NAKAKA-DEPRESS

0

KAHIT sino ang tanungin mo, nadedepress sa sitwasyon ng ating bansa ngayon dahil imbes na humupa ang pandemya dulot ng COVID-19 ay lalong pang lumala pagkatapos ng isang taon.

Ang hirap, lalo na sa mga tulad ko na may matinding ­anxiety. Ang daming kinatatakutan at naaapektuhan kami kapag may nababasa kami na mga negatibong isyu hinggil sa pagkamatay ng ibang tao dahil sa COVID-19.

May mga artikulo na rin ang nagsasabi na isa sa bawat 3 nagpositibo sa COVID-19 ang nakakaranas ng brain o psychiatric disorder sa loob ng anim na buwan.

Ang tinutukoy ko ay ang pag-aaral na ginawa ng Psychiatrist na si Max Taquet ng Oxford University sa Britanya kung saan natuklasan na nagiging common na sa mga biktima ng COVID-19 ang pagkakaroon ng psychiatric disorder.

Hindi ako nagulat dahil sino ba naman ang hindi maaapektuhan ang pag-iisip kung ikaw ay nabingit sa kamatayan dahil sa virus na ito na hanggang ngayon ay hindi pa humuhupa at patuloy na kumikitil ng buhay.

Kami nga na sa awa ng Dios ay hindi nahawa sa COVID-19 ay nagkaroon na ng anxiety bago pa nagkaroon ng pandemya ay naaapektuhan, pano na lang yung nagkaroon ng virus na ito?

At kahit yung mga walang an­xiety nadedepress sa sitwasyon natin ngayon dahil sa mga report na ang mga biktima ay namamatay na lang sa tent dahil hindi ma-accomodate sa loob ng ospital dahil punong puno na ng pasyente.

Nakakadepress na makita na may pasyente na nasa loob lang ng kotse at kinabitan ng dextrose para lamang maisalba ang buhay dahil walang bakante sa loob ng ospital.

Nadedepress din ang mga kaanak ng mga COVID-19 patients dahil walang ospital ang tumatanggap sa kanilang mahal sa buhay dahil punuan na sa dami ng ­pasyente. Wala silang magawa kundi umiyak na lang.

Pero palagay ko, mababawasan ang depresyon ng mga tao kapag dumating na ang mga ­biniling COVID-19 vaccines at magkaroon na ng mass vaccination pero ang tanong kailan talaga darating?

Wala tayong impormasyon kung kailan darating ang bulto ng mga bakuna na binili ng mga local government units, national government at maging ang mga pribadong kumpanya.

Sinasabi lang nila na may darating ngayong Abril at masusundan sa Mayo, Hunyo, Hulyo, Agosto etc, etc pero walang sinasabi kung anong petsa baka daw madelay at manlumo na naman ang mga tao.

Ibig lang sabihin, wala pang kasiguraduhan kung kailan ­darating ang mga bakuna at walang magawa ang mga tao kundi maghintay na lang at magdasal na huwag silang tamaan ng COVID-19 habang wala pang bakuna.

Ibig lang din nitong sabihin na mahaba-haba pa ang panahon para mawala ang depresyon at pangamba ng mga tao na nakakaapekto talaga sa pag-iisip ng mga tinamaan ng COVID-19 dahil kahit gumaling sila kung wala pang bakuna ay hindi pa rin sila ligtas sa virus na ito na mula sa China.

Kung nagawa lang sana ng gobyerno ang tama at hindi dinelay ang pag-order ng bakuna ay hindi natin mararanasan ang paglala pa ng pandemya na nagpapahirap sa mga tao lalo na sa mga mahihirap na hindi makapaghanapbuhay para may makain.

Read More

CURFEW VIOLATOR SA PARUSA NAMATAY, HINDI SA COVID?

0

UNA po sa lahat, nakikiramay ang PUNA sa pagkamatay ng isang lalaking nahuli ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa curfew sa Gen. Trias, Cavite ilang araw na ang nakalipas.

