Sa PNP drug operations 2 KADA ARAW NAMAMATAY

0

(NELSON S. BADILLA)

HINDI tumigil ang mga sindikato ng ilegal na droga sa kanilang negosyo kahit rumaragasa ang coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa buong bansa nitong nakalipas na taon.

Napakalaking problema ng COVID-19 dahil bukod sa nakamamatay ang sakit na ito, halos kitilin nito ang ekonomiya ng bansa.

Ngunit, nanatiling laganap pa rin ang bentahan at adiksyon sa ilegal na droga sa maraming panig ng bansa, ayon sa ulat ng iba’t ibang yunit ng Philippine National Police (PNP) na ipinararating sa media.

PRAYORIDAD

KAYA, pangunahin pa ring inaksyunan ng mga naging pinuno ng PNP nitong nakaraang taon na sina General Archie Francisco Gamboa, General Camilo Cascolan at General Debold Sinas ang paglaban sa ilegal na droga kumpara sa ibang uri ng krimen.

Kahit si Sinas ay pagsugpo sa ilegal na droga pa rin ang pangunahing adyenda nang maupo siyang pinuno ng pambansang pulisya noong Nobyembre 10.

Nagpatuloy pa rin ang pagpatay, “extra judicial killings” (EJK), na kinasasangkutan ng mga pulis sa mga taong sangkot sa pagbebenta, pagtutulak at paggamit ng iba’t ibang klase ng bawal na gamot, batay pa rin sa mga ibinalita sa mga pahayagan, online news platform, telebisyon at radyo.

Sa pag-aaral na isinagawa ng UP Third World Studies Center at ng Department of Conflict and Development Studies ng Ghent University na may pamagat na “Violence, Human Rights, and Democracy in the Philippines”, sa unang 51 araw ni Sinas ay umabot na sa 82 ang mga pinaniniwalaang ‘pinatay’ na mga suspek sa bentahan at adiksyon sa ilegal na droga.

DALAWA KADA ARAW

SI Sinas ang ikalimang PNP chief sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang una ay si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na 656 araw sa pagiging pinuno ng PNP.

Ayon sa pag-aaral ng UP at Ghent, dalawang suspek bawat araw ang namamatay mula nang maging pinuno si Sinas PNP hanggang Disyembre 2020.

Kapareho siya ng naganap sa panahon ni General Oscar Albayalde.

Ayon sa parehong pag-aaral, dalawa rin ang namamatay na mga personalidad sa ilegal na droga sa loob ng 544 araw na panunungkulan ni Albayalde.

Sa kabuuan, mayroong 1,096 taong sangkot sa droga ang namatay habang si Albayalde ang hepe ng PNP.

Si Albayalde na siyang direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ipinalit ni Duterte kay Dela Rosa dahil “istrikto” at “permis sa pagdedesisyon”.

Parehong nagtapos sina Dela Rosa at Albayalde sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1986.

Sumunod na taon naman nagtapos si Sinas.

GAWA NG PULIS?

HINDI maipagkakailang madugo ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.

Sa termino niya naging tuluy-tuloy ang madugong kampanya sa ilegal na droga.

Batay sa datos ng UP at Ghent na galing din sa mga ibinalita sa media, simula kay Dela Rosa hanggang kay Sinas ay mga tauhan ng PNP ang siyang may kagagawan ng pinakamalaking bilang sa mga namatay sa mga operasyon laban sa ilegal na droga.

Mayroon ding mga namatay na ang kumana ay hindi pulis, banggit din sa pag-aaral ng UP at Ghent University.
Bagamat maiksing panahon pa lang sa pwesto si Sinas, umabot na sa 78 porsiyento ang mga namamatay mula Nobyembre hanggang Disyembre ng nakalipas na taon at pulis umano ang dumale sa kanila.

Dinaig pa ng pamumuno ni Sinas sa PNP ang termino ni Dela Rosa na 58% ang iskor sa papel ng mga pulis sa patayang naganap sa mga sangkot sa ilegal na droga.

