis at talino sa ­pinakamagagaling na atleta buhat sa iba’t ibang panig ng mundo.

Naisip ko na kung noong unang ginanap sa Tokyo ang Olimpiyada noong 1964 ay nakapagpadala tayo ng 64 atleta, mahihigitan ito ngayong 2021 na maaaring umabot pa sa 80, base sa dami ng mga magagaling na atleta natin.

Maliban sa Tokyo qualifiers nang sina Eumir Marcial at Irish Magno sa boksing, pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Yulo, nakasisiguro na rin sina weightlifter Hidilyn Diaz, boksingerong si Nesthy Petecio, golfers Yuka Sason at Bianca Pagdanganan, at ilan pang pambansang atleta na nagpakitang gilas noong 2019 hanggang 2020.

Ngunit matapos nating maibalita ang tungkol sa malaking posibilidad na makapaguwi na ang Pilipinas ng Olympics gold medal sa loob ng 96 taong paghihintay, wala na tayong narinig o nabasa galing sa magigiting ­nating mga opisyal sa palakasan tungkol sa paghahanda para maisakatuparan ang pagkakataong ibinigay sa atin.

Katunayan, mula nang ­ipatupad ang lockdown na nagbabawal sa pagdaraos ng mga pagtitipon, naging paralisado na ang sports dahil sa pandaigdigang salot na COVID-19.

Saradong lahat ang mga training center sa buong bansa na ginawang mga quarantine facility partikular ang Rizal Memorial Basketball Coliseum at ang multi-purpose Ninoy Aquino Stadium, na parehong nasa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.

Ang Philippine Sports Commission na namamahala sa lahat ng ito ay walang nagawa para humanap ng ibang pagdarausan ng training ng ating mga atleta. Madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw kung magpahayag man na bubuksan na ang mga ­training center para sa preparasyon ng mga pambansang atleta sa ­Tokyo Games.

Salamat na rin at noong nakaraang buwan ay binuksan na ang pinto ng bubble training sa Calamba, kung saan ang mahigit kumulang 80 nating mga atleta mula boksing, taekwondo at karate ay nakapag-eensasyo na.

Huli man daw at ­magaling, naihahabol din. Ayon ito sa ­ilang atletang kasama sa bubble ­training, na nagsabi pang “mabuti na rin kaysa wala.”

Ang mga atleta sa ibang bansang makakalaban kasi nila ay noon pang Hulyo 2020 nagsimula ng build-up program para sa ­nalalabing Olympic Qualifiers.

Depensa ng ilan nating sports officials, pare-pareho raw namang nabiktima ng pandemic ang ibang mga bansa kaya’t wala silang bentahe sa mga Pinoy.

Ang hindi naisip ng mga kulang sa pananaw nating mga opisyal, ang ibang mga bansa na apektado rin ng salot na virus ay malawak ang kaisipang ihanda ang kanilang mga atleta noon pang Hulyo ng nakaraang taon.

Ibig sabihin, anim na buwan na silang naghahanda kontra sa atin na noong Enero lamang nag-umpisa. At kahit sino ang tanungin, ang anim na buwang kalamangan ay napakalaking bagay.

May ilan dating atleta tayo na kasalukuyang nagsisilbing mga opisyal ng PSC at POC, pero sa tingin ko, hindi sila naniniwala o ignorante sa pangaral na itinuro ng bantog na basketball coach na si Ed Macauley: “When you’re not practicing, remember that someone, somewhere is practicing and when you meet him, he will win.”

Magbasa naman kayo paminsan-minsan, mga kaibigan!

Read More

Paalala sa eligible voters MAGPAREHISTRO, BUMOTO SA 2022 – REP. NOGRALES

0

(BERNARD TAGUINOD)

UMAPELA si Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa mga eligible voter na magparehistro upang makaboto sa 2022 national at local elections.

Bukod sa mga kabataan na edad 18 pataas, nakiusap din si Nograles sa mga dating botante na na-deactivate ang voters registration dahil hindi nakaboto noong 2018 barangay at 2019 national election na muling magparehistro.

Ginawa ng mambabatas ang panawagan matapos aminin ng Commission on Elections (Comelec) na umaabot palang sa 1.17 million botante ang nagparehistro mula sa 4 milyong Pilipino na kuwalipikadong bumoto.

Bukod dito, umaabot din umano sa 7 million botante ang na-deactivate ang voters registration matapos hindi makaboto sa dalawang magkasunod na eleksyon.

“Huwag na po natin hintaying umabot pa sa deadline bago kumilos para mag-rehistro at magpa-reactivate ng registration. Ang pagboto ay isang sagradong tungkulin ng mamamayang Pilipino na hindi natin dapat talikuran,” ani Nograles.

Unang sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na posibleng hindi na palawigin ang itinakda hanggang Setyembre 2021 na pagpaparehistro dahil sa kakulangan na ng oras kaya sinabi ni Nograles na dapat samantalahin ng mga botante ang pagkakataon lalo na ang mga kabataan.

“Elections are an opportunity to implement change. Youth should not pass up the chance to elect those they think should lead,” ayon pa kay Nograles.

“Marami sa ating nagbabatikos sa social media, nagtatawag ng pagbabago. Nasa kamay natin ang pagbabagong hinihingi natin at nagsisimula ito sa paghalal ng mga lingkod-bayan na kinakatawan ang mga nais nating makita sa mga lider natin. Ngunit hindi ito magiging posible kung hindi tayo magre-rehistro,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinuportahan din ng Harvard trained lawyer ang mungkahi ni Guanzon na i-extend ang oras ng registration hanggang alas-tres ng hapon kada araw.

