SINOPHARM PINAG-AARALAN KUNG PWEDE KAY DUTERTE

0

MASUSING pinag-aaralan na ngayon ng legal team ng Malakanyang kung ang COVID-19 vaccine na gawa ng Sinopharm ang ituturok kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilalim ng special permit for compassionate use.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, mas pinili ng 75-anyos na pangulo ang Sinopharm’s vaccine.

Bago gamitin ang isang bakuna ay kailangan makakuha muna ng emergency use authorization mula sa Food and Drug Administration (FDA) para maging legal sa bansa.

Giit ni Sec. Roque, hindi pa nag-a-apply ang Sinopharm ng EUA sa FDA.

Magkagayunman, papayagan ng FDA na magamit ang bakuna nang walang EUA approval subalit kailangan na mayroon itong compassionate use permit. (CHRISTIAN DALE)

Read More

PAGPAPABAKUNA NI ROQUE NAUDLOT

0

“WALA na for the day. Might get tomorrow.”

Ito ang dahilan ni Presidential spokesperson Harry Roque kaya hindi siya nagpaturok ng bakuna na Sinovac sa Philippine General Hospital (PGH) ngayong araw.

Aniya, 100 vials lamang ng bakunang Sinovac ang nakalaan sa PGH kaya’t hindi na siya nabakunahan sa kabila na dumaan siya sa tamang proseso.

Sa kabilang dako, sina Testing czar Vince Dizon, Dr. Alfonso Victorino Famaran, DJNRMH, medical center chief at hospital’s nursing service chief Samuel Sumilang at dalawang medical

personnel ang nakatanggap ng kanilang unang bakuna sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, dating Tala Sanitarium, sa Caloocan City.

Sinasabing tumaas nang bahagya ang blood pressure ni Dizon kaya’t hindi siya agad nabakunahan pero matapos makapagpahinga ay nabakunahan din.

Ang lahat naman ng mga nabakunahan ay babalik matapos ang 4 na linggo para sa kanilang pangalawang bakuna.

Sinaksihan naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang nasabing pagbabakuna. (CHRISTIAN DALE)

Read More

F2F CLASSES TABLADO PA RIN

0

HINDI pa rin papayagan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang face-to-face classes sa bansa sa kabila nang sinimulang pagbabakuna laban sa COVID-19.

“Huwag muna ngayon. Not now. I cannot make that decision,”ayon kay Pangulong Duterte sa press briefing sa Villamor Air Base, Pasay City nang salubungin nito ang pagdating sa bansa ng halos 600,000 doses ng COVID-19 vaccines mula sa Chinese drugmaker Sinovac.

Tugon ito ng pangulo sa tanong kung papayagan niyang bumalik ang “in-person classes” lalo pa’t ang bakuna ay dumating na sa bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang face-to-face classes ay hindi makabubuti sa mga bata sa ngayon.

Matatandaang sinabi ng DepEd na napag-iiwanan na ang Pilipinas sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya na nagsasagawa ng face-to-face classes.

Sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na ito ang sinabi sa kanya ng UNICEF sa naging pulong nila kamakailan.

Paglalahad ni Briones, “contextualized” ang face-to-face classes sa ibang bansa kung saan may iba aniya na may isang oras sa isang linggo habang ang iba naman ay dalawang araw, depende sa sitwasyon.

Una rito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tatalakayin ng gabinete sa susunod na linggo ang posibilidad ng pagsasagawa ng face-to-face classes sa piling mga lugar. (CHRISTIAN DALE)

Read More

PFIZER VACCINE INAASAHAN SA 2ND QUARTER NG TAON

0

SINABI ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na may kabuuang 117,000 doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines mula sa COVAX facility ang maaaring dumating sa bansa sa second quarter ng taon.

“Ang nakikita po natin, mga second quarter [darating sa atin]. Ito iyong galing sa COVAX na Pfizer na makukuha natin,” ang pahayag ni Sec. Galvez sa Laging Handa public briefing.

Aniya pa, ang supply naman ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines na babayaran ng pamahalaan ay mahuhuli subalit darating ito sa loob ng taong kasalukuyan.

“Iyong procurement [natin ng Pfizer], mga third and fourth quarter [pa darating] dahil wala na silang supply,” dagdag na pahayag nito.

