P30M FAKE MEDS, SILAT SA BOC OPS

Ni JOEL O. AMONGO

ARESTADO sa pinagsanib na operasyon ng Bureau of Customs (BOC) Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Intelligence Service Armed Forces Of the Philippines (ISAFP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Pakistani na umano’y nasa likod ng pamemeke ng mga gamot laban sa laganap na trangkaso.

Kabilang sa mga nasamsam ang ibat ibang palsipikadong gamot tulad ng Biogesic, Neozep, Bioflu, Immunpro, Ivermectin, Phenokinon F Injection, Medicol, Flanax, Alaxan FR at MX3.

Sa tala ng mga operatiba, hindi bababa sa P30-milyong halaga ang mga nasamsam sa magkahiwalay na operasyon sa Parañaque City kung saan nadakip ang isang Pakistani na kinilala sa pangalang Adel Rajput, 31-anyos na residente ng Caloocan City.

Sa pagsusuring isinagawa ng Food and Drugs Administration (FDA) at Unilab Pharmaceuticals, lumalabas na peke ang mga nasamsam na gamot.

Sa ulat ng mga operatiba, kumpiskado rin ang kahon-kahong iba pang gamot kontra COVID-19 mula sa bansang Tsina.

Patung-patong na asunto naman ang inihain ng mga operatiba mula sa iba’t ibang ahensya laban kay Rajput.

“We received reports about the presence of counterfeit items. It’s not just items, but medicines. We acted on this immediately because this can pose a health threat. They are selling these to unsuspecting people whose only hope is to buy authentic medicines for themselves and their loved ones,” saad naman ni Customs Deputy Commissioner Raniel Ramiro.

Kamakailan lang, nasa P50 milyong halaga ng mga palsipikadong Alaxan, Tuseran Forte, Propan at Diatabs ang nasamsam ng BOC sa isang bodega sa Pasig City.

Sa isang pahayag, pagkabahala naman ang sentimyento ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero. Aniya, hindi dapat malagay sa peligro ang mga mamamayan lalo pa’t malalagay sa alanganin ang sinuman sa peligrong dala ng mga pekeng medisina.

“It is sad how these criminals are using the pandemic for their own gain, especially when it comes to medicines. These are medicines that people thought will relieve them of their pain, their

conditions. It is unforgivable that these individuals are using people’s desperation to earn money,” aniya.

Related posts

Leave a Comment