CONCEPCION CRIMINAL GROUP MEMBER, PATAY SA PNP-PRO5

PATAY ang isang kasapi ng organized crime syndicate sa ikinasang law enforcement operation ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 sa Libon, Albay, ayon kay Bicol PNP chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo kahapon.

Ayon kay P/BGen. Estomo, bandang alas-4:00 kahapon ng madaling araw nang mapatay ng kanyang mga tauhan ang isang miyembro ng notoryus na Concepcion criminal group sa combat operation na isinagawa ng pulisya.

Kinilala ang napatay sa engkwentro na si Rolly Saysay, pinsan ng lider ng crime group na si Gilbert Concepcion.

Isang sugatang kasamahan nito ang nadakip matapos na abandonahin ng

kanilang mga kasama sa pagtakas palayo sa encounter site.

Ayon sa pahayag ni P/Major Malou Calubaquib, tagapagsalita ng PNP-PRO5, habang nasa kalagitnaan ng operasyon, biglang sinalubong ng sunod-sunod na putok ang pinagsamang mga operatiba ng RMFB5, RIU5 SCIT at RMU5 na nag-o-operate sa Brgy. Tambo, sa bayan ng Libon.

Samantala, noong Enero 18, 2022, isang miyembro naman ng Concepcion criminal group ang boluntaryong sumuko at ipinahiwatig ang kanyang pakikipagtulungan upang tugisin ang lider at iba pang mga kaanib nito.

Itinago ito sa alyas “Leo” na ngayon ay nasa pangangalaga na ng pulisya para sa kaukulang disposisyon at para na rin sa kanyang seguridad.

Ang pagsukong ito ay indikasyon sa pagkamulat ni “Leo” sa walang kapararakang adhikain at baluktot na prinsipyo na grupo.

Ang PNP-PRO5, sa pangunguna ni P/BGen. Estomo, ay nananatiling determinado upang puksain ang grupo na matagal nang naghahasik nang pang-aabuso at pananakot sa mga inosenteng sibilyan partikular na sa probinsya ng Albay. (JESSE KABEL)

Related posts

Leave a Comment