P102-M tsaa-bu silat sa BOC LAKAS TAMA

SILAT sa pinagsanib na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Bureau of Customs (BOC) sa Caloocan City ang P102-milyong halaga ng drogang nakakubli sa mga pakete ng tsaa.

Sa isang entrapment operation, arestado ang 42-anyos na residente ng Pasay City na si Randy Rafael Rodriguez, kasabay ng pagkumpiska ng 15 kilo ng shabu sa pag-iingat ng suspek.

Bago pa man isinagawa ang operasyon kontra droga, una nang nakatanggap ang kawanihan ng isang intelligence report kaugnay ng mga kargamentong tsaa mula sa bansang Tsina — mga epektos na tinutukan mula sa paglalabas hanggang sa mapasakamay ng suspek na agad din namang nadakip nang kumagat ito sa transaksyon.

Bukod sa droga, narekober din sa suspek ang buy-bust money na ginamit sa nasabing operasyon kontra-droga.

Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang nakatakdang isampa laban kay Rodriguez na patuloy pang iniimbestigahan para matukoy ang iba pang miyembro ng pinaniniwalaang malaking sindikato sa likod ng pagpupuslit ng mga droga mula sa bansang Tsina.

Kaugnay nito, naglabas ng direktiba si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero para sa mas mahigpit na pagbabantay sa mga pumapasok na kargamentong karaniwang dagsa sa tuwing papalapit na ang  Kapaskuhan.

Babala pa ng opisyal, mananagot ang mga kawani at opisyales ng puertong malulusutan.

120

Related posts

Leave a Comment