Imbes sa mga guro LAPTOP MAPUPUNTA SA DEPED BOSSES

HINDI ang public school teachers ang makikinabang sa mga laptop na binili ng Department of Education (DepEd) kundi ang mga boss ng mga ito sa regional at district offices ng ahensya.

Ito ang nilalaman, ayon kay ACT Party-list Rep. France Castro, ng DepEd Memorandum 00-0821-0062 kung saan nakasaad kung sino ang prayoridad sa mga bibigyan ng laptop

“Maraming nagtanong, bakit si teacher ang naghirap pero si bossing ang nakinabang?” ani Castro, gayung nang gawin ang Republic Act (RA) 11494 o Bayanihan 2 at bigyan ng P4 billion na pondo ang DepEd, ay ang mga public school teacher ang gustong tulungan at bigyan ng gadgets dahil kailangan nila sa pagtuturo sa distance learning.

Base aniya sa nasabing memo, bibigyan ng 25 units ng laptop ang bawat regional office; 15 unit sa maliliit; 20 sa medium; 25 sa large, at 30 sa very large school division offices.

Tig-iisang unit naman sa bawat implementing unit at district offices at tig-115 sa bawat legislative district na siyang ibibigay naman sa mga paaralan sa loob ng distrito para sa kanilang mga guro.

Indikasyon aniya ito na mas binigyan ng prayoridad ang mataas na mga opisyales ng DepEd sa mga mabibigyan ng laptop gayung hindi aniya ito ang dahilan kung bakit naglaan ang Kongreso ng P4 billion kundi para tulungan ang public school teachers na siyang tunay na nagtatrabaho at nagtuturo sa mga kabataan.

“Sa bisa ng memo na ito, aasa na lamang muli ang mga guro na makabilang sana sa 115 kada Legislative District na swerteng maaaring mabigyan ng laptop,” ayon pa sa mambabatas dahil hindi lang 115 ang guro sa bawat legislative district kundi libu-libo.

Dahil dito, pinalagan ng mambabatas ang nasabing memorandum ng DepEd at kailangan umano itong mabago dahil mas kailangan ng mga guro ang laptop lalo na’t walang balak ang ahensya na ibalik sa face-to-face ang klase sa susunod na school year na magsisimula sa Setyembre 13. (BERNARD TAGUINOD)

72

Related posts

Leave a Comment