P550,000 kada Chinese ‘SUHULAN’ SA BI MALAKIHAN NA

0

(NELSON S. BADILLA)

NAGPATULOY pa rin ang korapsyon sa Bureau of Immigration (BI) kung saan malakihan na ang pinag-uusapang pera.

Ayon sa sources sa Senado, aabot na sa P550,000 ang ‘suhol’ kada Chinese upang makapasok ito sa Pilipinas, sa pamamagitan ng tanggapan ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang ‘maayos’ at ‘malinis’.

Napakalaki ng P550,000 suhol, o padulas, mula sa P10,000 na hatag sa sindikatong “pastilyas” sa BI na nakabase sa NAIA kada Chinese na papasok sa bansa.

Ang P10,000 ay hatag ng mga Chinese na walang tinatawag na visa upon arrival (VUA) sa NAIA.

Ang P550,000 ay sinasabing kabuuang halaga sa pag-aayos ng lahat ng mga dokumentong kailangan upang masabing “legal” ang pagpasok at pananatili ng Chinese national sa bansa.

Planong magsagawa ng imbestigasyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality hinggil sa bagong diskarte ng korapsyon sa BI.

Ang inisyal na paniwala ng pinuno ng nasabing komite na si Senadora Risa Hontiveros, pagpapatuloy at pagpapaunlad lamang ng pastilyas gang ang bagong halaga ng singil sa pagpasok ng mga Chinese sa bansa.

Nakapila na sa Office of the Ombudsman (OMB) ang kaso ng mga opisyal at kawani ng BI na sangkot sa sindikatong pastilyas.

Ang impormasyon sa Senado ay nakarating na rin sa tanggapan ni BI Commissioner Jaime Morente.

Katunayan, pinaiimbestigahan na niya ang anomalya.

Ibinatay ni Morente ang imbestigasyon sa impormasyong nasakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang “Vivan Lara”.

Nakuhaan si Lara ng P900,000 sa NBI entrapment operation ilang araw na ang nakalipas.

Hiningan umano ni Lara ng P900,000 ang kanyang mga kliyenteng Intsik upang makapasok sa Pilipinas nang walang aberya.

Hindi empleyado ng BI si Lara.

Siya ay empleyado umano ng Calalang Law Office na mayroong akreditasyon upang makipagtransaksiyon sa BI.

Paso na ang personal accreditation ni Lara sa BI noong Enero pa, ngunit nagulat ang tanggapan ni Morente kung bakit nakapasok pa ito sa BI upang mag-asikaso ng mga dokumento ng mga banyaga.

Dahil sa imbestigasyong ipinag-utos ni Morente, ipinasuspinde niya ang akreditasyon ng Calalang Law Office.

Kasama rin sa imbestigasyon ang security force ng BI dahil nagpapasok ito ng taong wala nang “opisyal” na kaugnayan sa BI.

Matatandaang isa sa mga kinasuhan ng katiwalian at korapsyon sa OMB dahil sa ilegal na operasyon ng sindikatong pastilyas ay isang security guard na nakalulula ang yaman.

Ang P550,000 suhol bawat Chinese ang panibago umanong diskarte ng korapsyon sa BI.

Ang BI ay pinamumunuan ng retiradong heneral mula Philippine National Police (PNP) na si Morente. Itinalaga siya ni Pangulong Rodrigo Duterte upang matuldukan ang korapsyon sa BI.

Read More

LIBRE ITO! CELEBRATE LOVE AND REVOLUTIONS SA CCP ARTHOUSE CINEMA SPECIAL SCREENINGS

0

Ngayong love month, patuloy pa rin ang CCP sa kanilang mga proyekto na kagigiliwan at ikatutuwa ng mga mahihilig sa sining dahil ipalalabas nila ang mga pelikula at documentaries mula sa archives ng Cinemalaya at Gawad Alternatibo, gayundin ang mga minahal na Philippine cinema classics.

Single man kayo o coupled, muling buhayin ang kilig moments sa CCP Arthouse Cinema’s “Of Love and Revolutions,” isang special Valentine’s Day cinematic offering tampok ang mga istorya ng pag-ibig at rebolusyon sa iba’t ibang uri at porma. Ito ay nagsimula noong Pebrero 12 at magtatapos sa Pebrero 26, alas-3:00 ng hapon sa CCP Vimeo Channel.