Matatandaang sinabi ni Galvez na dahil sa kawalan ng bansa ng indemnification law – o batas na nagbibigay ng kompensasyon sa mga indibidwal na magtatamo ng seryosong side effects mula sa COVID-19 vaccine – kaya naantala ang pagdating ng Pfizer COVID-19 vaccine sa Pilipinas.

Nanawagan si Galvez sa Kongreso na magpasa ng indemnification law, na siyang hinihingi ng COVAX, ang kolaborasyon sa pagitan ng World Health Organization (WHO), Gavi vaccine alliance, at Coalition for Epidemic Preparedness Innovations ukol sa patas na pamamahagi ng COVID-19 vaccines.

“Iyong nakita po natin noong unang negotiation namin ng Pfizer, hindi po nila inilabas iyong tinatawag nila na extensive indemnification agreement. That’s why ito lang na lumabas noong

nagkaroon tayo ng ano….na COVAX na darating na sila this coming February 15. Doon po lang nila inilabas iyong tinatawag na annex sheet,” ang pahayag ni Galvez.

“So kami…talaga pati kami nabigla, dahil kasi ang nanghihingi lang ng indemnification law or iyong tinatawag na statutory law for vaccine is only iyong Johnson and Johnson. Ang Pfizer hindi

niya po iyan ni-raise that’s why nabigla po kami noong sinabi nila na we need to have an annex. And iyon nga po, mayroon silang pinapatanggal na provisions that we cannot do, considering that is only our protection kung just in case nagkaroon ng gross negligence,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, batay sa ebalwasyon ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas, ang Pfizer-BioNTech vaccine’s efficacy rate ay 95% sa kanilang study population at 92% naman sa ibang lahi.

Ang Pfizer-BioNTech ang kanuna-unahang COVID-19 vaccine brand na nakakuha ng emergency use authorization mula sa FDA ng Pilipinas noong Enero 14. (CHRISTIAN DALE)

Read More

PUV DRIVERS, TRANSPORT WORKERS, ‘WAG IWAN SA BAKUNA

0

HINILING ni Senador Grace Poe sa Palasyo na huwag kalimutan bagkus unahin ang mga drayber ng pampublikong sasakyan at iba pang transport workers dahil sila ang pinakamatinding tinamaan ng pandemya ng COVID-19.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate Committee on public  services, na dapat may katapat ang kagalakan sa pagdating ng unang bakuna sa malinaw na pagtanaw ng sistematikong paglalatag ng proseso ng pagbabakuna.

“Kung bibigyan ng bakuna ang health workers kabilang ang iba pang prayoridad na sektor, hindi natin dapat kalimutan ang PUV drivers at iba pang manggagawa sa transportation sector, na pangunahing susi sa pagbangon ng ekonomiya,” giit ni Poe.

Sinabi ni Poe na sa nakalipas na ilang buwan ng lockdown, naging lifeline ang transportation workers sa ating mga komunidad: “Sila ang naghahatid ng manggagawa sa mga tanggapan, naghahatid ng pagkain sa ating tahanan at tumutulong na maipagpatuloy ang daloy ng produkto ng mga negosyo.”

“Ang mga driver kabilang ang ibang grupo na nasa listahan ng prayoridad – senior citizens, titser, OFWs, essential staff, frontline workers, at mahihirap –  ang mas kailangan ng proteksiyon laban sa virus dahil sa kanilang sitwasyon habang magsisimula na tayong tumahak sa landas patungo sa bagong normal,” ayon kay Poe.

Samantala, ikinagalak naman ni Senador Joel Villanueva ang pagdating ng unang batch ng bakuna kaya nagsimula ang unang hakbang patungo sa isang daang milyong turok.

“But today’s events shouldn’t be seen as a mere symbolic start but as the start of something sustained, without let up, and in numbers increasing by the week,” ayon kay Villanueva.

Aniya, magiging makabuluhan ang unang taon ng lockdown sa Marso 15 sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating kagustuhan na wakasan ang pananalasa ng takot sa COVID-19. “One injection at a time.”

“Sa ganun din pong pamamaraan natin mabibigyang parangal at saysay ang matinding sakripisyo ng ating mga medical frontliners,” aniya.

Maaari natin silang parangalan sa pamamagitan ng pagbibigay nang mas maraming bakuna na mapagpipilian na dapat maibigay ng pamahalaan sa kanila at sa ating mamamayan, ani Villanueva. (ESTONG REYES)

Read More

IRR SA INDEMNIFICATION LAW TATALAKAYIN

0

PAG-UUSAPAN na ng PhilHealth ang packages na maaari nitong ibigay sa mga makararanas ng side effect ng bakuna sa ilalim na ng indemnification law.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na lalabas naman ito sa babalangkasing Implementing Rules and Regulation.

“Well, siguro po magkakaroon po ng pagpupulong ang PhilHealth at magkakaroon sila ng tinatawag na packages kung kinakailangan. Sa ngayon po kasi, they work on the basis of case rate na tinatawag – kung ano iyong sakit, ito iyong benepisyo na makukuha sa PhilHealth,” ayon kay Sec. Roque.

Inaasahan na aniya nila na ganito rin ang magiging patakaran pagdating sa maaaring bayaran sa mga makararanas ng side effects dahil sa bakuna.

Sinabi pa ni Sec. Roque na ganito ang ginagawa ngayon kung saan may halagang binabayaran para sa mild, critical at serious cases ng COVID-19. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Defensor sa liderato ni Velasco SUNDALO, PULIS NINAKAWAN

0

(BERNARD TAGUINOD)

INAKUSAHAN ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco na pinagnakawan ang mga retiradong sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel.

Sa kanyang privilege speech kahapon, sinabi ni Defensor na umaabot sa P20 billion ang ninakaw diumano ng liderato ni Velasco sa pension and gratuity funds ng mga retired military, police, bureau of fire, coast guard at mga jail guard.

“Ako po ay tumayo dahil hindi ko po masikmura ang sitwasyon ng ating mga retiradong sundalo, mga pulis at iba pang sangay ng ating armadong sektor,” ani Defensor matapos matuklasan na umaabot sa P20 billion sa ilalim ng 2020 national budget ang ibinawas dito.

Nabatid na base sa proposal ng Department of Budget and Management (DBM), P172.9 billion ang inilaan para sa pension at gratuity funds ng mga retirado at magreretirong sundalo, pulis at iba pang uniformed personnels.

Gayunman, P152 billion lamang ang inaprubahan ng liderato ni Velasco kaya mahigit P20 billion ang nawawalang pondo.

“I now ask the leadership of Speaker Lord Velasco, why this happen. Paano natin pinayagan na ang pension at gratuity fund ng ating mga pulis, ng ating mga sundalo, ang mga coast guard, bureau of fire at jail guards. Bakit natin pinakialaman ang dapat nilang tanggapin pag sila ay nagretiro at ang pension nila buwan-buwan ay para sa kanilang pamilya,” ani Defensor.

Sa gitna aniya ng pandemya at paghihirap ng mamamayan ay naghahanap ng pang-ayuda sa mga ito ay hindi makatarungan “na kukunan ng pondo ang mga tao na nagsilbi sa bayan, nag-alay ng buhay at nagsakripisyo para sa ating kapayapaan”

“Ang pangalawang tanong ko, saan napunta ang P20 bilyon na kinuha?” ani Defensor na inihayag ding lumalabas sa 2021 general appropriations act na umaabot sa P32 billion ang dagdag na proyekto ng ilang mambabatas para sa kanilang distrito na inilagak sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa ilalim ng GAA, may pondo na aniya ang bawat distrito subalit hindi katanggap-tanggap na kukunan pa ang mga retiradong sundalo, pulis at iba pa para lamang magkaroon ng karagdagang pondo ang ilang kongresista sa kanilang distrito.

Agad namang inabsuwelto ni Defensor si House appropriation committee chairman Eric Yap sa nasabing kontroberya.

“Its not his (Yap) responsibility. The command responsibility of this budget is with Speaker Lord Velasco and no one else. At least with the House of Representatives,” pagtatapos ni Defensor.

Read More

Nagtitiwalang Pinoy 30% pa lang PAGBABAKUNA UMARANGKADA

0

(NELSON S. BADILLA at BERNARD TAGUINOD)

OPISYAL nang sinimulan kahapon ang baksinasyon sa maraming ospital ng pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Naganap ito isang araw makaraang dumating ang 525,600 doses ng Coronavax, bakuna ng Sinovac, sa bansa nitong Linggo.

Ang 525,600 doses ng bakuna ay donasyon ng pamahalaan ng China sa Pilipinas.

 

Tiwala ng Pinoy

May hamon naman ang pinuno ng Kamara upang maiangat ang tiwala ng publiko sa bakuna.

Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, dapat maunang magpabakuna ang lahat ng elected officials upang mahikayat ang kanilang constituents.