Tinalo rin ni Sinas ang pinalitan niyang si Cascolan na mahigit dalawang buwan lamang naging hepe ng PNP.

Higit na mahaba ang termino ni Dela Rosa kumpara kay Sinas.

Sa kabuuan, naitalang 1,864 ang mga namatay sa panahon ni Dela Rosa.
Pinatutunayan ng datos na simula kay Dela Rosa hanggang kay Sinas ay tuluy-tuloy ang katangiang “madugo” ang kampanya laban sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.

Inaasahang ipagpapatuloy ang ganitong katangian kahit mapalitan si Sinas kapag nagretiro ito sa Mayo 8.

Dalawa pa ang inaasahang magiging hepe ng pambansang pulisya bago matapos ang termino ni Duterte sa Hunyo 30, 2022 kung kasabayan ni Sinas sa PMA ang itatalaga ng pangulo.

SAPOL ANG MALILIIT

BATAY sa datos, pinakamalaking bilang sa mga namatay ay maliliit na tulak at adik kaysa sa malalaking tao sa daigdig ng ilegal na droga na kung tawagin ay “high – value target” (HVT).

Sa nasabing impormasyon, limang “maliliit” na tulak at adik ang namamatay, o napapatay, sa bawat isang ‘pinatatahimik’ na HVT.

Ang HVT ay ang mga supplier ng droga hanggang sa kasapi ng sindikato.

Minsang inamin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva sa media na “marami” pa ring sindikato ng droga sa bansa kahit hindi tumitigil ang operasyon ng PDEA at ng PNP laban sa kanila.

Sa kabila ng ganitong kalagayan, tiniyak ni Villanueva na wala nang ‘malalaking’ laboratoryo ng shabu, o methamphetamine hydrocholoride sa bansa.

Aniya, nalansag ang malalaking shabu lab ngayong termino ni Duterte.

Ang mga umiiral na lamang sa kasalukuyan ay “kitchen-type shabu lab” na iisang chemist ang gumagawa ng shabu, patuloy ng opisyal.

UTOS NI DUTERTE

NAPILI si Sinas ni Pangulong Duterte na maging hepe ng PNP kahit naging kontrobersiyal ito dahil sa paglabag sa batas at alintuntunin hinggil sa COVID-19 sa kanyang ika-55 taong kaarawan noong Mayo 8, 2020 at kahit na mayroong “senior” at “kuwalipikado” kaysa sa kanya.

Ito’y dahil sinasabing ‘napakatindi’ ng operasyon ng PNP laban sa ilegal droga sa Central Visayas Region noong si Sinas ang direktor dito.

Signipikante ang bilang ng mga namatay nang ikasa ang “Oplan Sauron”.

Subalit, ang higit na matinding dahilan na nailabas sa media ay ang “malakas na bulong” ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager (GM) Royina Garma.

Si Garma ay pinaniniwalaang “napakalakas” kay Duterte.

Nang ilagay si Sinas sa puwesto, idiniin ng Malakayang na “malaki ang papel” ng heneral sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.

Sa kanyang pagtanggap ng pinakamataas na posisyon sa PNP, nanindigan si Sinas na ipagpapatuloy ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.

Ani Sinas: “Simple lang ang gusto ko bilang ama ng ating organisasyon: we should walk the talk in the PNP”.

“Magtrabaho tayo ayon sa ating mandato tungo sa ligtas at tahimik na mamamayan”, birada ni Sinas.

Ang Commission on Human Rights (CHR) na isa sa mga pangunahing kritiko ng PNP sa panahon ni Duterte ay umasang magsasagawa ng “concrete actions from the PNP in realizing openness and genuine cooperation in investigating said human rights violations—even in cases when State officers and agents are allegedly implicated in their commission” sa ilalim ng pamumuno ni Sinas.

