(BERNARD TAGUINOD)
KWESTYONABLE para sa isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang nangyaring engkwentro ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) lalo pa’t may high-ranking police officials umano sa lugar ng bakbakan.
Dismayado si House committee on dangerous drug chairman Rep. Robert Ace Barbers sa aniya’y “very unfortunate incident” na nagresulta sa kamatayan ng apat na operatiba at pagkasugat ng apat na iba pa.
“Both police and PDEA claim their respective anti-drug operations in Ever Gotesco yesterday are legitimate. If this is so, there could be no firefight because there should be coordination between them as required under Sec. 86 of RA 9165 before any legitimate anti-drug operation can be carried out,” ani Barbers.
Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan nakasaad na lahat ng drug operation na isasagawa ng PNP ay kailangang may koordinasyon sa PDEA.
Nais magpatawag ng imbestigasyon ni Barbers upang linawin kung bakit may presensya umano ng mga high ranking police official sa lugar kung saan isinasagawa ang ‘buy-bust operation’.
“This (presensya ng high ranking police officials) adds to the irregularity in the total scenario,” pahayag pa ni Barbers.
KADUDA-DUDA
Duda rin ang mambabatas sa PDEA agents na nakaposisyon sa lugar nang magkabarilan ang mga pulis at kasamahan nila na isang indikasyon na pinaghandaan nila ang operasyon.
“These things will have to be clarified in order for us to introduce proper legislation, timely as it is because we have just approved on second reading the proposed amendments to the Dangerous Drugs Act which we intend to address situations such as this,” ani Barbers.
Sinuportahan naman ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo ang plano ni Barbers na imbestigahan ang engkuwentro na kauna-unahan mula nang paigtingin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya laban sa ilegal na droga noong 2016.
Nagtataka si Castelo kung bakit nauwi sa engkuwentro ang operasyon kung paniniwalaan ang pahayag ng Quezon City Police District (QCPD) na nakipag-ugnayan ang mga ito sa PDEA.
“So why the misencounter? Were the two groups unaware that they would operate in the same area or place? And why did it take so long to stop the gunfight if there was prior coordination? These are additional questions we would like answered,” ani Castelo.
SENATE PROBE
Magsasagawa rin ng investigation in aid of legislation ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa sinasabing misencounter.
Ayon kay Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa, chairman ng komite, magpapatawag sila ng pagdinig sa insidente sa Marso 2.
Iginiit naman ni Senate President Vicente Sotto III na napapanahon nang ipasa ang kanyang isinusulong na panukala na naglalayong lumikha ng United Presidential Drug Enforcement Authority.
Binigyang-diin ni Sotto na makatutulong ang ahensyang ito upang maiwasan ang misencounter.
GAG ORDER
Kaugnay nito, nagbaba ng ‘gag order’ si General Debold Sinas sa QCPD hinggil sa barilang naganap sa Commonwealth, Quezon City nitong Miyerkoles.
Inatasan ng hepe ng PNP si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Vicente Danao Jr. na siyang “opisyal” na magsasalita sa media hinggil sa insidente.
Inatasan din ni Sinas ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na siyang “lead investigating body” sa naganap.
Batay sa inisyal na impormasyon, namatay ang dalawang pulis na nakilala lamang “Lauro de Guzman” at “Garoso” ng QCPD-District Special Operations Unit (DSOU), samantalang apat ang sugatan. Sa huling ulat ay nadagdagan pa umano ng dalawa ang mga nasawi.
Ayon sa press statement ng QCPD noong gabi ng Miyerkoles, “buy-bust operation” ang ikinasa nila.
Tiniyak din ng tagapagsalita ng PDEA na si Derrick Carreon na lehitimong buy-bust operation ang presensya ng mga ahente ng kanyang ahensiya.
Katunayan, mayroong dalang buy-bust money ang mga ahente ng PDEA, saad ni Carreon.
Nagsimula ang engkuwentro ganap na 5:45 ng hapon sa sangay ng food chain na katabi ng Ever Gotesco Mall.
HUSTISYA TINIYAK
Ipinag-alala umano ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang fatal shootout ng mga pulis at PDEA agents pero siniguro na aalamin ang katotohanan at bibigyan ng hustisya.
“The President, of course, expressed both sadness and concern bakit nangyari nga ito na kapwa tao ng gobyerno ay nagkaputukan,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
“Ang in-assure niya, gaya ng nangyari sa Sulu, ay we will get to the bottom of this incident, magkakaroon po ng partial investigation at justice will be done,” dagdag na pahayag nito.
NBI INVESTIGATION
Samantala, inatasan na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa engkwentro.
Paglilinaw ni Guevarra, ang pag-iimbestiga ng NBI ay hiwalay sa pag-iimbestiga ng ad hoc joint PNP-PDEA Board of Inquiry.
Una nang nagkasundo ang PNP at PDEA na bumuo ng joint Board of Inquiry para imbestigahan ang pangyayari na nagresulta rin sa pagkakasugat ng tatlong pulis, dalawang PDEA agents at isang sibilyan.
“SELL-BUST”
ILLEGAL
Isa sa mga anggulong lumutang na posibleng mitsa ng madugong engkuwentro ang ‘sell-bust.’
Agad na nilinaw ni P/Maj. Gen. Danao na bawal ito.
Sa isang live interview matapos ang shootout o misencounter ay inihayag ni Mgen Danao na lahat ng posibleng dahilan o anggulo ay kanilang sisiyasatin at walang magaganap na ‘whitewash”.
Hindi inaalis ng heneral na posibleng isa sa law enforcement team ang gumamit ng maling pamamaraan at ito ay pakay ng pagsisiyasat.
Tiyak umanong may mananagot dito, sinoman o kung totoo man na nagsagawa ng “sell-bust,” ani Danao.
Tahasang sinabi ni Gen. Danao na bawal ang nasabing sistema na kabaligtaran ng buy-bust operation kung saan hindi magdadala ng pera ang mga awtoridad at sa halip ay mag-aalok sila ng droga na ibebenta saka nila huhulihin.
Maging si Rep. Barbers ay nagsabing ilegal ang sell-bust.
“If the news reports are to be believed, PDEA seems engaged in or conducting a sell bust. If this is so, PDEA’s sell bust operation is not legal because it borders on the illegal act of instigation and drug selling or trafficking,” ani Barbers.
“If PDEA adopts “sell bust” as its policy, then it would appear that this organization is like a drug syndicate for practicing and allowing drug trafficking,” dagdag pa ng mambabatas. (NELSON S. BADILLA/DANG SAMSON-GARCIA/JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
Read More