Ginawa ni Velasco ang hamon kasabay ng pagdating ng Sinovac vaccine mula sa China kung saan maraming matataas na opisyal ng pamahalaan ang unang nabakunahan kahapon.

“Ang ating mga elected leaders should be at the forefront to be able to show the people na talagang kinakailangan natin ng bakuna, at talaga namang kinakailangan para ma-control natin ang pandemya,” ani Velasco sa ambush interview sa flag raising ceremony kahapon sa Batasan.

Sa ngayon ay 30% lamang sa mga Pilipino ang handang magpabakuna dahil mayorya sa mga tao ay takot lalo na’t maraming report sa ibang bansa na unang nag-rollout ng COVID-19 vaccine ang nagkaroon umano ng negative effect katulad sa Norway na may mga namatay pa.

Pero ayon kay Velasco, mahalaga ang bakuna at kailangang maging ehemplo ang lahat ng elected officials.

“Of course,” sagot ni Velasco nang tanungin kung magpapabakuna rin ito subalit hindi sinabi kung ano ang brand na nais nitong maiturok sa kanya.

Ayon sa ulat, AztraZeneca umano ang inorder ng Kamara para sa mga empleyado at pamilya ng mga ito.

Walang ibinigay na petsa si Velasco kung kailan sisimulan ang covid vaccine rollout sa Kamara subalit base sa advisory ng House Secretary General’s Office noong nakaraang buwan, target ito ngayong Marso o Abril.

 

Seniors maghihintay

Samantala, sinabi ni Senior Citizen party-list Rep. Rodolfo Ordanez na “willing to wait” ang karamihan sa matatanda.

“Karamihan naman sa seniors ay “willing to wait” sa Pfizer or Johnson & Johnson vaccine dahil malusog naman sila at sumusunod sa safety protocols,” ayon pa sa mambabatas.

Dahil dito, hinimok ng mambabatas ang mga kapwa senior citizen na magpakonsulta na sa kanilang mga doktor para malaman kung anong bakuna ang dapat iturok sa kanila.

 

Hinati ni Duterte

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, 100,000 sa dumating na bakuna ay nakalaan sa mga opisyal at kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP), habang ang nalalabi ay ituturok sa mga medical frontliner o healthworkers ng mga ospital ng pamahalaan.

Ang bakuna ng Sinovac ay isa sa tatlong panlaban sa COVID-19 na gagamitin ng Department of Health (DOH).

Bagamat kulelat na sa maraming bansa, kabilang ang mga nasa Asya na kalapit ng Pilipinas, masasabing ‘sumipa’ ang pinakamaigting na kampanya ng administrasyong Duterte laban sa COVID-19 kahapon ng umaga.

Nanguna ang ilang opisyal ng pamahalaan, taktika ni Duterte upang mahikayat ang pinakamalaking bilang ng mamamayang Pilipino na magpabakuna.

Ginawa ito dahil hindi naabot ng mga ahensiya ng pamahalaan, mga ospital at maging ng mga pamahalaang lokal ang target na babakunahan dahil sa mga nababalitaan nilang negatibong epekto ng bakuna at 50% lang ang bisa ng bakuna ng Sinovac batay sa clinical trials sa Brazil at Indonesia.

 

Nagsimula sa PGH

Sinimulan ang baksinasyon sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila kung saan nanguna sa mga tinurukan si Dr. Gerardo Legaspi (direktor ng PGH) na sinundan ng iba pang mga kawani at ni Secretary Carlito Galvez Jr. (vaccine czar).

Sabi ni Legaspi: “We have vaccinated around 96 individuals already in one hour. This is a lot more than we expected… We’re stopping at 100 and we will prepare better for tomorrow. Tatapusin po natin ang sangdaan ngayong araw”.

Nagpaturok din si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr. kahit nagkaroon na siya ng COVID-19 noong nakalipas na taon.

Lumahok si Abalos sa programa dahil pinayuhan siya ng kanyang doktor na puwede siyang magpabakuna.

 

Military doctors

Sumunod sa PGH ang mga military doctor ng Victoriano Luna Hospital sa Quezon City.

Ang pinuno ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at tracing czar na si Secretary Vince Dizon ang nangunang opisyal ng pamahalaan sa baksinasyon sa Jose Rodriguez Memorial Hospital, o Tala Hospital, sa lungsod ng Caloocan.

Nagpaturok din ang hepe ng ospital na si Dr. Alfonso Victorino Famaran Jr. at iba pang mga opisyal at healthworkers ng nasabing pagamutan.

