P7.48-M DROGA HULI SA CLARK

TIMBOG sa pinaigting na pagbabantay ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Clark International Airport ang P7.48 milyong halaga ng shabu na ikinubli sa loob ng isang bagaheng idineklara bilang termos.
Sa isang pahayag, muling nagbabala si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero laban sa mga sindikatong nagpipilit magpuslit ng iligal na droga sa bansa.
Binigyang pagkilala rin ni Guerrero ang sigasig na ipinamalas ng mga kawani at operatiba mula sa PDEA, Enforcement and Security Service (ESS), at Customs Anti- Illegal Drug Task Force (CAIDTF), sa mahigpit na pagbabantay sa mga tangkang pagpupuslit ng droga sa nasabing pasilidad.
Giit pa nito, mas pagbubutihin pa ng kanilang kagawaran ang kanilang trabaho bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng giyera ng gobyerno kontra droga.
Sa ulat ng mga operatiba, kumpiskado ang mahigit isang kilong shabu sa isang bagaheng idineklarang termos mula sa Lilongwe, Malawi.
Sa tulong ng isang impormanteng nagtimbre hinggil sa paglapag ng nasabing epektos, agad na piniit ang nasabing bagahe. Sa puntong ito, idinaan sa makabagong x-ray machine ang kargamento kung saan lalong lumakas ang hinala nilang iyon na ang kanilang hinihintay.
Agad namang ininspeksyon at tumambad na nga ang limang pakete ng drogang itinago sa mga termos na mula sa Malawi.
Gamit ang Warrant of Seizure na nilagdaan ni BOC-POC District Collector Alexandra Lumontad, agad na sinamsam ang mga epektos, batay na rin sa mga probisyon sa ilalim ng R.A. 10863 (Customs Modern­ization and Tariff Act) at R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Kamakailan lang ay  nakasabat din ang BOC-POC at PDEA ng illegal drug shipments na itinago naman sa loob ng mga air-fryers at CCTV cameras.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa hangarin matunton ang mga taong sangkot sa bigong tangkang pagpupuslit ng droga sa bansa.
174

Related posts

Leave a Comment