DAPAT PAMARISAN SI PATROLMAN DIMAIWAT

0

BAKIT ko sinasabi na dapat pamarisan ang isang bagitong pulis?

Isang Police Trainee ng Rosario Municipal Police Station ng Rosario La Union itong si Patrolman Joshua Ensano Dimaiwat na isang Bicolano.

Miyembro siya ng ALAB-BALASIK CLASS 2020-02 Aviation Group.

Isa si Patrolman Dimaiwat sa mga bagong pulis na nagti-training sa Regional Training Center 1, ­Aringay, La Union kaya napunta siya sa lalawigang ito.

Si mamang pulis para mabilis na makarating sa police station mula sa kanilang boarding house ay bumili ng bisikleta na anim (6) na buwan na niyang ginagamit.

Pagkatapos nang kaniyang training sa La Union ay nakatakda na siyang umuwi sa sarili niyang probinsiya sa Region 5 o mas kilala sa tawag na Bicol region.

Bago pa man siya umuwi sa kaniyang sariling probinsiya ay ­nakita at naalala niya ang isang batang nagtitinda ng gulay na si Gabriel.

Sa awa niya sa bata at ­paghanga na rin sa sipag nito na naglalakad lang habang inilalako ang panindang gulay, minabuti ni Patrolman Dimaiwat na ibigay na lang ang kaniyang bisikleta.

Siyempre, walang mapagsidlan ng tuwa ang batang si Gabriel dahil bukod pa sa bisikleta ay binigyan din siya ng bagitong pulis ng dagdag na puhunan sa pagtitinda ng gulay.

Mabuhay ka Patrolman Dimaiwat, Sir! God Bless Po!

Sa paghanga ko sa kabutihan ng pulis na ito ay hindi ako nagdalawang isip na bigyan siya ng espasyo sa panulat na ito.

Sana maraming katulad ni Patr­olman Dimaiwat sa kabaitan niya sa kanyang kapwa.

Hindi ko naman sinasabi na magbigay din ang iba pang pulis ng gamit at pera sa ibang tao.

Pero sa atin na mga sibilyan ay masaya na tayo na may nakikitang pulis na may malasakit sa kapwa.

Sundin lang nila ang motto ng PNP na “to serve and protect” sapat na yun.

Kung tutulong pa sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera at gamit sa iba ay sobra-sobra na ang ating pasasalamat sa kanila tulad ng ginawa ni Patrolman Dimaiwat sa isang batang nagtitinda ng gulay.

Naisip ko tuloy na ang ginawang pagtulong ni Patrolman Dimaiwat ay bilang pagpapasalamat sa Panginoon na naging pulis siya.

Kung tutulad ang kapwa niya mga pulis kay Patrolman Dimaiwat ay walang kadudadudang babalik ang tiwala sa kanila ng taumbayan.

Hindi man siya gantihan ng tao sa kanyang ginawang pagtulong sa kapwa, ang Panginoon na ang bahala sa kanya.

Ang matulungin na tao sa kanyang kapwa ay mas maraming balik sa kanyang grasya.

Nariyan na ang pagiging masaya ng kanyang pamilya, matiwasay ang kanilang pamumuhay at siyempre mababait ang kanilang mga anak.

Masarap kasi ang pakiramdam natin pag nakatutulong tayo sa nangangailangan.

Ang mga ganitong pulis, ay siguradong mabuti ang kanyang pamilyang pinagmulan.

Ang tao na mapagmahal sa kapwa, minamahal din siya ng iba.

Pag mabuti ang ating ginagawa ay hindi tayo susuklian nang masama ng ating kapwa.

Madali natin malaman ang tao na may mabuting puso, madali siyang maantig sa mga tao na nagsisikap sa pamamagitan ng paghanapbuhay ng malinis.

Ang Panginoon pag kumilos ay gagamit din siya ng ibang tao para tulungan ang naging mabuti sa kaniyang kapuwa.

