INTELLIGENCE NETWORK PINALAKAS NG BOC

BRAVO

SUNUD-SUNOD ang na­ging accomplishments ng Bureau of Customs sa iba’t ibang panig ng bansa bunga ng pinalakas na intelligence network ng ahensiya.

Bago maupo si Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero sa Customs, sirang-sira ang pangalan ng ahensiya dahil sa mantsang iniwan ng kanyang pinalitan kaya naman nang maupo ito bilang hepe ay kanyang hinikayat ang  mga tauhan nito na sumama at makiisa sa kanyang paglilinis ng ahensiya o lumayas kung hindi kayang gampanan ang tungkulin na nakaatang sa kanila.

Kaya naman, mabilis ang pagbabagong naganap sa iba’t ibang tanggapan ng BOC at ang mga pangyayari ay pawang para sa kabutihan ng ahensiya at pamahalaan.

Noong Martes, isa na namang matagumpay na operasyon ang nagawa ng mga tauhan ng BOC sa pakikipagtulungan ng Zamboanga Police Office nang masabat ang P4.2 milyong halaga ng puslit na sigarilyo.

Nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng awtoridad ang 143 kahon at 40 pakete ng Bravo Red Cigarettes mula sa isang Malaysian Pa­nel Truck sa Urban Poor Drive, Tugbu­ngan, Zamboanga City.

Inaresto ng mga pulis na kasama ng BOC ang driver at mga tauhan na nasa loob ng truck at ipinagharap ng mga kasong paglabag sa Executive Order No. 425 na kilala bilang “Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Tobacco and Tobacco Products at Republic Act RA 10863 na kilala sa tawag na “Customs Modernization and Tariff Act of 2016.

Maging ang trak at mga sigarilyong itinuturing na kontrabando ay kinum­piska upang maimbentaryo at ma­lagak sa tamang disposisyon.

Nabatid mula sa source na may nagtimbre sa BOC kaugnay sa mga puslit na kontrabando kung kaya’t nakipag-ugnayan sila sa Philip­pine National Police.

Naunang sinabi naman ni Port of Zamboanga District Collector Segundo Sigmundfreud Barte Jr., na kaugnay nang pagpapalakas ng intelligence network, pinaigting na rin ng BOC ang anti-smuggling operations bilang bahagi ng pagtupad sa mahigpit na kautusan ni Commissioner Guerrero.

Malaki ang paniwala ng mga opisyal ng BOC, kasama si Barte, na tama ang mga hakbang ni Guerrero na mas palakasin pa ang kanilang ahensiya ukol  sa buwis na dapat pumasok sa kaban ng bayan kaugnay sa import and export activities.

Ang pagkakahuli sa smuggled cigarettes ay isa lang sa maliliit na hakbang ng ahensiya upang muling bumango ang pangalan nito at muling mabalik ang respeto ng mga tao.

Maipapalagay na isang magandang layunin ng BOC sa paghihigpit na makalusot ang smuggled cigarettes at maprotektahan ang publiko sa posibleng panganib na maidudulot nito.

Nabatid na ang karagatan ng Zamboanga ang paboritong daungan ng mga sasakyang pandagat na naglalaman ng smuggled goods mula sa mga kalapit na bansa sa Asia. (JOEL O. AMONGO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment