CONSIGNEE DAKIP, DROGA SA PENTEL

ARESTADO sa pinagsanib na operasyon kontra droga ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City ang isang consignee ng bagaheng naglalaman ng shabu.

Sa ulat ng BOC-Port of Clark, lubhang ikinabahala ng mga kawani ng nasabing tanggapan ang isang bagahe makaraang magpamalas ng kakaibang galaw ang mga nakatalagang K9 dogs, dahilan para agad na gamitan ng x-ray machine na nakatalaga sa naturang puerto ang kaduda-dudang laman ng kargamentong idineklarang marker pens mula sa Estados Unidos.

Nang masipat ang imaheng lumalabas sa x-ray, nagpasya ang mga operatibang isailalim sa inspeksyon ang aktuwal na laman ng bahage. Dito na tumambad ang iligal na drogang nakakubli sa walong pirasong pentel pens na bahagi ng laman ng naturang bagahe.

Sa hangaring makatiyak sa kanilang hinala, ipinasuri ang mga kumpiskadong epektos sa PDEA para sa chemical laboratory analysis. Ang resulta – positibong droga, hudyat para sa agarang paglalabas ng warrant of seizure and detention at atas para sa controlled delivery laban sa consignee batay sa dokumento ng naturang kargamento.

Sa ikinasang controlled delivery operation sa Quezon City sa pagitan ng BOC at PDEA, agad namang nadakip ang suspek na huli sa aktong pagtanggap ng drogang nakakubli sa mga marker pens.

Gayunpaman, hindi na pinangalanan ng kawanihan ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.

Nakapiit na ngayon sa PDEA custodial facility ang suspek. (BOY ANACTA)

Related posts

Leave a Comment