Ganyan ang nangyayari kay Patrolman Dimaiwat. Ginamit siya ng Panginoon para tulungan niya ang bata na nagsasakripisyo ng pagtitinda ng gulay para lang may makain sila.

Bagamat sunod-sunod ang kontrobersiya na kinasasangkutan ng Philippine National Police (PNP) ay marami pa rin sa kanila ang may malasakit sa kapwa at tapat sa serbisyo.

Isipin na lang ng mga nasa ­gobyerno na ang mga tao na kanilang pinagsisilbihan ay kapatid, anak, magulang, kadugo at kalahi natin.
Dapat “honest to goodness” ang kanilang serbisyo sa taumbayan.

Nanawagan na rin po tayo sa ating mga kababayan na sumunod tayo sa health protocols na ipinatutupad ng gobyerno dahil para naman sa atin lahat ito.

Ang COVID-19 ay walang ­pinipili. Mayaman ka man o mahirap, bata ka man o matanda ay pwede tayong lahat tamaan nito.

Mas makabubuti na sumunod na lang tayo sa mga patakaran ng mga eksperto na nakakaalam kung paano maiiwasan ang pagkalat ng virus.
Samahan po natin ng dasal at lilipas din ang pagsubok na ito sa buong mundo..

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0919-259-59-07.

Read More

HEALTH IS WEALTH SA MGA TIMAWA

0

MAY kasabihan ang mga matatanda na di baleng walang pera basta huwag lang magkasakit. Ang maayos na kalusugan ang tanging yaman ng mga mahihirap kaya ang dasal ng lahat ay huwag magkasakit.

May mga pagkakataon lang talaga na magkakasakit ka lalo na kapag inabuso mo ang katawan mo noong bata ka at kalakasan mo pa kaya napag-ipunan ka at pagtanda mo, sinisingil ka ng katawan mo.

Pero sa iba, lalo na sa mga timawa, ang kalusugan ng mga tao ang kanilang yaman. Ang Health ng mga tao ang kanyang Wealth o kayamanan. Pinagkakakitaan nila ang kalusugan ng mga tao. ­Yumayaman sila sa kalusugan ng mga tao.

Tulad na lamang nitong mga health officials natin na kapag mura ang gamot na nakakagaling naman ng sakit ay parang ayaw nilang ipagamit at mas gusto nila yung mahal. Bakit? Magkano ang dahilan?

Nitong nagdaang araw, pinaimbestigahan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang dahilan bakit ayaw payagan ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) na gamitin sa mga ­COVID-19 patients ang Ivermectin.

Aminado si Cong. Mike na isa sya sa gumamit ng Ivermectin noong magkaroon siya ng ­COVID-19 na sinabayan ng ­paracetamol at vitamin C kaya nakarecover agad siya sa nakamamatay na virus na galing sa Wuhan, China.

Kung hindi nagkaroon ng imbestigasyon ang Kongreso, hindi magbabago ng posisyon ang FDA. Pero ang nakakabanas lang, bakit sarado ang isip nila sa gamot na ito noong una?

Tandaan natin na walang lumabas sa Congress hearing na nagsasabi na hindi nakakaga­ling ang Ivermectin ng COVID-19, wala. Walang sinabi sina FDA chief Eric Domingo at Health ­Secretary Francisco Duque III na hindi ­nakakagaling ang Ivermectin.

Hindi pa raw kasi registered drug para sa tao ang ivermectin kaya hindi ito mairekomenda na gamitin kahit sa compassionate used lang muna habang pinag-aaralan.

Pero bakit ang Remdisivir, binigyan nila ng go signal para sa compassionate used? Sino ba ang importer ng gamot na yan na ang halaga ay P18,000 bawat doses at dalawang doses ang kailangan ng isang pasyente sa isang araw?

