Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko kaugnay ng locally manufactured fake vaccines, kasabay ng mahigpit nilang pagbabantay laban sa importasyon ng peke at smuggled medicines at vaccines sa bansa.
Kamakailan ay naglabas ang BOC ng kanilang advisory bilang resulta ng isang artikulo na lumabas sa International Police (InterPol).
Sa nasabing artikulo ay natukoy ang mga sindikato at ibang underground groups na nagbebenta ng mga pekeng gamot at bakuna gayundin ang paraan kung paano ito makukuha sa ilegal na pamamaraan.
Dahil dito, tiniyak ng BOC na buong pagsisikap nilang palalakasin ang border security sa tulong na rin ng local law enforcement agencies kabilang na ang National Bureau of Investigation (NBI) , Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pati na rin ang Food and Drug Agency (FDA).
Sa nasabing pagtutulungan ay nagresulta ng pagkakasabat at pagkakadiskubre kamakailan ng makeshift clinics na pinaghihinalaang gumagamot ng COVID-19 patients na umanoy nasa likod ng distribusyon para sa local fake vaccines.
Kaugnay nito, ang BOC ay nagbabala sa publiko na maging maingat sa pag-avail ng bakuna lalo na sa mga peke na posibleng magpapalala pa sa karamdaman ng gagamit nito.
Para naman sa parte ng BOC ay tiniyak nilang magpapatuloy sila sa kanilang trabaho kasama ng gobyerno at law enforcement agencies sa pamamagitan ng pagbibigayan ng intelligence information at koordinasyon pati na rin ang suporta sa pamamagitan ng intellectual property enforcement efforts para matiyak na maiwasan ang pagpapakalat ng peke at smuggled vaccines.
(Jo Calim)