MAHIGIT isang taon na lang matatapos na ang panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magwawakas na rin ang pagiging komisyoner ni Jaime Morante sa Bureau of Immigration (BI) dahil sabay sina Duterte at Morente na aalis mula sa kani-kanilang puwesto sa Hunyo 30, 2022.
Si Morente ay retiradong heneral mula sa Philippine National Police (PNP) kung saan nanilbihan siya sa Davao.
Kaya, masasabing ‘bata’ siya ni Duterte.
Pinagkakatiwalaan siya ni Duterte.
Katunayan, ipinuwesto ni Duterte si Morente sa BI upang lutasin ang suliranin hinggil sa talamak na katiwalian at
korapsyon sa BI.
Kaso, kabaliktaran ang nangyari.
Hindi lang nagpatuloy ang korapsyon, kundi lumala pa nang husto.
Nagkakaroon ng napakaraming salapi ang mga tiwali at korap sa BI dahil sa mga dayuhang pumapasok sa Pilipinas.
Pinagkakakitaan ng mga opisyal at kawani sa BI na pawang matatakaw sa pera ang mga dayuhan – kahit mayroong dokumentong legal ang mga ito.
Pero syempre, walang dudang tumitiba sila nang husto sa tinatawag na “illegal aliens”.
Ngunit, mukhang kanya-kanyang diskarte ang mga korap sa BI.
Iyong iba, ang mga Intsik na mayroong pasugalan sa Pilipinas ang pinuntirya nila tulad ng kasong may kinalaman kay Jack Lam.
Sa mga hindi nakakaalam, si Lam ay isa sa mga ‘sikat’ at ‘malakas’ na “gambling magnate” sa pamahalaan ng China.
Nakabase ang pasugalan ni Lam sa Macau.
Ang Macau ay lungsod sa China na sinasabing ‘balon’ ng negosyong sugal.
Naipasok ni Lam sa Pilipinas ang kanyang “offshore casino” noong panahon ni Pangulong Benigno Simeon Cojangco Aquino III.
Maraming nakakaalam ng impormasyong ito.
Kaya, nang maging pangulo si Duterte, pinuntirya hanggang pagkakitaan ng ilang opisyal ng administrasyon si Jack Lam.
Iba naman ang diskarte ng ibang opisyal ng pamahalaan.
Noong 2017, ipinatupad ng kalihim ng Department of Justice (DOJ) noon na si Vitaliano Aguirre III ang konsepto ng “visa upon arrival” VUA).
Sabi ni Aguirre, ipinayo ito ng kalihim ng Department of Tourism (DOT) noon na si Wanda Tulfo Teo, kapatid nina Ramon, Raffy, Ben at Erwin.
Maganda raw ang layunin ni Teo hinggil sa pagkakaroon ng mga dayuhan ng VUA sa kanilang pagpasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil higit na sisigla ang turismo sa bansa.
Tandaan, napakalaki ng ambag ng turismo sa pag-angat ng ekonomiya.
Sa implementasyon ng VUA, ipinahawak ni Aguirre sa BI ang pangangasiwa rito.
Naglagay siya ng yunit ng BI sa NAIA para maging maayos at epektibo ang pagpapasok ng mga dayuhan, lalo na ng mga Chinese, gamit ang VUA.
Ngunit, napakaraming dayuhan ang pumapasok na walang VUA at kulang-kulang ang mga kinakailangang dokumento para makapasok sa Pilipinas.
Mula rito, tinanggap at pinapasok na rin ang mga dayuhang walang VUA.
Kaya, ipinanganak ang konseptong “Non-VUA”.
Batay sa imbestigasyon sa Senado, sinusuhulan ng Non-VUA na mga dayuhan ang mga taga-BI ng P10,000 kada isa sa kanila.
Ibabato lang ng mga dayuhan ang papel na nakabilot tulad sa kending pastilyas na naglalaman ng P10,000 sa isang kanto, o tabi, ng tanggapan ng BI sa NAIA.
Pagkatapos nito, tuluy-tuloy nang makapapasok ang dayuhan na karamihan sa kanila ay Intsik.
Sa imbestigasyon sa Senado, nadiskubreng umabot daw pala sa P40 bilyon ang kinikita ng sindikatong “Pastilyas”.
Nawala ang hepe ng BI para rito. Ngunit, nagpatuloy ang sindikato.
Pokaragat na ‘yan!
Syempre, lahat ng kasama sa gawaing sindikato ng Pastilyas ay dapat kumita rito.
Ngunit, sa tingin ko ay mayroong ‘nabukulan’ (hindi kumita), kaya nabunyag ang tabakuhan.
Pokaragat na ‘yan.
Marahil, inakala ng mga reporter na nakabase sa BI na tapos na ang pera-perang lakad ng mga matatakaw sa pera sa BI makaraang sampahan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga opisyal at kawani ng BI na sangkot sa ilegal na gawain ng sindikatong Pastilyas.
Kaya, wala na silang naibalita sa media hinggil dito.
Pokaragat na ‘yan.
Kaso, kamakailan ay mayroon na namang korapsyon sa BI.
Dalawang beses ko nang ginawa ang istorya ukol sa pinakabagong raket sa BI.
Ayon sa impormasyon, hindi lang P10,000 ang hatagan, kundi P550,000 kada isang dayuhan.
Pokaragat na ‘yan!
Malakihan na po ito.
Wala pang pangalan ang bagong kalakaran, o ang sindikato mismo rito sa BI.
Ngunit, lahat ng kailangang dokumento ng isang Chinese na pupunta sa Pilipinas ay inaayos na rito sa BI upang walang aberya ang kliyente nilang papasok sa bansa, sa pamamagitan ng NAIA.
Uulitin ko po – P550,000 bawat isang dayuhan ang bayad.
Isa lang tiba-tiba na sila.
Siyempre, mas maganda kung makadalawa, o makatatlo, at apat pa.
Pokaragat talaga sila!
Wala namang tinukoy na opisyal, o kawani ng BI, ang nasa likod ng bagong diskarte ng korapsyon sa nasabing ahensiya.
Ngunit, ang nasakote ng mga tauhan ng NBI na si Vivan Lara ay empleyado ng Calalang Law Office.
Ang Calalang Law Office ay mayroong akreditasyon para makakilos at makipagtransaksiyon sa BI.
Ayon sa impormasyon ng NBI, P900,000 ang nakumpiska nila kay Lara sa isinagawang entrapment operation laban sa kanya.
Ipinag-utos ni Morente ang imbestigasyon hinggil dito makaraang makarating sa kanyang tanggapan ang nasabing pangyayari.
Gusto ni Morente na malaman ang buong impormasyong hinggil sa suhulang P550,000.
Malaman natin ang resulta sa susunod na mga araw, linggo, buwan, o mga taon
Ganyan na muna dahil hindi ko kabisado kung gaano kabilis magtrabaho si Morente laban sa korapsyon.
Read More