Nais din ni Nograles na magkaroon ng satellite office sa mga barangay ang Comelec para mas maraming makapagparehistro lalo na’t hirap pa ang mga tao na makabiyahe dahil sa pandemya.

“Kung kailangan po magronda nang naka-loud speaker o kaya mag-house-to-house sa mga isolated na lugar, gawin po natin para mahikayat na magparehistro ang mga kababayan natin,” ani Nograles.

“Maybe we could do some form of bloc registration para we are assured of large batches especially from geographically isolated and disadvantaged areas,”dagdag pa nito.

Read More

Digong kahiya-hiya sa int’l community ‘SUPPLIER’ NG FAKE NEWS SA PALASYO KALUSIN

0

(NOEL ABUEL)

PINAGBIBITIW ni Senador Panfilo Lacson ang mga opisyal ng gobyerno na nagbibigay ng maling impormasyon kay Pangulong Rordigo Duterte dahilan upang malagay sa kahihiyan ang pangulo sa international community.

Sinabi ito ni Lacson kasunod ng pagkakamali ng pangulo sa impormasyong ibinigay dito na naisantabi na ng European Union ang Pilipinas para makakuha ng bakuna laban sa COVID-19.

“Those feeding the President false information are doing him and the country a disservice and should resign to save us all from international embarrassment,” sabi pa ni Lacson sa kanyang Twitter post.

“Don’t treat the President like a mushroom-kept in the dark and fed with S**t,” sabi pa nito.

Una nang itinanggi ng EU ang nasabing maling impormasyon kung saan tiniyak nito na ang Pilipinas ay exempted sa ipatutupad nitong export ban.

“So it wasn’t EU’s fault after all,” aniya pa.

Ayon pa kay Lacson, kailangan nang mabakunahan sa lalong madaling panahon ang publiko upang makabangon ang ekonomiya ng bansa.

“As such, there is no room for false information especially at this critical stage of the government’s vaccination efforts,” pahayag pa ni Lacson.

Read More

MEDIA PINATUTULONG SA LABAN VS COVID-19

0

PINULONG ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang lahat ng lokal na mamamahayag sa nasabing probinsiya sa kanyang Official Residence (OR) nitong Miyerkoles kasabay ng panawagan nito na tulungan ang pamahalaang panlalawigan sa laban nito kontra coronavirus disease o COVID-19.

Hiling ng gobernador sa mga lehitimong media practitioner na nakabase sa Bulacan ang kooperasyon ng mga ito na mapalawig ang kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa nakamamatay na virus sa pamamagitan ng pagbibigay-alam sa Provincial Task Force (PTF) on COVID-19 Response ng mga nasasagap nitong impormasyon hinggil sa mga lumalabag sa itinakdang health protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) ng pamahalaang nasyunal.

Kabilang na rito ang inilabas na Executive Order No. 2 ni Gov. Fernando na inaatasan ang mga group organizer na humingi muna ng pahintulot o permiso sa Bulacan PTF on COVID-19 Response na mismong pinamumunuan ng gobernador kung magsasagawa ng mass gathering.

Nanawagan din ang gobernador sa mga kapwa nito lingkod-bayan sa lalawigan na iwasan muna ang pamumulitika ngayong panahon ng pandemya. (ELOISA SILVERIO)

Read More

SHOE TRADE FAIR SASAGIP SA SAPATERO NG MARIKINA

0

PORMAL nang nagbukas ngayong Pebrero ang Shoe Trade Fair sa Marikina City na naglalayong matulungan ang mga sapatero sa lungsod.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, makatutulong ang aktibidad na ginaganap sa Marikina City Sports Complex para makabangon mula sa pagkalugi ang mga shoe maker dahil sa pananalasa ng COVID-19 at sa pagtama ng Bagyong Ulysses noong nakalipas na Nobyembre.

Dahil matumal ang benta sa mga pamilihan at pwesto, nag-shift na rin ang maraming manufacturers sa online selling at paggawa ng Personal Protective Equipment ngunit hindi pa rin sapat kaya’t dapat matulungan ang industriya ng mga ito.

Nakikipag-ugnayan na rin si Mayor Teodoro sa pamunuan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines upang alamin ang posibilidad na makasali ang local manufacturers sa susunod na mga bidding para sa procurement ng sapatos na gagamitin ng mga pulis at sundalo. (KNOTS ALFORTE)

Read More

P19-B AYUDA SA OBRERO ILALABAS NG DOLE

0

HINDI magdidildil ng asin habang nasa kani-kanilang mga bahay ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil nangako ang pinuno ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maglalabas ito ng P19 bilyong ayudang pinansiyal para sa mga ito ngayong 2021.

Ayon kay Secretary Silvestre Bello III, ang mga ibibigay ng DOLE ay P5,000 sa bawat isa sa 2 milyong manggagawang tinanggal sa kumpanya at P10,000 kada isa sa 500,000 overseas Filipino workers (OFWs).

Kabilang sa mga ito ang mga manggagawa sa industriya ng turismo.

Ang pondo ay galing sa P3 bilyong ibinigay ng Department of Tourism (DOT) sa DOLE na siyang inatasan ng Bayanihan Act 2 na mamahagi ng ayudang pinansiyal sa mga nawalan ng trabaho.

Ang tatlong bilyon ay bahagi ng P19 bilyong nabanggit ni Bello.

Batay sa rekord ng DOLE, limang milyon ang manggagawang nawalan ng trabaho nitong 2020. (NELSON S. BADILLA)

Read More