PARATING NA COVID-19 VACCINES PINAGHAHANDAAN NA NG BOC

SINIMULAN na ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang pakikipag­tulungan sa kanilang partner agencies at warehouse operators para sa paparating na mga awtorisadong Covid-19 vaccines.
Pinangunahan ng BOC-NAIA ang video conference noong Enero 13, 2021 kasama ang labing apat (14) na ahensiya ng gobyerno.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng kinatawan mula sa Department of Health (DOH) na si Dr. Susana Castillo, Engr. Luzviminda Garcia, Heidi Umadac, Dr. Mico Amansec, Dr. Ariel Valencia at Alice Nader mula sa Global Alliance for Vaccination and Immunization.

Kasama rin sa nakiisa ay ang mga kinatawan mula sa NAIA warehouse operators mula sa ECCF Paircargo, Cargohaus, Philippine Airlines (PAL), Philippine Skylanders Inc., Paircargo, DHL, at TMW noong Enero 5, 2021.

Tinalakay dito ang lahat ng protocols, permits at ­pasilidad na kailangan para sa paparating na inaprubahang bakuna.

Ayon kay District Collector Carmelita Talusan, ang NAIA Customer Care Center at Covid-19 One Stop Shop for Covid-19 vaccines ay mapapaunlakan at ­tutulungan ang paparating na importasyon sa
pamamagitan ng Port of NAIA.

Kaugnay nito, ang Port of NAIA ay patuloy sa pagbabantay at nananatili sa kanilang pangakong suporta kay Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa ­inisyatiba nitong protektahan ang hangganan sa hindi ligtas, mapanganib, ipinagbabawal at hindi ­rehistradong kalakal na makapasok sa bansa.
(Joel O. Amongo)

38

Related posts

Leave a Comment