NPA instructor sa Masbate sumuko NO. 2 NPA COMMANDER, 1 PA NAPATAY SA BUKIDNON

NAPATAY sa isinagawang joint anti-communist terrorist operation ng 16th Infantry Battalion ng 4th Infantry Division at PNP’s Special

Action Force ang tinaguriang CPP-NPA Terrorist’s number 2 commander sa Mindanao at isang kasama nito matapos ang 30-minute encounter sa Barangay Kalabugao, Impasugong, Bukidnon.

Ayon kay Lt. Col. Neil Armstrong Batayola, commanding officer ng 16IB na nasa ilalim ng 402nd Infantry Brigade, Philippine Army, makatanggap sila ng sumbong mula sa ilang concerned citizens hinggil sa mga armadong kalalakihan na gumagawa ng karahasan sa kanilang lugar.

Agad nagkaroon ng palitan ng putok nang matunton ng mga tropa ng pamahalaan ang pulutong ng communist terrorist group na nagresulta sa pagkakadiskubre sa dalawang bangkay ng lalaki at isang AK47 Rifle at isang caliber .45 pistol, anti-personnel mine (APM), tatlong backpacks na may lamang personal na kagamitan at subersibong mga dokumento sa encounter site.

Ayon kay Lt. Gen. Greg T. Almerol, commander ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom), ang nalalabing mga kasapi ng CPP-NPA sa kanilang nasasakupan ay mistulang “headless monster” na tumatakbo.

Ito ay matapos na mapatay ng kanyang mga tauhan kay Pedro Codaste alyas Gonyong/Serv, NPA’s number 2 commander sa Mindanao dahil sa pagiging deputy secretary ng Komisyon Mindanao (KOMMID), at isang alyas Zandro, CNT member.

Si Codaste ay ikinokonsiderang acting chairman ng NPA’s Komisyun Mindanao (KOMMID) matapos na mapatay sina Antonio Cabanatan, Jorge Madlos, at Menandro Villanueva.

Kasapi ito ng Communist Party of the Philippines’ (CPP) Central Committee, National Democratic Front (NDF) consultant, deputy secretary ng KOMMID, dating secretary ng Guerilla Front 4A (GF4A) sa Agusan del Sur noong early ’90s, hanggang sa maging secretary ng North Central Mindanao Regional Committee noong 2009.

Samantala, patuloy ang paghina ng New People’s Army kasunod ng pagbabalik-loob ng mga miyembro nito sa panig ng gobyerno.

Isang instructor ng rebeldeng grupo na itinago sa alyas na “Ann” ang sumuko sa Bicol PNP.

Si “Ann”, 29-anyos, residente ng Brgy. Holjogon, Mobo, Masbate, ay isang regular na miyembro ng Larangan 2, Komite ng Probinsya 4, Komite ng Probinsya Masbate sa ilalim ng kumand ni alyas “Ka Daddy”.

Ang nasabing grupo ay nakatuon ang operasyon at patuloy sa paglulunsad ng karahasan sa 3rd District ng Masbate.

Kanya ring isinuko ang isang caliber 357 revolver TM “Smith and Wesson” na walang serial number at limang bala para sa naturang baril.

Ang nasabing former rebel ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng PIT- 5, Masbate para sa kaukulang disposisyon. (JESSE KABEL)

76

Related posts

Leave a Comment