Nakita natin sa post ng isang nagngangalang Adrian Lucena sa kanyang Facebook account na may namatay na lalaki dahil sa parusa sa kanya matapos mahuli sa paglabag sa curfew ng mga pulis sa nabanggit na lugar.

Simula kasi nang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay muling ini-lockdown ang tinatawag na National Capital Region (NCR) bubble plus kasama ang Cavite, Laguna Rizal at lalawigan ng Bulacan.

Kaakibat nito ang curfew na nagsisimula ng alas-6 ng hapon hanggang alas-5 ng umaga.

Noon daw gabi ng Abril a- 4 ay lumabas ng bahay itong si Darren Manaog para bumili ng tubig.

Natiyempuhan siya ng mga barangay at mga pulis sa kaniyang paglabas kaya hinuli siya at dinala sa isang plaza sa lugar.

Sama-samang dinala sa plaza ang mga nahuli ng pulis at barangay at pinarusahan daw sila sa pamamagitan ng pumping exercise.

Una raw, isang daan (100) muna at nang hindi sila sabay-sabay na nagpa-pump kaya pinaulit-ulit sila ng mga pulis.

Hanggang sa umabot daw ng 300 beses ang kanilang pagpa-pump, ayon sa kwento mismo ng biktima nang umuwi siya sa kanilang bahay kinabukasan.

Habang pinagpa-pump sila ng mga pulis ay bumagsak na raw itong si Darren na binalewala ng mga awtoridad.

Umuwi sa kanilang bahay si Darren na hirap na maglakad at halatang dumaan sa matinding pahirap ang kanyang inabot mula sa mga nagpa-pump sa kanila ng gabi na yun.

Nang nasa bahay na raw ang biktima ay hinimatay ito, kaya nilapatan siya ng first aid ng kanyang mga kaanak.

Nagkamalay siya, subalit mistulang lantang gulay na ito at na-comatose hanggang kinabukasan ay binawian na siya ng buhay.

Sabihin na natin na curfew violator si Darren, dapat ba siyang patawan ng ganung karaming pagpa-pump?

Kahit sinong tao sa unang pagkakataon pagawin mo ng ganung karaming (300 beses) pagpa-pump ay mag-iiba ang kanyang pakiramdam pagkatapos niyang gawin ito.

Kayo bang mga pulis nang una kayong sumabak sa training ay hindi nag-iba ang inyong pakiramdam?

‘Di ba minsan may mga nagkokolaps pa sa inyo?

Bago kayo isalang sa training ay isinasailalim muna kayo sa medical check-up para malaman kung kakayanin nyo ang ipagagawa sa inyo.

Isinalang nyo ba muna sa ­medical check-up si Darren bago nyo binigyan ng parusang ganung karaming pagpa-pump? ‘Di ba hindi?

‘Wag na natin ilayo pa, ako pag gusto kong mag-exercise sa unang pagkakataon na ginagawa ko kinabukasan ang pakiramdam ko ay para kong lalagnatin sa sakit ng katawan ko.

Kontrolado ko pa ang ginawa ko, papaano na lang kaya kung tulad ng ginawa ni Darren na 300 beses na siyang pinag-pump?

Wala siyang magawa. Hindi siya makatanggi dahil ang nag-uutos sa kanya ay unipormado kaya kahit hirap na siya ay ipinagpatuloy niya pa rin ang kanyang ginagawa.

Sa mga nagpapatupad ng curfew hindi nyo dapat pahirapan ang inyong mga nahuhuli na hahantong pa ang pagpapahirap ninyo sa kanilang kamatayan.

Marami namang paraan na pwede nyong ipagawa sa kanila, tulad ng community service o kaya ­paglinisin nyo ng inyong mga opisina.

Ano ba ang layunin natin? ­Bakit natin sila hinuhuli sa paglabag sa curfew? ‘Di ba para hindi sila mahawaan o makahawa ng COVID-19?

Layunin natin na hindi sila mamatay dahil sa COVID. Bakit natin sila paparusahan ng matindi na kanila namang ikamamatay? ‘Di ba mali?

