MENDIOLA MASSACRE 35 taong paghahanap ng hustisya

(BERNARD TAGUINOD)

TATLO’T kalahating dekada na ang nakararaan, hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng 13 magsasaka na kabilang sa mga nagsagawa ng kilos protesta sa paanan ng Palasyo ng Malacañang sa Mendiola, Manila na nanawagan sa noo’y pangulo ng bansa na si Corazon Aquino ng makatotohanang land reform.

“Pinatay ng gobyerno ang mga magsasakang may lehitimong kahilingan, at wala ni isa ang naparusahan sa mga kriminal na pulis at militar,” panangis ni Rafael Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) habang ginugunita ang ika-35 anibersaryo ng Mendiola Massacre, noong Sabado, Enero 22, 2022.

Tinawag ni Mariano na martir ang mga magsasakang sina Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez, at Roberto Yumul.

Ang KMP na noo’y pinamumunuan ni Jaime Tadeo ay nakikipag-negosasyon sa noo’y Ministry of Agrarian Reform na pinamumunuan ni Minister Heherson Alvarez para sa genuine agrarian reform – ipamahagi nang libre ang lupa sa mga magsasaka, noong Enero 20, 1987.

Nabigo ang negosasyon matapos umano silang sagutin ni Alvarez na idudulog niya kay Aquino ang usapin sa susunod na Cabinet meeting kaya nagpasya ang KMP na magmartsa mula sa tanggapan ng Ministry of Agrarian Reform sa Diliman, Quezon City kung saan sila nagkampo mula Enero 15, 1987.

Enero 22, 1987 naisagawa ang martsa ng KMP na sinuportahan ng Kilusang Mayo Uno, Bagong Alyansang Makabayan, League of Filipino Students (LFS) at Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod.

Pinaghandaan sila ng pinagsanib na puwersa ng Western Police District na noo’y pinamumunuan ni Gen. Alfredo Lim; Integrated National Police (INP) at Philippine Marine Corps.

Tinatayang 10,000 hanggang 15,000 ang bilang ng mga raliyista pero bago sila nakarating sa Mendiola mula sa Liwasang Bonifacio ay nakapuwesto na ang mga pulis at marines.

Nasa first line of defense ang civil disturbance control units ng WPD, nasa likod nila ang Field Force Units ng INP at sa third line of defense ay pinagsamang puwersa ng Marine Civil Disturbance Control Battalion at pulis at nasa likod nila ang mga army truck, water cannon, fire trucks, Mobile Dispersal Teams na armado ng tear gas delivery gear.

Tinangka umano ng mga raliyista na baklasin ang line of defense ng mga otoridad kaya umulan ng tear gas, nagkagulo, umalingawngaw ang tunog ng mga pinaputok na baril at nang humupa ang sitwasyon, 13 magsasaka ang nakahandusay at naliligo na sa sariling dugo. Umaabot pa sa 50 katao ang sugatan na kinabibilangan ng 6 na pulis.

Ayon kay Mariano, hindi tinupad ni Aquino ang kanyang pangako sa mga magsasaka bago ang snap election noong 1986 na magkakaroon ng sariling lupa ang mga magsasaka sa bansa.

“Hindi natin dapat kalimutan na naganap ang Mendiola Massacre, bunsod ng pangakong napako ng dating pangulong Cory Aquino. Ipinangako niya noong Enero 1986, bago mag-snap election na ipapatupad niya ang patakarang “Lupa para sa nagbubungkal,” at ipatutupad din niya ito sa Hacienda Luisita na kontrolado ng kanyang pamilya,” ani Mariano.

Agad aniyang nalimutan ni Cory ang pangako sa mga magsasaka at sa halip ay karahasan umano ang kanyang itinugon sa kahilingan ng mga ito.

“Siya (Cory) na noon na simbolo na ng ‘demokrasya,’ at ‘kalayaan,’ ay pasista pa ang tugon sa isang lehitimong adyenda, kahalintulad din ito sa kasalukuyan, na sa hanay ng mga tumatakbo bilang pangulo, wala ni isa ang nangangako ng libreng pamamahagi ng lupa,” panunumbat ni Mariano.

Bukod kina Cory at Lim, yumao na rin ang iba pang dating opisyales ng INP at militar na nagkaroon umano ng papel sa naturang massacre kaya makakamit pa ba ang hustisya?

“Ang pinakamaliit na maaaring gawin ng gobyerno na hakbang para sa hustisya ay bigyang kompensasyon ang mga pamilyang naulila,” ani Mariano.

Related posts

Leave a Comment