SENIOR CITIZEN DEDBOL KAY UTOL

CAVITE – Patay ang isang 61-anyos na senior citizen nang saksakin ng kanyang nakababatang kapatid nang magtalo habang nag-iinuman sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.

Unang isinugod sa CARSIGMA Hospital saka inilipat sa De La Salle University Medical Center ang biktimang si Alexandro Velasco y Estilo, ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang nakababata nitong kapatid na si Tomas Velasco y Estilo, 58.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Dann Czar Rosales ng GMA Police Station, bago ang insidente, nag-inuman ang magkapatid sa kanilang bahay dakong alas-9:00 ng gabi noong Martes.

Ngunit naungkat ang matagal na nilang alitan na nagresulta sa kanilang pagtatalo. Bigla umanong dumampot ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang kanyang kapatid.

Matapos ang pananaksak, mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman ang biktima sa ospital ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Ayon kay Rosales, bagama’t magkasama ang dalawa sa isang bahay, kapwa may kinikimkim na galit umano ang isa’t isa ang mga ito subalit hindi alam ng kanilang mga kaanak ang puno’t dulo ng kanilang alitan. (SIGFRED ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment