PEKENG ANTIGEN KITS AT GAMOT SILAT, TSINONG NEGOSYANTE ARESTADO

HINDI bababa sa P150 mil­yon halaga ng iba’t ibang pekeng antigen test kits, gamot, facemask at mga iba pang branded merchandise ang sinamsam ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa isang operasyon sa lungsod ng Maynila.

Sa tulong ng isang impormante, partikular na sinalakay ng BOC ang isang bodega kung saan umano nakabarega ang mga bagong puslit na kargamento.

Bitbit ang isang search warrant sinalakay ang pakay na bodega kung saan tumambad ang mga kahon-kahong medical logistics mula sa bansang Tsina.

Kabilang sa mga kinumpiskang kalakal ang mga pekeng Clungene COVID-19 antigen test kits, mga Chinese herbal medicine, laksa-laksang Linhua na higit na kilalang gamot kontra COVID-19 at mga substandard 3M N95 face mask.

Hagip din sa nasabing operasyon ang mga pekeng damit, sapatos at bag na may kalakip ng mga mamahaling brand tulad ng Nike, Fila, Converse, Adidas, Louis Vuitton at Gucci bags, wallets, phone accessories, atbp.

Sa pambihirang pagka­kataon, nagawa ring dakpin ng ahensya ang pinaniniwalaang kapitalista sa likod ng mga ipinuslit na kontrabando – isang Chinese national na siya ring may-ari ng sinalakay na bodega.

Sa isang pahayag ni Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) Alvin Enciso, isang babala ang ipinarating sa iba pang mga sindikatong nagpupuslit ng mga iligal na kontrabando.

“Ang aming trabaho dito ay upang matiyak na ang mga ito ay hindi makapasok sa mga lokal na merkado, at upang ihinto ang anumang hinaharap na pagtatangka sa pagbebenta ng mga pekeng produkto sa ating mga kababayan,” ani Enciso.

Nahaharap naman sa kasong paglabag ng Customs Modernization and Tariff Act at kaugnay na reglamentong inilabas ng Food and Drug Administration (FDA) ang nasabing Tsino.

Related posts

Leave a Comment