BABAENG DRUG MULE NAARESTO NG CUSTOMS; P28-M SHABU NAKUMPISKA SA THAI PASSENGER

DAHIL mas pinahigpit ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbabantay sa puerto upang hindi makalusot ang pagpasok ng ilegal na droga, isang babaeng Thai passenger ang inaresto ng mga tauhan ng ahensiya kaugnay sa tangkang pagpupuslit ng P28 milyong halaga ng droga sa Ninoy Aquino International Airport.

Ang suspek na nakilalang si Pakira Janwong, 27, ay inaresto matapos tangkain nitong ilusot ang 4.125 kilos ng shabu na may street o market value na P28,050,000 na nakatago sa kanyang luggage.

Natuklasan ang shabu nang dumaan ang luggage ni Janwong sa x-ray scanning kung kaya’t kaagad siyang pinigilan ng mga alertong tauhan ng BOC.

Nabatid na ang suspek na isang Thai national ay dumating sa Pilipinas lulan ng AirAsia Zest Flight Z2 288 mula Bangkok, Thailand bandang alas-3 ng umaga noong Pebrero 3.

Nang isailalim sa test ang droga, nagpositibo ito na shabu kung kaya’t ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang nakumpiskang droga ay kaagad na itinurn-over sa laboratoryo ng Philippine Drug Enforcement Agency para sa tamang disposisyon.

Bunga nito, pinuri ni Commissioner Rey Leonard Guerrero ang mga tauhan ng BOC-NAIA na sumusunod na maayos sa kanilang mandato na bantayang mabuti ang mga lugar na pasukan sa ating bansa upang hindi makalusot ang mga ilegal na droga at iba pang kargamento kasunod nang pagbibigay babala sa mga magtatangka pang magpalusot ng ilegal na droga sa bansa.  Joel Amongo

 

 

Related posts

Leave a Comment