Makipag-flirt sa mga kupido sa “Ligaw Liham,” isang pelikulang idinirehe ni Jay Abello at Manny Montelibano. Ang setting nito ay nasa isang bayan kung saan ang liham ay kinakailangan para makipagkomunikasyon sa iba, ito ay istorya ni Nor, isang mangmang, na umiibig sa isang magandang babaeng may asawa.

Pag-ibig sa bayan ang nangunguna sa “Signos,” “Sister Stella L.,” “EDSA People Power: The Philippine Experience,” “Revolutions Happen Like Refrains in a Song,” at “In the Middle of the Night.”

Ang “Signos,” isang pelikula na idinirehe ni Mike De Leon, ay isang documentary na tumatampok sa mga personalidad, tulad ng, press freedom icon na si Joe Burgos, nationalist Jose “Pepe” W. Diokno, acclaimed director Lino Brocka, human rights lawyer Rene Saguisag, Manila Archbishop Cardinal Sin, at sectoral representatives mula sa mga magsasaka, labor unions, at religious groups na nagsasalita ng katotohanan noong dekada 70 sa ilalim ng isang diktador.

Isang translated narration ni Jose F. Lacaba ng “To Those Who Follow In Our Wake” sa panulat ni Bertolt Brecht na nagsisilbing isang nakakaantig na boses sa pelikula. Pinagsama at na-edit ni De Leon, ang dokumentaryo ay isang pagtutulungan ng maraming tagagawa ng pelikula kasama sina Jose F. Lacaba, Sylvia Mayuga, Ricardo Lee, Ding Achacoso, Joe Cuaresma, Lito Tiongson, at Jovy Zarate.

Karamihan sa mga personalidad na ipinakita at nakapanayam sa Signos ay naging inspirasyon sa likod ng mga tauhang ipinakita sa kinikilalang pelikulang “Sister Stella L,” na pinagbibidahan ng aktres na si Vilma Santos at sa direksyon ni Mike De Leon. Nanalo ito ng Gawad Urian’s Best Picture noong 1984, Best Director, Best Screenplay, at Best Actress (Vilma Santos).

Ang “Sister Stella L,” ay nagkukuwento tungkol sa pagkagising sa lipunan at pampulitika ng isang madre nang siya ay nasangkot sa isang welga ng mga manggagawa at nadamay sa kalagayan ng mga manggagawa at kanilang paglaban para sa hustisya at kalayaan.

Samantala, ang “EDSA People Power: The Philippine Experience” ay isang serye ng mga video clip na kinunan habang ang People Power Revolution ay pinagtagpo bilang pag-alala sa papel na ginagampanan ng mga tao sa pagbagsak ng isang diktador. Ito ay sa direksyon ng Filipino People, at Eva Mari Salvador.

Ang “Revolutions Happen Like Refrains in a Song” ay ang awit ng pag-ibig ni direk Nick Deocampo tungkol sa makasaysayang pakikibaka ng sambayanang Pilipino na humantong sa 1986 People Power Revolution. Panlipunan at makasaysayan, pati na rin ang personal, ang pelikulang ito ay kumukuha sa buhay ng mga Pilipino na nasa kahirapan, prostitusyon, at hindi pagkakasundo, na magkaugnay sa kwento ng transvestite na si Oliver, at ng sariling mga personal na karanasan at kasaysayan ng gumagawa ng pelikula.

Isang makasaysayang at panlipunan na pagtingin sa buhay ng mga Pilipino na humaharap sa kahirapan, prostitusyon, at rebolusyonaryong pagbabago, ang documentary film ay sumasalaysay ng personal na kasaysayan ng gumagawa ng pelikula habang sumasabay ito sa pag-aalsa ng lipunan sa nagdaang 20 taon sa rurok sa People’s Power Revolution.

Sa “In the Middle of the Night,” binibigyang pansin dito si Pangulong Duterte at ang kanyang infamous War on Drugs. Ginawaran ng unang gantimpala sa panahon ng 2017 Gawad Alternatibo, isinulat ng director na si Bryan Kristoffer Brazil ang iba`t ibang mga magkatulad na kaso ng brutal na pagpatay sa Pilipinas na naging talamak at ang kasunod nito – ang mga buhay na hindi binigyang halaga, kawalan ng pag-ibig, kawalan ng hustisya, takot, sakit at pakikibaka ng mga pamilyang naiwan ng “giyera”.