“May the PNP continue to affirm its motto to “serve and protect”; live by the core values of Service, Honor and Justice; and be exemplars and advocates of the rule of law,” paliwanag pa ng tagapagsalita ng CHR na si Atty. Jacqueline de Guia.

Batay sa mga balitang lumabas sa mga pahayagan, online news platforms, telebisyon at radyo at sa impormasyong inilabas ng UP at Ghent University, ipinagpatuloy ng PNP, sa pamumuno ni Sinas, ang madugong gyera laban sa ilegal na droga na ipinakasa ni Duterte simula nang maging pangulo siya noong 2016.

Read More

Markers ibabaon ng NOLCOM sa mga isla CAGAYAN WATERS MAHIGPIT NA BINABANTAYAN

0

PARA iparating ang mensahe na binabantayan ng Armed Forces of the Philippine ang maritime territory ng Pilipinas sa hilagang bahagi ng bansa, nag-establisa ng dalawang sovereign markers sa Mabaag at Barit Islands sa Aparri, Cagayan ang AFP-Northern Luzon Commando.

Nabatid na pinaigting ng NOLCOM ang isinasagawang monitoring sa mga dagat na kanilang nasasakupan at ang dalawang bagong installed sovereign markers ay karagdagan lamang sa 11 sovereign markers na inilagay nila sa 11 uninhabited islands sa area ng hilagang bahagi ng Cagayan province, malapit sa Babuyan Channel noong nakalipas na taon.

Gaya ng ibang markers, inilagay ang markers sa prominent areas ng dalawang pulo na kitang-kita ng sea vessel na naglalayag sa hilagang bahagi ng Pilipinas.

Ayon kay Lieutenant General Arnulfo Marcelo B. Burgos Jr., commander ng Northern Luzon Command at kasalukuyang Area Task Force-North commander, “The establishment of these sovereign markers is our proactive way of asserting our sovereignty in the northern maritime territories”.

“We give utmost importance to our country’s northern maritime territory, as we treat these maritime areas as a significant part of our country. It is a key source of livelihood due to its abundant marine resources, and a strategic trading route to boost our economy. Thus, it must be secured, and our sovereignty must be asserted in these areas,” pagdidiin pa ni Lt. Gen. Burgos.

“Ang mga islang ito at territorial waters sa paligid nito ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Makakatulong sa atin ang mga markers upang matiyak na igagalang ang ating soberanya sa mga lugar na ito,” ani Commodore Caesar Bernard N. Valencia, commander ng Naval Forces Northern Luzon.

Nabatid na mga tauhan ng Naval Forces Northern Luzon ang responsable sa pagtatayo ng dalawang sovereign markers. Layunin din umano nito na palakasin ang mensahe hinggil sa pag-angkin sa mga nasabing maritime areas.

“Rest assured that we will remain proactive and vigilant in ensuring the security of our people, as we safeguard our sovereignty and preserve the integrity of our national territory in this part of our country,” dagdag pa ni Lt. Gen. Burgos. (JESSE KABEL)

 

Read More

2 SABIT SA DROGA NAPATAY SA CAVITE

0

CAVITE – Patay ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang ka-apelyido ni Pangulong Rodrigo Duterte, nang nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad habang arestado ang apat nilang kasamahan sa isinagawang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga napatay na sina Christopher Duterte, alyas “Boyet,” nasa hustong edad, ng Brgy. Habay, Bacoor City, at isang alyas “Buboy” ng Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.

Arestado naman ang apat nilang kasamahan na sina Brian Narvaez, 36; Mel Mojica; Alfredo Cabildo, 40, at isang alyas “Turko”.

Ayon sa ulat ni Corporal Fidel Querrijero ng Bacoor City Police, dakong alas-9:00 ng gabi noong Miyerkoles nang magkasa ng buy-bust operation sa Brgy. Habay 1 ng naturang lungsod kung saan nakabili ang poseur buyer ng limang gramo ng hinihinalang shabu sa suspek na si Duterte at nagpakita pa ng 10 gramo.

Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang transaksiyon ay nahalata ni Duterte na pulis ang kanyang kausap kaya tumakbo ito sa 2nd floor ng kanilang bahay ngunit hinabol ng mga pulis at nang makorner ay nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Sa isinagawang operasyon, naaresto rin ang mga kasamahan ni Duterte habang aktong bumabanat ng droga at nakumpiska ang tinatayang 15 gramo ng shabu at kalibre 9mm pistol.

Dakong alas-12:40 ng umaga naman nitong Huwebes nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Tanza Municipal Police Station sa Phase 3, Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite kung saan target sina alyas “Buboy” at alyas “Turko”.

Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang transaksyon, nahalata ni alyas “Turko” na pulis ang kausap ni alyas “Buboy” kaya sinigawan niyang tumakbo patungo sa motorsiklo habang pinapuputukan ang mga awtoridad.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ni alyas “Buboy” habang nakatakas si alyas “Turko.”

Gayunman, agad nadakip ng mga pulis si alyas “Turko” sa follow-up operation. (SIGFRED ADSUARA)

Read More

Nakatakas sa pulis, hindi sa kamatayan 3 SABUNGERO LUMUTANG SA ILOG

0

TATLONG sinasabing mga sabungero na tumakas sa isinagawang police raid sa isang tupadahan, ang natagpuang palutang-lutang sa iba’t ibang bahagi ng Davao river sa Baguio District sa Davao City.

Sa inisyal na ulat, kabilang umano sa mga nagsasabong ang tatlong lalaki nang salakayin ng mga pulis ang sabungan noong Linggo sa Purok 6, San Miguel, sa Barangay Gumalang, Baguio District.

Unang nakita noong Lunes ng hapon sa Davao river sa Barangay Dacudao, Calinan District ang bangkay ni John Hanzel Pagapang.

Kinabukasan, araw ng Martes ay nakita ang bangkay ni Dennis Manipis sa Davao river sa Barangay New Carmen, Tugbok District.

Huling nakita ang bangkay ni Mark Joel Agusan sa Davao river sa Barangay Mandug, Martes din ng umaga.

Ipinag-utos ang imbestigasyon sa nasabing insidente ngunit lumilitaw na may 13 indibidwal ang nadakip sa pagsalakay ng mga pulis dahil sa sabong.

Ayon kay P/Major Archilles Bargio, hepe ng Baguio Police, may 50 katao ang dumalo sa tupada ngunit pagdating ng mga pulis ay nagpulasan ang mga ito at may ilan umanong tumalon sa Davao river para makatakas.

Itinanggi naman ni Bargio na nagpaputok ang mga pulis pagdating sa area kaya nag-panic ang mga tao. (JESSE KABEL)

Read More

DISKWENTO CARAVAN IKINASA SA LUNES

0

HINIMOK ng Las Piñas City government ang mamamayan nito na lumahok sa isasagawang Diskwento Caravan ng lokal na pamahalaan para sa pagbibigay ng diskwento sa mga mamimili.

Ang Diskwento Caravan ay naglalayong magbigay ng direktang discount at mas abot kayang presyo sa iba’t ibang mga bilihin na swak sa bulsa at budget ng mga consumer.

Katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Department of Agriculture (DA), gagawin ang caravan sa Cadena de Amor Street Covered Court, Doña Manuela Subdivision, Barangay Pamplona Tres sa lungsod na magsisimula sa ganap na 8:00 ng umaga at tatagal hanggang 2:00 ng hapon sa darating na Lunes, Pebrero 22.

Hinihikayat din ng Las Piñas LGU ang mga mamimili na magdala ng kanilang sariling eco bag, maging maingat, maging disiplinado at patuloy na sumunod sa health and safety protocols. (DAVE MEDINA)

Read More

SNATCHER SA MALATE PATAY

0

PATAY ang isang 20-anyos na umano’y snatcher nang manlaban sa nagrespondeng pulis habang arestado ang kasamahan nito makaraang humingi ng saklolo ang isang estudyante na hinablutan ng cellphone sa Malate, Manila, noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang napatay na suspek na si Joshua Mansal y Sanchez, ng #1269 Bambang St., Tondo.