Teka nga pala. Ang halaga pala ng Remdisivir sa India ay P585 per vial lang pero ibinebenta dito sa Pinas ng P18,000? Ang laki ng tubo nila kaya ang pinagkakakitaan nila ang mga pasyente sa COVID-19. Lalo nilang pinahihirapan ang mga pasyente at pamilya nila.

Bakit pinayagan ng FDA at DOH na pagkakitaan ng sinumang nasa likod ng Remdisivir importation ang mga pasyente? Nasaan ang malasakit sa mga Filipino na hindi nila naprotektahan sa COVID-19?

Bakit marami pa rin ang namamatay sa COVID-19 kung talagang nakakagamot ang remdisivir na mahigit P17,000 ang tubo nila bawat doses samantalang malamig sila sa Ivermectin na P35 lang ang halaga at sinasabi ng mga doctor na hindi takot mawalan ng lisensya na mas epektibong panggamot ito sa COVID-19?

Bakit mas gusto ng mga health officials ang gamot na mas mahal at hindi kaya ng mga tao lalo na ang mga mahihirap kesa sa mga mura na at epektibo pa? Mayroon bang malaking halagang dahilan?

Sa ibang bansa, ginagamit na ang ivermectin at kasama ito sa mga gamot na ipinamimigay ng gobyerno sa kanilang mga tao pangontra sa coronavirus pero dito sa ating bansa, malamig pa rin ang FDA at DOH sa gamot na ito.

Masyado nang lugmok ang ekonomiya natin. Bagsak na bagsak na ang mga tao at lumalala ang kanilang anxiety lalo na’t hindi pa dumarating ang mga bakunang ipinangutang nang P127 Billion mula noon pang Mayo 2020.

Kaya ang tanong, gusto ba talaga ng mga health officials na gumaling na ang bansa sa COVID-19? O gustong payamanin muna ng husto ang mga ­importers ng gamot at mga COVID-19 ­vaccine manufacturer?.

Read More

MAGTANIM NG MANGROVES

0

ISA ang Bulacan sa bahaing lugar sa ating bansa.

Ngunit, hindi inatras ng San Miguel Corporation (SMC) ang plano nitong itayo ang modernong paliparan sa nasabing lalawigan.

Pangmatagalan ang itatayong paliparan na napakalaki ng maitutulong sa daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila, sa maraming Fiipino dahil magkakaroon sila ng hanap-buhay at napakalaki rin ang maiaambag nito sa ekonomiya ng ating bansa.

Kaya, hindi problema ang matinding suliranin sa baha dahil lulutasin ito ng SMC.

Ang ginawa ng pamunuan ng SMC, batay na rin sa plano ng chief operating officer ng korporasyon na si Ramon S. Ang (RSA), ay magtanim ng mangroves.

Nabatid kong 200,000 ­mangroves ang ipinatanim ni RSA sa mga gilid ng dagat sa Bulacan.

Sa pamamagitan ng ­mangroves, mapipigilan nito ang pag-agos ng tubig mula sa dagat patungong kapatagan ng Bulacan.

Hindi nanghingi ng pera ang SMC sa pamahalaang lalawigan at sa mga pamahalaang lungsod at bayan sa Bulacan para sa 200,000 mangroves.

Siyempre, sa kalaunan ay makatutulong ito sa New Manila International Airport.

Ngunit, higit itong makatutulong sa mga Bulakenyo.

Napag-alaman kong ­epektibong solusyon pala ang mangroves laban sa baha.

Napipigilan ng mangroves ang labis na pagtungo ng mga tubig sa kapatagan.

Kung gayon, nararapat pa lang magpatanim ang pamahalaang lalawigan, lungsod at bayan ng mangroves upang malunasan ang mga pagbaha.

Hindi literal na absolutong solusyon ang mangroves, ngunit lumilitaw na malaki ang maitutulong ng mangroves laban sa baha.

Kung gayon, nararapat at obligado palang magtanim ng napakaraming mangroves sa gilid ng mga dagat at estero.

