(Ni BOY ANACTA)
Pinalakas pa ng Bureau of Customs (BOC) San Fernando, La Union ang kanilang kampanya laban sa pagpasok ng ipinagbabawal na ilegal na droga sa kanilang puwerto.
Sa pamamagitan na rin ito ng pakikipagtulungan ng pamunuan nito sa pangunguna ni Atty. Ruby Claudia Alameda sa Region 1 Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa tuluyang pagsugpo ng mga tiwaling tao na nagnanais na magpasok ng ilegal na droga sa bansa sa pamamagitan ng paggamit ng Port of San Fernando.
Malinaw sa RA No. 9165 na ang PDEA ang siyang mangunguna sa mga law enforcement agency na susugpo kontra ilegal na droga sa bansa sa pakikipagtulungan na rin ng mga pwerto sa iba’t ibang lugar sa bansa na dahilan upang masabat ang mga ito.
Nauna nang nagsanib ang BOC-San Fernando at PDEA para sugpuin ang pagpasok ng ilegal na droga sa nasabing lalawigan.
Kasabay na rin dito ang pagbuo ng Composite Team sa Region 1 na binubuo ng PDEA, PNP Maritime Police, Philippine Coast Guard, Philippine Navy, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at BOC.
Kasama rin ang mga pribadong negosyante na nagpapasok ng kanilang mga kargamento sa nabanggit na pwerto.
Naniniwala naman ang mga tauhan ng BOC-San Fernando na sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at maging mga pribadong negosyante ay walang makakalusot na ilegal na droga sa kanilang lalawigan mula sa ibang bansa.
150