Hindi lahat ng inyong mga nahuhuling curfew violators ay kakayanin ang inyong ipapataw na parusa sa kanila.

Hindi nyo alam ang status ng kanilang mga kalusugan kaya iwasan nyo na magpataw ng katulad ng ginawa kay Darren.

Itinatanggi ng Gen. Trias PNP na binigyan nila ng ganung parusa si Darren.

Ang magbibigay linaw riyan ay ang mga naging kasama ni Darren na pinatawan din ng ganung parusa.

Plano ng pamilya ni Darren na magsampa ng kaso laban sa mga pulis na nagpataw ng parusa sa kanya.

‘Wag po nating gawing ­kumplikado ang pagpapatupad ng curfew maging makatao po tayo.

Sapat na pong pangaralan sila para sa kanilang kaligtasan.

Binibigyan natin ng pagkakataon ang Gen. Trias PNP na magbigay sila ng kanilang panig para mailabas natin sa pahinang ito.

Ingat po tayong lahat. God Bless Us.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0919-259-59-07.

Read More

HINDI LANG COVID ANG PROBLEMA

0

NITONG Martes, Abril 6 ay mahigit 800,000 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ating bansa.

Marami na rin diyan ang namatay.

Ngunit, marami nang gumaling sa nasabing napakalaking bilang.

Kahit nagsimula na ang programang baksinasyon noong Marso 5 ay asahan nating lahat na sasahol pa ang suliranin natin tungkol sa COVID-19.

Sabi ng Department of Health (DOH), posibleng umabot sa isang milyon ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa huling araw ng Abril.

Pokaragat na ‘yan!

Napakahusay ninyo sa prediksyon!

Totoong malaking suliranin ang COVID.

Katunayan, lalong nagiging masahol ito araw-araw dahil dumarami ang tinatamaan ng nasabing sakit.

Ngunit, huwag na huwag ­nating kalimutan na hindi lang COVID-19 ang problema ng Pilipinas sa kasalukuyan.

Nariyan ang utang ng pamahalaan na P10.7 trilyon na ang kabuuan.

Inaasahang madadagdagan pa ng tatlong trilyon bago matapos ang 2021.

Siyempre, huwag kayong magtaka kung madagdagan pa ‘yan hanggang bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 2022 dahil masyadong mahilig sa utang ang lider na ito ng ating bansa.

Hindi po dapat balewalain ang trilyun-trilyong utang ng pamahalaan, sapagkat lahat ng mamamayang Filipino, kabilang ang mga pinakamahihirap na manggagawa, magsasaka, manggagawang – bukid, mangingisda, karpentero, guro, mamamahayag at iba pa ay kasama sa mga magbabayad sa utang na ‘yan.

Maliban sa trilyun-trilyong utang, problema rin ang mga manggagawang nawalan ng trabaho.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 4 milyong manggagawa at empleyado sa mga pribadong kumpanya ang nawalan ng trabaho dahil sa marami pa ring nagsarang mga kumpanya ­kumpara sa nakalipas na taon.

Nadagdagan pa ang apat na milyon ng 200,000 manggagawa nitong Pebrero ang nawalan ng trabaho, banggit ng PSA.

Dahil sa ganyang takbo, asahan nang buwan-buwan ay libu-libong mga kababayan natin ang natatanggal sa kanilang pinapasukang mga kumpanya.

Ang nakaiinis, hindi lang basta isang libo, kundi dalawangdaang libo ang nawawalan ng trabaho kada buwan.

Nitong 2020, umabot daw sa limang milyong Filipino ang nawalan ng trabaho dahil sa masamang epekto ng COVID-19 sa iba’t-ibang klaseng negosyo.

Napakatindi ring problema ang katiwalian at korapsyon sa ­maraming ahensiya ng pamahalaan.

Ang nakabubuwisit nang todo ay pasahol nang pasahol ang katiwalian at korapsyon sa pamahalaan.

