Solon sa priority list ng gobyerno WALANG KWENTA KUNG WALANG BAKUNA

0

BAGAMA’T ikinatuwa na isasama na ang public school teachers sa susunod na babakunahan, wala umano itong kuwenta kung walang vaccine na ituturok sa mga nasa A4 list.

Ito ang dahilan kaya umapela sa gobyerno si ACT party-list Rep. France Castro na bilisan ang pagbili ng bakuna upang magkaroon na ng proteksyon ang mas nakararaming sektor laban sa COVID-19.

“Para saan ang priority list kung wala namang bakunang maituturok sa mga pinaka nangangailangan ng bakuna para tuluyang mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa?,” ani Castro.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos ilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga sector na kasama sa A4 na kinabibilangan na ng mga public school teacher.

Kasama sa A4 o susunod na babakuhanan ang mga commuter (land, air, sea) gayundin ang logistics, vendors, delivery boys, grocery workers; manggagawa sa manufacturing sector at medical at pharmaceutical product employees; food retail service at financial service sector.

Kabing din sa nasabing grupo ang mga hotel and restaurant worker, mga taong simbahan, media workers, telecom, electricity at water utilities employees, overseas Filipino workers (OFWs), empleyado ng mga korte, tax collectors, diplomatic community at mga empleyado ng Department of Public Works ang Highways.

Sinabi ng mambabatas na sa dami ng mga sector na ito, walang kasiguraduhan na mababakunahan sila sa lalong madaling panahon dahil nagkakaubusan na umano ng bakuna.

“May mga siyudad na ngayon na pansamantalang itinigil ang pagtanggap ng schedule ng mga magpapabakuna mula sa A1-A3 priority dahil paubos na ang bakuna, paano pa kaya ang mga nasa A4 priority na kasama na ang malaking bilang ng working population ng bansa?” ani Castro.

Lalong nangangamba ang mambabatas matapos umanong sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang impormasyon kung kailan darating ang mga bakunang inorder.

“Nung nakaraang taon lang, sinasabi ni Pangulong Duterte sa mamamayan na magkakaroon ng bakuna pagdating ng December. Ngayon ang sinasabi niya, hindi siya sigurado kung kailan darating ang mga bakuna para sa mamamayan,” ani Castro.

Dahil dito, kailangan aniyang gumawa ng paraan ang administrasyong Duterte para masigurado ang pagdating ng sapat na bakuna dahil “hindi tayo papayag sa kawalang kasiguraduhan”. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

STA. MARIA, BULACAN MAYOR POSITIBO SA COVID

0

NAKUMPIRMANG positibo sa coronavirus 2019 (COVID-19) ang alkalde ng Sta. Maria, Bulacan matapos sumailalim sa RT-PCR testing makaraang makaramdam ng mga sintomas.

Base sa resulta ng RT-PCR test na inilabas noong Miyerkoles ng umaga, positibo sa COVID-19 si Mayor Russel Pleyto at kasalukyang sumasailalim sa 14-day quarantine.

Ayon sa kanyang Facebook account post, inamin ni Mayor Pleyto na siya ay nakaranas ng flu-like symptoms simula pa noong Lunes kaya naman agad siyang nagpa-swab test noong Martes at dito ay nabatid na positibo sa naturang virus ang alkalde.

Base sa kanyang pahayag, pinaalalahanan nito ang mga taong naka-close contact nito na obserbahan ang kanilang pakiramdam at agad makipag-ugnayan sa rural health unit sakaling makaramdam ng mga sintomas.

Kumikilos na rin ang mga kawani ng municipal health office para sa contact tracing at isinailalim na rin ang ilan sa mga ito sa swab testing base na rin sa direktiba ni Mayor Pleyto upang maiwasan ang pagkahawa.

Si Pleyto ang ika-anim na alkalde sa Bulacan na tinamaan ng COVID-19, unang dinapuan ng virus si Baliuag Mayor Ferdie Estrella, kasunod sina Bulakan Mayor Vergel Meneses, Balagtas Mayor Eladio Gonzales Jr., Bocaue Mayor Jose Santiago at San Ildefonso Mayor Carla Galvez-Tan.

