MISTULANG insulto at ibinababa ng administrasyon ang dangal ng mga Pilipino kaugnay ng mungkahi ni Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III sa United Kingdom at Germany na magpapadala ang Pilipinas ng mga medical practioner tulad ng nurse kung magbibigay ang mga ito ng COVID-19 vaccines.
“Mali po yun kasi pinabababa ang ating dangal doon sa bansang inofferan natin,” ani APEC party-list Rep. Sergio Dagooc sa press conference ng minority bloc sa Kamara kaugnay ng alok ni Bello.
Dapat aniyang ikonsidera ng gobyerno ang ideyang ito dahil hindi umano kailangang i-barter ang mga nurse para magkaroon lamang ng libreng bakuna ang mamamayang Pilipino lalo na ang mga overseas Filipino worker (OFW).
Nagtataka naman si Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr., kung bakit kailangang ibarter pa ang mga nurse para magkaroon ng COVID-19 vaccine supply ang Pilipinas gayung napakalaki na umano ang inutang ng gobyerno para resolbahin ang problema sa COVID-19.
“Medyo nagugulat din ako na medyo ganun katindi na parang… persistent na makakuha tayo ng bakuna in exchange of manpower resources medyo nakakabigla ito. Just wondering kung ano ang nangyari sa ating mga inutang para sa bakuna,” ani Bordado.
Bukod sa daan-daang milyong piso na nautang na ng gobyerno para tugunan ang problema sa pandemya ay umutang ito ng P70 billion para pambili ng bakuna laban sa COVID-19.
Gayunpaman, hanggang ngayon ay wala pang dumarating na bakuna habang ang mga kalapit ng bansa tulad ng Thailand at Malaysia ay nagsisimula na sa kanilang mass vaccination.
Tila idinepensa naman ni House minority leader Joseph Stephen Paduano si Bello dahil wala umano itong nakikitang masama sa layunin ng kalihim.
It’s wrong to accuse Bello of selling our frontliners because his action is for the benefit of the OFWs. Walang masama sa ginawa ni Sec. Bello.
He is actually helping the government produce the much needed vaccines to protect our people,” ani Paduano.
NAKAHIHIYA
Samantala, dapat umanong tigilan ang walang saysay at nakaiinsultong alok ng DOLE dahil labis itong nakahihiya.
Ito ang inihayag ni Senador Imee Marcos sa gitna ng plano ng DOLE na magpadala ng mas maraming Pinoy nurse at health workers sa UK at Germany kapalit ng COVID-19 vaccines.
Iginiit ni Marcos na hindi dapat i-barter o ipagpalit sa bakuna ang mga healthworker na dapat ay pinangangalagaan ng gobyerno.
Isang UK top diplomat naman ang nagsabi na hindi sila papasok sa kasunduan sa Pilipinas.
Inalmahan din ni Senate Committee on Labor and Employment Chairman Joel Villanueva ang naturang rekomendasyon at ipinaalala na ang human resource ng bansa ay hindi basta ipinagpapalit sa anomang bagay.
“More than anything, I think the bigger question here is bakit tayo humantong sa ganitong pagkakataon na tila baga parang you know, short of bartering our human resources for covid vaccines. Importanteng matanong natin yan sa ating mga sarili, lalong-lalo na sa IATF o sa mga nangangalaga nitong ating vaccination program,” diin ni Villanueva. Kahapon, humingi ng pasensya si Bello sa grupo ng mga nurse at sinabing hindi niya intensyong saktan ang mga ito.
Humiling aniya siya ng mga bakuna sa UK dahil nais lang niyang mabakunahan na sa Pilipinas at maprotektahan sa virus ang mga nurse bago pa sila magtungo sa Inglatera. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
Read More