Ang lahat ng screenings ay libre. Para mapanood ito, magtungo sa vimeo.com/ondemand/ofloveandrevolutions at gamitin ang promo code RADICALOVE.  *Ang CCP Vimeo on Demand page ay accessible sa Feb 12, 3 PM (PST) onwards.

Para sa iba pang updates, sundan ang official CCP at CCP Media Arts Division Facebook page. Bisitahin din ang CCP website (www.culturalcenter.gov.ph).

Read More

JSSP nagbigay ng laptops sa CCP

0

Nagbigay ng suporta kamakailan ang Johann Strauss Society of the Philippines (JSSP) sa Cultural Center of the Philippines sa pangunguna ni CCP president Arsenio J. Lizaso, sa pagbibigay ng computer laptops at external hard drives sa 11 departmento ng CCP.

Ang nabiling items ay upang mapaganda pa ang pasilidad ng CCP. Sa nasabing pagbibigay, naging representante ng JSSP sina president Olga Severino Martel and chairman Fortune Ledesma.

Ang JSSP ay itinayo noong 1998 upang itaguyod ang sining at kultura sa pag-oorganisa ng mga espesyal na okasyon tulad ng concerts at musical programs upang itaas ang higit na kamalayan para sa sining at kultura sa isang malawak na saklaw ng lipunan at upang makalikom ng mga pondo para sa kultura at kawanggawa. Nagsasagawa rin ito ng mga aktibidad na maghihikayat sa sibiko, kawanggawa at kamalayang panlipunan sa mga kabataan.

Nasa larawan (mula sa kaliwa) JSSP president Olga Severino Martel, CCP president Arsenio J. Lizaso, JSSP chairman Fortune Ledesma, at JSSP assistant secretary Ditas Posadas.

Read More

1 PATAY, 2 MISSING SA BAGYONG AURING

0

ISA ang iniwang patay ng Bagyong Auring habang may dalawa pa ang nawawala matapos manalasa sa Caraga region.

Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa 31,884 pamilya mula sa Caraga, Davao, Northern Mindanao at Bicol regions ang naapektuhan ng bagyo.

Umabot naman sa 18,996 pamilya ang kinailangang ilikas bago pa humagupit ang bagyo.

Sa inilabas na update nitong Martes ng umaga ng NDRRMC, 60 bahay ang tuluyang nasira dahil sa bagyo habang 180 bahay ang partially damage.

Una rito, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bibisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga lugar na nasalanta ng bagyo sa Caraga region. (JESSE KABEL)

Read More

DRIVER PINATAY SA VAN

0

LAGUNA – Patay na nang madiskubre ang isang shipping lines driver sa loob ng kanyang minamanehong van na nakitang nakaparada sa tabi ng highway sa Cabuyao City sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Tirso Robles, 48, tubong Torrejos, Marinduque at residente sa Carmona, Cavite.

Ayon sa report ng Cabuyao City Police, nadiskubre ang bangkay ng biktima na tadtad ng tama ng saksak sa dibdib dakong alas-8:00 ng umaga sa loob ng kanyang minamanehong Foton van na pag-aari ng Starhorse Shipping Lines Inc. na nakabase sa Lucena City.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagtaka ang mga residente dahil sa kahina-hinalang pagkakaparada ng van sa gilid ng national highway sa Brgy. Banlic, Cabuyao City at nang silipin ng mga bystander ay nakita ang hindi kumikilos na biktima.

Isinailalim na sa pagsusuri ang crime scene at inaalam ang posibleng motibo sa pagpatay sa biktima at kung sino ang suspek. (NILOU DEL CARMEN)

Read More

9 HINIHINALANG LADY SUICIDE BOMBERS ARESTADO SA JTF-SULU

0

SIYAM na kababaihang hinihinalang hinahasa para maging suicide bombers, ang nadakip sa inilunsad na law enforcement operation ng Joint Task Force Sulu, katuwang ang Philippine National Police, sa nabanggit na lalawigan.