Timbog naman ang kasamahan nitong si Delber Sta. Rita y Dantes, 21-anyos, ng #1748 Antonio Rivera St., Tondo.

Batay sa salaysay ng biktimang si Andrea,18, ng F. Muñoz St., Paco, bandang alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Leon Guinto St. sa Malate.

Naglalakad aniya siya sa Capitan Tikong St. patungo sa Dagonoy St. nang sumulpot ang riding in tandem at hinablot ang kanyang cellphone kaya sumigaw siya na nakatawag ng pansin sa mga tambay sa lugar.

Bunsod nito, hinabol ng mga tambay ang suspek sa Leon Guinto St. sa Malate hanggang sa maharang ng isang Grab rider kaya nagpagewang-gewang ang motorsiklo at nawalan ng balanse.

Bunsod nito, natumba ang motorsiklo ng mga suspek gayundin ang motorsiklo ng Grab rider kaya napilitan ang dalawa na iwan ang kanilang motorsiklo.

Narinig naman umano ni P/Cpl. Symon Marasigan na nakatira sa lugar, ang pagsigaw ng estudyante, kaya agad itong nagresponde.

Ngunit nang makita umano ni Marasigan na akmang bubunot ng baril si Mansal mula sa sling bag nito ay inunahan niya ito at binaril sa ulo ang suspek habang nadakip naman si Sta. Rita. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

2 TIMBOG SA RAPE SA MAYNILA

0

DALAWANG suspek sa panggagahasa ang nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod ng Maynila.

Sa Sta. Ana, pinasok sa banyo at tinangkang halayin ang isang 32-anyos na band vocalist ng kanyang kapitbahay.

Nakakulong na sa Manila Police District-Sta. Ana Police Station 6 ang suspek na kinilalang si Armin Navarro, 57, binata, tambay at residente sa Suter St., Brgy. 877, Zone 96, Sta. Ana.

Base sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr., station commander, nangyari ang tangkang panggagahasa sa biktimang si “Amor,” bandang alas-1:00 ng hapon noong Miyerkoles sa banyo ng kanilang bahay sa #2158 Suter St. sa naturang lugar.

Salaysay ng biktima, pumasok siya sa banyo upang maglinis ng katawan ngunit nang maghubad siya ng pang-ibabang saplot ay sapilitang pumasok ang suspek.

Sinampal umano ng suspek ang biktima na napaupo sa toilet bowl saka hinipuan sa maselang bahagi ng katawan.

Gayunman, sinipa ng biktima ang suspek ngunit muli siyang pinagsasampal ni Navarro.

Pagkaraan ay sapilitan umanong hinubaran ng suspek ang biktima na patuloy sa pagpalag hanggang sa nakalabas ng banyo at humingi ng tulong sa barangay officials at naghain ng reklamo sa Punta Police Community Precinct laban sa suspek nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa follow-up operation, mabilis na nadakip ng mga barangay tanod at pulis ang nasabing suspek.

Samantala, sa Baseco, Tondo, inaresto ng operatiba ng MPD-Baseco Police Station 13, ang isang 29-anyos na lalaki sa bisa ng arrest warrant sa kasong 2 counts ng rape, noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Al Rasid Muhammad y Akmad, may asawa, jobless, tubong Libak, Sultan Kudarat at naninirahan sa Blk.12, Lot 41, Baseco Compound.

