Cyber crimes pinatutuldukan ni Defensor P365-M NG CICC GAMITIN VS HACKING, PHISHING

DISMAYADO ang isang kongresista sa patuloy na pagdami ng cybercrimes sa kabila ng pondong inilaan para sa Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) na may mandatong tugunan ang mga biktima ng cyber attacks at pagtugis sa cyber criminals.

Giit ni party-list Rep. Mike Defensor na aspirante rin para sa posisyon ng alkalde sa Quezon City, hindi dapat ipinagwawalang bahala ng CICC ang pinakahuling cyberattack kung saan ang sahod na nakadeposito sa Land Bank of the Philippines (LBP) ng mga guro naman ang pinuntirya.

Ayon pa sa kongresista, may kakayahan ang CICC na lansagin at panagutin ang mga salarin sa likod ng phishing operation ng mga sindikatong target ang salaping pinaghirapan ng mga guro.

“We gave the CICC a total of P365.4 million in new appropriations this year, including P63.5 million for capital outlay, precisely so that it can start operating effectively,” ayon pa kay Defensor.

Malayo aniya ang nasabing halaga kumpara sa P11.7 milyong pondong inilaan para sa nasabing ahensya noong nakaraang taon. Dagdag pa niya, 31 ulit na doble ang ibinigay ng budget ng Kongreso sa naturang tanggapan kaya naman hindi umano katanggap-tanggap na walang gawing aksyon ang CICC.

Base sa mga nakarating na impormasyon sa tanggapan ni Defensor, biglang nawala umano ang sahod ng public school teachers sa kanilang account sa nasabing bangko.

Aniya pa, may mga gurong nawalan ng P26,000 hanggang P121,000 sa kanilang account.

“We expect the CICC to expedite the identification, capture and prosecution of phishers, hackers and other cybercriminals,” dismayadong pahayag ng kongresista sa CICC na itinaguyod batay sa probisyon ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Kabilang naman sa mga bumubuo ng CICC ang Department of Information and Communication Technology, National Bureau of Investigation (NBI) Philippine National Police (PNP), Office of Cybercrime ng Department of Justice (DOJ) at mga kinatawan mula sa akademya at pribadong sector.

“Phishing and hacking are law enforcement problems that can only be curbed once the culprits are apprehended and put behind bars,” pagtatapos ni Defensor. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment