KASO VS IMPORTERS, CUSTOMS BROKERS

HINDI nakalusot sa aberya ang mga tangkang pandaraya ng ilang importers at customs brokers sa likod ng mga bugong pagpupuslit ng mga kargamento sa iba’t ibang puertong saklaw ng Bureau of Customs (BOC).

Sa imbentaryo ng Revenue Collection Monitoring Group ng kawanihan, nasa 166 ang kabuuang bilang ng mga asuntong isinampa ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) laban sa mga bulilyasong importers at kasapakat na customs brokers bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra smuggling.

Ayon sa BOC, nasa 103 kasong kriminal ang inihain mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon laban sa 309 importers and customs brokers bunsod ng paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at iba pang kaugnay na batas sa larangan ng kalakalan.

Nasa 63 kasong administratibo naman ang naisampa ng BOC sa Professional Regulation Commission (PRC) laban naman sa mga lisensyadong customs brokers.

Sa datos ng BATAS, lumalabas na kabilang sa mga kasong inihain ng BOC ang mga sangkot sa tangkang pagpupuslit ng hindi bababa sa P897-milyong halaga ng mga imported na sigarilyo, P239-milyong halaga ng mga produktong agrikultura, P253-milyong halaga ng general merchandise, P57.9-milyong halaga ng gamut, P57.1-milyong halaga ng iba’t ibang klase ng sasakyan, at iba pang kalakal na nagkakahalaga ng P49.1 milyon.

Pasok din sa mga kinasuhan yaong mga napatunayang sadyang nagbaklas ng electronic customs seals, isang mekanismong gamit ng BOC para sa seguridad at integridad ng mga pumapasok at lumalabas na kalakal.

 

Related posts

Leave a Comment