Base sa ulat ng Tracker Team, na pinangunahan ni P/Lt. Roberto Medrano Jr., ayon sa utos ni P/Lt. Col. Robert Domingo, station commander ng MPD-Station 13, bandang alas-11:00 ng gabi nang arestuhin ang suspek sa bahay nito.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Eduardo Ramon Reyes, presiding judge ng Manila Regional Trial Court, Branch 15 dahil sa kasong 2 counts ng rape, na may petsang Hunyo 29, 2018.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa nasabing suspek. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

NAVOTAS COVID CASES SUMAMPA SA 141

0

ISANG COVID-19 patient sa Navotas City ang namatay noong Pebrero 17, ang ika-183 binawian ng buhay sa lungsod dahil sa pandemya.

Sumampa naman sa 141 ang active COVID cases sa lungsod matapos na anim ang magpositibo sa swab test, habang apat ang gumaling.

Umabot na sa 5,779 ang nasapol ng pandemya sa lungsod at 5,455 sa mga ito ang nakarekober na.

Kaugnay nito, dalawang polymerase chain reaction (PCR) thermal cyclers ang ipinagkaloob ng Department of Budget and Management, sa pangunguna ni Sec. Wendel Avisado, sa Navotas.

Ang mga naturang aparato ay tinanggap para sa lungsod nina Navotas Cong. John Rey Tiangco at City Health Officer Dr. Christia Padolina.

Ilalagak ang mga ito sa Navotas City Hospital at Tumana Health Center.

Si Avisado ang itinalagang “big brother” na mangagasiwa ng COVID-19 response ng Navotas.

Samantala, isa ring tinamaan ng COVID-19 ang sumakabilang buhay sa lungsod ng Valenzuela, habang bumaba sa 198 ang active cases sa lungsod.

Umakyat na sa 9,720 ang COVID-19 positive sa siyudad makaraang makapagtala ng 36 bagong kumpirmadong kaso, habang 9,250 na ang recoveries matapos na 48 ang gumaling.

Nabatid naman sa Malabon City Health Department na isang COVID-19 patient ang namatay sa Barangay Baritan, ang ika-249 casualty ng siyudad.

Bukod dito, 36 ang nadagdag na confirmed cases kaya’t 6,530 na ang positive cases sa Malabon, 162 dito ang active cases. Labing-dalawa naman ang gumaling at sa kabuuan ay 6,119 ang recovered patients ng lungsod. (ALAIN AJERO)

Read More

5 CALOOCAN DADS KINASUHAN

0

KINASUHAN ng cyber libel ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang limang konsehal ng lungsod dahil sa paninira umano sa isang proyektong pang-edukasyon ng lungsod.

Inihabla ng alkalde sa tanggapan ni City Prosecutor Ferdinand Valbuena sina Konsehal Rose Mercado, PJ Malonzo, Alexander Mangasar, Alou Nubla at Carding Bagus.

“Kung ako lamang ang sinisiraan ng aking mga kalaban sa politika ay maliit na bagay iyan. Sanay na tayo sa mapanirang puring mga kalaban sa politika,” sabi ng alkalde.

“Ngunit ang malisyosong sirain ang isang makabuluhang proyekto ng syudad para makatulong sa edukasyon at pag-aaral ng mga batang taga-Caloocan sa panahon ng pandemya, ay hinding-hindi ko papayagan,” patuloy ng punong-lungsod.

Magugunitang noong Enero ay nanindigan ang ingat-yaman ng lungsod na si Analiza Mendiola, na hindi pabaya ang pamahalaang lungsod sa pagpapasa ng financial reports at nagpaliwanag kung saan ginugol ang pondo ng lungsod para sa COVID-19 kasunod ng pagkwestyon ng ilang konsehal ng oposisyon kung paanong ginastos ito ng administrasyon ni Malapitan.

Noong Enero rin ay mariing itinanggi ni Department of Education (DepEd) Caloocan Schools Governance and Operations Division chief, Dr. Ivy Perez ang akusasyon ukol sa diumano’y matagal na pamamahagi o ‘delayed distribution’ para sa ikalawang kwarter ng pasukan, ng libreng tablets para sa Grade 9 hanggang Grade 12 sa lungsod. (ALAIN AJERO)

Read More