MAS EPEKTIBONG TRADENET ISINULONG NG 67 AHENSIYA

0
NAGTIPON-TIPON ang 67 Trade Regulatory Government Agencies (TRGAs) para pagtibayin ang National Single Window sa  isinagawang 3rd NSW – Technical Working Group (NSW-TWG) Virtual Meeting kamakailan.
Sa pangunguna ni Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero bilang Chairperson ng NSW-TWG, binigyang diin nito ang importansya ng ugnayan ng bawat kasaping ahensya ng pamahalaan sa programang pangkabuhayan, kontra katiwalian at maging sa aspeto ng hanapbuhay, kalusugan ang maayos na pagpapatupad ng mga umiiral na batas.
Kabilang din sa dumalo sa nasabing forum sina Anti-Red Tape Authority director general Jeremiah Belgica at Customs Deputy Commissioner Allan Geronimo na kapwa nag-ulat sa mga inisyatibong isinulong mula Enero hanggang Agosto.
Pitong TRGAs naman ang kinilala para sa kontribusyon nito sa pagsusulong ng TradeNet platform, isang online mechanism na nag-uugnay sa mga magkatuwang na ahensyang bahagi ng NSW-TWG Clusters.
Hinirang din sa nasabing pulong ang mga bagong talagang NSW-TWG Cluster Chairs kabilang ang Department of Agriculture (DA) para sa aspeto ng Agriculture and Food Cluster at Department of Finance-Central Management Information Office (DOF-CMIO) para naman sa ASEAN Single Window Cluster.
Pasok din sa mga hinirang ang Strategic Trade Management Office (STMO) para sa Chemicals, Oils, Minerals, Environment, Drugs and Dangerous Goods Cluster. Maging ang DOF – Revenue Office (RO) itinalagang pangunahan ang Tax and Duty Exempt Cluster, samantalang Relief, Consignment and Foreign Donations Cluster naman ang pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Napunta naman sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang Ecozones and Freeport Zones Cluster at Logistics and Port Operation Cluster naman ang tutukan ng ARTA.
Ang NSW-TWG ay binuo bilang tugon sa Executive
Order 482 o mas kilala bilang National Single Window Task Force for Cargo Clearance (NSW Task Force).  (JO CALIM)
Read More

HIGPIT KONTRA HOT MEAT

0
SA hangaring protektahan ang local meat industry, mas mahigpit na binabantayan ngayon ng Bureau of Customs (BOC) ang pagpupuslit ng iba’t ibang meat products ng walang kaukulang import permits mula sa Bureau of Animal Industry (BAI).
Kamakailan lang, muling nakasabat ang mga kawani ng BOC sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng 56.5 kilo ng karneng baka at baboy mula sa pasaherong lulan ng mga lumapag na eroplano sa nasabing paliparan. Ayon mismo sa BOC-NAIA, bigong makapagprisinta ng kaukulang import permits ang mga pasaherong may dala ng mga nasabing produktong kinabibilangan ng 39 kilo ng beef at 17.5 kilo naman ng karneng baboy.
Ayon pa sa BOC, mayroon ng kabuuang 363.75 kilo ng karne at iba pang meat products ang nakumpiska ng mga operatiba ng kawanihan mula Enero 2021 batay na rin sa direktiba ng Inter-Agency Task Force (IATF) at BAI kaugnay ng panganib na maaaring dala ng mga nasabing karne sakaling ito’y kontaminado.
Agad naman anilang nai-turn over sa BAI-Veterinary Quarantine Services ang mga nasabing kargamento para sa pagsusuri at disposal (kung kontaminado) ang mga karneng kumpiskado.
Gayunpaman, walang detal­yeng inilahad hinggil sa mga resulta ng pagsusuri ng kinum­piskang produkto.
Samantala, nagbabala naman si BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan laban sa mga magtatangkang sumubok magpuslit ng mga  produktong karne sa bansa ng walang kaukulang dokumentong patunay na ligtas ang mga ito.
Aniya, mahigpit na tutu­tukan ng BOC-NAIA ang pumapasok na mga agricultural at iba pang food products sa nasabing paliparan sa hangarin tiyaking hindi makakalusot ang mga palso at kontaminado.
Sa isang bukod na paha­yag, hangad naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang tiyaking ligtas ang mga agricultural at iba pang food products na dumadaan sa kanilang mga puwerto, lalo pa’t hindi rin nila aniya nanaisin pa ang isang krisis sa merkado bunsod ng  African Swine Fever outbreak na lubhang nakaapekto sa local swine industry.
(JOEL AMONGO)
Read More