Sa mga bahaing lugar sa Rodriguez at San Mateo sa Rizal ay nararapat at obligadong magtanim ng mangroves.

Kahit sa Marikina River dahil perwisyong katakut-takot ang pagbaha sa ilang barangay sa Lungsod ng Marikina tuwing bumabagyo.

Ganoon din sa Lungsod ng Dagupan dahil napakatindi ng baha rito tuwing bumabagyo.

Mistulang nakikipagpaligsahan sa ilang lungsod sa Metro Manila ang napakatinding pagbaha sa Dagupan.

Kahit sa napakahabang paligid ng Lawa ng Laguna ay kailangang magtanim ng mga mangrove, sa halip na lagyan ito ng makapal na pader.

Ang gastos sa mga bato, o mga hollow blocks, simento, bakal at iba pang pampatibay daw ng gilid ng lawa ay ilaan na lang sa mangroves.

Higit na mainam ang ­mangroves upang malutas ang deka-dekada nang suliranin laban sa baha kumpara sa pader at simento.

Alam ba ninyo na napakalaki ng suporta ng mangroves sa pagpapaganda ng kapaligiran at ­paglilinis at pagpapabango ng simoy ng hangin.

Mayroong konsepto na nabuo sa Public Administration na ang simoy ng hangin mula sa mga puno at dahon ay bahagi ng kapaligirang ginagalawan ng tao.

Ang kapaligiran ay nakatutulong nang malaki sa kalusugan ng mamamayan, lalo na ng mga bata at nakatatanda.

Kapag binalikan at muling pag-aralan ang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay mapapansin ninyong bilyun-bilyong libo ang pondong inilalaan para sa pagpapagawa ng mga estero, kanal, imburnal at iba pa laban sa baha.

Taun-taon ay mayroong bilyun-bilyong perang nakalaan ang DPWH bilang hakbang laban sa baha.

Nangangahulugan lamang na ang mga inhinyero sa DPWH ay napakalaki ng tiwala sa ideyang pagkukumpuni ng mga estero, kanal at imburnal ang natatanging lunas sa baha.

Hindi pa ako nakakakita ng bilyun-bilyong pera.

Pero, alam kong ­napakalaking salapi ito.

Hindi ba’t napakainam kung ilalaan ang bilyun-bilyong pera ng DPWH na pambili ng mangroves at iba pang mga punong itatanim upang malunasan ang regular na pagbaha sa maraming bahagi ng ating bansa mula sa tuktok ng Luzon hanggang talampakan ng Mindanao.

Kumbinsido ako sa magagawa ng mangroves laban sa malawakang pagbaha sa ­maraming panig ng ating bansa.

Kaya, nararapat lamang na magtanim tayo ng mangroves.

Read More

ECQ PART 3 MALABO NA

0

MALABONG i-extend o palawigin ang enhanced community quarantine (ECQ) para sa third consecutive week sa NCR Plus sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na malayong mangyari na i-extend ang ECQ lalo pa’t nabanggit na ni Budget Secretary Wendel Avisado na wala nang budget para sa karagdagang ayuda sa low-income households kapag ipinatupad ang nasabing extension.

Naglaan ang pamahalaan ng P22.9 billion budget para sa “in cash” o “in kind” aid sa low-income families na nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 11.

Ang nasabing ayuda ay P1,000 kada indibidwal na may maximum na P4,000 kada low-income family.

“The two-week ECQ and the possible one-week MECQ, as well as intensified contact tracing, isolation and having more mobile hospitals equipped with intensive care units and compliance of minimum public health standards, should significantly reduce the number of COVID-19 cases by May,” ani Roque.

Read More

Wala nang aasahang dagdag – Malakanyang P1K AYUDA TODO NA

0

WALA nang dagdag na ayuda para sa mga residente na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at karatig-lalawigan sa kabila ng ekstensyon nito ngayong linggo.