Bukod sa nabanggit na mga alkalde ay nagpositibo sa virus si Governor Daniel Fernando. (ELOISA SILVERIO)

Read More

Sa kabila ng mataas na COVID-19 cases PAGBABAKUNA SA QC MAKUPAD

0

MATATAGALAN pa bago maprotektahan sa pagkahawa at paglala ng COVID-19 ang mga residente ng Lungsod Quezon dahil sa mabagal na implementasyon ng pagbabakuna sa nasabing siyudad.

Sa pinakahuling data na nakuha ng SAKSINGAYON (Peryodiko Filipino Inc.) hanggang Abril 14, nasa 101,100 pa lang nabakunahan sa Quezon City para #QCProtektadoTODO laban sa COVID-19.

Ang lungsod ay patuloy sa kanilang pagbabakuna sa A1-A3 priority groups noong nakaraang Sabado.

“Para sa mga nag-sign-up sa eZConsult, Fully BOOKED na tayo hanggang April 17,” ayon sa post ng official QC FB page.

Sinabi pa nila, “Sa kasalukuyan, tayo ay naghihintay pa ng dagdag na bakuna mula sa Department of Health (DOH)”.

Ang Quezon City ay may kabuuang 2.9 milyong populasyon, ayon sa nakaraang national census.

Ang nasabing siyudad ay may anim na distrito at nakapagtala ng pinakamataas ng mga kaso ng COVID-19 kada araw, kaysa ibang mga lungsod sa Metro Manila.

Kaugnay nito, kung magpapatuloy ang mabagal na proseso sa pagbabakuna ng lungsod, inaasahan na hindi matatapos ngayong taon (2021) ang pagbabakuna sa siyudad at posibleng abutin pa hanggang sa susunod na taon.

Batay sa mga report, ang Quezon City ay hindi bumababa sa animna libo kada araw ang naitatalang bagong COVID-19 cases.

Napag-alaman ding ang mga pampublikong hospital sa Quezon City ay punuan na ang COVID-19 beds. (JOEL O. AMONGO)

Read More

BAKUNA NG INDIA WALA PA RING EUA

0

KAKULANGAN ng requirements kaya umano hindi pa rin nakapagpapalabas ng resulta ang Philippine Food and Drug Administration (FDA) kaugnay sa EUA application ng Bharat Biotech Vaccine na mula sa India.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni FDA Usec. Eric Domingo, na noon pang Enero 2021 nakapagsumite ng aplikasyon ang Bharat Biotech pero may isa pa aniyang dokumento na hindi pa nito naisusumite.

Ani Domingo, kailangan lamang na mapatunayan ng Indian pharma company na nasusunod ng kanilang factory ang mga good manufacturing practice.

Tiniyak naman ni Domingo na sakali’t makakuha ng sapat na requirement ang Bharat Biotech ay agad gugulong ang proseso ng FDA sa EUA application nito. (CHRISTIAN DALE)

Read More

1M JOBLESS SA ECQ PART 2

0

DAHIL sa pananatili sa modified enhanced community quarantine ng NCR Plus areas hanggang katapusan ng Abril ay pumalo na sa 1 milyong mga Pilipino ang walang hanapbuhay sa ngayon.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na batay ito sa kanilang nakalap na datos.

Aniya, noong nasa ECQ kasi ang NCR Plus bubble ay umaabot sa 1.5M ang displaced workers pero dahil nagluwag ng kaunti nang ibaba sa MECQ ang mga nasabing lugar ay nakabalik na ang nasa 500,000 manggagawa.

Sinabi pa nito na dahil din sa 2 linggong ECQ ay nawala ang P1.8B sa ekonomiya bunsod ng pagsasara ng maraming negosyo.

Sa kabilang dako, umaasa naman si Lopez na bababa na ang kaso ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila at magkakaroon na ng sapat na health care utilization upang makabalik sa GCQ at makapaghanapbuhay muli ang tao. (CHRISTIAN DALE)

Read More

FDA, PNP KUMAMBYO SA IVERMECTIN

0

(NELSON S. BADILLA/BERNARD TAGUINOD)

MISTULANG kumambyo ang Food and Drug Administration (FDA) at Philippine National Police na naunang naatasan na tugisin ang mga magbebenta o gagawa ng Ivermectin, umano’y gamot na nakatutulong sa pagpapagaling ng mga tinamaan ng COVID-19.

Kahapon, inihayag ng FDA na “hindi bawal” ibenta ang nasabing gamot.

