UniTeam hindi apektado CUSI DESPERADO SA PAGKUPKOP KAY SARA

HINDI apektado sa inilabas na anunsyo ng partidong PDP-Laban ang tambalang Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Sara Duterte sa nalalapit na presidential derby sa Mayo.

Ito ang tiniyak ni Atty. Vic Rodriguez na tumatayong tagapagsalita ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) makaraang maglabas ng anunsyo ang basag na partidong pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi kaugnay ng umano’y desisyong kupkupin at suportahan ang batang Duterte bilang kandidato sa posisyon ng pangalawang pangulo.

Giit ni Rodriguez, karapatan ng bawat Pilipino ang pumili ng kanilang kursunada at susuportahang kandidato.

“PDP-Laban, (Cusi faction) announcement adopting vice-presidential aspirant Mayor Sara Duterte is but an expression of its freedom of choice,” ani Rodriguez.

Sa pagkikibit-balikat ng kampo ni Marcos, iba naman ang tono ng kaalyadong partidong Lakas-CMD at ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) regional party na dating kinasapian ni Duterte bago nagpasyang lumipat ng partido.

Taliwas naman sa sinabi ni Cusi hinggil sa napipintong alyansa ng PDP-Laban at Lakas CMD, lumalabas na walang kinalaman ang Lakas-CMD, maging ang HNP regional party na itinatag ng batang Duterte sa Davao City – bagay na kinumpirma rin ng abogadong tagapagsalita ni Marcos.

“The political parties (Lakas-CMD and Hugpong ng Pagbabago) of Mayor Sara informed us that there was no signing of an accord between them and PDP-Laban, nor a semblance of any formality to forge an agreement for Mayor Sara’s ‘adoption’ and that they remain strongly committed to its alliance with presidential aspirant Bongbong Marcos,” ani Rodriguez.

Iginagalang din aniya ni Marcos at ng PFP ang pagnanais ng PDP-Laban na suportahan ang kanyang katambal.

“As far as the Partido Federal ng Pilipinas, the party of presidential aspirant Bongbong Marcos, and the UniTeam are concerned, such “adoption,” though a UNILATERAL move by the PDP-Laban (Cusi faction) deserves our utmost respect.”

Sa isang pahayag na ipinamahagi sa media kahapon ng PDP-Laban (Cusi wing), naniniwala silang maipagpapatuloy ng batang Duterte ang mga pagbabagong isinusulong ng ama nitong si Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakdang bumaba sa pwesto sa Hunyo 2022.

Related posts

Leave a Comment