KALUWAGAN PARA SA MSMEs

0
BILANG tugon sa panawagang palakasin ang kalakalan, kinilala ng Bureau of Customs (BOC) ang programang isinusulong ng Philippine Trade Facilitation Committee (PTFC) kabilang ang mga inisyatibong magbibigay kaluwagan sa mga maliliit na negosyanteng nabibilang sa micro, small and medium enterprises (MSME).
Ayon sa BOC, malaking bentahe ang iba’t ibang aktibidad ng PTFC, na nilikha sa bisa ng Executive Order 136 ni Pangulong Rodrigo Duterte, upang ibalik ang sigla ng kalakalang tumamlay bunsod ng paghinto ng negosyo sa gitna ng pandemya.
Bahagi ng mandato ng PTFC ang pagsusulong ng mga programang magbibigay kaluwagan at diskwento para sa MSMEs bilang bahagi ng isinusulong na International Trade for Micro, Small and Medium Enterprises ng gobyerno.
Sa kauna-unahang pagpupulong ng PTFC Steering Committee, tatlong technical working groups (TWG) ang agad na binuo upang tutukan ang pagrerebisa at pagbalangkas ng mga bagong polisiyang magpapadali sa prosesong pinagdadaanan ng mga MSMEs. Bukod sa mas madaling proseso, hinahanapan din ng PTFC ng paraan kung paano maiibsan ang mga bayaring iniatang sa mga MSMEs.
Gayunpaman, bahagi rin ng mandato ng PTFC na tiyaking pasok sa panuntunan ng World Trade Organization (WTO) ang bawat work plan at polisiyang babalangkasin nito.             (BOY ANACTA)
Read More

Ikinubli sa biskwit at laruan P2.2-M ‘DAMO’ SILAT SA NAIA

0

Ni JOEL O. AMONGO

AGRESIBONG tinutugis na ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang sindikatong pinaniniwalaang sa likod ng tangkang pagpupuslit ng hindi bababa sa P2.2-milyong halaga ng high-grade marijuana na nasabat sa Ninoy Aquino International Airport kamakailan.

Bulilyaso agad sa isinagawang controlled delivery operation ng BOC-NAIA, PDEA at Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang isang nagngangalang Arthur Antonio na consignee ng 1.8 kilo ng high-grade mari­juana na ikinubli pa sa biskwit at laruang bahagi ng lumapag na kargamento.

Bahagi ng operasyong ikinasa sa Marikina City ang Customs Anti-illegal Drug Task Force (CAIDTF), Enforcement and Security Service (ESS) at PDEA na siyang dumakip sa suspek makaraang tanggapin nito ang epektos na sa kanya mismo nakapangalan.

Ayon sa BOC, idineklarang cookies, balloons, toys at school supplies mula pa sa California USA ang ipinadala ng isang Allan Gatchalian.

Sa pagsusuring ginawa ng PDEA, kumpirmadong marijuana ang mga nakumpiska ng mga operatiba. Nahaharap naman sa patong-patong na kaso ang suspek. Bukod sa paglabag sa Customs
Modernization Tariff Act (CMTA), mas mabigat na asunto ang inihain na kaugnay ng Dangerous Drugs Act.

Sa isang pahayag, handa naman ani Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang kanilang kawanihan sa gitna ng inaasahang pagdami ng mga kargamento bunsod na rin ng pagluluwag ng gobyerno sa ipinatutupad na community quarantine classification sa piling rehiyon sa bansa.

Read More

LIDER, 4 TAUHAN NG DRUG GROUP TIMBOG SA P1-M SHABU

0

CAVITE – Tinatayang mahigit sa P1 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam makaraang madakip ang lider ng Bryan Felizardo drug group at apat na iba pa sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City noong Martes ng gabi.

Kinilala ang arestado na si Bryan Felizardo, 31, binata, ng 149-C Gawaran St., Brgy. Digman, Bacoor City, high value individual, at kabilang sa Regional Priority List ng PRO 4A.

Arestado rin ang umano’y mga kasabwat ni Felizardo na sina Geraldo Ordoñez, 48; Recardon Mahilum, 40; Ricard Dealca, 33, at Queenllie Mata, 20-anyos.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:30 noong Martes ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PDEA-Cavite, Bacoor City Police, at Gen. Trias CPS sa NIA Open Canal Road sa Brgy. Pasong Camachile 2, Gen. Trias City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 250 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P1,700,000, apat na cellphone, driver’s license ni Felizardo, iba’t ibang ID at boodle money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002. (SIGFRED ADSUARA)

Read More

MGA MENOR DE EDAD IMINULAT NG PNP-PRO5 SA KANILANG KARAPATAN

0

HINANGAAN ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang naging hakbang ng PNP-Police Regional Office 5 sa pamumuno ni Regional Director Jonnel C. Estomo, na pagmulat at nagtuturo sa mga kabataan hinggil sa kanilang mga karapatan at pagsawata sa pang-aabuso sa mga menor de edad sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tamang impormasyon.

Ito ay makaraang umpisahan ng Catanduanes 1st Provincial Mobile Force Company ang kanilang information drive tungkol sa rape, sa mga piling kabataan ng Barangay Timbaan sa bayan ng San Andres noong nakaraang linggo bilang bahagi ng kanilang Virtual Bisita Eskwela.

Nabatid na pinalalakas ng Bicol PNP ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kabataan gaya ng ginawa sa lalawigan ng Catanduanes, hinggil sa kanilang mga karapatan gayundin ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso.

Tinalakay ng mga pulis sa naturang aktibidad kung paano ipagtatanggol ng mga kabataan ang kanilang sarili at ang kahalagahan ng pagtitiwala

sa mga alagad ng batas na poprotekta sa kanilang karapatan gayundin ang kahandaan ng mga pulis na sila’y tulungan.

“Maganda na sa murang kaisipan pa lamang, malaman na ng mga bata ang kanilang mga karapatan at matatak na sa kanilang pag-iisip na ang

kapulisan ay handa na bigyan sila ng proteksyon sa ano mang pagkakataon,” wika ni P/Gen. Eleazar.

Dagdag pa niya, “I appreciate the efforts of our personnel from the Catanduanes 1st Provincial Mobile Force Company on their initiative of reaching out to children in order for them to realize that policemen are not enemies but friends who are always ready to protect and defend them”.

Namahagi rin ang mga pulis ng school supplies at meryenda sa mga kabataang dumalo sa nasabing aktibidad. (JESSE KABEL)

Read More

ISA SA MGA NASA LIKOD NG SIKAT NA BUKO PIE NG LAGUNA, PATAY SA COVID-19

0

PIHADONG mahihirapan ang mga dumarayo sa Laguna sa paghahanap ng mabibilhan ng kilalang buko pie dahil sa pansamantalang pagtigil ng operasyon nila makaraang bawian ng buhay ang isa sa mga tao sa likod ng produktong ipinagmamalaki ng lalawigan.

Sa impormasyong nakalap ng SAKSI Ngayon, nakatakda na sanang ilipat sa recovery room si Colette dela Cruz na nakuha pang makarekober mula sa severe case na kanyang kinasadlakan nang bigla na lamang umano bumigay.