Ang paglilinaw ng FDA ay pinaniniwalaang resulta ng posibleng pagsiklab ng ‘galit’ ng mga Pilipino sa pagbabawal ng ahensiya na ibenta ang Ivermectin kung malaki ang maitutulong nito bilang proteksiyon ng mamamayan mula sa coronavirus disease-2019 (COVID-2019) kumpara sa ibang bakuna ng mga dambuhalang kumpanya ng ibang bansa.

Sa press statement na inilabas kahapon, Abril 14, ng ahensiya, nilinaw ni FDA Deputy Director-General Oscar Gutierrez Jr. na “authorized” ang Ivermectin na gamitin sa tao.

Ibig sabihin, hindi ilegal ang naturang gamot.

Ngunit, ipinaalam ni Gutierrez na walang “oral Ivermectin” na nakarehistro sa FDA.

Ang aprubado ng FDA ay ang produktong cream na naglalaman ng Ivermectin na ginagamit sa parasitic infection ng tao, patuloy ni Gutierrez.

Ang ibang uri ng Ivermectin ay ginagamit naman ng mga beterinaryo sa mga hayop.

Nilinaw din ng opisyal na pinayagan ng FDA ang isang ospital na umangkat ng ilang kantidad ng Ivermectin na siyang hahaluin, o titimplahin, upang magamit sa tao bilang proteksyon at panlaban sa COVID-19.

Ang maaaring magtimpla ng Ivermectin upang maging gamot laban sa COVID-19 ay pharmacist na mayroong lisensiya mula sa Professional Regulatory Commission (PRC), alinsunod sa “written order” ng isang doktor, paliwanag ni Gutierrez.

Tapos nang isalang sa 20 pag-aaral sa United States (US) ang Ivermectin upang malaman at mapatunayan kung totoong mataas ang bisa nito laban sa COVID-19.

Mayroon pang 40 pag-aaral ang tinatapos sa ibang mga bansa.

 

Police ops suspendido

Samantala, sinuspinde naman ng PNP partikular na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang operasyon laban sa mga nagbebenta at gumagamit ng Ivermectin.

Ito ang nabatid kay Deputy Speaker Bernadette Herrera matapos ang kanilang teleconference kasama sina Senator Christopher “Bong” Go, Executive Secretary Salvador Medialdea, Presidential Management Staff (PMS) chief Ferdinand Cui Jr., PNP chief General Debold Sinas at FDA Director General Eric Domingo noong Martes.

“I was able to explain to the PMS head, as well as to the PNP chief that we should not arrest individuals who would want to purchase Ivermectin from authorized sellers because it is not an illegal drug in the first place,” ani Herrera.
Una rito, hiningi ng Palasyo at FDA ang tulong ng PNP-CIDG para arestuhin ang mga nagbebenta at gumagamit ng Ivermectin na panlaban umano sa coronavirus disease-19 o COVID-19.

Pinalagan ito ni Herrera dahil ang mga ibinebenta at ginagamit na Ivermectin ay human grade at hindi ito ilegal na droga kaya walang dahilan para arestuhin ang mga nagbebenta at gumagamit nito.

“We stressed that there is a human-grade Ivermectin medication and we should make it available and accessible to the public,” ayon sa mambabatas kaya nagkaisa na suspendehin ang police operations at nangako aniya si Sec. Cui na maglalabas ng bagong memorandum anomang araw.

Bukod kay Herrera, itinutulak nina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, 1PACMAN party-list Rep. Eric Pineda, Deputy Speaker Rodante Marcoleta at iba pang mambabatas ang paggamit ng Ivermectin dahil marami na umanong pag-aaral na epektibo itong panlaban sa COVID-19.

Base umano sa mga pag-aaral, lahat ng COVID-19 patients na pinainom ng Ivermectin ay gumaling sa loob ng 48 oras at pinoproteksyunan umano ng gamot na ito ang mga taong umiinom ng isang tableta kada dalawang linggo, laban sa nasabing virus.

Dahil dito kailangang buksan aniya ng FDA ang kanilang isip sa gamot na ito at bilisan ang pag-apruba upang mas maraming Pilipino ang mailigtas sa nakamamatay na virus.

“We also hope the FDA will maintain objectivity and it will not be swayed by large pharmaceutical firms lobbying against Ivermectin. We should uphold the right of Filipinos to choose a COVID-19 treatment that is safe, effective and affordable,” ani Herrera.