Ito ang pagtiyak ng Palasyo kahapon.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na P23 billion emergency subsidy budget ang ipinalabas sa local governments sa NCR Plus — kabilang ang Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Ito aniya ang kabuuang halaga na ayuda sa ngayon.

Ipinaliwanag pa nito na matagal nang pinlano ng pamahalaan ang nasabing budget para sa programang two-week ECQ.

“The government, when it was decided to distribute [the aid] per family, considered already that the ECQ would be for two weeks,” ang pahayag ni Sec. Roque.

“The reason is during Holy Week, they only lost two days of working days effectively,” he said. “So we believe that— although it’s never enough — this will tie over our countrymen for this additional ECQ,” dagdag na pahayag nito.

Gayunpaman, sinabi ni Sec. Roque na maaaring makialam ang Kongreso kung kinakailangan na magbigay ng dagdag na ayuda.

“If there is need for further ayuda (aid), then Congress would have to be called into a special session. We would need to get a supplemental budget for that purpose,” aniya. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Tugon ni Rep. Defensor sa lumalalang COVID-19 cases sa lungsod IVERMECTIN LIBRE SA QC

0

(BERNARD TAGUINOD)

MAGLULUNSAD ng isang programa ang tanggapan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa kanyang mga kababayan sa Lungsod Quezon para magkaroon ang mga ito ng access sa gamot na Ivermectin.

Ito ang inanunsyo ni Defensor upang maproteksyunan ang mga taga-Quezon City laban sa COVID-19 gamit ang Ivermectin na isa sa kanyang mga ininom noong magpositibo siya sa nasabing virus kaya agad itong gumaling.

“Ito po ay libre naming pamimigay sa higit na nangangailangan at magkaroon ng prayoritasyon sa pamamahagi nito sa ating mga kababayan sa lungsod. Ang mga may sakit lalo’t higit ang ating mga senior citizen ang ating uunahin,” ani Defensor.

“Matapos po noon ay tutugunan namin ang anomang kahilingan sa pangangailangan ng gamot na Ivermectin. Kung maaari po sana ay mag-Private Message po sa page na ito upang malaman namin ang bilang ng nangangailangan at ma-prioritize kayo sa distribution,” ayon pa sa mambabatas sa kanyang Anakalusugan FB page.

Ginawa ng mambabatas ang panawagan dahil hindi pa aniya sapat ang produksyon ng Ivermectin ngayon sa bansa.

 

INIINOM
NG DOKTOR,
NURSES

Bago ito ay isiniwalat ni Defensor na maraming doctor at nurses na ang umiinom ng Ivermectin sa Pilipinas kaya napoproteksyunan na umano ang mga ito sa COVID-19.

Ginagamit na aniya ang gamot na ito sa iba’t ibang panig ng mundo kaya walang dahilan para pigilan ng gobyerno ang paggamit ng nasabing gamot na tinaguriang “wonder drug”.

“Ang sinasabi ko lang naman, marami tayong naririnig na kuwento, hindi lamang sa ating bansa kundi sa iba’t ibang panig ng ating mundo, maraming natutulungan itong Ivermectin,” ani Defensor.

“At kung baga, ang mga doctor mismo sa atin (Pilipinas), mga nurse umiinom sila ng Ivermectin….at marami sa kanila ang nagsasabi na yung iba nahawa na, nagproblema na…pero sila dahil uminom sila ng Ivermectin eh hindi sila nagkasakit,” dagdag pa ng mambabatas.

Dahil dito, umapela ang mambabatas na kung talagang wala umanong masamang epekto sa katawan ang Ivermectin ay tulungan ng mga kinuukulang opisyal ng gobyerno ang mga nagsusulong sa paggamit ng nasabing gamot.

Idinagdag pa ng mambabatas na tatlong bansa na sa mundo ang gumagamit ng Ivermectin kaya nakokontrol nila ang COVID-19 at hindi nahahawa ng nasabing sakit ang mga uminom nito.

