P740-M FAKE GOODS NAKUMPISKA SA PASAY AT MAYNILA

BOC-4

Meat products na kontaminado ng ASF nasabat din

Aabot sa mahigit pitong daang milyon pisong ha­laga ng pekeng goods  o kalakal ang nakumpiska ng Bureau of Customs Intelligence Group (BOC-IG) sa magkakahiwalay na operasyon sa Pasay City at Maynila kamakailan.

Noong nakaraang Mayo 21, 2019,  ay nagsagawa ng inspeksyon ang mga ope­ratiba ng BOC-IG sa  mga warehouse  na matatagpuan sa Baclaran, Pasay City  matapos na makatanggap sila ng tip at impormasyon  na may warehouse sa nasabing lugar na naglalaman  ng  mga pekeng kalakal na ibinebenta sa palengke.

Dito natuklasan at nakumpiska ang mga pekeng branded footwear, wearing apparels, cosmetics, toys, at cellphone accessories.

Malinaw na ang  nasabing mga items ay may paglabag sa Republic Act (RA) No. 8293 o ang Intellectual Property (IP) Code of the Philippines at Section 118 (f) ng RA 10863 o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016.

Sa isinagawa namang  follow-up operation ng BOC at sa pag-inspeksyon  sa isang warehouse sa Sta. Cruz, Maynila nitong nakalipas na Mayo 28 ay natagpuan ang  smuggled at unregistered medical products.

Ang naturang mga items ay malinaw na lumabag sa Section 117 ng CMTA na  pinagbabawal ang importasyon ng goods/items na walang kaukulang import permits.

Ang matagumpay na operasyon ay resulta na rin ng pinaigting na kampanya ng ahensiya kontra smuggling sa  pakikipagtulungan na rin ng Intellectual Property Rights Division and Customs Intelligence and Investigation Service sa ilalim ng BOC-IG, BOC-Enforcement and Security Service at Armed Forces of the Philippines-Joint Task Force-NCR.

Samantala, nasabat  pa rin ng BOC ang produktong karne na hinihinalang kontaminado ng African Swine Fever (ASF) na nanggaling umano sa bansang China na ipinasok sa Port of Subic kamakailan.

Ayon sa ulat,  Mayo 29, 2019  nang masabat ng ahensiya ang nasabing shipment na naka-consign sa Rudar Trading Corporation na naglalaman ng pork products sa Port of Subic.

Bago nasabat ang  kontrabando,  isinailalim  ito sa surveillance at monitoring ng Office of the District Collector at ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Port of Subic  bilang pagsunod  na rin sa kautusan ng Food and Drugs Administration at  ini­labas na memorandum ng  Department of Agriculture na may kinalaman sa  “Temporary ban on the importation of domestic and wild pigs and their products including pork meat and semen” na nagmula sa mga bansang apektado ng ASF tulad ng China.

Kaya naman agad na nag-isyu ng Alert Order No.A/DC/SUB/20190529-01 ang Port of Subic matapos matuklasan ang nasabing shipment na may lamang  pork meat products-pork balls na idineklarang may halagang P600,000.00.

Noong nakaraang Hun­yo 3, 2019, ang Port of Subic ay nakipagtulungan sa Bureau of Animal Industry (BAI) quarantine officers para pangasiwaan ang eksaminasyon ng nasabing shipment.

Sa isinagawang aktuwal na eksaminasyon sa shipment ay natuklasang naglalaman din ng fish tofu at maraming box ng pork at pork derived products.

Agad inisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention ang shipment dahil sa paglabag sa Section 1113 (f) ng Republic Act No. 10863 o mas kilala sa Customs Mo­dernization and Tariff Act na may kaugnayan sa Department of Agriculture/Office of the Secretary Memorandum Nos. 23 and 26 na nagbabawal sa pagpasok ng karneng baboy at kapareho nitong produkto na nagmula sa China at iba pang bansa na apektado ng ASF.

SMUGGLED ITEMS NASABAT PA SA PORT OF CEBU

Sa Port of Cebu, iba’t ibang items na nagmula sa bansang China na ipinasok sa nasabing pantalan ang nasabat din ng ahensiya.

Ang nasabing shipment ay dumating sa Sub-Port of Mactan mula China noong Marso 26  ng taong kasalukuyan dala ng isang pasaherong nakilalang si Jo Nari.

Ayon sa Customs Examiner na si Hevelyn Marzado,  isinailalim nila sa physical examination ang bagahe ng nabanggit na pasahero sa nasabing  eksaminasyon  at natuklasan  ang mga laman nitong hindi deklarado na kinabibilangan ng limang pares ng Chanel shoes, da­lawang pares ng  Christian Dior shoes, tatlong  pares ng Gucci shoes, dalawang pares ng  Adidas shoes, da­lawang pares ng  LV shoes, tatlong pares ng  Berluta shoes, isang pares ng  Al-Exander Macqueen shoes, isang pares  ng Balenciaga shoes, isang pares ng Hermes sandals, tatlong pares ng LV & Valentino sandals, isang piraso ng  LV wallet, tatlong piraso ng LV bags, pitong piraso  ng assorted fake pants, dalawang piraso ng Gucci bags, isang piraso ng  Goyard bag, siyam na piraso  ng CK boxers, apatnapung piraso  ng assorted t-shirts dresses at  jackets,  at siyam na piraso ng assorted socks.

Ang shipment ay ini­syuhan ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) noong Abril 15 kaugnay ng pagi­ging misdeclared/undeclared items  at malinaw na paglabag sa Section 1113 Section (f) na may kaugna­yan sa Section 117, Section 1113 (i) at Section 1404 ng Customs Modernization and Tariff Act.

Nauna nang ipinag-utos ni District Collector Atty. Elvira Cruz sa Customs Enforcement and Security Service ang paghuli sa nasabing mga kargamento batay sa Customs Memorandum Order No. 8-84.

Ang pagkumpiska ay sa pakikipagtulungan ng Customs personnel mula Sub-Port of Mactan Passenger Service, sa pamumuno ni OIC Atty. Ricardo U. Morales II, CESE.

Isinailalim  na sa safekeeping ang mga nakum­piskang items  at hinihintay na lamang ang final disposition.

76

Related posts

Leave a Comment