Read More

SISTEMA SA VACCINATION NG LGUs PINALALATAG

0

KAILANGANG masiguro ng mga nasa lokal na pamahalaan na kanilang maaabisuhan ang mga nasa substitution list bilang parte ng hakbang ng pamahalaan na masigurong walang bakunang masasayang.

Ito ang inihayag ni testing czar Secretary Vince Dizon sa harap ng kani-kaniyang diakarteng ipinatutupad ng mga nasa LGU sa nagpapatuloy na vaccination program.

Sinabi ni Dizon na kaya may substitution list ay upang hindi mangyari ang vaccine wastage.

Dangan lang at kailangan talagang matiyak ng isang kabilang sa substitution list na madali siyang matatawagan sakali’t may isang babakunahan na hindi sumipot sa kanyang schedule.

Bahala na, ani Dizon kung paano ilalatag ng mga LGU ang sistema sa gitna ng target ng gobyerno na walang matatapon o hindi magagamit na bakuna.

“Unang-una po ‘no, ang policy po ng NTF at ng vaccine cluster ay iiwan sa mga LGU kung ano ang pinakamaayos at pinakamabilis na sistema para sa pagbabakuna. Ngayon may mga LGU na pinapayagan ang walk-in pero higit sa karamihan ay hindi pinapayagan ang walk-in. Ang dahilan dito is importante kasi iyong pre-registration at para masigurado na talagang sumusunod ang lahat sa prioritization natin,” ayon kay Dizon. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Mahinang efficacy rate ng China vaccines NO PROBLEM SA PALASYO

0

WALANG nakikitang problema ang Malakanyang sa naging pahayag ng isang Chinese official na ang mga Chinese vaccine ay walang gayung kataas na efficacy rate.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, sabihin mang tama na nasa singkuwenta porsiyento lang ang efficacy rate ng bakuna ng China ay mabisa pa rin itong proteksiyon.

Aniya, paulit-ulit ang mga eksperto na kahit 50 percent lang ang efficacy rate ng isang bakuna ay garantiya pa rin naman ito para hindi tamaan ng komplikasyon ng COVID-19 at pagkamatay.

Sa kabilang dako, sinabi ni Roque na nagkaruon lang ng maling interpretasyon sa naging pahayag ni Ginoong Gao Fu, ang head ng Chinese Centres for Disease Control and Prevention.

Taken out of context aniya ang Chinese official patungkol sa naging statement nito.

“I think Director of the China Center for Disease Control Gao Fu, has spoken and he said he has been taken out of context ‘no. Pero ganoon pa man assuming na tama nga iyong 50% efficacy rate, ang ini-explain naman ng mga doktor paulit-ulit na iyan, that’s still a guarantee against serious illness or even death because of COVID-19 and that’s why okay pa rin po siyang proteksiyon,” pahayag ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)

Read More

P30-M COVID TEST KITS, HULI SA 10 ONLINE SELLERS

0

TINATAYANG P30 milyong halaga ng COVID-19 rapid test kits ang nakumpiska ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) mula sa siyam na Intsik at isang Filipino sa Quezon City noong Martes.

Inilabas nitong Miyerkoles sa media ng CIDG-NCR ang naturang operasyon na isinagawa dakong alas-11:00 ng umaga sa Scout Baroyan Street, Brgy. South Triangle.

Ayon kay Col. Randy Glenn Silvio, hepe ng CIDG-NCR, sa online ibinebenta ng grupo ng COVID-19 rapid test kits.

Idiniin ni Silvio na ilegal ang negosyo ng sampu dahil wala silang permit mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Ayon sa opisyal, si Marize Santiago lang ang natandaan niyang pangalan sa sampung nahuling suspek dahil ang siyam ay Intsik ang mga pangalan.

Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act 9711 o FDA Act.

Ang pagkakakumpiska sa P30 milyong halaga ng test kits sa COVID-19 ay kongkretong katibayan na mayroong mga negosyanteng walang takot lumabag sa batas habang nananalasa ang coronavirus sa bansa.

Samantala, ilang ulit nang nagbabala ang mga opisyal ng FDA at Department of Health (DOH) na huwag magnegosyo ng ilegal ng COVID-19 test kits at iba pang kaugnay na mga produkto. (NELSON S. BADILLA)

Read More