Ayon kay Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. Corleto Vinluan, nagsagawa ng sabay-sabay na law enforcement operations ang Joint Task Force-Sulu, sa pamumuno ni Sulu commander, M/Gen. William N. Gonzales, at mga operatiba ng PNP, laban sa hinihinalang potential suicide bombers at mga personalidad na may kaugnayan sa Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon kay M/Gen. Gonzales, kabilang sa siyam na nadakip ay sina Isara Jalmaani Abduhajan, 36; Jedah Abduhajan Amin, 28, at Elena Tasum Sawadjaan-Abun, 40, pawang mga anak ng napaslang na ASG leader na si Hatib Hajan Sawadjaan.

Nakuha sa nasabing operasyon ang ilang sangkap sa paglikha ng improvised explosive device mula kay Isara at Jedah nang isilbi sa kanila ang warrants of arrest sa Barangay Bangkal, Patikul, Sulu.

Habang si Elena, biyuda rin ni ASG sub-leader Walid Abun, ay nadakip naman sa Kalimayahan Village, Brgy. Latih, Patikul, kasama ang suspected potential suicide bomber na si Firdauzia Said alyas Firdausia Salvin, biyuda ni ASG sub-leader Mannul Said.

Sa isa pang law enforcement operation sa Brgy. Tulay, Jolo, Sulu, naaresto naman ng AFP at PNP units ang iba pang potential suicide bombers na sina Nudsza Ismanu Aslun, biyuda ni ASG member alyas Jabar; at Nurshahada A. Isnain, asawa ng ASG member na kinilala lamang sa alyas na Akram, isa sa pinagkakatiwalaang mga tagasunod ni ASG sub-leader Mundi Sawadjaan.

Ilang personalidad pa na nahaharap din sa kahalintulad na kasong paglabag sa RA 9516 o illegal/unlawful possession, manufacture, dealing in, acquisition or disposition of firearms, ammunition or explosives, ay sina Linda Darun Maruji, Risa Jhalil at Sharifa Rajani, pawang naninirahan sa Kalimayahan Village, Brgy. Latih, Patikul, Sulu.

“This is how desperate the remaining terrorists are willing to sacrifice their families just to get back at government forces. JTF-Sulu will continue to exhaust all our options to put an end to terrorism here in this province. Thus, we will constantly collaborate with the police to press legal charges towards ASG members, supporters and sympathizers,” ani MGen Gonzales.

Paliwanag naman ni Lt. Gen Vinluan, kasalukuyang sumasailalim na sa oryentasyon ang ilang nadakip base sa intelligence information na hawak nila bukod pa sa pagkumpirma ng ilang sumukong ASG, na ginagawa sa ilang bahay ang gagamiting mga IED.

Mas madali umanong ma-recruit ang mga kababaihan dahil may tanim na galit ang mga ito dahil sa pagkamatay ng kanilang mga magulang o asawa, bukod pa sa mahirap na ma-detect kung babae ang gaganap na suicide bombers.

“The intelligence driven operation was a tie-up between military and PNP forces with Metro Jolo Inter-Agency Task Group Commander Col. Giovanni Franza’s overall supervision. Involved units include 35th Infantry Battalion under Lt. Col. Wilfredo B. Borgonia Jr., K9 unit of JTF-S, 7th Special Action Battalion of Special Action Force under P/Lt. Col. Jessie D. Balinang and Regional Intelligence Unit 9 of PNP-IG,” dagdag pa ng opisyal.

“Our combined forces recovered improvised explosive device (IED) components such as switches, batteries, pipes, concrete nails, blasting caps, suspected ammonium nitrate fuel oil (ANFO) and detonating cords. These are now at PNP’s crime lab,” pahayag naman ng PNP Intelligence Unit. (JESSE KABEL)

Read More

P10-M SHABU NASABAT SA CALOOCAN

0

ISANG hinihinalang drug courier ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa #185 Malaria North, Caloocan City noong Lunes.

Ayon sa isinumiteng ulat kay PDEA Director GEneral Wilkins Villanueva, kinilala ni PDEA IV-A Team R-SET leader Christopher S. Basilo ang suspek na si Jovit M. Dela Cruz, 27, residente sa Brgy. 185, Malaria North ng nasabing siyudad.

Si Dela Cruz ay nadakip sa entrapment operation bandang alas-2:00 ng hapon noong Lunes habang kasagsagan ng buhos ng ulan, sa isang mall sa Quirino Ave. sakop ng Malaria Sanitarium, sa nasabing lungsod

Nakumpiska sa suspek ang 500 gramo ng umano’y shabu na aabot sa P3.4 million ang street value.