Naglunsad na rin kahapon ng kani-kanilang baksinasyon ang Lung Center of the Philippines (LCP) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC) na parehong matatagpuan sa Quezon City.

 

Duque umatras

Samantala, hindi nagpabakuna si DOH Secretary Francisco Duque III dahil sa kanyang edad na hindi umano kuwalipikado sa bakuna ng China.

Ang mga nagpabakuna ay muling tuturukan ng parehong uri ng bakuna bago matapos ang Marso.

Sa pag-usad ng programang baksinasyon ay malaki ang posibilidad na isailalim ni Duterte ang Metro Manila at walo pang lalawigan sa “modified general community quarantine” (MGCQ).

Matatandaang tinabla ni Duterte ang kahilingan ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ilagay na sa MGCQ ang buong bansa upang umusad at makabawi na ang ekonomiya dahil sa hindi pa dumarating ang bakuna sa Pilipinas.

Kinumpirma naman ng DOH na sa susunod na linggo pa darating ang bakuna ng AstraZeneca dahil mayroon pang nilutas na isyu hinggil sa pagpapadala sa Pilipinas ng mga nasabing bakuna.

Sa paggamit ng bakuna ng Sinovac, idiniin ni Galvez na “the best” ang bakuna ng Sinovac dahil ito ang unang dumating sa bansa.

 

Makasaysayan

Itinuturing naman ng Malakanyang na makasaysayang araw kahapon (Lunes) dahil sa pagsisimula ng pagbabakuna laban sa COVID-19.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ito ay pagsisimula ng pag-asa, matapos ang halos isang taon ng kadiliman dahil sa COVID-19.

“Maraming salamat sa aking kapwa Spox. Well, hindi lang po si Dr. Domingo ang taal na taga-PGH. Siguro po dito sa ating panel ngayon, ako lang po ang pinanganak dito sa Philippine General Hospital. At dahil dito po ako pinanganak, tama lang po na ang ating pinakahihintay na pagbabakuna laban sa COVID-19, dito po muna sa PGH magsisimula,” ayon kay Sec. Roque.

Samantala, pinasalamatan naman ni Sec. Roque sa ngalan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng sambayanang Pilipino ang lahat ng medical frontliners dahil sa pagiging tunay na bayani ng mga ito sa panahon ng COVID-19.

“At dahil kayo po ang ating tunay na bayani, tama lang po na kayo po ang mauna sa COVID-19 vaccine. Ito po ay pagpapakita ng aming pagpapasalamat at utang na loob. Mabuhay po ang lahat ng medical frontliners!” pahayag pa ng kalihim. (May dagdag na ulat sina MARINHEL T. BADILLA/CHRISTIAN DALE)

Read More

PILOT F2F CLASSES ISANGGUNI SA EXPERTS

0

HINILING ni Senador Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na magbuo ng sariling “panel of experts” na magsisilbing gabay sa pagsasagawa ng panukalang pilot test para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa low-risk areas.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na dahil tinututukan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ang panel ng mga eksperto ng DepEd ang maaaring sumuri sa pilot testing program ng face-to-face classes gamit ang mas angkop na kaalaman, lalo na’t magkakaiba ang sitwasyong kinakaharap ng mga paaralan.

“Hindi naman ibig sabihin na dahil nagkansela ng face-to-face classes, titigil na rin tayo sa pilot schools. Ito ay magandang paraan para mapag-aralan ng ating mga siyentista ang maaaring gawin upang maibsan ang matinding pinsala ng COVID-19 sa ating mga mag-aaral,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Bagama’t unang binalak ng DepEd na magsagawa ng pilot test sa mahigit isang libong (1,065) paaralan, pabor si Gatchalian sa mga suhestiyon na isagawa ang mga ito sa mas maliit na bilang ng mga paaralan na dadaluhan ng kakaunting bilang ng mga mag-aaral sa mga lugar na wala o maliit ang bilang ng kaso ng COVID-19.

Ibinahagi ng Philippine Pediatric Society (PPS) ang resulta ng pag-aaral sa halos dalawang-daang (191) bansa, kung saan walang ugnayang nakita sa kalagayan ng mga paaralan sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa komunidad. Nagbabala rin ang organisasyon na ang isang taong pagsasara ng mga paaralan ay katumbas ng dalawang taong pagkawala ng pagkatuto ng mga estudyante. (ESTONG REYES)

Read More