Hindi naman tinukoy ni Defensor kung ano-anong bansa ang gumagamit ng Ivermectin subalit ayon kay 1PACMAN party-list Rep. Enrico Pineda, isa rito ang Panama na nagpapadala ng wellness package sa kanilang mamamayan kontra sa COVID-19.

“In the package are vitamins and Ivermectin, which has been proven to reduce COVID in infected patients,” ani Pineda.

Nilinaw rin ni Defensor na ang nakikipaglaban para sa paggamit ng Ivermectin ay mga doctor, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa Estados Unidos at United Kingdom (UK) kaya hindi maaaring sabihin na wala itong basehan.

Read More

VOTERS REGISTRATION SUSPENDIDO

0

PINALAWIG ng Commission on Elections (Comelec) ang suspensiyon ng rehistrasyon ng mga botante para sa halalang 2022.

Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez na ang pansamantalang pagpapatigil sa rehistrasyon ay ipatutupad lamang sa National Capital Region (NCR), Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan, o NCR Plus.

Ani Jimenez, ibinatay ang desisyon ng pamunuan ng Comelec sa isang linggong pagpapalawig ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus bunga ng napakataas na bilang ng mga kaso ng nagkakaroon ng COVID-19 araw-araw.

Nitong mga nakalipas na araw ay pumalo na sa mahigit 10,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Naganap ito kahit nagsimula na ang programang baksinasyon ng administrasyong Duterte.

Batay sa rekord ng Comelec, 7 milyon ang tudla ng ahensiya na karagdagang bagong botante na magparehistro sa Comelec.
Sa Setyembre 30 ang huling araw ng rehistrasyon, paalala ni Jimenez. (NELSON S. BADILLA)

Read More

GESMUNDO NANUMPA BILANG 27TH SC CHIEF

0

NANUMPA na bilang ika-27 pinuno ng Kataas-taasang Hukuman si dating Associate Justice Alexander Gesmundo.

Kasunod ito ng kumpirmasyon ng Malakanyang sa ulat na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang dating Sandiganbayan Associate Justice na si Gesmundo bilang bagong Supreme Court Chief Justice.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, hindi na bago si Chief Justice Gesmundo sa hudikatura na kanyang pinagsilbihan ng maraming taon bilang Associate Justice ng Supreme Court at bilang Associate Justice ng Sandiganbayan.

Dahil dito ay tiwala aniya ang Malakanyang na maipagpapatuloy ni Gesmundo bilang Punong Mahistrado na i-uphold ang judicial excellence at independence, pairalin ang rule of law at pangunahan ang mga reporma para itaguyod ang integridad at propesyonalismo sa hudikatura.

Pinalitan ni Gesmundo si Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na nagretiro nitong katapusan ng Marso.

Read More

2 PANG KONGRESISTA COVID POSITIVE

0

DALAWA pang kongresista ang nagpositibo sa COVID-19 sa katauhan nina Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos at Caloocan City Rep. Edgar Erice.

Kinumpirma mismo ni Delos Santos nitong Lunes, Abril 5, na nagpositibo siya matapos ma-expose sa isang taong may COVID-19.

Ayon kay Delos Santos, kabilang sa mga sintomas na nararamdaman niya ang pag-ubo, lagnat, sipon at pagkahilo kaya agad siyang magpa-swab test kung saan nagpositibo ang naging resulta.

Bukod kay Rep. Erice, nasapol din umano ng COVID-19 ang ilan sa kanyang mga tauhan.

Inanunsyo ng kongresista sa social media na matapos ang walong araw sa kwarantina ay lumabas na positibo ang kayang swab test, ngunit hindi naman umano malala ang kanyang mga sintomas.

Gayunpaman, dahil sa mga tauhan niyang tinamaan din ng COVID-19 ay kailangang pansamantalang isara ang kanyang district office. (ALAIN AJERO/(BERNARD TAGUINOD

Read More