Ilang buwan na lamang sa kapangyarihan si Duterte ngunit hindi matuldukan ang katakawan sa pera ng ilang pangkat ng mga opisyal at kawani sa Department of Public of Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI), Land Transportation Office (LTO), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at iba pang kagawaran at ahensya ng pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Isama pa sa mga problemang ‘yan ang human smuggling at ­ismagling ng kung anu-anong produkto, mala-sindikatong operasyon sa importasyon ng mga produkto mula sa ibang bansa, iligal na droga, iligal na sugal at ­napakaraming iba pa.

Siyempre, pinakamatindi sa lahat ng suliranin sa Pilipinas sa kasalukuyan hanggang sa mga susunod na buwan ay ang napakasahol na kahirapang nalalasap ng milyun-milyong Filipino.

Hindi ko pa alam ang eksaktong bilang ng mga mahihirap sa ating bansa.

Ang alam ko lang ay napakaraming mahihirap na mga Filipino ang lalo pang bumagsak ang buhay sa napakababang parte ng sukatan ng kahirapan ng buhay.

Sa inilatag kong pangkalahatang itsura ng kalagayan ng bansa, napakalinaw pa sa sikat ng araw na hindi lamang COVID-19 ang ­problema natin sa kasalukuyan.

Nagkakaintindihan po ba tayo?

Kung nagkakaintindihan tayo, dapat hindi lang COVID-19 ang pinag-iisipan at nilalapatan ng lunas, kundi kasama ang napakaraming problema.

Ang masama, dinugtungan ng pamahalaan ang problema ng mamamayan, sa halip na bigyan ng lunas ang mga suliranin.

Nitong 2020, mistulang binigyan ng sinturon ang mamamayang Filipino na siyang ipinanghigpit sa mga tiyan ng bawat Filipino.

Tila ‘yan ang paraang ginawa upang maging manipis ang sikmura ng mga Filipino.

Ngayong taon naman ay iwinasiwas ang mga patakarang mistulang lubid na ipangsasakal sa leeg ng mamamayan.

Pokaragat na ‘yan!

Read More

Alamat ni Manny Pacquiao (Ika-19 na Bahagi) Pampitong korona, inagaw ni Pacquiao kay Cotto

0

MAKARAANG dispatsahin ang maalamat na Mehikano-Amerikanong si Oscar De La Hoya sa kanyang unang laban bilang welterweight, uminit ang bulong-bulongang di maglalaon at ang Pilipinong si Manny Pacquiao ay tatanghaling kampeon sa 147-librang dibisyon para dagdagan ang anim na koronang napagwagihan niya bago dumating ang Nobyembre 2009.

Nahawakan na noon ng ipinagmamalaking tubong Kibawe, Bukidnon ang mga titulo sa flyweight, super-bantamweight, featherweight, super-featherweight, lightweight at junior-lightweight, at hangad niyang maiuwi rin ang korona sa welterweight.

At noong gabi ng Nobyembre 14, 2009 ay ipinagbunyi ng boxing world ang Pambansang Kamao bilang kauna-unahang nilalang sa ibabaw ng ring na nag­hari sa pitong dibisyon.

Nilupig ni Pacquiao ang ­itinuturing noon na boxing sensation sa Puerto Rico na si Miguel Cotto sa pamamagitan ng TKO matapos pabagsakin ito sa round three at four bago itinigil ng ­reperi, limang segundo na lamang ang nalalabi sa salpukang bininyagang “Firepower” at napanood ng mahigit 18,000 fans na nagsiksikan sa 16,000 upuang MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Bukod sa 147-librang sinturon ng WBC, ginawaran din noon siCongressman Pacquiao ng­ ­titulo ng WBO Super Championship at ng kauna-unahang ­espesyal na WBC Diamond Belt na nilikha eksklusibo sa ­magwawagi sa makasaysayang sagupaan ng dalawang elitistang mandirigma ng kanilang panahon.

Ilang araw matapos makabalik sa bansa si Manny, ginawaran siya ng Order of Sikatuna With the rank of Datu (Grand Cross) With Gold Distinction na tanging iginagawad sa mga dayuhang diplomatiko at Punong Tagapagpaganap ng isang estado.