Ngunit ayon sa suspek, ipina-deliver lamang sa kanya ang nasabing ilegal na droga.

Una rito, aabot sa P7 million ang halaga ng umano’y shabu na naharang ng Bureau of Customs (BOC) at PDEA, na nakasilid sa air fryer mula sa Sha Alam, Malaysia.

Noong Pebrero 19, 2021, sa pakikipag-ugnayan ng BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency Region (PDEA) Region III, agad nagsagawa ang mga awtoridad ng controlled delivery operation na naging daan sa pagkakaaresto ng claimant nito sa Region VII (Cebu City).

Base sa report ng Port of Clark, ang P6.8 million na halaga ng shabu ay nakalagay sa plastic packs at may timbang na 1,000 grams o isang kilo.

Dumating sa bansa ang shipment noong Pebrero 16 at idineklarang “air fryer, silkware”.

Ngunit nang dumaan ito sa physical examination ay nadiskubre ang mga kontrabando na kinabibilangan ng dalawang piraso ng kawali at isang air fryer at nabulgar ang nakapaloob na may isang kilo ng shabu.

Agad namang naglabas ng warrant of seizure and detention order si District Collector Atty. Ruby Alameda laban sa personalidad na nakapangalan sa shipment, dahil sa paglabag sa RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)

Read More

P13-M CHINESE MEDICINES, YOSI NASABAT SA P’QUE

0

NAKUMPISKA ng Bureau of Customs (BOC) ang P13 milyong halaga ng mga sigarilyo at gamot na umano’y panlaban sa COVID-19, na pawang mga produktong galing China.

Ang nasabing halaga ng mga produktong galing China ay nakumpiska sa inilunsad na dalawang operasyon ng BOC, sa tulong ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) noong Pebrero 16 at 19.

Ang mga ito ay natagpuan sa isang bodega sa Barangay Tambo, Lungsod ng Parañaque.

Ayon kay BOC Commissioner Rey Guerrero, ilegal ang nasabing mga sigarilyo at gamot.

Ani Guerrero, sasampahan ang mga taong nasa likod ng pagpuslit ng P13 milyong halaga ng mga ilegal na produkto dahil sa paglabag sa Seksiyon 1400 ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ikinatuwa ni Guerrero ang resulta ng pinakabagong operasyon ng BOC.

Ang nabanggit na operasyon ay bahagi pa rin ng patuloy na pagsugpo ng BOC sa pagpasok ng mga ilegal na produkto sa bansa. (MARINHEL T. BADILLA)

Read More

Shabu ginawang family business MAGKAKAPATID ARESTADO

0

ARESTADO sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10, ang tatlo katao na magkakapatid at dalawa pa, sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Kristong Hari, Quezon City noong Lunes ng gabi.

Kinilala ni QCPD director, P/Brigadier General Danilo P. Macerin ang mga suspek na ang magkakapatid na sina Marvin Reyes, 29; Rosalyn Reyes, 31, Maricris Reyes, 28, gayundin sina Oliver Cordora, 31, at Japeth Piedad, 32, pawang mga residente ng Brgy. Tatalon ng nabanggit na lungsod.

Ang mga suspek ay nadakip sa buy-bust operation dakong alas-9:30 ng gabi noong Pebrero 22 sa loob ng Room no. 23 sa Crest Apartelle sa E. Rodriguez Sr., Brgy. Kristong Hari.

Ayon sa ulat ng pulisya, ini-report ng isang regular confidential informant sa SDEU ng PS10, ang illegal drug activities ni Marvin lalo na ang umano’y pagbebenta ng shabu sa bisinidad ng Brgy. Kristong Hari, kaya agad inilatag ang buy-bust operation.

Makaraang makabili ang isang undercover operative ng P12,500 halaga ng shabu mula kay Marvin ay inaresto ito, kasama si Cordora.

Samantala, sa isinagawang drug transaction, naaktuhan naman sina Rosalyn, Maricris at Japeth habang nagsasagawa ng shabu session

na naging dahilan ng pag-aresto sa mga ito.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang sa 61 gramo ng shabu na P414, 800 ang halaga, drug paraphernalia, buy-bust money at isang cellular phone na ginamit sa drug transaction.

Ang mga suspek ay kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOEL O. AMONGO)

Read More