Ayon sa mga kaanak ni dela Cruz, hindi naging madali ang laban ng pangalan sa likod ng sikat na buko pie lalo pa’t kinailangan pa itong i-intubate at manatili sa Intensive Care Unit (ICU) nitong nakaraang linggo.

Anila, plano pa raw ni Colette na nagtapos ng kursong food technology sa University of the Philippines – Los Baños (UPLB) na palawigin pa ang kanilang negosyo sa hangaring makapagbigay pa ng mas maraming hanapbuhay sa nasabing lalawigan.

Bukod sa pagiging food technologist, kilala rin si Colette na isang mahusay na manunulat sa nasabing pamantasan kung saan siya naging editor ng UPLB Perspective, opisyal na student publication ng UPLB.

Matinding pagdadalamhati naman ang nararamdaman ng industriyang kinabibilangan ng pamilyang dela Cruz sa pagpanaw ng anak ng may-ari ng kumpanya sa likod ng sikat na kakanin.

Matagal na panahon na nang simulan ni Plaridel dela Cruz (ama ni Colette) ang buko pie business ng pamilya gamit ang P5,000 kapital sa San Pablo City kung saan unang ibinenta ang sikat na pasalubong ng mga dumarayo pa sa Laguna. (CYRILL QUILO)

Read More

CHECKPOINT AALISIN NA SA METRO MANILA

0

HINDI na maglalagay ng mga checkpoint ang Philippine National Police sa pagsisimula ngayong araw ng pilot implementation o pagsubok ng pagpapairal ng Alert Level System sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, itutuon na lamang ng pambansang pulisya ang puwersa nito sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown.

“Wala na tayong checkpoint sa operation dahil narinig naman natin ng uniform naman itong Level 4,” ani Eleazar.

Sinabi ng PNP chief na ang pagpapatupad ng granular lockdown ay hindi na bagong hakbang para sa mga pulis dahil mayruon nang limampung lugar sa Metro Manila ang naka-lockdown sa kasalukuyan bunsod ng mataas na kaso ng COVID-19.

Epektibo ngayong Huwebes, September 16, iiral ang Alert Level 4 sa Metro Manila o ang ikalawang mataas na alert level na ibinatay sa dami ng COVID-19 cases at sa kapasidad ng mga ospital. (JG TUMBADO)

Read More

7 PATAY SA COVID SA CAMANAVA

0

PITO ang naitalang namatay sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area dahil sa COVID-19, batay sa ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.

Napag-alaman, tatlo ang binawian ng buhay sa Navotas City at 1,740 ang active cases hanggang 11:59 pm noong Setyembre 13 matapos na 193 ang gumaling ngunit 252 naman ang nahawaan. Pumalo na sa 16,408 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 14,187 na ang gumaling at 481 ang namatay.

Dalawang pasyente naman ang binawian ng buhay sa Malabon City at 91 ang nadagdag na confirmed cases nitong Setyembre 14. Sa kabuuan ay 19,179 ang positive cases sa siyudad, 951 dito ang active cases.

Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangays Acacia (4), Baritan (1), Bayan-bayanan (3), Catmon (3), Dampalit (4), Hulong Duhat (3), Longos (7), Muzon (4), Niugan (3), Panghulo (17), Potrero (4), San Agustin (3), Santulan (1), Tañong (21), Tonsuya (3), Tugatog (9) at isa sa labas ng Malabon.

Habang 129 na pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay nasa 17,636 ang recovered patients ng Malabon at umabot na sa 592 ang bilang ng mga namatay.

Dalawa rin ang iginupo ng pandemya sa Valenzuela City habang 1,777 naman ang active cases makaraang 200 ang gumaling at 245 ang nagpositibo sa virus.  Sumampa na sa 30,369 ang confirmed cases sa lungsod, at sa naturang bilang ay 27,915 na ang nakarekober habang 677 ang namatay.

Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Caloocan City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)

Read More