Si noon ay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nagkaloob sa kanya ng pinakamataas na karangalan sa isang simpleng seremonyang ginanap sa Quirino Grandstand sa Luneta bilang pagkilala sa makasaysayang pagkakamit ni Pacquiao ng pitong kampeonato sa pitong dibisyon.

“Pacquiao is the greatest boxer I’ve ever seen and I’ve seen them all, including (Muhammad) Ali, (Marvin) Hagler and Sugar Ray Leonard,” deklara ni Bob Arum, promoter ni Pacquiao, pagkaraan ng kapanapanabik na sagupaang nakalikom ng 1.25 million buys at $70M in domestic pay-per-view revenue, para ­maging most watched boxing event of 2009.

Tinatayang kumita si Pacquiao ng $22M sa laban habang $12M si Cotto. Ang paghaharap ng dalawa ay nakalikom ng $8,847, 550 sa takilya base sa opisyal na bilang ng mga nanood na 15,940.

Naging dahilan ang pagsupil ni Pacquiao kay Cotto para manariwa ang usapang ­pagharapin siya, ang numero uno sa listahan ng pound-for-pound, at wala pang talong Amerikano at ­pumapangalawang si Floyd Mayweather Jr.

Subalit naging masalimuot at madawag ang daan tungo sa pagtutuos ng dalawang pinakamagagaling na welterweight sa daigdig. Tumagal ng halos limang taon ang negosasyon at ­napakaraming indibidwal ang nasangkot sa usapan.

Ang resulta, sa halip na ang hambog na si “Money Man” ang makasagupa ni Manny sa kanyang unang depensa sa 147 librang korona, ang Aprikanong dating hari ng dibisyon ang nakalaban ng ating si Manny.

Read More

Talk to the People ni Digong kanselado PSG NA MAY COVID DUMAMI

0

KINUMPIRMA ng Malakanyang na walang Talk to the People Address si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Miyerkoles ng gabi bunsod ng tumataas na bilang ng aktibong COVID-19 cases kasama na rito ang mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG).

“The physical safety of the president remains our utmost concern,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Bukod dito, kailangan din aniya na bigyan ng konsiderasyon ng Malakanyang ang kapakanan ng mga taong bahagi ng paghahanda ng Talk to the People Address ni Pangulong Duterte.

“In addition, the preparation for the Talk to the People Address entails a number of staff complement and we also take due consideration of their well-being. Please be guided accordingly,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Sinabi naman ni Senador Christopher Lawrence Bong Go na nagpasyang ipagpaliban ang Talk to the People ng Chief Executive dahil marami na sa mga tauhan ng PSG ang nagpositibo sa COVID-19.

Hindi naman masabi ni Go ang eksaktong bilang ng PSG personnel na nagpositibo sa COVID-19. (CHRISTIAN DALE)

Read More

LORENZANA POSITIBO SA COVID

0

KINUMPIRMA ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Chairman ng National Task Force against COVID-19, na positibo siya sa coronavirus 2019 at kasalukuyang nasa isolation.

Sa inilabas na pahayag ni Secretary Lorenzana sa mga kasapi ng Defense Press Corps, kamakalawa ng gabi lumabas ang resulta ng kanyang RT-PCR test na siya ay positibo.

Bunsod nito pansamantalang sumailalim sa isolation ang kalihim at inabisuhan na rin ang mga taong na-expose sa kanya na sumailalim sa pagsusuri at self quarantine.

Sa gitna ng malalaking isyung kinakaharap kabilang na ang massive intrusion ng Chinese militia ships sa West Philippine Sea ay tiniyak ng Department of National Defense na magpapatuloy sila sa kanilang trabaho sa pamamagitan ng skeleton workforce upang matiyak ang pagseserbisyo sa taumbayan.

Sa mensahe ng 72-anyos na kalihim sa Defense reporters, wala siyang sintomas na nararamdaman kaya nagpasalamat ito sa Diyos.

Muling pinaalalahanan ng kalihim ang publiko na ang banta ng COVID-19 virus ay totoo lalo na at dumarami ang mga lumalabas na variants. (JESSE KABEL)

Read More

VETERAN FILM WRITER NASAWI SA COVID-19

0

BINAWIAN na ng buhay sa edad 78 ang beteranong film writer/director at journalist na si Nestor Torre Jr. nitong Miyerkoles.

