BOC TUTOK PA VS. ASF CONTAMINATED MEAT PRODUCTS

BOC VS CONTAMINATED MEAT PRODUCTS

NANANATILI  ang mahigpit na pagbabantay  ng Bureau of Customs (BOC) sa lahat ng paliparan at puerto sa buong bansa laban sa pagpasok ng mga karneng pinaghihinalaang kontaminado ng African Swine Fever (ASF).

Matatandaang nauna nang nagpalabas ng memorandum ang BOC Manila na may petsang Agosto 27 na nagbigay direktiba sa lahat ng district collectors, sub-port collectors, at iba pang kinauukulang ahensiya para tutukan ang pagpasok ng mga karneng kontaminado ng ASF.

Pirmado ang nasabing  memorandum ni BOC Deputy Commissioner for Assessment and Operations Coordinating Group Atty. Edward James By Buco.

Nakapaloob pa sa memorandum na muling ipagbawal ang pag-aangkat ng karneng baboy at iba pang produkto nito mula sa bansang apektado ng ASF.

Kabilang sa mga bansang apektado ng naturang virus ay ang Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, China, Bulgaria, Czech Republic, Moldova, South Africa, Zambia, Belgium, Vietnam, Cambodia, Hong Kong, Laos, Mongolia, at North Korea.

Nadagdagan pa ito ng bansang Myanmar, Serbia at South Korea.

Dahil dito, payo ni Buco sa  lahat ng district collectors at sub-port collectors na makipag-ugnayan sa Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) personnel at lahat ng international airports at sea ports para sa pag-inspeksiyon ng  checked-in at hand carry na bagahe ng mga pasaherong papasok sa bansa  partikular ang mga nanggaling sa mga nabanggit na bansang apektado ng ASF.

Inutos pa nitong agad na sirain sa loob ng 24-oras mula sa pagkakumpiska nito oras may nakitang mga karne at iba pang produkto nito na nanggaling sa mga bansang apektado ng virus. (Boy Anacta)

177

Related posts

Leave a Comment