P6.8-M SHABU KUMPISKADO, CLAIMANT ARESTADO SA BOC-PORT OF CLARK

JOEL O. AMONGO

Nagkakahalaga ng mahigit sa anim na ­milyong pisong (P6.8-M) halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark kamakailan.

Ang shipment ay ­dumating sa bansa mula Shah Alam, Malaysia noong Pebrero 16, 2021 at deklaradong Air Fryer at Silkware.

Nang isailalim sa ­profiling at physical ­examination, natuklasan ang dalawang piraso ng frying pan at isang air fryer. Pero sa pamamagitan naman ng X-Ray ay nadiskubre na naglalaman din ito ng tinatawag na organic substances.

Kaya nang buksan ng Customs Examiner ang shipment ay positibong nakita ang dalawang (2) itim na plastic packs na kargado ng crystaline substances na pinaghihinalaang shabu.

Isinailalim ito agad sa K-9 sniffing at dinala ang mga samples para sa laboratory testing at chemical analysis na kung saan ay ­nakumpirmang positibo ang kargamento sa ­Methamphetamine Hydrochloride o shabu.

Dahil dito, agad na nagpalabas ng Warrant of ­Siezure and Detention (WSD) si District Collector Atty. Ruby Almeda laban sa subject shipment para sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d) at 1113 (f), (i) & (I) ng RA No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na may kaugnayan sa RA No. 9165 o ang ­Comprehensive ­Dangerous Drugs Act of 2002.

Nauna rito, ay nagkaroon ng close coordination ang BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region III para magsagawa ng controlled ­delivery operations na ­nagresulta sa pagkakaaresto ng claimant ng naturang shipment sa Region VII (Cebu City).

Kaugnay nito, isang kaso para sa paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs) na may kaugnayan sa Section 26a. Article II ng RA No. 9165 ang isinampa laban sa mga suspek.

Pinapurihan naman ni Atty. Almeda ang kanyang mga tauhan sa pagkakasabat ng nasabing illegal drugs at pagkakaaresto din ng claimant nito.

Idinagdag pa niya na mahigpit nilang ipinatutupad ang direktiba ni BOC Commissioner Rey ­Leonardo Guerrero na manatiling maging mahigpit ang lahat ng pwerto laban sa pagpasok ng mga ilegal na droga alinsunod sa war on drugs ni PRRD.

88

Related posts

Leave a Comment