Bandang 8:20 ng umaga nang ideklarang patay si Torre sa Santa Ana Hospital, Manila dahil sa mga kumplikasyong dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ng pamangkin na si Jan Alexander Torre na nagpositibo sa COVID-19 ang beteranong film writer at dumanas ng maraming kumplikasyon tulad ng pneumonia.

“Nakalagay po sa death [certificate], immediate cause of death is acute respiratory distress syndrome, antecedent cause – severe pneumonia, underlying cause – COVID-19 confirmed pneumonia, critical,” anang kaanak. (RENE CRISOSTOMO)

Read More

2 M PANG SINOVAC, GAMALEYA VAX PARATING

0

SINABI ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na tatanggap ang Pilipinas ng 2 milyong doses ng bakunang Sinovac na gawa ng China at Gamaleya Research Institute ng Russia ngayong buwan.

Sa 2 milyong doses, 1.5 milyon ang ide-deliver ng Sinovac habang ang 500,000 naman ay manggagaling sa Gamaleya.

Hinggil naman sa karagdagang donasyon ng AstraZeneca vaccine doses sa ilalim ng COVAX Facility, sinabi ni Galvez na gumagamit sila ng diplomatic channels upang matiyak na matatanggap ng bansa ang nasabing bakuna.

Ani Galvez, ang AstraZeneca shots ay maaaring dumating sa bansa sa huling bahagi ng Abril.

Ang impormasyong ito ay mula kay World Health Organization country representative Rabindra Abeyasinghe. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Sen. Binay pinuna ang photo ops at ribbon-cutting EPAL NI BONG GO INUPAKAN

0

(NELSON S. BADILLA)

HINDI maipagkakailang nabanas na si Senadora Nancy Binay sa kapwa mambabatas na si Senador Christopher “Bong” Go sa pinaggagawa nitong pangunguna sa mga seremonya sa pagbubukas ng mga proyekto ng administrasyong Duterte.

Nitong Martes, binuksan ang Quezon Institute Offsite Modular Hospital sa Quezon City kung saan pinangunahan ni Go ang ribbon-cutting nito.

Agad ding kumalat sa social media ang photo op o photo opportunities ng okasyon.

Dahil dito, tila hindi nakapagpigil si Binay at binanatan ang ginawa ng kapwa mambabatas.

“Pakiusap kung pwede buksan na lang para magamit agad. Sayang lang ang oras sa ribbon cutting at photo-ops,” birada ni Binay sa Twitter.

Aniya: “These things are necessary & leave a bad taste for Covid patients who are racing against life & time.”

Sinabi ni Binay na pag-aaksaya lamang ng oras ang mga programa bago buksan ang modular hospital.

Idinugtong din ni Binay sa kanyang mensahe ang hashtags na #TimeIsOfTheEssence at #BawalDinAngMassGathering.

Si Go ay dating miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na may titulong Special Assistant to the President o SAP.

Alalay ni Duterte si Go habang ang una ay alkalde, kongresista at bise alkalde sa Davao City sa loob ng mahigit 20 taon.

Ngunit, kahit senador na si Bong Go ay mistulang miyembro pa rin ito ng Gabinete ni Duterte dahil bukod sa pagbubukas ng Quezon

Institute Offsite Modular Hospital, nangunguna rin ito sa pagbubukas ng iba pang mga proyekto ng pamahalaan.

Hindi ito ginagawa ng mga senador, kabilang si Binay na ikalawang beses nang nahalal bilang senador, sapagkat hindi ito bahagi ng trabaho ng mga senador.

Ang pangalan ni Go ay isinasama sa sarbey ng mga posibleng tatakbong pangulo sa eleksyong 2022, ngunit madalas siyang nasa dulo ng sarbey.

Ang iskor ni Go ay mas masahol sa napakababang marka ni Bise Presidente Maria Leonor Robredo.

Read More