131 ASUNTO INIHAIN MULA ENERO

0

MALAYO na sa dating kawanihang kilala sa katiwalian ang bagong Bureau of Customs (BOC) ani Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa kanyang ulat sa Department of Finance (DOF) kamakailan.

Aniya, may kabuuang 131 kasong kriminal at administratibo na ang kanilang isinampa laban sa mga importers, consignees at maging sa mga customs brokers kaugnay ng mga bigong tangka nitong magpasok ng mga ilegal na kalakal sa bansa gamit ang iba’t ibang diskarteng bistado na aniya ng kanilang kawanihan.

Sa 131 kasong inihain sa Department of Justice (DOJ), 75 ang nahaharap sa asuntong kriminal na aniya’y posibleng magdala sa mga sangkot sa bilangguan sakaling mapatunayang totoo ang paratang sa husgado.

Kabilang sa mga kasong inihain ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) ay ang paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), RA 4653 (National Policy to Prohibit the Commercial Importation of Textile Articles Commonly Known as Used Clothing and Rags), RA 5607 (Anti-Smuggling Law) at iba pang umiiral na batas at regulasyon ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.

May kabuuang 242 indibidwal din ang kanilang isinakdal, kabilang ang mga kasabwat ng customs brokers at maging ilang kawani ng BOC.

Sa tala ng kawanihan, 516 opisyal at empleyado mula sa iba’t ibang tanggapan ng BOC sa buong bansa ang inisyuhan na rin ng show-cause order mula pa Enero.

Tatlo na rin ang sinibak ni Guerrero mula sa kawanihan, habang 12 naman ang pinatawan ng suspensyon kaugnay ng kampanya ng BOC kontra katiwalian, bukod pa sa mga itinapon sa malalayong tanggapan dahil sa tigas ng ulo at pagsuway sa kanilang reglamento.

Babala ni Guerrero, marami pa ang kanilang kakalusin sa hangarin linisin ng husto ang kanilang ahensya, kasabay ng pahayag kaugnay ng kabi-kabilang pagsasampa ng mga kasong administratibo sa mga sablay na tauhan ng kanilang kawanihan.

Aniya, 31 opisyal at kawani ng kanilang ahensya ang sinampahan ng mga kasong administratibo, habang 57 kaso naman ang inindorso na sa National Bureau of Investigation (NBI) at isa sa Office of the Ombudsman para sa kaukulang aksyon.

Binalasa din ni Guerrero ang kawanihang pinamumunuan. Sapul sa reshuffle ang anim na ni-relieve sa pwesto (floating) habang 543 iba pa ang idinestino sa malalayong tanggapan ng kanilang kawanihan dahil sa kinasangkutang iregularidad sa pagganap ng kani-kanilang tungkulin sa BOC.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment